Share

The Rich Man's Daughter
The Rich Man's Daughter
Author: Faded Name

Prologue

"'Wag ka ng bumili ng ulam mamaya, Jane, anak ha? Magluluto ako ng gulay ngayon. Kailangan muna nating magtipid at malapit na ang bayaran ng kuryente, baka maputulan nanaman ulit tayo."

Bago tuluyang lumabas ng bahay ay ngumiti ako. "Opo, ma." Malapad lang akong nakangti, bago tuluyang nagpaalam. "Sige po, alis na ako."

Hinalikan ko sa noo at nginitian si mama bago tuluyang umalis ng bahay. Hindi na ako nakapagpaalam pa sa kapatid ko dahil mahimbing pa itong natutulog.

May ngiti sa labi akong naglakad papunta sa pinagtatrabahuan kong kainan. Kahit mahirap ang buhay namin, at araw-araw naming problema ang pera para makaraos sa hirap ng buhay, hindi ko parin nakalilimutang ngumiti. Dahil na rin siguro sa itinuro ito sa amin ni mama. Kahit anong hirap, 'wag na 'wag kalilimutang ngumiti.

Ilang minuto lang din at nakarating na ako sa pinagtatrabahuan kong kainan, ilang kanto lang ito malapit sa amin. Inaamin ko na nakakapagod itong trabaho ko. Pero hindi ko kailangang maramdaman 'yon araw-araw dahil ako lang ang nagtatrabaho at bumubuhay sa pamilya ko. Ngayon nga, binilin na ako ni mama na magbabayaran nanaman ng kuryente, para hindi kami maputulan ay kailangan kong kumayod ng doble at mag-over time dahil hindi sapat ang sinusweldo ko bilang tagaserve ng pagkain at kailangan ko pang magsideline bilang tagahugas ng pinggan.

"Pwede ka ng umuwi, Jane pagkatapos mo diyan. Heto ang sweldo mo para sa araw na ito." Matapos ang buong araw na pagtatrabaho, sa wakas makauuwi na rin ako nang may perang iaaabot kay mama. Inabot sa akin ni aling Fe ang limang daang peso. Mabilis ko munang pinunas ang kamay ko na may bahid pa ng sabon sa maong na pantalong suot bago inabot ang bayad.

"Salamat po. Malapit na rin po akong matapos rito, pagkatapos ay uuwi na rin ako. Salamat po ng marami," nakangiting pasalamat ko. Hindi na mamomroblema si mama, may pambayad na kami ng kuryente. Tamang-tama na ito para mabawasan ang isipin niya.

Matapos ng trabaho ko ay kinuha ko ang bag ko bago muling nagpaalam kay aling Fe. Nang makalabas ay agad na gumuhit ang ngiti sa aking labi nang makita ang sundo ko.

"Mahal!" Kahit mahirap ang buhay, basta masaya lang ako, kontento na ako. Makita ko lang ang lalaking ito, nawawala ang pagod ko.

"Mahal!" bati ko pabalik bago tumatakbong lumapit sa kaniya.

"Dahan-dahan, baka madapa ka. Ikaw naman, hindi mo na kailangang tumakbo." Hindi ko mapigilang mapangiti at marahan siyang hampasin sa braso niya. Kahit kailan, napaka-alaga niya talaga. Kaya mahal ko siya eh.

"Hindi ka pa nasanay," pabiro kong sagot sa kaniya. Natawa naman siya bago kinuha ang dala kong bag at isang maliit na supot ng ulam. Natira ito sa tinda ni aling Fe. Pinadala nalang sa akin para raw may ulam kami ngayong gabi. Total libre naman, kinuha ko na.

Nagsimula na kaming maglakad pauwi sa bahay namin. Magkahawak kamay, habang isa-isang tinitingnan ang nadaraanan at palitang nagsasabi ng pangarap namin sa isa't isa.

"Basta gusto ko ikaw ang maging asawa ko." Nabaling ang paningin niya sa akin dahil sa sinabi ko. Mas lalo ko namang nilawakan ang ngiti ko habang tinitigan niya ako. "Bakit? Ayaw mo?" Nagbago ang timpla ng mukha ko nang walang matanggap na sagot mula sa kaniya.

"Gusto, syempre." Ilang segundo pa ang lumipas bago ko natanggap ang sagot niya.

"Oh, bakit ganyan ka kung makatingin sa akin?" Bumalik ang ngiti sa labi ko.

"Wala lang. Ang swerte ko lang sa 'yo. Ang ganda-ganda mo kasi, ang sipag-sipag, napakaswerte ng nanay mo sa 'yo. At mas lalong swerte ako sa 'yo kapag napangasawa kita," mahaba niyang linya. Ang tamis niya, ha. Ang dami niya pang nasasabi eh, hindi nalang sabihin na gusto niya rin akong maging asawa.

"Alam mo, mas swerte ako sa 'yo. Dahil may boyfriend akong sobrang sweet at caring." Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kaniya.

Pareho nalang kaming natatawa sa pinagsasabi namin. Nasa ganun kaming sitwasyon hanggang sa makarating kami sa bahay. Naabutan ko si Alex na naglalaro sa labas ng bahay. Tumakbo ito palapit sa akin nang makita ako. Sinalubong ko ito ng mahigpit na yakap bago hinalikan sa noo.

Nang makapasok kami sa loob ay agad akong nagmano kay mama, ganun din ang ginawa ni Dave sa kaniya. Inabot niya rin sa kaniya ang dala kong ulam, ngunit napansin kong malungkot ang mukha niya. Sasabihin ko sana na hindi galing sa pera ko ang pinambili sa ulam pero iba ang lumabas sa bibig ko.

"Ma, bakit po?" nag-aalala kong tanong sa kaniya.

Bumaling siya sa bandang sala ng bahay bago ako hinarap. "Anak, may pumunta rito sa bahay..."

Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita. Patakbo akong lumapit sa sala dahilan para makita ko ang mga sako ng bigas, maging ang napakaraming groceries na nagpalaki sa mata ko.

"May pumuntang tao rito anak. Hindi ko kilala, pero kilala nila tayo. Dala nila lahat ng 'yan, ayukong tanggapin pero nagpumilit sila. Ito..." May dinukot siya mula sa bulsa niya. Isang envelop na sigurado akong ang laman ay pera. "Inabot nila sa akin ito."

"Ano pong kailangan nila, ma? May ginawa ba sila sa 'yo. Si Alex, sinaktan ba nila?"

Napalingon ako kay Alex na tumatakbong lumapit sa akin. May dala na itong mga truck truck at kotse-kotsehang laruan. Nakaguhit ang saya at malawak na ngiti sa mukha ng kapatid ko habang nilalaro iyon. Ito ang unang beses na nakita ko ang mukha niya sa ganoong ekspresyon.

"Ma?" Binalik ko ang paningin kay mama. Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng kaba. Ang sikip ng dibdib ko.

Namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Mas lalo akong nag-alala para sa kaniya.

"Ikaw ang hinahanap, Jane. Kapalit ng lahat ng binibigay at ibibigay pa nila, ikaw."

Napahawak ako kay Dave nang bigla akong makaramdam ng hilo. Nanlambot ang mga tuhod ko. Anong ako? Bakit may ako?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status