Share

Chapter 4

JASMINE

DAGLI ako pumunta ng ospital. Pagdating ko sa Family Care Hospital ay agad akong nagtungo sa emergency room. 

“Nurse, ako po ang tinawagan niyo kanina. Saan po si Hector Pedrosa?” 

“Nasa loob po ng operating room. Kailangan ka po munang i-test kung anong blood type ka.” 

Sigurado akong type O ang dugo ko dahil ‘yon ang sabi ni Nanay sa akin noon na lahat ng miyembro ng pamilya namin ay type O. Policy ng ospital na i-test ang donor bago mag-donate kaya pumayag akong magpa-test. Pagpasok ko sa loob ay kinunan ako ng dugo sa daliri. 

“Pwede na po kayong lumabas, Ma’am. Sabihan po namin kayo kung ano ang resulta.” 

Ilang minuto ang nagdaan ay nilapitan na ako ng nurse. 

“Ano po? Pwede na po ba ako mag-donate?” 

“Pasensya na po, Miss Jasmine. Hindi po match ang dugo niyo sa tatay niyo. Type A po kayo.” 

Nanlaki ang mata ko. Hindi pwedeng hindi kami match ni Tatay. 

“Po? Ano na po ang mangyayari sa tatay ko kung wala akong mahanap na type O? Wala po ba kayong dugo dito?” natatarantang tanong ko sa kanya. 

“Pasensya na po, Miss Jasmine, saktong naubusan po kami ng blood stock. Kung wala po kayong mahanap na donor, baka po hindi maging successful ang operasyon ng tatay mo. Marami pong dugo ang nawala sa kanya.” 

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi lang dahil sa iba ang dugo ko, pati na rin ang kaligtasan ni Tatay Hector. Malayo si Nanay kaya hindi siya makakapag-donate. Hindi ko rin alam kung nasa’n si kuya. Type B naman si Stella at alam kong Type A si Philip kaya hindi sila pwedeng maging donor ni Tatay. Kailangan kong maghanap ng donor sa lalong madaling panahon. 

“Paano ‘yon, Philip? Anong gagawin ko?”

“Teka, subukan kong maghanap ng dugo sa ibang ospital. Ayos lang ba kung iwan muna kita rito?”

Tumango lang ako saka naman niya ako iniwan sa ospital.

Wala akong maisip na paraan. Blanko ang utak ko dahil sa nangyari. Nang bumalik ako sa huwisyo ay naisipan kong tawagan si Sir Fabian. Kakapalan ko na ang mukha ko, mailigtas lang ang tatay ko. 

“Hello. This is Fabian Forbes speaking.” 

Hindi ako makapagsalita dahil nahihiya akong humingi ng tulong dito. 

“S-Sir Fabian, si Jasmine po ito,” pagtangis kong sambit sa pangalan niya. 

“What happened? Why are you crying?” 

“K-Kailangan ko po ng tulong niyo, Sir. Nasa Family Care Hospital po ako, kailangan ko ng blood type O para sa tatay ko. Wala na akong mahanap na blood donor. Hindi raw magiging successful ang operasyon kung walang dugo.” 

“Type O ako. I can be his donor. I’ll be there just hang on.” 

Nakahinga ako nang maluwag dahil nakahanap kaagad ako ng donor. Pagdating ni Fabian ay agad siyang nai-test ng nurse at nag-match ang dugo niya. Napangiti ako dito at nagpasalamat sa Diyos. Matapos mag-donate si Fabian ay lumapit siya sa akin. 

“Your dad will survive, you don’t have to worry, Miss Jasmine.” Kung hindi ko kinapalan ang mukha kong tawagan si Fabian, baka tuluyan nang nawala sa akin si tatay. Pero may bumabagabag sa isip ko. Kung type A ako, ibigsabihin ba no’n ay hindi ko totoong mga magulang sina Nanay Lorena at Tatay Hector?

***

NAKAHINGA ako nang maluwag nang malamang successful ang operasyon kay tatay. Mugto ang mata ko sa kaiiyak at kadadalangin sa Diyos. Katabi ko si Fabian na katulad ko na naghihintay sa resulta ng operasyon. Nagpasya siyang hindi umuwi dahil malaki ang posibilidad na kailangan pa nila ng dugo. Wala na rin akong balita kay Philip dahil hanggang ngayon ay hindi pa siya bumabalik. I tried to call him pero cannot be reached siya.

“Nasa ICU na ang tatay mo, Ma’am Jasmine. Under observation siya at kapag stable na ang lagay niya, puwede siyang ilipat sa private room.” 

“Maraming salamat po, Doc.” 

Pagkaalis ng doctor ay nilingon ko si Fabian. 

“Maraming salamat po, Sir Fabian. Kung hindi dahil sa’yo ay baka hindi na naka-survive si tatay.” 

Ngumiti siya sa akin at tinapik ang balikat ko. 

“No worries, Miss Jasmine. Kahit naman hindi kita kilala ay tutulungan pa rin kita kasi buhay ng tatay mo ang nakasalalay dito.” 

“Pasensya na rin kung naghintay ka. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo.” Huminga nang malalim si Fabian. 

“So, I need to go home now. At saka ikaw, magpahinga ka na rin,” aniya saka ako tumango. 

Naiwan akong tulala habang iniisip ko ang magiging gastusin ko dito sa ospital. Sigurado akong hindi sapat ang kinita ko sa karinderya at baguhan pa lang ako sa Beauty Magazine.

Bumuntong-hininga ako dahil kailangan kong kumayod pa pambayad dito. May lumapit na isang babaeng may edad na sa tingin ko’y singkwenta anyos na. May kasama rin siyang tantya kong tatlong taong gulang na batang babae. Umiiyak sila pareho at humahagulgol nang lapitan ako. 

“K-Kamusta ang lagay ng tatay mo?” tanong niya sa akin. 

“Ayos na po. Successful na po ang operasyon niya.” 

Biglang nanghina ang mga tuhod niya at saka napasigaw ng, 

“Jusko! Salamat naman sa Diyos!” 

Nginig na hinawakan niya ang dalawa kong kamay. Ramdam ko ang malamig na temperatura nang hipuin niya ako. 

“Hija, ako ang asawa ng driver ng truck. Masuwerte ang tatay mo, buhay. Samantala ang asawa ko, binawian na ng buhay dahil sa dami ng dugong nawala sa kaniya. H’wag kang mag-alala dahil ako magbabayad sa pang-ospital ng tatay mo. Gagamitin ko ang insurance ng asawa ko,” mangiyak-ngiyak niyang salaysay sa akin. 

Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung maiinis o maaawa ako sa kaniya. Kailangan nilang panagutan ang nangyari kay tatay pero kawawa naman siya. Sa tingin ko ang asawa niya lang ang tumataguyod sa kanila. Mahigpit kong hinawakan ang makamay niya. 

“Wala po ba kayong trabaho? Paano kayo mabubuhay niyan kung patay na asawa niyo?” 

“May kaunting sari-sari store naman ako, baka sapat na ‘yon para sa pang-araw-araw na pangangailangan namin.” 

Napatingin ako sa bata at nakaramdam ako ng awa. Baka magawan ko pa ng paraan na mabayaran ang bills ni tatay. Kawawa naman sila kung pati insurance kukunin ko.

“Sige po. H’wag na po kayong mag-alala sa bills. Condolence po sa asawa niyo,” malungkot kong sabi sa kaniya. 

“S-Sigurado ka, hija?”

“Sigurado po ako. Alam kong kailangan niyo po ang insurance na ‘yon lalo na’t alam kong may mga anak pa po kayo.”

“Sa totoo niyan, hija, apo ko itong dala ko. Namatay din kasi ang anak ko no’ng nakaraang taon dahil sa sakit na breast cancer. Hirap na hirap na ako dahil tatlo ang anak ang iniwan niya tapos ang asawa niya ay may sarili na ring pamilya. Pero sigurado ka ba talaga sa desisyon mo? Puwede ako magbigay ng kahit kaunting tulong lang,” naiiyak niyang salaysay sa akin.

“Okay po. Ayos lang po sa akin ‘yon. Isipin niyo po ang kapakanan ng pamilya mo, lalo na ngayon ay nag-iisa kang kakayod para sa mga apo mo.”

Malakas na humagulgol ang babae sa akin. May dala pa siyang punting panyo na kanina pa niya pinupunasan ang luhaan niyang mga mata. 

“Maraming salamat, hija! Maraming salamat.” 

Bahagyang napangiti ako dito at tumango. Aalis na sana asana siya nang biglang sinugod siya ni Nanay Lorena. Hinablot ang buhok saka ito galit na sumigaw. 

“Walang hiya ka! Hindi ako papayag na hindi niyo papanugutan ang ginawa ng asawa mo sa asawa ko!” 

Nanlaki ang mata ko dahil sa biglaang pagbisita ni Nanay sa ospital. Dumating rin si Kuya Oliver na sa palagay kong sabay silang pumasok dito. 

“Aray ko po! Tama na po!” naiiyak na usal ng kaawa-awang babae. Lumapit ako kay Nanay Lorena at hinawakan ko ang kamay niya para tanggalin ang pagkahawak nito sa buhok ng babae. “

“Nay, tama na po! Nag-usap na kami. Magbibigay na lang siya ng kaunting tulong sa atin. Patay na ang driver. Patay na ang asawa niya kaya kahit do’n man lang ay maawa ka naman sa kaniya!” 

Kumalma ang loob ni Nanay Lorena saka niya hingal na tiningnan niya ng masama ang babae. 

“Ipapakulong kita kung tatakasan mo kami!” galit na sigaw niya. 

Hinawakan ko ang braso ni Nanay nang akmang sasabunutan niya muli ang babae. Tinulungan na rin ako ni Kuya Oliver sa pagpigil kay Nanay kaya hindi na niya ito ginawa. 

“Humihingi po ako ng tawad sa nangyaring insidente. Pinapangako kong magbibigay ako ng tulong gamit ang insurance ng asawa ko.” 

Tumigil si Nanay dahil sa narinig niya. Naawa siguro siya dahil patay na ang asawa nito. Huminga nang malalim si Nanay at saka umupo sa may bench sa gilid. Hinayaan na naming umalis ang babae at naiwan kaming tatlo. 

“Kumusta ang lagay ni Tatay, Jasmine?” tanong ni Kuya Oliver sa akin. 

“Successful na ang operasyon niya at nasa ICU na siya.” 

Hindi ko pwedeng sabihin sa kanila na tinulungan ako ni Fabian. Hindi ko rin puwedeng sabihin kay Nanay Lorena na iba ang dugo ko. Kailangan kong itago ito sa kanila.

“Magpahinga na muna po kayo, Nay sa bahay. Ako na muna ang magbabantay kay Tatay,” aniko dito kaya galit na tumindig si Nanay Lorena. 

“Kung hindi ka sana natanggal sa scholarship mo, hindi na sana kumayod pa si Hector para may pangtustos nya sa atin. Hindi ka ba naawa sa kanya? Bakit pinipilit mo ang sarili mong maghanap-buhay? Gamitin mo naman ‘yan talino mong ‘yan!” 

Dinuru-duro ako ng kamay niya saka tumalsik ang laway siya sa akin. 

“Kasalanan mo ‘to! Kasalan mo ‘to!” 

Nangalit ang mga ngipin ko dahil sa akin na naman binaling ang nangyari kay tatay. Hindi ko na napigilang maluha sa harap niya at saka magsalita. 

“Bakit palagi ako, Nay? Wala na ba talaga akong kuwenta sa inyo? Hindi niyo ba nakitang nagsasakripisyo din ako para maihaon kayo sa hirap? Bakit parang ang laki ng atraso ko sa inyo?!” 

Malakas na sampal ang natamo ng pisngi ko pagkatapos kong sabihin ‘yon. Palagi na lang ganito. Palagi na lang ako ang may kasalanan. Humugot ako ng malalim na hininga at saka tumingin ako kay Nanay. Tanaw ko sa mga mata niya na hindi nga niya ako minahal. Na hindi nga niya ako tunay na anak. Na hindi nga kami magkadugo. 

Siyensiya na ang tumulong sa akin para imulat ko ang mga mata ko sa katotohanan. 

Sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko. Masid kong naglakad palayo ang mag-ina habang ako ay naiwan sa ospital. Pinahid ng likod ng palad ko ang mga luha saka nagpunta sa ICU. Mabuti na alng ay pinayagan ako ng nurse. Nag-suot muna ako ng personal protective equipment bago ako pumasok ng ICU. Naluha akong makitang nakahilata lang sa kama si tatay na walang malay. 

“Alam ko na ang totoo, Tay. Alam ko nang hindi ako ang tunay niyong anak. Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil naging tatay ko kayo. Please. Lumaban ka. Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko kung ikaw ay mawala sa akin. Wala na akong ibang matatakbuhan dahil hindi ako mahal nina Kuya at Nanay. Ikaw lang ang tunay na nagmamahal sa akin.” 

Hinawi ko ang buhok ni Tatay. Biglang pumasok sa isip kong h’wag ko na lang ipaalam sa kanila ang nalaman ko. Ngayon ay alam ko na kung saan ako lulugar. Kung kagustuhan man ni Nanay Lorena na lumayo ako sa kaniya, gagawin ko, h’wag lang ako mawalan ng tatay. Ngumiti ako rito habang pinagmamasdan kong lumalaban si tatay. 

“Maraming salamat, Tay. Salamat dahil hindi ka sumusuko. Pinapangako ko sa inyong babangon tayo sa hirap at ikaw ang unang makakatikim ng tagumpay na ‘yon.” 

Marahang hinawakan ko ang kamay ni Tatay saka ako lumabas ng ICU. Nagpasya akong magpahinga sa bench. Ayokong umuwi ng bahay dahil paniguradong pagagalitan lang ako ni Nanay Lorena. Mas mainam na rito, tahimik lang at mababantayan ko pa si tatay.

Tatlong araw na ang nakalipas ngunit hindi pa rin gumigising si tatay. Ang sabi ng doktor sa akin na naka-coma pa ito at mag-antay lang ilang araw bago ito magising. 

Nagpunta ako sa cashier para sana tanungin kung magkano na ang bill ko. Nanlaki ang mata kong mapagtanto na three hundred pesos na pala ang ospital bill ko. At dahil magtatagal pa kami sa ospital, paniguradong tataas pa ito.

“Saan ako kukuha ng pera ngayon?” tanong ko sa sarili ko.

Naglakad-lakad ako sa labas ng ospital para magpahangin. Wala akong maisip na iba pang paraan kundi ang lumapit muli kay Sir Fabian. Agad akong umiling.

“Hindi. Hindi ka ulit lalapit kay Sir Fabian. Sobra-sobra na ang pag-donate niya ng dugo kay tatay.”

Napaupo ako sa bench saka sinapo ko ang magkabilang pisngi ko. Huminga ako nang malalim dahil sa problemang ito. Ilang sandali pa ay biglang nahulog ang isang card sa tapat ko. Kaagad ko itong pinulot at ginala ng mata ko ang paligid ngunit hindi ko na mahanap ang taong may-ari nito.

Napatingin muli ako sa card at binasa ko ang nakalagay dito.

“VIP Marriage?” kunot-noo kong bigkas.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status