Share

Chapter Two

Madilim na nang makauwi si Val mula sa treehouse. Sa kusina siya dumaan at patakbong inakyat ang mataas na hagdan ng mansion ng lola niya. Nasa third floor kasi ang kwarto niya.

Nakahinga siya ng maluwag nang marating niya ang pinto ng kwarto niya nang walang nakakasalubong.

Ngunit pagbukas niya ay napasinghap siya sa gulat. Bumulaga sa kaniya ang lola at Mommy niya na halatang naghihintay sa kaniya. Nakapwesto ang mga ito sa sofa set sa isang sulok ng kwarto niya. Sa sobrang laki ng kwarto niya ay may sariling mini-living room iyon.

“Where have you been?” seryosong tanong ng lola Mildred niya.

“Ah kina Ginny po, grandma.” Pilit niyang ngiti at hinalikan ang mga ito sa pisngi.

Hindi napansin ni Val na nagtinginan ang mommy at lola niya ng makahulugan. Ang isipan kasi ni Val ay nasa plano pa nilang pagtanan ni Devon bukas.

“May kailangan po ba kayo sa’kin? Maliligo na po sana ako.”

Nagkatinginan ulit ang mga ito bago nagsalita ang mommy niya. “Anak, may sasabihin sa’yo ang grandma mo.”

Kumunot ang noo niya nang mapatingin sa lola niya. Namamasa ang mga mata nito.

“Lola?”

“Apo, gusto ko sanang itago ang lahat sa’yo dahil ayaw kong mag-alala ka pero baka malaman mo rin at mas mabuti ng sa’kin mo malaman.”

Bigla siyang kinabahan. “Ah sure po.” Napilitan siyang umupo.

Napahawak siya sa bracelet niya para laruin iyon. Gawain niya iyon kapag kinakabahan siya or worried. Pero gulat na napatingin siya sa hawak. Hindi iyon ang bracelet niya. Kunot ang noong tinitigan niya ang bracelet. Simpleng golden chain na may heart pendant at sa gitna ng heart ay may apoy.

“You’re my fire.” Naalala niyang sabi ni Devon kanina.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang maisip ang nangyari sa kanila. Ramdam niya din ang pag-init ng mukha niya. Sigurado siyang namumula siya. Siguro ay isinuot ni Devon ang bracelet sa kaniya habang tulog siya. Pag-alis ng lola at mommy niya ay tatawagan niya si Devon. Mula nang maging sila ay wala na itong ibang ginawa kungdi ang pakiligin siya.

“Valentina, okay ka lang?” biglang tanong ng lola niya.

“Ah opo, lola. Ano po ‘yong sasabihin ninyo?”

Bumungtung-hininga ang lola niya. “Apo, may sakit ako.”

Kumunot ang noo niya. “Ahm, so uminom na po ba kayo ng gamot?”

“Hindi pero-”

Napatayo siya. “Kukuhanan ko kayo ng gamot. Wait lang.”

“Apo teka.”

Mabilis siyang pumunta sa dresser niya at kinuha roon ang heart-shaped na first-aid kit. Mabilis din siyang kumuha ng bottled water sa personal ref niya sa kwarto niya. Naririnig niya ang pagtawag ng mommy at lola niya pero hindi niya pinansin ang mga ito. Gusto niyang madaliin ang pag-alis ng mga ito para matawagan niya na si Devon.

Pagbalik niya sa sopa ay tumabi siya sa lola niya at mabilis na binuksan ang first aid kit. Kumuha siya ng KoolFever patch at mabilis iyong itinapal sa noo ng lola niya. Makakatulong iyon para bumaba ang lagnat nito. Mabilis rin siyang kumuha ng paracetamol at pilit iyong isinubo sa lola niya. Then she gave her water.

Halatang napilitang uminom ang lola niya na ikinangiti niya. Ang mommy niya ay nakahawak sa noo at iiling-iling. Hindi niya ito pinansin.

“Lola, ngayon itulog ninyo na lang iyan at sigurado ako na bago mag-umaga wala ka ng sakit.” Enthusiastic na sabi niya na para bang nagi-endorse siya ng isang product sa customer.

Nagkatinginan muli ang mga ito at nakangiwing tumingin sa kaniya na para bang hindi alam ng mga ito ang gagawin sa kaniya. Inalis ng lola niya ang nakatapal sa noo nito. Unti-unting nawala ang ngiti niya.

“May dumi ba ako sa mukha?” concious na tanong niya at nanlaki ang mga mata.

Oh my God, paano kung all this time may dumi pala siya sa mukha at hindi sinabi sa kaniya ni Devon? Paano kung ang pangit niya pala kanina at…

“Apo, may cancer ako.” Biglang sabi ng lola niya at parang biglang tumahimik ang buong mundo.

Ilang sandaling pinaglipat-lipat niya ang tingin sa dalawang babaeng pinakaimportante sa buhay niya. Ang seryoso ng mukha ng mga ito. Nang wala pa ring magsalita ay natawa siya bigla.

“May na bukas kaya hindi na uubra ang April fools, okay?”

Tumawa ulit siya ng malakas. Paano naman magka-cancer ang lola niya, eh ang lakas lakas nito? Kahapon lang nakita niya itong nangangabayo. Noong isang araw nag-hiking din ito.

Muntik na nga silang mahuli ni Devon dahil dito eh. Hindi niya alam kung bakit lagi itong napapadpad sa mga lugar na pinagtatambayan nila ni Devon. Nagtatago nga sila eh.

“Apo…”

“Lola naman eh, huwag ninyo nga akong biru-” hindi niya natapos ang sasabihin dahil nakita niya ng umiiyak ang lola niya.

“Lola?”

“Seryoso ako apo. May cancer ako.” Sabi nito at mas lumakas ang paghikbi.

“Pero paanong-”

Hindi niya ulit natuloy ang tanong dahil mas lumakas pa ang pag-iyak nito. Wala siyang nagawa kungdi ang manahimik at yakapin ito. Marami siyang tanong pero hihintayin niya munang kumalma ito bago siya mag-usisa. Hindi siya makapaniwalang may sakit ito at malapit ng mamatay.

Naramdaman niya ang pagkabasa ng balikat niya kaya unti-unti siyang humiwalay rito para bigyan ito ng tissue. Kumuha siya ng tissue sa heart-shaped na tissue box at inabot iyon sa lola niya. Tumaas ang kilay niya nang tumigil ito sa pag-iyak para lang inspeksyunin ang tissue.

“Apo, hindi ako gumagamit ng tissue.” Sabi nito at bumalik sa pag-emote.

“Ah, of course lola.” Mabilis niyang kinuha ang dala niyang bag at kinuha ang linen handkerchief roon. Ang lola niya ay masyadong high maintenance at hindi basta-basta gumagamit ng mga disposable things. “Here po, lola.”

Kinuha iyon ng lola niya at idinampi-dampi sa basa nitong pisngi. Napaka-sophisticated talaga nito. At pinalaki siyang maging kasing-sophisticated nito. Pero alam niyang kung sasama siya kay Devon bukas para magtanan, siguradong kakailanganin niyang magtrabaho, at anong klase ng trabaho ang papasukan niya? Animo’y nabasa ng mommy niya ang nasa isipan niya nang magsalita ito.

“Kaya Val, we decided na huwag nating bibigyan ng sama ng loob si mommy.” Sabi ng mommy niya at tumingin sa lola niya. “Gusto ko rin na iwasan mo ang paglabas-labas so you can spend more time with your grandmother.”

Hindi niya alam ang sasabihin. Paano si Devon? Paano ang plano nila? Kailangan niyang makausap ang lalaki. Pero kung hindi siya sasama rito, bukas ay aalis na ito papuntang New York. At malaki ang chance na hindi na sila magkita pang muli.

Pero paano naman ang lola niya? Maiiwan niya ba ito ngayong may sakit ito?

“You can do that, right apo? I wanna spend more time with my only granddaughter.”

Hindi siya nakasagot agad. Biglang sumikip ang dibdib niya at napahawak siyang muli sa bago niyang bracelet para laruin iyon.

“Anak,” sabi naman ng mommy niya. “Kaysa sayangin mo ang oras mo kasama ang-” hindi itinuloy ng mommy niya ang sasabihin na para bang may na-realize ito.

Tiningnan naman ito ng masama ng lola niya kaya kumunot ang noo niya.

Teka nga? Something’s fishy here.

Pinaglipat-lipat niya muna ang tingin sa dalawa bago nag-focus sa lola niya na biglang tumigil sa pag-iyak. “What kind of cancer, grandma?”

Napalunok ang lola niya at napatingin sa mommy niya. “Ahm, cancer…Ah sa tiyan.”

“Sa tiyan. What type?” tanong niya na ikinagulat ng mga ito.

“Bakit may iba’t ibang klase ba ng cancer sa tiyan?” naguguluhang tanong ng mommy niya at doon pa lang ay alam niya ng nagsinungaling ang mga ito.

“Yes. There are different types based sa eksaktong part na pinaglalagyan ng tumors.”

“At paano mo nalaman ang mga ganyang bagay. Architecture student ka.” Sabi ng mommy niya.

“Nakalimutan ninyo bang Medicine student si River? He wants to specialize in oncology kaya oo pamilyar ako sa usaping cancer.”

Hindi nakasagot ang mga ito. Napabuntung-hininga siya at masama ang loob na tinitigan ang mga ito. Obvious na nagsinungaling ang mga ito.

“You lied to me and for what?” naiiyak niyang sabi. “Dahil sa relasyon ko kay Devon? Handa kayong magsinungaling para lang paghiwalayin kami?” Tuluyan na siyang naiyak.

“Anak pasensya ka na kasi-”

“No mom. Kahit magsorry kayo ngayon ay masama pa rin ang loob ko. And sa lahat ng paraan, cancer pa talaga ang naisip ninyo? Namatay ang kapatid ni River dahil sa cancer kaya nga gusto niyang pag-aralan iyon. Seryosong sakit ang cancer tapos ginagawa ninyo lang na parang biro.”

“Sorry talaga apo. Hindi namin napag-isipan ng maayos ang lahat. Ang tanging nasa isip lang namin ay ang kapakanan mo. Isang bad influence ang Joaquin na iyon sa’yo. Mapapariwara ka kung ipagpapatuloy mo ito. That son of the devil will ruin you.”

Napatayo siya at buong tapang na hinarap ang mga ito.

"Well, he's maybe a devil, but he's my devil." sabi niya. "At huli na ang lahat dahil may nangyari na sa'min."

Napasinghap ang dalawa at sabay na napatayo. Hindi niya inaasahan ang sunod na nangyari. Bigla na lang tumama sa kaliwang pisngi niya ang palad ng lola Mildred niya. Sa gulat niya ay hindi agad siya nakakilos.

Iyon ang kauna-unahang beses na nasaktan siya ng lola niya. Kahit ang mommy at daddy niya ay never siyang sinaktan. Sadyang ini-spoiled at tinuturing siyang prinsesa ng lahat dahil nga nag-iisang babaeng apo siya. Lahat ng mga pinsan niya ay mga lalaki. Kahit nang istriktuhan siya ng mga ito dahil kay Devon ay nasunod pa rin ang gusto niya. Gusto ng lola niya na magkaroon siya ng bodyguard pero sa huli ay nasunod ang gusto niya na wala.

But now…Now, her grandmother just slapped her precious face.

“Apo, I’m sorry.” Sabi ng lola niya at sinubukan siyang hawakan pero umiwas siya at umiiyak na tumakbo papunta sa kama niya.

“Please leave me alone.” Sigaw niya bago tumalukbong ng kumot at umiyak sa unan niya.

Ilang minuto rin ang lumipas bago niya narinig ang pagbukas ng pinto ng kwarto niya at ang muling pagsara niyon. Saka lang siya humagulgol na.

Dahil sa ginawa ng mga ito ay buo na ang desisyon niya na sumama kay Devon bukas.

*****

Sa kabilang banda ay bwisit na bwisit si Devon. Pagkagaling sa tree house ay naabutan niya sa bahay ang daddy niya at ang apat niya pang kapatid. Dapat ay nasa Maynila ang mga ito.

“Dev, hindi ka ba masaya na dinalaw ka namin?” tanong ni Tyron. Tiningnan niya ito ng masama dahilan para magtawanan ang lahat. Kahit si Drake, ang panganay nila, ay ngumiti. Gayung kadalasan ay nakasimangot ito at palaging seryoso.

“Gusto lang naman naming malaman kung kumusta ang pagbabagong-buhay mo rito.” Pang-aasar pa ni Wilder. Mas nakakaasar pa dahil ang seryoso ng mukha nito, hindi tulad ni Tyron na laging nakangiti kapag nang-aasar.

Hindi kaila sa mga ito na naroon siya sa Davao bilang parusa dahil sa pagiging troublemaker niya raw. Ilang beses siyang nasangkot sa gulo. Madalas din siya sa mga bar at clubs na laging napi-feature sa mga news kaya nang mapuno ang daddy niya ay pinadala siya sa Davao. Nakakasira daw siya ng reputasyon.

Sigurado din siyang alam na ng mga kapatid niya ang tungkol kay Val.

Hindi niya maiwasang mapangiti nang maisip si Val at ang nangyari sa kanila kanina. Hindi na siya makapaghintay na magsimula sila ng silang dalawa lang at wala ang mga pamilya nila na tutol sa kanilang pagmamahalan.

“So you’re really in love.” Biglang sabi ni Gabriel, ang bunso nila.

Nawala ang ngiti niya. “Huh?”

“Napapangiti ka ng walang dahilan. Para kang baliw.” Sabi ni Tyron. “What’s her name again? Is she beautiful?”

Bago siya makasagot ay naunahan siya ni Drake.

“Her name is Valentina Jade Villamayor. And yes, she’s beautiful. Very beautiful.”

Para siyang sinilaban at gusto niyang sugurin si Drake. “How the hell did you know her name? And you have no right to say whethere she’s beautiful or not.”

“Relax. Kilala ko siya dahil nagkakilala na kami dati. We’ve been introduced before.”

“What? How?” Napatayo na siya at lumapit sa kinauupuan ni Drake.

“Three years ago. Fiesta dito noon at nagkabanggaan kami sa sayawan. At ilang beses na ring nag-krus ang landas namin dito sa Davao.”

Wait a minute…

Lalo lang siyang nabwisit sa narinig. Ganoon na ganoon din ang nangyari sa una nilang pag-uusap ni Val. Ilang lalaki ba ang nakakabanggaan ni Val sa sayawan? Although siya ay sinadya niya itong banggain. He wanted to talk to her kaya gumawa siya ng paraan para makausap ito. Iyon nga lang, tinarayan lang siya nito.

Sinadya rin kaya ni Drake na banggain si Val para makausap ito? Pero bago niya pa ito matanong ay lumitaw ang daddy nila sa sala kung saan sila nakpwesto.

“Kids,” sabi nito na ikinangiwi ng lahat. Hindi na bagay sa kanila ang tawaging kids. “I’ll be out for a while. Huwag ninyo na akong hintayin for dinner.” Sabi nito at agad umalis.

“Grabe, hindi pa nga siya isang araw dito, may katagpo na agad siyang babae.” Sabi ni Wilder.

“Paano mo nasabing babae ang katagpo niya?” inosenteng tanong ni Gabriel.

“Nakita mo ba ang ayos niya? Masiyadong nag-effort.”

“I want to be like him when I grow up.” Sabi naman ni Tyron at tiningnan nila ito ng masama. Ngumisi lang ito sa kanila.

Napailing-iling siya. Sa kanilang lima ay si Tyron ang pinakababaero. Mukhang gusto nga nitong sundan ang yapak ng daddy nila.

“By the way, naka-empake ka na ba para bukas Dev?” tanong ni Drake. “Ihahatid ka namin sa airport.”

Hindi siya nakasagot. Hindi niya alam kung dapat niya bang sabihin sa mga ito ang plano nila ni Val.

*****

Sa kabilang dako ay ngiting-ngiti si Hernan Joaquin habang nakatitig kay Mildred Villamayor. Samantalang si Mildred naman ay masama ang tingin sa kaniya.

“I told you to keep your son away from my granddaughter.” Sabi nito.

“Don’t worry, bukas ay matatapos na ang lahat. Ipapadala ko siya sa New York.”

“Good, then.” Sabi nito at biglang tumayo.

“Wait, aalis ka na agad? Hindi ka man lang kakain? Nagpapaluto pa ako sa chef.” Sabi niya.

One hour ago ay nakatanggap siya ng mensahe mula rito na kailangan nilang magkita at mag-usap. Agad siyang nagpa-reserve ng isang buong restaurant. Buti na lang malaki ang influence niya kaya kahit biglaan ay may restaurant na pumayag.

“I don’t eat with cheaters.” Sabi nito.

Napangiwi siya. “I told you I didn’t cheat. How many times-”

“I don’t care.” Walang emosiyong sabi nito at tinalikuran siya.

Walang nagawa si Hernan Joaquin kungdi muling panuorin ang papalayong likod ng kaniyang first love.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status