Share

Chapter 3:

Sabay kaming napalingon ni Aling loleng sa likod ko, kung nasaan ang pintuan ng kusina. Nakasandal si Rex sa hamba nito. Suot na naman nito ang salamin niya. Katatapos niya sigurong magbasa.

"Malapit nang matapos itong niluluto ko," sabi ni Aling loleng saka ito bumalik sa ginagawa niya.

Bumalik na rin ako sa ginagawa ko. Narinig ko naman ang mga yabag ni Rex na palapit. Nang makalapit ito sa lamesa, hinila nito ang upuang nasa gilid ko 'tsaka ito umupo. Natigilan ako sandali, saka ako nagpatuloy sa ginagawa ko nang hindi ito tinatapunan ng tingin.

"Linda akin na iyang carrots," si Aling Loleng. Agad namang lumapit sa kanya si Linda.

Hindi naman ako makapag-focus sa hinihiwa ko dahil nararamdaman ko ang titig sa akin ni Rex.

Bakit ba siya nakatitig?

"Aray!" d***g ko nang masamang mahiwa ang dulo ng hintuturo ko.

"Tsk! Plano mo bang lagyan ng dugo ang pagkain ko." Napalingon ako sa kanya nang sabihin niya iyon. Tulad ng inaasahan poker face na naman ito.

Mabilis ko namang dinala ang hintuturo ko sa bibig ko para pigilan ang pagdurugo nito. Napansin ko ang pag-igting ng panga nito bago niya iniwas ang tingin sa akin.

Bakit kasi nandito siya? Hindi naman niya ugaling bumisita dito sa kusina. Tinatawag na lang namin ito kapag naihanda na ang pagkain niya.

"Paki-akyat na lang ng pagkain ko," sabi niya pagkatapos tumayo na ito. Tinapunan niya pa ako nang tingin bago ito tuluyang naglakad paalis ng kusina.

"Bad mood na naman si Boss," si Linda na nakasunod ng tingin sa kanya.

"Araw-araw naman," yamot kong sabi saka ipinagpatuloy ang paghihiwa ko.

***

Nakatanaw ako sa bintanang malapit sa higaan ko, tulog naman na si Aling loleng at Linda.

Mag-aalas once na nang tapunan ko nang tingin ang orasang nasa dingding. Dahil hindi naman ako dalawin ng antok, nagpasya akong lumabas para makainom ng tubig.

Paglabas ng kwarto bubungad ang apat na baitang ng hagdanan. Pag-lagpas sa hagdanan bubungad na ang sala. Mayroong piano'ng malapit sa pinto at may bintana sa harapan nito kung saan tanaw ang biranda. Nakapatong sa ibabaw ng piano ang mga larawan ni Rex at ang mga magulang niya.

Sa pagkakaalam ko ay nasa ibang bansa ang mga magulang nito. Naroon ang branch ng negosyo nila at ang main branch dito sa pilipinas ang pinapatakbo ni Rex.

Bago makapunta sa kusina lalampasan naman ang hagdanan na korteng S na gawa sa fiberglass at matibay na metal naman ang hawakan nito.

Hindi rin naman ako nagtagal sa kusina dahil uminom lang naman ako ng tubig.

Pabalik na ako sa kuwarto nang makarinig ako ng mahinang boses. Kinabahan ako sa pag-aakala na baka magnanakaw iyon. Pero nang makalapit ako sa pinanggalingan nang boses at malinaw ko na itong narinig. Napabuntong-hininga na lang ako. Kay Rex pala nang ga-galing iyong boses.

Nasa biranda ito nang bahay at may kausap sa cellphone. Lumapit ako sa piano at sumilip ako sa bintana kung saan tanaw ko ito. Mabuti nalang at may ilaw sa biranda. Malinaw ko itong nakikita. Nakatalikod ito habang nasa tenga nito ang selpon niya.

"Come on Camille!" may frustration sa boses niya. Nakakuyom rin ang mga palad nito. "No! I've been waiting for you long enough. Kaya huwag mo akong sisihin kung..nakakaramdam na ako ng pagod," humina ang boses nito sa mga huling sinabi niya.

Mahabang katahimikan ang namayani. Nakikinig siguro ito sa sinasabi ng nasa kabilang linya. Napaigtad ako nang hampasin nito ang railings ng biranda saka ito muling nagsalita.

"That's bulshit! I love you Camille, kaya nga pumayag akong pumunta ka diyan. Two years.. sabi mo two years lang, Camille." Para itong natalo sa boses niya.

Masamang makinig sa usapan kaya nagpasya na akong bumalik sa kwarto namin. Muli ko na namang naramdamang pinipiga ang puso ko habang naglalakad ako.

Nakakainis itong puso ko! Alam niya namang may mahal na iyong gusto niya pero hindi pa rin tumitigil. Patuloy pa rin nitong minamahal iyong taong mas malinaw pa sa mineral water na may mahal ng iba.

Walang hiyang pag-ibig kasi iyan. Bakit na uso-uso pa?!

Si kupido naman kasi sablay kung pumana. Ipapareha nalang ako sa taong may syota pa ang napili niya. Minsan gusto ko naring tigilan ang pagpapantasya ko sa kanya. Nakakapagod na rin kasi.

***

"Anong meron at nag aayos ka ng gamit mo?"

Napalingon ako sa pintuan ng kwarto namin nang marinig ko ang boses ni Linda. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa akin.

"Magreresign na ako," sagot ko rito saka nilagay ang huling damit sa bag na dadalhin ko.

"Seryoso ka?" Nanlalaki ang matang tanong nito. Lumapit pa ito sa akin.

"May mga bagay kasing kailangan kung pakawalan Linda at ang pagreresign lang ang solusyon."

"Sabihin mo nga may pinag-dadaanan kaba? O baka naman heartbroken ka. Iyang mga sinasabi mo para lang 'yan sa sawi sa pag-ibig. Wala ka namang boyfriend sa pagkakaalam ko," litanya nito at may pagta-taka rin sa boses niya.

Kailangan niya pa talagang ipamukha sa akin na wala akong love life. Minsan talaga masarap katusan itong si Linda.

"Oo may pinagdadaanan ako kaya tabi magpapaalam lang ako kay Boss." Hinawi ko ito sa harapan ko saka lumabas ng kwarto namin dala ang bag na naglalaman ng damit ko.

"Sigurado kabang mag reresign ka? Ano ba kasing--"

"Iyong kalabaw namin nalaman niyang may mahal nang iba iyong gusto niya. Tumawag sa akin kagabi kailangan niya ng karamay kaya uuwi ako. Mas importante ang kalabaw namin" putol ko kay Linda.

"Kelan pa nakakatawag ang kalabaw?" Nakasunod pa rin ito sa akin.

"Ewan ko sayo. Mag-trabaho kana nga."

Pumunta ako sa kusina para magpaalam kay Aling Loleng. Naabutan ko itong naghahanda ng almusal ni Rex.

"Aling Loleng," tawag ko para kunin ang atensyon nito.

"Oh, Ming. Nakaayos na ba ang gamit mo?" tanong nito habang nagpupunas ng kamay.

"Opo, magpapaalam lang po ako kay boss," agap kong sagot.

"Nasa taas pa iyon. Puntahan mo na nga at sabihin mong nakahanda na itong almusal niya."

"Sige po."

Bago ako umakyat iniwan ko muna sa gilid ng hagdanan ang bag ko. Pagdating ko sa tapat ng pinto ng kwarto ni Rex, nagdalawang isip ako kung magpa-paalam na ba ako, o hihintayin ko na muna itong matapos mag-almusal.

Kakatok na sana ako sa pinto ng bumukas ito. Lumabas si Rex habang kinukusot nito ang mga mata niya. Natulala naman ako dahil wala itong damit.

Dapat pala nagdala ako ng kape meron pala akong makikitang pandesal dito. Napaka-gwapo pa nito kahit gulo-gulo ang buhok niya.

Iyong puso ko gusto na namang lumabas sa katawan ko.

"You're drooling, Ingrid," malamig nitong sabi dahilan para mabalik ako sa wisyo.

Tumabi naman ako nang humakbang ito paalis sa kwarto. Nakagat ko ang ibabang labi ko nang malampasan niya ako. Hindi ko pa rin maalis ang tingin ko sa kanya. Para siyang ice cream na kay sarap dilaan. Kung hindi ko lang naalala na magpa-paalam pala ako sa kanya. Baka dinidilaan ko na siya sa utak ko, head to toe.

"Boss, magpapaalam po sana ako," tumigil naman ito at lumingon sa akin. Tina-gilid nito ang ulo niya.

"Saan ka pupunta?" kunot ang noo nitong tanong.

"Uuwi po ako samin," sagot ko bago ako yumuko.

Hindi ko kayang salubungin ang mga mata niya nakakapanghina kasi ng tuhod.

"Kelan ka babalik?" agad ko namang inangat ang ulo ko.

Ang inaasahan kong sagot ay 'okey' kaya bahagya akong nagulat sa tanong niya.

"I-isang linggo p--"

"No. Be back after 2 days." Tumalikod na ito at nagtuloy-tuloy sa pagbaba.

Gusto kong magta-talon sa saya. Ayaw niya akong mawala ng matagal kaya pinapabalik niya ako agad. Mukhang nagbubunga na ang gabi-gabi kong pag-titirik ng kandila.

"E, Sir. Isang linggo po ang sinabi kong bakasyon sa Mamang ko." Habol kong sabi.

Syempre hindi iyon totoo. Gusto ko lang sabihin niyang kailangan niya ako dito. Tumigil kami pareho sa hagdanan. Apat na baitang ang layo ko sa kanya.

"Okey." sabi niya saka ito nagpatuloy sa pagbaba. Napasimangot naman ako.

"Pero sasabihin ko na lang po na pinababalik ninyo ako ng maaga," medyo na palakas ang pagkasabi ko.

Napalabas tuloy si Aling Loleng at Linda ng kusina. May pagtataka sa mukha nilang dalawa habang pinaglilipat ang tingin sa amin. Wala naman akong nakuhang sagot kay Rex. Pero nakita ko ang pagkurba ng maliit na ngiti sa labi nito.

Alam niya kayang nagsisinungaling ako?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status