Share

CHAPTER 37 "BIRTHDAY CELEBRATION"

SUMAPIT ang araw ng kaarawan ng ina ni Jason. At katulad ng naipangako niya ay siya na ang nag-ayos ng lahat ng kailangang ayusin para sa isang espesyal na hapunan na kung tutuusin ay apat lang silang magsasalu-salo.

"Hindi ka ba pumapasok sa trabaho? Bakit parang ilang araw ka nang nandito sa Baguio?" naitanong niya kay Jason. 

Nasa supermarket sila noon para mamili ng mga kakailanganin sa lulutuin niyang mga putahe. Habang si Aling Malou nalang ang inutusan ni Mama Loida na mamalengke para sa mga iba pang mas mainam na bilhin doon.

"Nagsabi naman ako sa kaibigan ko, baka natatandaan mo si Paul?" tanong ni Jason habang itinutulak ang cart.

Sandaling tumahimik si Jenny saka inalala ang sinabing pangalan ni Jason pagkatapos ay tinitigan lang niya ito saka magkakasunod na umiling. "Bukod kay Daniel may iba ka pa bang naging kaibigan?" naitanong niya.

Nakita niyang tila ba nag-alangan si Jason na sagutin ang tanong niyang iyon kaya maagap narin niyang sinundan ang nauna na niyang sinabi.

"It's okay, hindi mo naman kailangang sagutin kung---,"

"No, actually mayroon," ang binatang pinutol ang iba pa niyang gustong sabihin.

"Yeah?" ang hindi makapaniwala niyang tanong.

Tumango si Jason. "Nung maging sila ni Ara naalala mo iniwasan ko silang dalawa? Noon kami naging malapit ni Paul, kaklase rin namin."

Sandaling pinakiramdaman ni Jenny ang sarili niya sa sinabing iyon ni Jason. Nasasaktan ba siya sa inamin nito? Sa huli ay ngumiti siya. Hindi, at wala nang dahilan para makaramdam ng ganoon dahil malinaw na sa kaniya ang lahat at nagkaroon narin sila ng tamang closure.

"Okay, iyon din ba ang dahilan mo noon kaya palaging ako ang kasabay mong mag-lunch?" tanong niya.

"To be honest, yes," sagot muli ng binata. 

Ngumiti si Jenny at nagbuka ng bibig para magsalita pero pinigil iyon sa ikalawang pagkakataon ni Jason. 

"Iyon ang pagkakataon na nagsimula kong marealized kung ano ba talaga ang totoo kong feelings para sa iyo. Natatandaan mo?" 

Napangiti si Jenny sa tanong na iyon ng binata kasabay ng pagbabalik sa alaala niya ng isang eksena sa library kung kaya sa huli ang simple niyang pagngiti ay nauwi sa isang mahina at pigil na hagikhik.

"Hey," ang amuse na reklamo ni Jason sa naging reaksyon niya.

Magkakasunod siyang umiling. "Naalala lang kita doon sa dictionary," aniyang pinasadahan ng basa ang listahan niya saka pagkatapos ay nagpatiuna na sa counter nang matiyak na nabili nang lahat ng nakasulat doon.

*****

"JEN? Jenny, Jennifer Alvarez?" nasa cashier counter na sila nang marinig ni Jenny ang boses na iyon ng isang lalaking nakapila sa katapat niya.

Nilingon niya ang lalaki saka pinakatitigan. Habang ginagawa niya iyon ay nakita niyang ngumiti ito na dahilan kaya naging mas maaliwalas ang gwapo nitong mukha.

Unti-unti ay nagkaroon ng hugis ang itsura nito sa kaniyang alaala hanggang sa lubusan na siyang makatiyak. "Leo, tama ba? Leonardo Vargas?" 

"Hey!" ang lalaking nilapitan siya at saka umalis sa pila nito at pagkatapos ay iniabot ang kamay sa kaniya saka siya kinamayan. "Akala ko hindi mo na ako kilala. Kumusta ka na?" tanong nito sa kanya.

Magbubuka pa sana ng bibig niya si Jenny pero napigil iyon nang marinig niya ang pagtikhim ni Jason na nakatayo naman sa kaniyang likuran. Nilingon niya saka tiningala ang binatang seryoso ang mukhang itinuro ng kahera. 

"Ikaw na," anito sa kaniya. 

Noon nakaramdam ng hindi maipaliwanag na amusement si Jenny kaya naman ang sumunod niya ginawa ay aminado siyang sinadya niya. 

"Ikaw na, ikaw naman ang magbabayad di ba?" aniya ritong iniwan ang binata sa pila saka itinuloy ang pakikipagkumustahan kay Leo.

Nang lingunin niya si Jason ay nakita niya ang matinding pagsasalubong ng mga kilay nito habang nagbabayad sa kahera. Saktong patapos na ang binata nang magpaalam siya kay Leo na bumalik naman na sa iniwan nitong pila kanina.

Nandoon raw ito sa Baguio ngayon para sa isang business-related trip. 

"Jenny," ang seryosong boses ni Jason nang nasa loob na sila ng sasakyan ang narinig niya at pumutol sa lahat ng kaniyang iniisip.

"Huh?" tanong niya.

"Sabi ko mag-seatbelt ka," anito habang nagsasalubong ang mga kilay.

Sandaling natigilan si Jenny sa nakita niyang reaksyon ni Jason. Pagkatapos ay ipinagkibit-balikat nalang niya ang kasungitan na nakarehistro sa mukha nito saka sinunod ang ipinagagawa nito. 

Nasa daan na sila pabalik nang marinig niyang tumunog ang kaniyang cellphone. Mukhang nahuhulaan na niya kung sino iyon at hindi nga siya nangkamali. Si Leo, hiningi kasi nito ang number niya kanina at dahil isa naman itong mabuting kaibigan ay wala siyang makitang dahilan para hindi ibigay ang hinihingi nito.

Jen, paki-save ng number ko. Magkita tayo minsan, marami tayong kailangang pag-usapan.

Anito pa sa ipinadala nitong message.

Sure, walang problema.

Iyon naman ang naging reply niya.

Sa sumunod na pagtunog ng message alert ng cellphone niya ay hindi napigilan ni Jenny ang matawa ng malakas nang padalhan siya ni Leo ng isang nakakatawang sticker. At kasabay ng pagtawa niyang iyon ang bigla namang pag-preno ni Jason na labis niyang ikinagulat kaya siya napatili.

"Jason ano ba!" reklamo niyang nilingon ang lalaking lukot na lukot ang mukha habang nakaupo sa harapan ng manibela.

"May tumawid na pusa, hindi mo ba nakita? Anong gusto mo sagasaan ko?" ang pasuplado nitong sagot sa kaniya.

"Anong tumawid na pusa? Wala naman ah! Nakatingin ako sa daan no!" giit niya dahil iyon naman talaga ang totoo.

"Paano mong makikita eh busy ka diyan sa ka-text mo?" tanong nitong muling pinatakbo ang sasakyan.

Sa sinabing iyon ni Jason ay napaisip si Jenny. Pagkatapos ay minabuti nalang niyang huwag bigyan ng ibang kahulugan ang sinabing iyon ng dati niyang nobyo.

Mahirap umasa, dahil kapag ginawa niya iyon alam niyang malalagay na naman ang puso niya sa alanganin kaya mas safe kung hindi nalang niya bibigyan ng meaning ang lahat ng ginagawa ni Jason.

*****

"SORRY po Mama natagalan kami," iyon ang bungad niyang paumanhin kay Loida nang makabalik na sila ng bahay. "May nakita po kasi akong kaklase ko nung college sa mismong supermarket kung saan kami namili ni Jason kaya medyo nagkakumustahan kami," paliwanag pa niya habang kinukuha sa kamay ng binata ang isang plastic bag ng mga groceries pero hindi iyon ibinigay sa kaniya ng lalaki.

"Ganoon ba? Naku bakit naman hindi mo inimbitahan dito para naman magkaroon tayo ng iba pang makakasalo sa hapunan mamaya?"

Nagbuka ng bibig niya si Jenny para magsalita pero bigo siya para isatinig ang iba pang gustong sabihin dahil naunahan siya ni Jason. 

"Ma, akala ko ba private? Tama na tayo, okay na. Kung gusto ninyo ng iba pang bisita sana sinabi ninyo para na-invite ko lahat ng empleyado sa opisina," ang masungit na sagot ni Jason kay Loida saka siya pinukulan ng matalas na tingin na kaniyang ikinabigla.

"Aba eh bakit ba ang sungit mo? Para kang babaeng nireregla?" si Loida na sinundan ang anak nitong papasok na noon ng kabahayan.

Naiiling nalang na nagbuntong hininga si Jenny dahil sa nangyari. Pagkatapos noon ay minabuti niyang tumuloy na sa kusina para simulan ang paghahanda ng mga rekado na kailangan sa mga putahe na kailangan niyang lutuin. May palagay siyang galit sa kaniya si Jason dahil sa ginawa niyang pakikipag-usap kay Leo kanina. Pero hindi naman yata tama na katulad noon ay kontrolin nito ang buhay niya. Hindi na siya papayag na maulit ang lahat ng dapat ay hindi nangyari noon sa abot ng kaniyang makakaya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status