Share

CHAPTER 6

“Inay!”Masayang salubong sa kanya ni Loyd pagpasok niya ng kanilang bakuran.

Kasalukuyang naglalaro si Loyd gamit ang mga bagong biling laruan ng kanyang ninang Ysabelle. Masigla na naman ang bata sa katunayan pa nga ay nagagawa na nitong tumakbo.

“Oh dahan-dahan anak baka madapa ka,”ngiting sabi nito sa bata.

Nagyakap ang mag-ina na tila ilang dekadang hindi nagkita.

“Kamusta ang araw ng baby ko, hindi ba naging pasaway kay nanay Marie?” Ngiting tanong nito sa bata.

“Good boy po ako inay,”ngiti nitong turan sa ina.

“Talaga? Nanay Marie good boy po ba si Loyd?” Kunwari hindi siya naniniwala sa bata.

“Aba oo naman iha, mabait na bata naman si Loyd e, hindi siya nagpasaway kay nanay Marie.”Ngiti ring sagot nito kay Loisa.

Si Nanay Marie ay ang kanilang kapitbahay na matagal ng biyuda. Mula nang nagsipag-asawa ang kanyang apat na mga anak ay mag-isa na lamang siyang naninirahan sa kanilang bahay. Doon naisipan ni Loisa na kunin ang serbisyo nitong mag-alaga kay Loyd at mag-asikaso sa kanilang munting tindahan na pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na gastuhin mula nong natanggal siya sa kanyang pinagtatrabahuang department store.

“Magandang balita ‘yan ah, nang dahil diyan merong pasalubong ang inay,”ngiting sabi ni Loisa sa anak sabay angat ng dala nitong paboritong tinapay.

“Wow, inay maraming salamat po,”masayang sagot ng kanyang anak.

Nasanay si Loyd sa tinapay kesa mga pagkaing makikita sa mga kilalang fast food. Kinukulang kasi ang budget ni Loisa madalas kaya ang murang tinapay lamang ang kaya niyang ibigay sa bata bilang pasalubong. Maliban diyan natatakot rin siyang makita ang kanyang anak na sobrang taba ngunit hindi naman malusog, gaya ng anak nang kanilang kapitbahay na manager ng banko na halos araw-araw ay kumakain sa fast food kaya sa murang edad ay halos hirap na itong tumakbo dahil sa sobrang taba.

“Masarap ba anak ang ensaymada nina Mang Elmo?”tanong nito sa bata.

Ang tinutukoy nitong Mang Elmo ay ang nagmamay-ari ng Elmo Bakery sa bayan na naging suki niya na rin.

“Opo inay,”nakangiti niyang sabi.

“O siya, huwag mo damihan ang kain niyan maghahapunan pa tayo mamaya,” sabi nito sa anak.

“Opo inay,”tugon naman ni Loyd sa ina.

“Nanay Marie, kumain rin po kayo, sasaglit ko lang po ito sa kusina nang meron po tayong uulamin mamayang hapunan,”sabi nito sa matandang babae na itinuring niya na ring parang tunay niyang ina.

“Naku, huwag ka ng mag-alala sa akin sapagkat ako ay busog pa, Loisa, ako na muna ang bahala diyan at magbihis ka na iha,”sabi ni Nanay Marie nang mapahawak pa ito sa kanyang braso.

“Aray ko po,”biglang niyang sambit.

“Oh bakit iha, napaano ka?”Takang tanong ni Nanay Marie sa kanya.

Mabuti na lang at nasa kusina na sila ni Nanay Marie kaya hindi narinig ni Loyd ang kanyang pagdaing. Malamang mag-aalala rin ang bata kapag makita nito ang pasa sa kanyang braso.

“Ah e, nabangga lang po ako kanina sa cabinet nanay habang inaayos ko po ang mga folder sa opisina,”pagsisinungaling nito sa matanda.

“Ganon ba, o siya mag-ingat ka pang lalo iha, magpa check-up ka kaya baka kung mapano iyang braso mo?” Nag-alalang tanong ng matanda kay Loisa.

“Okay lang po ako nanay huwag na po kayong mag-alala mawawala rin po ito ng mga ilang araw, nagawan naman po ng first aid kanina sa opisina kaya wala na pong problema,”tanging nasabi niya sa matandang babae upang mawala na rin ang pag-alala nito.

“Sige iha, sana mabilis ang pag-galing ng braso mo, magbihis ka na muna at magpahinga ako na muna ang bahala dito sa magiging hapunan natin mamaya.” Taboy na nito sa babae.

Tumalima naman si Loisa at sinilip niya lang saglit si Loyd na nasa kanilang sala bago tuluyang pumasok sa kanilang kwarto. Kalalapag lang ng kanyang bag nang tumunog ang kanyang telepono. Nang tingnan niya ito ay numero ni Ysabelle ang tumatawag.

“Hello besh, kamusta ang first day mo sa Monteclaro Corporation?”Excited na tanong nang nasa kabilang-linya.

“Hi besh, medyo nakakapanibago kasi alam mo na ilang taon rin akong naka-tambay,”nangigiti nitong sabi sa kausap.

“Ganon talaga besh pero huwag kang mag-alala masasanay ka rin, kuwentuhan mo naman ako sa bago mong boss balita ko gwapo raw,”kinilig pang sabi ni Ysabelle.

“Akala ko ba kaya ka tumawag ay kukumustahin mo ang trabaho ko, e bakit parang sa tono ng boses mo ang boss ko ang gusto mong pag-usapan natin ha,”natatawa nitong sabi sa kaibigan.

“Hindi ka ba busy at nagawa mo akong tawagan nang dahil lang sa boss ko?” Dagdag pang sabi ni Loisa sa kausap.

“Ano ka ba pag-bigyan mo na ako nang ma-inspire naman ako sa trabaho ko,”hiling pa nito sa kaibigan.

“Pagod ako besh e, pwede sa ibang araw na lang natin pag-usapan ang boss ko,”kunwaring sabi niya dito.

“Ano ka ba, ngayon nga lang ako humiling sa iyo e,”maktol na boses sa kabilang linya.

Hindi na tuloy mapigilan ni Loisa ang di tumawa sa asal ng kaibigan nito na nasa kabilang-linya. Iba rin pala ito kung mag-isp mukhang tinamaan sa kanyang amo kaya pala pinagtatrabaho siya dito upang meron itong makuhang impormasyon sa taong hinahangan nito.  

“Huwag kang mag-alala kapag magkita tayo ngayong weekend magkukuwento ako sa iyo tungkol sa masungit kong boss,”natatawa pa ring niyang sabi dito.

“Ay naku naman, gusto ko ngayon besh,”kulit pa rin nito.

Hindi rin naman matiis ni Loisa ang kaibigan kaya sinimulan niya na ring ikuwento kay Ysabelle ang eksperyensiyang nangyari sa kanya sa Monteclaro Corporation ng buong araw, nag-alala kasi siya baka mamaya ay hindi makatulog ang kaibigan nito nang dahil sa inis sa kanya. Ngunit meron siyang ililihim sa kaibigan ito ay ‘yong pagkaroon niya ng pasa sa braso dahil sa mahigpit na pagkakahawak dito ni Steve Monteclaro kanina. Ayaw rin niya kasing mag-alala ang kaibigan na baka maging rason pa ang nagyari upang sisihin nito ang sarili nang dahil sa suhestiyon nitong pagtrabahuin siya sa kumpanya ng lalaki.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status