Share

Chapter 3

CHAPTER THREE

SERAFINA AREVALO

Mabilis na kumalat sa university ang paghihiwalay diumano namin ni Benedict kahit wala pa kaming proper closure. Ang alam ng lahat ay natauhan na si Benedict na hindi talaga kami bagay sa isa’t isa. Mas nababagay sa kanya ang may class na babae tulad ni Kisses. Hindi isang tulad ko na simple lang. Hindi nila alam na matagal na pala akong niloloko nina Benedict at Kisses.

Masakit man pero kailangan kong tanggapin lalo na’t nalaman naminng gabing ‘yon na buntis Kisses at si Benedict ang ama.

“Bhe, ok ka lang? Nabalitaan ko ang nangyari sa inyo ng jowabels mo,” sabi ni Grace Pancho o Grasya, ang babaeng-bakla na kaibigan at ka-trabaho ko rito sa coffee shop.

"Ayos lang ako, 'wag ka ng maki-tsismis d'yan baka makita pa tayo ni Sir Gio at baka ma-football pa tayo pareho," May pagka-tsismosa kasi itong si Grasya lalo na sa mga taong sawi sa pag-ibig.

"Mamayang off natin. Chicka mo sa akin. I'm all yours," sabi nito sabay kindat.

"Anong I'm all yours, Grace?"

Sabay kaming napalingon at nakita namin si Sir Gio na nakakunot ang noo habang naka-cross arms sa harap namin.

"Sinuswelduhan kayo para magtrabaho hindi para magtsismisan sa oras ng trabaho,” sabi ni Sir Gio bago pumasok ito sa kanyang opisina.

“Kahit kailan talaga ‘tong si Sir Gio napakaseryoso wala man lang spice sa life. Bigyan ko kaya ng spice ang life nito,”

Bigla kong naibuga ang iniinom kong tubig sa sinabi ni Grasya. Sakto naman kasing umiinom ako.

“Ano ba ‘yang iniisip mo, Grasya? Bibigyan mo ng spice ang life ni Sir Gio?” Nakakaloka ‘tong babaeng ‘to. Hindi ko lubos maiisip na magagawa ni Grasya ang bagay na ‘yon kahit alam kong meron na siyang anak.

“Bibigyan ko ng spice ang buhay ng boss nating pinaglihi ata ng nanay niya sa sama ng loob. Ba’t ganyan ka makatingin? Teka, iba ang nasa isip mo, no? Hoy! Serafina, kailan pa naging berde ‘yang isip mo?” sabi niya na may halong nakakalokong ngiti.

Hindi ba ‘yon ang nasa isip kong gagawin niya? Aling spice ba ang tinutukoy niya?

“Hindi, a. Iniisip ko kung alin ang ibibigay mo. Sweet spicy pancit gano’n ba o extra hot spicy,” Palusot ko.

Tsk. Kailan pa nga ako naging green-minded?

“Hmm. Sige na nga iisipin ko na lang na wala kang sinabi. Ibig kong sabihin na bibigyan ko ng spice ang buhay ni Sir Gio, ay tsi-tsismisan ko siya. Hindi mo pa alam na ang tsismis ay isang spice sa buhay ng tao,”

“Ewan ko sa ‘yo. Magtrabaho na tayo baka makita na naman tayo ni Sir Gio,”

=======***=======

Mag-a-alas onse y medya na ng gabi nang matapos ko ang aking thesis sa isa kong minor subject na nag-pe-feeling major nang may narinig akong kumakatok sa pintuan ng aking kwarto.

Ano na naman kaya ang kailangan nitong si Tita Matilda? Tinapos ko na naman lahat ng gawain ko bago ako pumanhik dito sa kwarto ko. Wala namang ibang mangingistorbo sa akin sa mga oras na ‘to kundi si Tita Matilda. 

"Anak, si papa mo 'to. Gising ka pa ba?" Si Papa pala.

Mabilis akong tumayo at tinungo ang pinto para pagbuksan si Papa. Ngayon lang kasi ulit napang-abot ang mga oras namin. Gabing-gabi na siya kung umuwi galing trabaho at maaga naman itong papasok kinaumagahan.

"Pasok po kayo, pa,"

"Siya nga pala, ito dinalhan kita ng gatas. Napansin ko kasing nakabukas pa ang ilaw mo marahil hindi ka pa natutulog," Inabot niya sa akin ang dala niyang isang baso ng gatas.

Biglang nanumbalik sa akin no'ng mga panahong nasa elementarya pa lang ako. Palagi akong pinagtitimpla ni papa ng gatas sa tuwing subsob ako sa pag-aaral. Kahit na no'ng mga una at pangalawang taon ko sa kolehiyo ay gano'n pa rin ang ginagawa ni papa. Nagbago lang no'ng nagkasakit at namatay si Mama.

"Namiss ko 'to, pa. Maupo na po muna kayo,"

Umupo si Papa sa upuan malapit sa study table ko habang ako naman ay naupo sa kama katapat ng inuupuan niya.

"Pasensiya ka na anak ngayon lang ulit kita naipagtimpla ng gatas. Palagi akong subsob sa trabaho nakalimutan ko ang responsabilidad ko bilang ama mo,"

"Ano ba kayo, pa. Ayos lang po 'yon. Matanda na po ako at saka 'wag po kayong masyadong subsob sa trabaho. Matanda na po kayo at may iniindang sakit baka mapano pa ko kayo,”

Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang kalusugan ni papa kahit hindi kami mapang-abot. Lagi ba namang bukam-bibig ni Tita Matilda ang mga iniindang sakit ni papa kapag naabutan niya akong walang ginagawa at ang parati nitong linyahan-

 'Abay! Pa-relax-relax ka lang d'yan habang ang ama mo ay nagpakasubsob sa trabaho,'

E, ‘yong anak niya buhay prinsesa. Buntis lang naman ‘yon hindi embalido.

"Kaya pala ako nandito, anak dahil gusto kitang kausapin,"

"Tungkol saan po?"

"Anak, isa ako sa mga napili ng boss namin para ipadala ro'n sa main branch namin sa Maynila,"

"Maynila? Ang layo naman nun, pa. Sino pong mag-aalaga sa inyo ro'n? Paano kung sakaling sumumpong ang rayuma niyo?"

"Hindi 'yan, anak at saka napag-usapan na namin ni Tita Matilda mo 'to na tanggapin ang ibinibigay na oportunidad ng boss namin,"

"E, ano pa ang silbi ng opinyon ko kung nakapagdesisyon na po pala kayo?"

"Anak, para rin naman sa inyo itong ginagawa ko. Mag-po-fourth year college ka na at paniguradong maraming bayarin na paparating,"

"Pwede naman nating pagtulungan ang bayarin ko pa. May part-time job naman po ako sa coffee shop, although hindi malaki ang pasahod pero atleast may kinikita,"

Kung ako ang masusunod, hindi ko na pagtatrabahuin pa si Papa. Matanda na ito at minsan may nararamdaman na itong masakit sa katawan na hanggang ngayon hindi pa namin napapatingnan. Dapat sa kanya ay magpahinga na lang sa bahay.

"Sige, anak, kakausapin ko ulit ang Tita Matilda mo. Matulog ka na,"

Sana ay matauhan itong si Tita Matilda na hindi na dapat magtrabaho pa si papa sa malayo man o sa malapit. Malapit na rin naman akong makapagtapos.

"Sige po. Good night, pa,"Naramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko.

"Good night, anak. Matulog ka na,"

=======***=======

Hindi pumayag si Tita Matilda na hindi umalis si Papa. Ika nga niya, minsan lang kung kumatok ang oportunidad kaya hindi dapat na sayangin pa. Wala na akong nagawa nang umalis na si Papa tanging dasal na lang na sana walang mangyaring masama kay Papa.

"1 Wintermelon and 1chocolate mousse. Anything else, Ma'am?"

"No. That's enough. Here," Inabutan ako nito ng bayad.

"I received 1,000 bill-

"Bhe, ako na r'yan. Kanina pa may tumatawag sa 'yo baka importante 'yan,' sabi ni Grasya.

"Sige, salamat,"

Mabilis akong pumasok sa personel room at tinungo ang locker area para kunin do’n ang cellphone ko.

Tamang-tama nag-ri-ring pa rin ito nang pumasok ako kaya agad kong sinagot.

"Tita, bakit po?"

"Pumunta ka ngayon din dito sa ospital. Ang Papa mo naaksidente,"

=======***=======

Nagmamadali akong pumunta ng St. Vincent Hospital matapos kong matanggap ang tawag ni Tita Matilda na naaksidente si Papa habang papunta ito sa trabaho.

Tila naulit sa akin ang pangyayaring ito. Noong nakaraang buwan lang ay si Mama ang isinugod sa ospital at ngayon naman si Papa. ‘Wag naman sanang pati si Papa mawala pa sa akin. Siya na lang ang natitira sa akin.

Dumiretso ako sa emergency room pagkarating ko ng ospital gaya ng sabi ni Tita Matilda. Naabutan ko si Tita Matilda may kausap sa cellphone at nang makita niya ako ay agad itong nagpaalam sa kausap.

“Tita Matilda, kumusta na po ang lagay ni papa?”

“Hindi ko alam. Kita mo namang hindi pa lumalabas ‘yong doktor,” Nangunot ang noo ko sa tono ng boses ni Tita Matilda parang bagot na bagot ito.

“Total nandito ka rin naman, ikaw na muna ang magbantay rito. Uuwi na muna ako walang kasama ang kapatid mo sa bahay,”

Ano naman kung walang kasama si Kisses sa bahay? Hindi na naman ‘yon bata at pwede namang i-text o tawagan si Benedict para samahan si Kisses. Higit na mas kailangan siya ngayon ni papa.

Hindi na lang ako nagsalita pa at itinuon ang aking paningin sa pinto ng emergency room.

“Aalis na ako,” Bahala na siya kung gusto niyang umalis. 

Mayamaya’y lumabas na rin ang doktor.

“Doc, ku-“ Naputol ang sinasabi ko nang biglang pumagitna sa amin ng doktor si Tita Matilda.

Akala ko ba umalis na siya. 

“Doc, kumusta na po ang lagay ng asawa ko?”

Tumahimik na lang ako at tumabi kay Tita Matilda na kasalukuyang kinakausap ng doktor. 

“Misis, tatapatin ko na po kayo kailangang maoperahan agad ang asawa niyo sa lalong madaling panahon bago pa maging komplikado ang lagay niya. Sa ngayon, napatigil pa po namin ang padurugo sa parte ng kanyang ulo at dadalhin na rin siya mayamaya sa ICU,”

“Doc, mga magkano po ang ka-kailanganing pera para maoperahan ang asawa ko?” 

“Nasa limang-daang libong peso o higit pa. Hindi pa kasama ang mga gamot,”

Bigla akong nanigas sa aking kinatatayuan. Saan kami makakahanap ng ganoong kalaking pera sa lalong madaling panahon? Hindi sasapat ang kinikita ni Papa at kinikita ko sa coffee shop. Pati ang ilang alahas ni Mama na iniwan niya sa akin at ang bahay namin kung isasangla ay hindi pa rin aabot at may mga gamot pa.

“Doc, wala kaming gano’ng kalaking halaga. Mahirap lang po kami,” sabi ni Tita Matilda.

“Doc, kung sakaling maoperahan si Papa.Gaano kalaki ang tyansa niyang mabuhay?”

Bahala na kung saan ako makakahanap ng pera ang mahalaga ay mabuhay at makasama pa namin si Papa. Titigil na muna ako sa pag-aaral at maghahanap ng iba pang trabaho.

“May limang-pong pursyento mabubuhay ang pasyente kapag naoperahan natin ito ng maaga at mga gamot na susuporta sa kanya,”

Medyo gumaan ang pakiramdam ko nang marinig mula sa doktor na may tyansang limang-pong pursyento mabubuhay si Papa. Ang pera na lang ang po-problemahin ko.

“Pero-“

Nabalik ang atensyon ko sa doktor nang may ihahabol pa ito.

“Ano po ‘yon. Doc?” tanong ni Tita Matilda.

“Kung mabubuhay man ang pasyente dapat maging handa kayo. Hindi lang sa financial kundi pati na rin sarili niyo,”

“Ano pong ibig niyong sabihin, Doc?”

“May posibilidad na maging parelisado ang buong katawan ng pasyente,” Napatakip ako ng bibig.

“Ibig niyo pong sabihin, Doc magiging parang lantang gulay ang asawa ko?” sabi ni Tita Matilda.

“Hindi pwede ‘to. Hindi ko pinangarap na mag-alaga ng isang embalido na asawa habang buhay,” Dagdag ni Tita Matilda.

Hindi ako makapaniwala sa lumalabas sa bibig ni Tita Matilda. No’ng maayos pa ang kalagayan ni Papa todo ang asikaso nito at binigyan pa siya ng pera ni papa para may pambili ng kung anu-ano para sa sarili. Tapos ngayon, sasabihin niyang hindi niya pinangarap ng mag-alaga ng asawa habang buhay. Kung nalaman ko lang ng maaga ang totoong ugali ni Tita Matilda hindi na sana ako pumayag na pakasalan siya ni Papa.

“Misis, maiwan ko na muna kayo. Mag-ra-rounds pa ako. Itanong niyo na lang sa information area para sa breakdown ng babayaran niyo at maging down payment para sa operasyon ng asawa niyo,” sabi ng doktor bago kami tinalikuran ni Tita Matilda.

“Serafina, kailangan nating magdesisyon ngayon kung ano ang gagawin natin sa papa mo,” sabi ni Tita Matilda.

“Pupunta na muna ako sa information area para malaman natin kung magkano ang ka-kailanging down payment para sa operasyon ni Papa,”

Aalis na sana ako nang hawakan ni Tita Matilda ang braso ko dahilan para mapalingon ako sa kanya.

“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin na pagdedesisyunan natin,”

“Ano pong ibig niyong sabihin?”

“Kailangan nating pagdesisyunan kung itutuloy pa ba natin ang operasyon ng Papa mo,”

“Diba sabi ng doktor na kailangang maoperahan agad si Papa bago maging komplikado ang lahat kaya itutuloy natin ang operasyon sa lalong madaling panahon,”

“Saan tayo kukuha ng pera, aber? Wala tayong ipon at maliit lang ang kinikita ng papa mo sa trabaho,”

“’Wag na kayong mag-alala gagawa ako ng paraan. Titigil na muna ako sa pag-aaral at maghahanap pa ng ibang trabaho,”

“Sa tingin mo ba sasapat ‘yan? Limangdaang libong peso ang ka-kailangin natin at hindi pa kasama ang mga gamot d’yan at saan ka hahanap ng gano’ng kalaking pera sa madaling panahon? Kahit ibenta mo pa ang sarili mo hindi pa rin sasapat,”

“So, ano ang pinupunto niyo?”

‘Wag niya lang sabihin na hahayaan na lang naming mamatay si papa dahil hindi ako makakapayag. Di bali na mahirapan ako basta mabuhay at makasama ko pa si Papa.

“Kung hindi na lang kaya natin pa-ooperahan ang Papa mo. Hindi na tayo mahihirapang maghanap ng pera at hindi na rin mahihirapan ang Papa mo,”

Tama nga ako na hahayaan niya lang mamatay si Papa. Mariin ko siyang tinitigan.

“Anong klaseng tingin ‘yan?”

“Sige, ipagpalagay natin nakahanap ka ng perang pang opera sa Papa mo at pagpalarin na mabuhay pa. Mabubuhay naman siyang parang lantang gulay. Tayo lang din ang mahihirapan.”

Bakit hindi na lang niya sabihin ng diretso sa akin na ayaw niyang mahirapan sa pag-aalaga kay Papa?

“’Wag po kayong mag-alala, Tita Matilda ako na po ang bahala kay Papa para hindi na kayo mahirapan pa,”

Pagkatapos kong sabihin ‘yon ay iniwan ko siya. Narinig ko pang tinatawag niya ako pero hindi ko na pinansin baka mapagsalitaan ko pa siya ng di kaaya-aya at saka nasa ospital pa kami.

Sarili ko na lang talaga ang aasahan ko.

Gaya ng sabi ng doktor, sa ICU dinala si Papa pagkalabas nito ng emergency room. Masyadong maselan ang kalagayan ni Papa kaya hanggang sa labas na lang ako ng ICU at tanging glass wall lang ang namamagitan sa amin ni Papa.

Hindi ko mapigilang hindi maiyak nang makita ang kalagayan ni Papa. Maraming nakakabit sa kanya na mga tubo at may benda pa siya sa ulo. Sabi ng doktor nang sadyain ko ito sa kanyang opisina, ang ulo ni Papa ang napuruhan sa aksidente kaya kailangan nitong maoperahan agad sa lalong madaling panahon upang hindi na magkaroon ng mga inpeksyon. Hindi kasi ako masyadong nakapagtanong ng maayos tungkol sa kalagayan ni Papa kanina dahil nar’yan si Tita Matilda. Mabuti na lang at naabutan ko pa si doc kanina at naliwanagan ako sa kalagyan ni Papa.

=======***=======

“Bhe, kumusta ang lagay ng papa mo?” sabi ni Grasya pagkarating ko ng coffee shop.

“Masyadong maselan ang kalagayan niya ngayon at kailangan niyang maoperahan agad sa lalong madaling panahon,”

“Anong plano mo?”

“Titigil na muna ako sa pag-aaral. Tatapusin ko lang ang semester na ‘to at maghahanap ako ng trabaho,”

“Bhe, ‘yong isa ko pang pinagtatrabahuan naghahanap ng waitress baka gusto mong mag-apply at saka mabait ang manager naming baka pwede kang bumali,”

“Sige, Grasya kahit anong trabaho papasukin ko hindi lang ‘yong nagbebenta ng laman,”

“Ano ka ba, kahit gipit ako sa pera kahit kailan hindi sumagi sa isip ko ang magbenta ng laman. Bigay mo lang sa akin resume mo at ako na ang magpapasa sa manager namin,”

“Maraming salamat,”

“Siya nga pala, ano naman ang say ng stepmother mo?”

“Wala akong maaasahan do’n, sinabi lang niya na ayaw niyang mag-alaga ng asawa habang buhay. Parang gusto na rin niyang mawala na sa amin ng tuluyan si papa,”

“Grabe naman pala ng stepmom mo. No’ng nasa maayos pa si Tito, e, lahat ng luho nilang mag-ina ay sinusuportahan ni Tito,”

“’Yon nga, e, kaya sinabihan ko na lang siya ng ‘wag ng mamroblema kay papa. Ako na ang gagawa ng paraan,”

“Tama ‘yan, bhe, dagdag pasakit lang ang babaeng ‘yon. “Wag kang mag-alala, bhe, tutulungan kita sa abot ng aking makakaya,”

“Maraming salamat ulit, Grasya,”

“Nagtsitsismisan na naman kayo r’yan. Hala balik sa trabaho,” Sino pa nga ba, edi si Sir Gio na naman.

=======***=======

Agad naman akong natanggap sa Golden Cuisine ang restaurant na pinagtatrabahuan ni Grasya. Mabuti na lang at napakiusapan ko ang manager na sa panggabi ako ilagay. Maayos naman ang trabaho ko bilang waitress ‘yon nga lang medyo nakakapagod dahil dinadayo talaga ang restaurant na ‘to. Hindi ko rin masisisi ang mga naging customer namin napakasarap naman kasi ng mga pagkain rito na kahit may kamahalan, e, sulit naman.

“Hoy! Kayong dalawa r’yan,” Sabay kaming napalingon ni Grasya sa bukana ng locker room at nakita namin si Gabriela Cordova. Isa sa mga kasamahan namin.

“Tama na ang daldalan. Bilisan niyo ng magbihis. Mag-aalas siyete na. Dumadami na ang mga customer sa labas,” Dagdag pa nito bago umalis.

“Napaka-bossy talaga ng babaeng ‘yon. Akala mo kong sino, e, pare-pareho lang naman tayo ng trabaho rito,” Sabi ni Grasya.

“Hayaan mo na bilisan na lang nating magbihis baka balikan pa tayo nun.”

Naghiwalay na kami ni Grasya paglabas namin ng locker room. Dumiretso ako sa counter nang sinenyasan ako ni Diego.

“Magandang gabi, Diego,”

“Magandang gabi, Serafina. Ito dalhin mo sa table 13,” 

Kinuha ko ang tray ng may mga pagkain at nilagay sa push cart para dalhin sa table 13.

“Good evening, sir, here’s your order,”

Isa-isa kong nilapag ang mga pagkain sa mesa. Kukunin ko nasana ang drinks nang biglang nanigas ang kamay ko at hindi sinasadyang natapon ang drinks sa customer na nasa harap ko.

“Oh my!” sabi ng kasama ng customer na buhusan ko.

Mabilis na nilukob ng kaba ang dibdib ko nang hindi kumibo ang lalaking nabuhusan ko at tahimik lamang na pinupunasan ang sarili.

“Pasensiya na po, sir. Hindi ko po sinsadya,” paghingi ko ng paumanhin kasabay ng pagyuko sa harap niya.

Parang huminto sa lahat ng ginagawa na nasa paligid ko at pakiramdam ko sa akin sila lahat nakatingin ngayon.

“Anong pangalan mo?” tanong sa baritonong boses.

“Pre, hindi naman sinasadya. Hayaan mo na,”

“Sir, hindi ko po talaga sinasadya. ‘Wag niyo po akong ipatangggal sa trabaho. Kailangan ko pong mag-ipon pangpagamot sa papa ko,”

“Maawa ka naman, Pre,” sabi nong kasama niya.

“Pangalan mo?” Pag-uulit nong lalaki.

Ipapatanggal niya talaga ako?

“Miss, ibigay mo na lang ang pangalan mo. ‘Wag kang mag-alala wala naman siyang sinabing ipapatanggal ka niya,”

Nagdalawang isip akong sabihin ang pangalan ko. Wala nga itong sinabing ipapatanggal ako pero wala rin naman itong sinabi na hindi ako ipatanggal.

“Serafina Arevalo,”

Sa huli sinabi ko na lang rin.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Peysf
d na po ba ituloy?
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status