Share

Chapter 5

"Huwag mo na ipakwento sa akin Cassy at mas lalong tumataas ang dugo ko. Kapag nakita ko ulit ang lalakeng iyon dila niya lang ang walang latay!" nanggigigil na sabi ni Yara habang itinaas pa niya ang hawak niyang ballpen na tila isang kutsilyo.

"Ay naku 'te, tumigil ka na nga muna dyan. Mabuti pa puntahan mo na si Sir Jack," napakunot naman ang noo ni Yara dahil sa narinig niya.

"Ha, bakit daw?"

"Diba may meeting kayo? Baka nakakalimutan mo ikaw ang temporary secretary niya. Naku, kulang na lang may lumabas na usok sa ilong niya nong malaman niyang wala ka pa," kwento sa kanya ni Cassy saka niya lang naalala na may sinabi nga pala sa kanya kanina si Jack tungkol sa meeting nila.

"Oo nga pala, maiwanan na kita Cassy," nagmamadaling sabi ni Yara saka niya pinagkukuha yung mga dokumento na gagamitin nila sa meeting.

"Alam mo Yara kung wala lang asawa si Sir Jack aakalain ko na may relasyon kayo," nakatalikod na si Yara noong sinabi iyon ni Cassy kaya naman hindi niya nakita kung paano mawalan ng kulay ang mukha ni Yara. "Pero hindi naman mangyayari 'yun hindi ba? Don't get me wrong Yara ha, friend kita pero ang swerte kaya ni Sir Jack kay Ma'am Beatrice."

"O-oo naman, saka kalokohan lang yung una mong sinabi. I-imposible talaga yun kasi walang-wala ako kay Ma'am Beatrice," sabi ni Yara saka siya mabilis na naglakad palayo kay Cassy.

Dumiretso si Yara sa kanilang coffee area upang magtimpla ng kape para pakalmahin niya ang kanyang sarili. Hindi siya naging handa sa sinabi kanina ni Cassy sa kanya kaya naman gano'n na lang ang reaksyon at kabang kanyang nararamdaman.

"Kumalma ka nga Yara!" sabi ni Yara sa kanyang sarili. Bumuntong hininga siya saka niya kinuha ang baso na may lamang kape na kanyang tinimpla.

Mas pinili na lamang ni Yara na bumalik sa kanyang table dahil wala na talaga siya sa wisyo ngayon. Alam niyang may meeting siyang dapat na puntahan pero nanginginig talaga ang kanyang kalamnan. Magpapaliwanag na lang siya kay Jack mamaya at alam niyang maiintindihan siya nito.

Dahil wala sa wisyo ang kaisipan ni Yara ay hindi niya napansin na may makakabangga siya. Huli na niya namalayan noong natapunan na siya ng mainit na kape sa kanyang damit at tumagos iyon sa kanyang balat. Agad naman siyang napasigaw dahil sa mainit nga ang kape dahil kakatimpla niya lang ito. Nabitawan niya rin ang baso kaya nabasag iyon.

"Ang init! Ang init!" nagsusumigaw na sabi ni Yara habang sinusubukan niyang punasan ang damit niyang natapunan ng kape.

"Okay ka lang ba miss? Sorry, makayuko ka kasi habang naglalakad. Tuloy hindi mo ako nakita," agad na nagpintig ang tenga ni Yara dahil sa sinabi ng nasa harapan niya. Sa pagkakataong ito ay hindi pa siya nakatingin sa kung sino man ang nakabaggaan niya.

"Nakita mo na nga napaso ako tapos tatanungin--- Ikaw?!" sigaw ni Yara nang sa wakas ay tumingin na siya sa lalakeng nakabanggaan niya at hinding-hindi niya makakalimutam yung pagmumukha ng driver ng motor na muntik na makabangga sa kanya kaninang umaga.

"Ikaw rin?" tanong sa kanya nong lalakeng driver kanina sabay turo sa kanya.

"Magkakilala na pala kayo ni Miss Yara, Mister Alejandro," nakangiting sabi ng team leader nila Yara sabay tingin kay Yara na may mantsa na ang damit. Natigilan naman si Yara dahil kasama pala nong lalake ang kanilang team leader. Nahihiya tuloy si Yara dahil nakita ng team leader nila kung paano siya sumigaw kanina.

"Are you okay Miss Yara? Icocover na lang muna kita kila sir, mukhang malala yung paso mo pumunta ka muna sa clinic ng office para mabigyan ka ng first aid."

"Ah ma'am, Zircon na lang po ang itawag niyo sa akin," sabi ni Zircon sa team leader dahil sa naiilang siya na tawaging Alejandro. Gitnang apelyido kasi iyon ng kanyang ina noong pagkadalaga nito. Iyon kasi ang naisip niyang gamitin na apelyido upang wala talaga makakilala sa kanya.

"Ayos lang po Ma'am Rochelle, malayo naman po ito sa bituka," sagot naman ni Yara sabay tingin ng masama kay Zircon na nakatitig sa kanya.

"Anong kaguluhan ito? Oras ng trabaho niyo ngayon ah," agad na napaayos si Yara nang marinig niya ang boses ni Jack.

Nakarating kasi sa opisina ni Jack na may gulong nangyayari malapit sa coffee area nila. At dahil nasa kumpanya ang mga bigating investors ay siya na ang personal na bumaba para tignan ang nangyayari doon.

Napadako naman ang mata ni Jack sa damit ni Yara at kahit papaano ay makikita na namumula ang balat ni Yara. Muntikan na nga niya malapitan ng mas malapit si Yara pero mabuti na lang dahil napigilan niya. Kitang-kita naman ni Zircon na may pag-aalala sa mga mata ni Jack. Gustuhin mang suntukin na si Jack dahil sinasaktan nito ang kanyang kapatid ay hindi niya magawa dahil kailangan ni Zircon na mag-ingat sa mga kilos niya para di agad siya mabuko.

"Natapunan po ng kape si Miss Yara and nakapag-sorry naman na si Mister Zircon sa kanya," sagot ng team leader nila Yara. Nanatiling tahimik si Yara kahit na gusto na niyang awayin si Zircon dahil nakakadalawang perwisyo na ito sa kanya ngayong araw ngunit kinakailangan niyang magpigil.

"Bago lang ba siya? Ngayon ko lang siya nakita," baling ni Jack sa team leader na si Rochelle.

"Yes po Sir, actually ito ang first day kaya nililibot ko po siya dito para maging pamilyar---" hindi na natapos ni TL Rochelle ang sinasabi niya dahil nagulat sila nong nilapitan ni Jack si Zircon.

Tinignan muna ni Jack si Zircon mula ibaba paitaas at nainsulto naman doon si Zircon.

"Bago ka lang pala dito pero gumagawa ka na agad ng eksena," hindi malaman ni Jack pero hindi niya gusto ang aura ni Zircon, tila mainit na agad ang dugo niya dito. Lalo na nalaman niyang nasaktan si Yara dahil dito. Papalag na sana si Zircon kay Jack pero agad siyang pinigilan ni TL Rochelle.

"I can vouch for Zircon, sir. Hindi lang po talaga nakita ni Yara na paparating kami. Ilang beses ko pong tinawag si Yara pero parang wala siya sa kanyang sarili, right Yara?" napakagat naman sa kanyang labi ni Yara habang nakayuko.

Matagal na pakiramdam ni Yara na ayaw sa kanya ng team leader nila at nakakuha ito ng pagkakataon para pahiyain siya, sa harap pa ni Jack. Totoo namang parang wala sa kanyang isip si Yara kaya naman dahil na rin sa kahihiyang nararanasan niya ngayon ay napawalk-out siya.

"Yara!" rinig niyang tawag sa kanya ni Rochelle pero tuloy-tuloy lang sa paglalakad si Yara pabalik sa kanyang desk. Uupo na sana si Yara sa upuan niya pero bigla na lang may humila sa kanya at gano'n na lang ang gulat niya nang makita niyang si Jack iyon.

"Jack, nakatingin sila sa atin," palihim at bulong na sabi ni Yara kay Jack pero parang bingi ito at tuloy-tuloy pa rin siyang hinila patungo sa opisina nito.

"Jack!"

---

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status