Share

Kabanata 3

Abala si Emperor Chen Yi sa pagpupunas ng kanyang bugso at palaso na gagamitin niya mamaya para sa kanyang praktis nang lapitan siya ni Baihe, ang kanyang personal na alalay at taga-silbi.

"Kamahalan, nais iparating sa inyo ni Yuno Ding na nakahanap na siya ng bagong tao na magiging tagabantay mo," pagbabalita nito sa kanya. Saglit siyang napahinto sa kanyang ginagawa at tumingin dito ng ilang segundo bago ibinalik ang kanyang atensiyon sa kanyang ginagawa.

"At sino naman kaya ngayon ang kukuhanin niya para mag-espiya sa mga kilos ko?" habang sinasabi niya ang mga katagang iyon ay dumidiin ang pagkakahawak niya sa malinis na basahan. Talagang gagawin ni Yuno Ding ang lahat para lamang mabantayan ang kanyang mga kilos. Kakatapos pa nga lang nilang mai-dispatsa ang huling taga-bantay niya na espiya rin nito ay mayroon naman kapalit.

"Ang dinig ko ay anak daw niyang babae ang magiging bago mong taga-bantay, Kamahalan."

"Anak niyang babae?" muli siyang napahinto sa ginagawa at nakakunot ang noo na saglit siyang nag-isip. Ang alam niya ay si Binibining Baishe lamang ang ang-iisa nitong anak. Mayro'n ba itong anak na itinatago sa mga tao?

Si Yuno Ding ang pinuno ng mga yuno noong ang kanyang ama pa ang emperor. Ito lamang ang tanging yuno na hindi pinutulan ng p*********i kaya ito nakapag-asawa at nagkaroon ng anak bago namatay ang asawa nito dahil sa malubhang karamdaman. Lahat kasi ng mga pumapasok na yuno sa kanilang palasyo ay pinuputulan ng p*********i para hindi makapag-asawa ng mga babaeng taga-silbi naman ng palasyo. Si Yuno Ding ang kanang kamay at pinagkakatiwalaang tauhan ng kanyang ama. Dahil doon ay dumami ang koneksiyon nito at dumagdag pa ang koneksiyon ng namayapang asawa na anak ng isang general kaya nagkaroon ng sungay.

Labindalawang taon niyang tiniis na nasa ilalim ng kapangyarihan nito at hanggang ngayon ay nagtitiis pa rin siya. Ngunit balang-araw ay makakawala rin siya sa ginagawa nitong pag-kontrol sa kanya kahit wala ang tulong ng taong sinasabi ng babaylan bago ito nawalan ng hininga.

Labindalawang taon na ang nakalipas magmula nang mamatay sa harapan niya ang kanyang ama at ang babaylan na siyang tagapayo nito kasama ni Ding. Pinilit ni Yuno Ding na uminom ng lason ang kanyang ama dahil kung hindi ay papatayin siya pati na rin ang kanyang Lola Yesha na siyang dating reyna. Walang nagawa ang kanyang ama kundi sundin ang kagustuhan ng yuno para lamang ma-protektahan siya at ang kanyang lola. Kahit ang babaylan ay sapilitang pinainom din nito ng lason. Ngunit bago ito tuluyang malagutan ng hininga ay nagawa pa nitong makapagsalita. Ayon dito ay may isang tao na darating at siyang tutulong sa kanya para makalaya sa gagawing pag-kontrol sa kanya ni Yuno Dino. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa dumarating ang taong tinutukoy ng babaylan o kung may tao nga bang darating na makakatulong sa kanya.

Sa edad na labindalawa ay naging emperor siya at dahil bata pa siya't walang kamuwang-muwang sa pagpapatakbo ng kaharian ay si Yuno Ding ang tumayong tagapayo niya. Dahil doon ay mas lalong dumami ang koneksiyon nito at nagtayo pa ito ng sariling hukbo ng mga kawal na mandirigma. Hindi naman ito tumayong tagapayo niya dahil ito naman ang nagde-desisyon sa lahat ng bagay kay mas emperor pa ito kaysa sa kanya. Dahil siya ay isang lamang emperor sa pangalan. Dahil ang totoo ay isa siyang emperor na walang silbi at sunud-sunuran lamang sa kagustuhan nito.

"Iyon ang pagkakarinig ko, Kamahalan. Anak niyang babae na lumaki sa malayong probinsiya ngunit sanay daw na makipaglaban,' pagbibigay impormasyon sa kanya ng kanyang personal na taga-silbi.

Napa-ismid si Chen Yi. Pati ang anak nito ay gagawing kasangkapan para lamang mabantayan ang kanyang mga kilos. Ngunit kahit sino pa ang ipadala nitong espiya laban sa kanya ay wala itong makukuhang impormasyon sa kanya dahil maingat siya. At lahat ng mga ipinadala nitong tauhan para mag-espiya sa kanya ay palihim na nilang iniligpit. At kahit anak pa nito ang gawing espiya laban sa kanya ay hindi siya mangingiming iligpit din ito kung kinakailangan.

***

Hindi maiwasang humanga ni Amayah habang papasok sila sa palasyo ng emperor. Napakalaki ang palasyo nito. Kahit isang araw pa yata siyang maglibot ay hindi niya matatapos na libutin ang buong palasyo sa sobrang laki. Malaki rin naman ang palasyong tinirahan niya noong bata pa siya ngunit kailanman ay hindi siya nakapaglibot sa paligid. Hanggang sa kanilang hardin lamang siya pinapayagan ng kanyang yuno na mamasyal.

"Tandaan mo ang mga ibinilin ko sa'yo, Amayah," wika ng kanyang amain na kasama niyang naglalakad, saglit na huminto ito sa paglalakad para siya'y lingunin.

"Opo, Ama. Tatandaan ko ang mga ibinilin mo," mabilis niyang sagot dito. Ang mga ibinilin nito sa kanya na dapat niyang tandaan ay palagi raw niyang kilatisin ang mga taong nakakausap ng emperor dahil maraming tao raw ang nagtatangka sa buhay nito, palagi niya itong sundan kahit saan man ito magpunta para makasiguro siya sa kaligtasan nito, dumistansiya siya at huwag makikipaglapit dito at higit sa lahat ay hindi raw dapat na makita ng emperor ang kanyang mukha. Kaya niyang gawin ang tatlong unang inihabilin nito sa kanya at ang panghuli naman ay hindi na nito kailangan pang ihabilin sa kanya dahil wala naman siyang balak na ipakita sa emperor ang hindi kaaya-aya niyang mukha.

"Mabuti at nagkakaintindihan tayo." Tumatangong sabi nito bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Hanggang sa makarating sila sa hardin kung saan naroon ang emperor at nagpa-praktis daw sa paggamit ng busog at palaso ay hindi na nagsalita pa kanyang amain.

Kahit paano ay nakaramdam ng magkahalong kaba at pananabik si Amayah na makaharap ang emperor ng Chen Dinastiya. Naiisip niya kung ano ba ang ugali nito at hitsura dahil ang pagkakaalam niya ay bata pa ang kanilang emperor. Bata pa raw kasi ito nang maupo sa trono matapos mamatay sa sakit ang dating emperor na ama nito. At ang kanyang amain ang naging tagapayo nito dahil bata pa ito at wala pang muwang sa pagpapatakbo ng isang kaharian.

Pagdating nila sa hardin ay nakita niya ang isang lalaking nakatalikod sa kanila at nagpa-praktis ng paggamit ng busog at palaso. Nang pakawalan nito ang hawak na palaso ay tumama sa mansanas na siyang ginawang target. Napahanga siya nang makita ang galing nito sa paggamit ng sandatang iyon. At aaminin niyang mas magaling itong pumana kaysa sa kanya. Magaling din namang siyang pumana ngunit sa tingin niya ay mas magaling sa kanya ang emperor. Sa tindig at porma pa lang ay nakikita na niyang bihasa ito sa paggamit sa bagay na iyon.

"Napakahusay! Talagang napakagaling mong gumamit ng busog at palaso, Kamahalan," puri ng kanyang amain habang pumapalak ang dalawang kamay. Agad namang lumingon sa gawi nila ang emperor nang marinig ang boses ng kanyang amain.

"Mas magaling ka sa akin, Yuno Ding. Ang kakayahan ko ay walang-wala kung ikukumpara sa kakayahan mo," agad na sagot ng emperor sa seryosong mukha. Hindi niya tuloy malaman kung galit ba ito na pinuri ng kanyang amain o talagang ganoon lang ang mukha nito. Iniabot nito sa yuno nito ang busog at palaso pagkatapos ay lumapit sa kanila. Bahagya naman siyang yumukod bilang pagbibigay ng galang dito samantalang ang kanyang amain ay nanatiling nakatayo na parang hindi emperor ang kaharap nito.

Hindi napigilan ni Amayah ang humanga sa angking kakisigan ng batam-batang emperor. Tila iginuhit ng isang magaling na pintor ang dalawang guhit sa itaas ng mga mata nito na bahagyang naniningkit. Ang ilong ay parang sadyang inukit ng isang magaling na iskultor at ang pula pa ng mga labi. Kahit na seryoso ang anyo nito ay hindi pa rin iyon nakabawas sa angkin nitong kakisigan. Tila pa nga nakaragdag sa karisma nito ang pagiging seryoso ang anyo. Naisip niya na maraming kababaihan ang tiyak na pinapangarap na masulyapan man lamang ng emperor. Ngunit sa isip niya ay isang napakagandang prinsesa lamang ang nababagay sa makisig nilang emperor.

Hindi ba't isa ka rin namang prinsesa? anang maliit na tinig sa kanyang utak. Mabilis niyang ipinilig ang kanyang ulo para maalis ang munting tinig na iyon. Oo, isa nga siyang prinsesa pero dati pa iyon. At isa pa'y hindi kanais-nais sa paningin ng ibang tao ang kanyang mukha. Tiyak na matatakot ang emperor kapag nakita nito ang panget niyang anyo.

"Pareho lamang tayong magaling, aking emperor," napahalakhak na tugon ng kanyang amain. Hindi niya maiwasan ang bahagyang mapakunot ng noo. Hindi ba naiilang ang kanyang amain na ito'y nakatawa samantalang ang kausap ay seryoso lamang ang anyo? O baka naman sanay na ito sa ugaling iyon ng emperor kaya hindi na ito naiilang pa. "Siyanga pala, ito ang aking bunsong anak na si Amayah. Magmula ngayon ay siya na ang magiging kapalit sa taga-bantay mo na biglang naglaho," pakilala nito sa kanya. Bahagya siyang napayuko nang sulyapan siya ng emperor.

"Hindi kaya matulad lamang siya sa ibang mga naging taga-bantay ko na bigla na lamang naglaho?" tila mahiwagang tanong ng emperor na tinawanan naman ng kanyang amain.

"Huwag kang mag-alala dahil nasisiguro ko na hindi maglalaho na parang bula si Amayah," nakangiti pa rin na sagot ng kanyang amain. Hindi niya maintindihan ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit tila ba may laman ang bawat salita na binibitawan ng mga ito.

"Ow? Makikita natin," bahagyang nakataas ang kilay na sagot ng emperor. Naglakad ito palapit sa kanya at huminto ng mga ilang pulgada na lamang ang pagitan nilang dalawa. Tila huminto ang kanyang paghinga nang biglang umangat ang isa nitong kamay papunta sa mukha niya para alisin ang belo na nakatakip sa mukha niya. Ngunit bago pa nito mahawakan ang kahit dulo ng kanyang belo ay mabilis nang nahawakan ng kanyang amain ang braso ng emperor para pigilan sa binabalak gawin.

"Hindi mo gugustuhing makita ang nakakatakot na mukha ng aking anak, Kamahalan," anang kanyang amain.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ng emperor sa kanyang amain ngunit sa kanya naman nakatutok ang mga paningin.

Ibinaba muna ng kanyang amain ang braso ng emperor na hawak nito bago sinagot ang tanong ng kamahalan. "Noong bata pa siya ay hindi ko sinasadyang matamaan ng aking latigo ang kanyang mukha. Nagmarka ang latigo sa kanyang mukha at hindi na naalis pa. At ang sino mang nakakakita sa mukha ni Amayah ay natatakot at nandidiri. Para hindi siya pandirihan at katakutan ay pinagsuot ko siya ng belo sa mukha at hindi ko pinapayagang alisin niya ito sa mukha niya," mahabang paliwanag ng kanyang amain.

Napayuko ng ulo si Amayah. Ayaw niyang makita kung ano ang magiging reaksiyon ng emperor sa mga ikinuwento rito ng kanyang amain. Pero mabuti na rin iyon para hindi na ito magtangkang alisin pa sa kanyang mukh ang suot niyang pulang belo.

Hindi na nagtagal pa sa hardin ang kanyang amain. Pagkatapos nitong ipaintindi kay Emperor Chen Yi na hindi maaaring alisin ang belo niya sa mukha ay nagpaalam na rin ito dahil marami pa itong trabaho na dapat asikasuhin. Pagkaalis ng kanyang amain ay saglit siyang pinagmasdan ng emperor bago sinenyasan na lumapit doon kung saan nakalagay ang mansanas na ginawa nitong target kanina. Nang mapagtanto niya kung ano ang binabalak nitong gawin ay mahigpit niyang naikuyom ang dalawa niyang mga kamao. Nais nitong ilagay niya sa kanyang ulo ang mansanas at titirahin nito. Ito na nga ba ang sinasabi niya na nakalagay sa isang hukay ang isang paa nang sino mang taga-bantay nito. Kahit nakita niya kanina na magaling itong pumana ay hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala para sa kanyang kaligtasan. Paano kung bigla itong sumablay at sa halip na ang mansanas ang tamaan ay mukha niya ang matamaan nito? E di nabutas ang mukha niya. Ito na ba ang magiging katapusan niya? Hindi na ba niya maipaghihiganti ang nangyari sa kaharian nila at ang pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status