Share

Chapter Five

Pumasok na siya sa bahay at isinara niya na ang pinto. 

Sinulyapan niya ang kanyang wristwatch. 

“Ano pa kayang oras darating ‘yon?” natanong niya sa kanyang sarili tungkol sa isa pang renter. Hindi pwedeng hindi niya i-lock ang pinto, syempre. Kaso atat na atat na siyang balikan ang kwento niya, at baka masyado siyang maabala hindi niya agad mamalayan kung may dumating na pala. 

Ang alam niya, nabigyan na ng duplicate ng susi ang Pepper na ‘yon through the third person. Sobra daw kasing busy kaya hindi na nakapunta at ipinakuha na lang muna. Kaya kung i-lock man niya ang pinto, makakapasok pa rin ito.

Isa pa, gusto niyang matulog muna bago magsimulang magtrabaho. 

Hindi siya nakatulog nang maaga kagabi dahil ang dami-daming ibinilin sa kanya ng kanyang mga lola. Sa tabi pa nga niya nakatulog si Lola Kora kasi ang control freak niyang lola na si Lola Tinay, gumawa pa ng listahan na siya ang pinagsulat kasi masyado nang malabo ang mga mata nito. Nakatulog na si Lola Kora sa kahihintay na matapos sila sa listahan at diskusyon. 

Pumasok siya sa kanyang kwarto at ini-lock din niya ang pinto niyon. 

Saka siya nahiga sa kama at komportableng natulog sa malinis at mabangong mga unan at kumot.

Wala pa rin ang makaka-share niya sa resthouse nang magising si Joey. Nag-merienda siya, saka siya naglakad-lakad sa labas para timplahin ang mood niya para sa pagsusulat. 

Pero dahil sa madilim na kalangitan at lalo lang luma-lamig, hindi niya tinangkang lumayo o kaya ay magtagal. Doon lang siya nagtigil sa alagang hardin ng mga roses sa bandang likod ng property. Natatakot siyang abutin ng ulan sakaling bigla iyong bumuhos. Balot nang madilim at mukhang mabigat na mga ulap ang kalangitan at medyo nagpi-pick up na rin ang hangin. At papadilim na. Malapit nang gumabi.

Nasa Manila na si Hazel. Nakita niya ang PM nito noong bumangon siya. Makakatao pa ito sa shop nito bago magsara ng 7PM, ayon dito. Tatawagan niya ito mamayang gabi kapag hindi na ito abala at nakauwi na sa bahay. Naiwan ang cellphone niya sa loob ng kwarto. Since hindi siya active sa social media, hindi niya iyon laging hawak.

Pumasok na siya sa loob ng bahay bago tuluyang magdilim at nagtimpla ng tsaa para maitaboy ang lamig na nararamdaman niya, saka siya pumasok sa kwarto at naupo sa harap ng writing desk kung saan naka-set up na ang kanyang laptop. 

Inabot niya ang ear pods at nilagay sa kanyang mga teynga. Nakikinig siya ng music, usually acoustic or classic piano pieces, minsan naman ay binaural beats, kapag nagsusulat para matulungan siyang maka-focus. 

Agad niyang na-miss ang mga lola niya at napangiti siya. Dahil nga laging may nakapasak sa kanyang teynga, minsan ay nagigitla siya kapag may biglang gumalaw o sumusulpot sa kanyang tabi. Iyon pala, may sinasabi sa kanya ang kahit sino kina Lola Kora at Lola Tinay. Kapag napapitlag siya, mas nagigitla ang mga ito sa kanya. Nasanay na tuloy ang mga itong ibaba muna ang kape o tsaa na dala para sa kanya bago siya kalabitin.

Binuhay niya ang data sa kanyang phone at pumili siya ng pakikinggang music sa YouTube. 

Feel niya ang binaural beats ngayon. 

At nang makapili na, binuklat niya ang Scrivener program niya at nagsimulang magsulat. 

MAGANDA AGAD ang sign ng kanyang stay rito. Bago mag-nine ng gabi ay nakatapos siya ng draft ng tatlong chapters. 

Nagpadaan pa siya ng isa pang oras para sandaling balikan ang mga nauna na niyang sinulat na mga chapters sa Manila pa at naisip niyang ayusin iyon bago matulog mamaya dahil halatang hindi pa maayos at distracted siya, base sa kanyang nabasa. 

May ilang research din siyang ginawa para mas umigting ang ilang mga parts na merong background narrative. 

Gutom na siya noong nangangalay siyang tumayo mula sa kanyang silya habang tinatanggal ang ear pods sa kanyang mga teynga. 

Saka siya napakurap sa biglang salakay ng ingay. 

Umuulan nang malakas sa labas pero hindi niya halos napapansin iyon kahit nakikita niya sa nakapinid na bintana dahil nga nasa zone siya. Pero ngayon, naririnig na niya ang malakas na buhos ng ulan sa bubong at medyo malakas ding ingay ng hangin sa labas.

Ang lamig-lamig na rin. Since wala na siya sa upuan, kahit may slippers siya ay ramdam niya ang lamig sa kahoy na sahig. Nakapatong kasi ang mga paa niya kanina sa rug habang nagsusulat. Kinasanayan niya iyon na. In fact, rug niya sa working spot niya sa salas sa Manila ang baon niya rito at nasa sahig ngayon sa ilalim ng desk. Binaon niya iyon talaga kasi alam niyang hahanapin iyon ng kanyang mga paa the soonest na maupo siya sa silya. 

Nagpatong siya ng isa pang sweater sa kanyang suot at tiningnan sandali ang sarili sa salamin kung maayos pa ba ang pagkakapugon ng kanyang buhok sa taas ng kanyang ulo. Mahaba iyon at tuwing lumalabas lang siya niya hinahayaang nakaladlad. 

Kapag nagsusulat siya, ayaw niyang may hibla ng buhok na nakadikit sa kanyang batok. Magluluto siya ng pagkain kaya ayaw din niyang makasagabal iyon. 

Isa pa, ayaw niyang lumabas ng kwarto na mukha siyang manang sakaling may iba nang tao sa labas.

Mukha siyang malinis, at least, at satisfied, sa reflection niya salamin. She was satisfied. It was a productive day. Lumabas na siya ng kwarto pagkatapos niyon. 

Walang nabago noong nakalabas na siya. 

Walang nadagdag na pagkain sa fridge, ni ilaw na bukas sa isang kwarto. Madilim kasi sa ilalim ng pinto niyon. 

Baka dahil sa sama ng panahon ay hindi na natuloy ang Pepper na iyon sa pagbiyahe ngayong gabi? 

Wala siyang kasama. 

Bigla tuloy niyang naisip na hindi siya sanay mag-isa. 

Minabuti niyang tawagan muna ang kanyang mga lola bago siya kumain dahil tiyak na naghihintay ang mga ito ng balita mula sa kanya. Kahit may cellphone naman si Lola Tinay, nalilitong gamitin iyon nang dalawa. Mas gusto pa rin ang landline phone.

Pero nagulat siya noong tumawag ang mga ito habang nagluluto siya ng dinner niya. Hindi na siya nahintay at nagpatulong daw sa kapitbahay para ma-contact siya gamit ang smart phone since walang landline phone dito. 

“Kumain ka na ba, apo?” tanong ni Lola Tinay na nauna sa phone. “Baka gutumin mo ang sarili mo d’yan, ha? Kung ganyan lang ang gagawin mo, umuwi ka na lang dito at nang may nag-aalaga sa ‘yo.”

“Kumain na ho ako,” sagot niya habang lumalayo sa piniprito niyang tapa matapos patayin muna ang burner dahil baka marinig ni Lola Tinay ang ingay ng kumukulong mantika. Mapapagalitan siya dahil para sa mga ito, late na ang dinner. Six ng gabi sila kumakain ng hapunan sa bahay. At nine PM, tulog na ang mga ito. O kung hindi pa man ay nagpapaantok.

“’Yung totoo?”

“Oho. Napaaga nga ho ang kain ko kasi gusto kong matulog nang maaga. Malamig kasi rito, ang sarap matulog sa kama nang nakabalot ng kumot. Umuulan pa naman po nang malakas sa labas.”

“‘Yan na nga. Aba’y may bagyong paparating daw?”

“Ewan ko ho.”

“Sinasabi ko nga at wala kang kaalam-alam. Diyaskeng bata ka.”

“Ah, gan’on ho ba? Kasi patanong ang sabi n’yo kaya akala ko, sa ‘kin kayo nagtatanong,” poker-faced niyang sabi, saka napangiti noong parang mauubusan ng pasensya itong nagbuntonghininga. 

“Kung kailan bagyo pa saka ka nagpunta riyan. Natatakot kami dahil malayo ka. May kasama ka na ba?”

Nakagat niya ang ibabang labi. Sinasabi na nga ba niya. Baka mapuyat pa ang mga ito sa kaiisip sa kanya ngayong gabi. “A-Ahm, meron na ho, Lola. H’wag kayong mag-alala. Dumating na si Pepper.”

“Pepper? ‘Di ba, paminta ‘yon?”

Bago siya makasagot, narinig sa kabilang linya ang naiinip na paalala ni Lola Kora na kakausapin din daw siya nito kaya bilisan sana ang pakikipag-okrayan sa kanya ni Lola Tinay.

“Anong okra? Pa’no nasamahan ng gulay ang usapan?” sagot ni Lola Tinay sa matanda.

Napahawak siya sa bibig niya bago siya matawa nang malakas. Nakinig siya sandali habang nilinaw ng magpinsan ang kaibahan ng okra sa okray. 

“Babae ba ang Pepper na kasama mo ‘ka mo?” tanong ni Lola Tinay nang makabalik. 

“Babae po, ‘La,” confident niyang sagot.

“Baka hindi magandang pakisamahan. Bakit naman paminta? Baka maanghang ang ugali?”

Napahagikhik siya. “Lola talaga… mukha naman hong mabait.”

“Baka naririnig ka?”

“Natutulog siya sa kwarto niya kasi galing pa yata sa trabaho niya bago nagbyahe at pagod na pagod,” tuloy-tuloy niyang pagsisinungaling. Saka siya napailing. Ano ba ‘yan? The more she talked, the more lies. Pero kung hindi niya iyon gagawin ay mag-aalala lang lalo ang mga ito.

“Anong tunay na pangalan at nang alam namin kung sakaling may mangyaring hindi maganda.”

“Hay naku, Lola—“

“Pangalan?”

“Pepper Magsaysay.” 

Sandali itong natigilan. “Kamag-anak kaya ni Pangulong Magsaysay? Aba’y maganda siguro ang pag-uugali,” distracted nitong sabi.

Napapakunot din ang noo niya. Bakit parang familiar bigla ang pangalan na iyon? Pero hindi niya maisip kung bakit. 

“Tama na ‘yan, ako naman,” angal ni Lola Kora sa kabila. Mukhang nagtagumpay ito dahil mabilis nang nagpaalam sa kanya si Lola Tinay—matapos ang may limang piraso pang habilin na pandagdag sa kanyang listahan na sa totoo lang ay maikli pa para rito—bago nabigay kay Lola Kora ang telepono.

Relaxed na siyang nakangiti noong kausap na niya ang isa pa niyang lola. Malaki ang pagkakaiba ni Lola Kora kay Lola Tinay. Masayahin ito at outspoken. Kahit tumandang walang asawa dahil nahiwalay sa lolo niyang matagal na ring patay, nakaanim naman daw itong boyfriend at may isa itong anak sa asawa nito na ang Mommy nga niya. 

Kaya lang maagang nakuha ng Lord ang Mommy niya—na hindi nagpakasal sa nakabuntis dito, sa kanyang ama, dahil diskumpyado ito rito. 

She was right. Hindi ito responsableng ama and she was better off growing up with her grandmothers. 

Malaki na siya nang nalaman niyang ilang beses nahiwalay sa iba-ibang babae ang ama niya bago ito nag-settle sa huling partner. 

Ang kanyang mga lola ang nagpalaki sa kanya nang mamatay ang Mommy niya, at dinalaw man siya ng kanyang ama nang siguro dalawang beses sa buong buhay niya, hindi siya nito kailanman inalok kung gusto niyang tumira rito. 

Not that she would want to—she barely knew him. But for some reason, she felt she wanted him to at least act like he wanted to be with her.

Pero ni iyon man lang hindi nito nagawa.

Masakit pa rin, pero hindi na iyon gaya noong una. Parang anino na lang ng sakit. Tanggap na niya. 

“Hello, Lola kong pretty, nami-miss na kita!” bati niya sa matanda para hindi na niya maisip ang tungkol sa nag-iisang shadow sa past niya.

“Hello, apo kong beautiful! Nami-miss na rin kita.”

“O, o, ang telephone bill, Kora. Maglalandian na naman kayo ng apo mo d’yan, mano ngang dito sa bahay na lang.”

“Nagsusungit na naman ang isa mo pang lola na hindi ako,” ang sagot sa kanya ni Lola Kora. “Kumusta ka na? Maganda ba d’yan? Tahimik ba, nakakapagsulat ka ba?”

“Oho, okay lang. Masarap dito at maganda ang tanawin. Okay lang ako.”

“Kumain ka na ba?”

“Hindi pa po, sabi ko lang kay Lola Tinay kumain na ako para ‘di ako pagalitan. Nawili kasi ako sa pagsusulat at—oh no!”

“Bakit?”

“Lola, s********p na ng tapa ang mantika. Bubuhayin ko lang ulit ang burner.”

“Sige, sige na. Kumain ka na muna at bukas na tayo magkuwentuhan,” paanas nitong sabi sa kanya bago binalik sa normal ang lakas ng tinig. “Ang mahalaga ay maayos ang lagay mo d’yan. Tawagan mo kami agad o si Hazel kung may problema, apo?”

“Opo.”

At tinapos na nito ang tawag. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status