Share

Chapter Six

Matapos kumain, si Hazel ang sunod na nakausap ni Joey. Tinawagan niya ang kaibigan para makapag-bigay ng update dito. 

“What? Wala pa rin ‘yung Pepper? Siguro kasi masama ang panahon. Sana pala hindi muna kita iniwan,” sambit nito noong sinabi niyang wala pa ang makakasama niya. “Mag-isa ka lang tuloy d’yan, tapos may bagyo pala. Naku, teka, nakausap mo na ang mga lola?”

“Oo, tinawagan nila ako. Sinabi ko na lang na dumating na ‘yung Pepper para hindi sila mag-alala sa akin dito. Alam mo naman ang mga ‘yon.”

“Oo. Baka pilit magbyahe para lang masamahan ka.”

“Oo.”

“Kumusta ka naman? Nagsulat ka na ba o nagpahinga ka muna?”

“Three chapters… and some revising,” sagot niya sa masiglang tinig. “Thank you, Lord!”

“Wow! Sabi ko na sa ‘yo, eh! Dapat pala noon pa para tapos na ngayon at may hinihintay na lang tayong imprenta. Mas napaaga sana ang profit ko.”

“Gaga.”

Nagkuwentuhan pa sila saglit bago nagpaalam sa isa’t isa. Nag-aalala pa rin ito at sinabihan siyang tawagan agad ang iniwan nitong phone numbers ng mga pinsan nito sakaling magkaroon siya ng problema dahil sa bagyo.

Hindi pa siya inaantok pero hindi niya balak magsulat pa ngayong araw na ito. Sa halip, gusto niyang mag-wind down bago matulog para bukas muli magtrabaho. Pinagpilian niya kung magbabasa ng book o N*****x. Pinili niya ang N*****x, nag-cast sa TV sa salas ng isang movie instead na series para hindi siya mabitin at mag-binge watch hanggang umaga. Madidiskaril ang kanyang momentum sa sinusulat niya at iniiwasan niyang mangyari iyon.

Hindi tumitigil ang ulan. Nakakarinig na siya ng manaka-nakang pagkalampag sa labas dahil lumalakas na talaga ang hangin. Nakakapag-alala na tuloy. Nahihirapan siyang mag-concentrate sa pinanonood dahil naiisip na rin niyang nag-iisa lang siya. Kahit maganda ang resthouse at mukhang matibay para sa parating na bagyo (Why did I even think that?! Now I’m thinking of the huffing and puffing wolf tapos isa ako sa biik sa loob ng bahay!), it was her first night here, at hindi niya napigil maglakbay ang imagination niya.

Writer. As if she would stop herself. Kahit ikatakot pa niya, the mind would work.

Pinasadahan ng kanyang utak ang mga possibilities ng mayhem habang nakahiga siya sa sofa. Paano kung may masamang tao sa labas na gustong makapasok sa loob habang may bagyo? Magnanakaw muna, na naging rapist, tapos serial killer. Habang tumatakbo ang movie at nanonood ang kanyang mga mata, detached ang emotion na nagbuo ang kanyang imahinasyon ng series ng mga eksena tungkol sa isang psycho killer na sinubukang i-attack ang isang female victim isang gabing bumabagyo sa isang isolated na resthouse sa Tagaytay. Namatay agad ang pinsan ni Hazel—na ni hindi nga niya pa nakikita kahit kailan—noong sinubukan nitong silipin ang kalagayan ng bakasyunista sa resthouse ng tito nito dahil nga bagyo. May parte sa kanyang namo-morbid-an sa sarili dahil kung anu-anong bayolenteng kabalbalan ang iniisip niya kung kailan nag-iisa siya. 

Pero iyong writer part niya, naghihintay makitang mag-unfold ang mga pangyayari, and it insisted. 

Anong weapon ang gagamitin ni Girl para iligtas ang sarili? Saan siya masusugatan? Hanggang saan ang limit na masa-saktan siya ni Serial Rapist and Killer? Hindi naman niya kilala ang unang pinatay so hindi siya emotionally involved, really. Kailangang bukod sa pinsan nina Hazel, may ibang mauunang masasaktan na mahal ng girl. Ano kaya kung bigyan ko siya ng kapatid… or kaibigan… like Hazel na—

 “No, don’t,” nasambit niya nang malakas. Napahawak siya sa kanyang kumakabog na dibdib habang nakatitig sa mga shadows sa kisame. “Shit, Joey. So desperate for a story. Gaahhh!”

Napabuntonghininga siya at naging aware ulit sa paligid. At syempre, na mag-isa lang siya roon. 

What an idiot she was being.

“At romance ang sinusulat mo ngayon, hindi crime thriller,” pagsesermon niya sa sarili. “Serial killer ka pa more.” 

Nawalan na siya ng gana sa pinanonood at pinatay niya ang TV. Pumasok na siya sa kwarto, naghanda sa pagtulog, at nagbihis ng pantulog na damit. 

Noong nakahiga na siya sa kama, parang nag-commercial break lang pala ang utak niya kasi nagbalik din agad iyon sa obsesyon sa babaeng mag-isa sa isang rest-house sa Tagaytay, sa serial killer, at sa bagyo. 

Hindi na niya pinatay ang ilaw sa lampara hanggang makatulog siya.

Nahirapan sa pagda-drive patungo sa Tagaytay si Pepper. 

It would usually take two hours, but he took almost four because of the heavy rain and thick fog on some parts of the road. 

Tapos, nagkaroon siya ng problema pagdating niya sa address ng resthouse na pupuntahan niya. He had been in this area before. Ang resthouse ay within the confines of a residential resort. Pero dahil sa fog, kinailangan pa niyang magpatulong sa guard para marating ang eksaktong bahay. 

Nang makita niyang buhay ang ilaw sa isang kwarto, nakadama siya ng relief. Good. He didn’t really want to be alone in the house. Hindi niya alam kung kailan siya mabibisita nina Oliver. They promised. But until then, it would be a relief to at least have someone to talk to over coffee.

“Thank you,” sabi niya sa guard sabay abot ng paper bill dito. 

“Salamat din, Ser.” Iniwan na siya ng gwardia na sakay sa service car. 

Gamit ang kanyang susi, binuksan niya ang pinto, ipinasok ang dalawang maleta niya sa bahay, at tumutulo na nagtungo sa bakanteng kwartong obvious na para sa kanya. May papel na naka-tape sa pinto na may pangalan niya, katabi ng kwartong okupado na. At sa kabila ay nakikita niya ang sinag ng night light sa baba ng nakasarang pinto. Nangangaligkig sa lamig, nagtalop siya at nagpalit siya agad ng tuyong damit. 

Habang nasa loob pa ng kanyang kwarto, narinig niyang bumukas ang pinto sa kabila, pagkatapos ay ang mahi-hinang mga yabag patungo sa kusina. Uh-oh. Naistorbo niya ito. 

He planned to go to the kitchen and fix coffee or whatever’s there that’s hot. Tatapusin lang niya ang kanyang pagbibihis. 

Para na rin makilala niya ang kanyang bagong buddy dito sa bahay.

Naalimpungatan si Joey sa ingay na naririnig niya sa katabing kwarto nang sa kanya. May tao na! 

Nakahinga siya nang maluwag. Salamat naman at may kasama na siya. Sa totoo lang kinakabahan siya sa isiping mag-isa lang talaga siya rito hanggang matapos ang bagyo.

Inabot niya ang kanyang cellphone sa nightstand sa tabi ng kama at sandaling nag-shoot ng PM kay Hazel na sa wakas, dumating na ang hinihintay nila. Naisip na rin niyang bumangon para i-welcome ito. Hindi lang iyon, actually. Nilalamig siya at gusto niyang magtimpla ng mainit na gatas. If that still wouldn’t work, she’d take melatonin to finally get to sleep right.

Kumakaluskos pa sa kabilang kwarto noong bumangon siya saka lumabas. Napangiti siya sa relief nang makitang may ilaw sa baba ng saradong pinto. May kasama na talaga siya sa bahay!

She could finally dispense with the horror stories in her head. 

Hinahalo na niya ang gatas sa mainit na tubig sa mug nang marinig niyang bumukas at sumara ang pinto ng kwartong bagong okupa. Nagpaskel siya ng ngiti sa kanyang mga labi habang hinintay niyang sumulpot sa entrada pa-kusina si Pepper Magsaysay.

Pero nang makita niya ito, nalaglag ang ngiti niya kasa-bay nang pagbagsak ng kanyang panga sa pagkamangha. 

Bumagal ang tunog ng kutsarang ihinahalo niya sa gatas sa mug hanggang sa tuluyan na iyong tumigil. 

Ganoon din ang lalaki, na napatigil sa paglalakad nang makita siya. 

Nagkatitigan sila nito. Ang lalaki ang unang nakabawi.

“Joey…?” tanong nito.

Ugh. Of course. Bahagyang nangatal ang kanyang mga labi sa matinding pagpipigil na tumawa nang malakas. Something like this could only happen to her. 

He’s a guy.

And the most gorgeous serial killer she could ever imagine. “Pepper?”

Halos sabay pa silang tumango.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status