Share

CHAPTER 5: UNEXPECTED CHANGES

KUMUNOT ang noo ni Miguel na para bang wala itong ideya sa mga salitang lumalabas ngayon sa kaniyang bibig. Para siyang nakikipag-usap ngayon sa isang batang walang muwang na gusto lamang magsauli ng bote ng soft drinks sa tindahan.

“Alam mong may ibang kasamang babae ang asawa mo tapos okay lang sa’yo? Mapapalampas pa sana kung kaibigan, pero ex-girlfriend niya ‘yon, Nicole! Nahihibang ka na ba talaga o nagbubulag-bulagan ka lang?”

Biglang naguluhan si Nicole sa kaniyang narinig. “Ako lang ba ang nakapansin o concern ka lang sa akin?”

Marahas itong napabuntong-hininga saka matiim siyang tinitigan.

“Hindi rin…ang akin lang ay ikaw ang asawa. May karapatan kang kontrolin kung ano mang pinaggagagawa nitong si Noah. Maliban na lang kung gusto mong masaktan sa huli at mapunta siya sa iba?"

“Parang nagbago yata ang ihip ng hangin at bigla kang bumait, Miguel? Dati-rati naman ay ayaw mo sa'kin para kay Noah.”

Lumalim bigla ang gatla nito sa noo. “Kasi hindi pa naman kita gaanong kilala noon. Malay ko ba kung anong motibo mo para pakasalan ‘tong kaibigan ko. Pero ngayong kilala na kita ay masasabi kong okay ka naman pala, mabait kahit mataray at isa pa, nakita kong mahal na mahal mo ang asawa mo."

Lihim siyang napangiti sa narinig. At least may tao rin palang makapagsasabing hindi siya nagkulang na iparamdam ang pagmamahal sa asawa.

“Hindi mo na kailangang mag-alala sa’kin kung ‘yon naman ang ipinupunto mo dahil maghihiwalay na kami ni Noah.”

Nanlaki ang mga mata nito sa gulat.

“At bakit?!"

Nagkibit-balikat si Nicole. “Tanungin mo na lang si Noah."

Tumango lamang si Miguel at sumenyas sa kaniyang dadalhin nito sa kwarto ang asawa. Hinayaan niya ito habang siya naman ay kumuha muna ng maliit na batyang may maligamgam na tubig dahil balak niyang punasan ang asawa.

Gusto niyang matuwa dahil pakiramdam nito ay nagkaroon siya ng kakampi sa katauhan ng best friend ni Noah ngunit hindi niya magawa.

Lupaypay ang braso ni Nicole matapos mabihisan at maihiga sa kama ang asawa. Tatayo na sana ito para makapagpahinga sa sofa nang bigla siyang hinila papalapit ni Noah saka mahigpit na niyakap.

“Matulog ka na rito,” bulong nito. "Stay with me for tonight, please."

Napapikit si Nicole at dinama ang init ng yakap nito. Gustong-gusto niya talaga ang pakiramdam na makulong sa yakap ni Noah. Feeling nito, safe na safe siya sa tuwing nasa tabi niya ang asawa at para bang naglalaho ang lahat ng mga problema at isipin niya sa buhay.

At ngayong malapit na silang magkahiwalay ay baka hindi na niya muli pang mararanasan ang ganito.

Kaya kahit ngayon lang…

Kahit ngayon lang ay gusto niyang sulitin ang pagkakataon na makasama si Noah at baunin ang magandang alaala nilang magkasama. Hindi naman masamang gawin 'yon for the last time, hindi ba?

Tao rin naman siya...nagmamahal, nasasaktan at nangangarap na makasama habambuhay ang taong minamahal.

Nang lumuwag ang yakap ni Noah ay bumangon siya upang matitigan nang maayos ang mukha nito, na lagi niyang ginagawa hanggang sa antukin at makatulog.

Alam nitong naging mabuti at mapagmahal siyang asawa kay Noah, pero saan siya nagkulang?

Bakit kahit anong buti niya ay hindi siya nito nagawang mahalin?

Hindi ba siya kamahal-mahal?

Nagawa naman nila ang mga gawaing ginagawa ng tunay na mag-asawa. Ibinigay niya ang lahat dito, mula katawan lalong-lalo na ang puso niya.

Pero bakit hindi pa rin iyon naging sapat?

KINAUMAGAHAN, maaga siyang bumalik sa kwarto nilang mag-asawa upang huwag mapansin ni Noah na sinadya niyang matulog sa guest room dala na rin ng sama ng loob.

Gustuhin man kasi nitong intindihin ang mga nangyayari ngunit naguguluhan siya. Laman pa rin ng isipan niya ang ginawang pagsisinungaling ng asawa para lamang mapagtakpan ang pakikipagkita kay Ella.

"Anong nangyari sa mukha mo?” may pangamba ang boses nitong bungad nang makita siya.

Napatingin siya sa salamin at nabigla nang makitang puno ng pantal ang mukha.

Hindi akalain ni Nicole na mati-trigger pa rin ang allergy niya kahit nakainom na siya ng gamot kagabi. Nagmukha kasing mapa ng Pilipinas ang mapupulang pantal sa mukha niya na umabot pa hanggang leeg.

“Ano…baka may nakain lang akong nakapagpa-trigger ng allergy ko,” palusot ni Nicole. "Mabuti naman at gising ka na, ipagtitimpla na kita ng kape."

Bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. Umangat pa ang kanang kamay ng asawa na para bang balak nitong hawakan ang mukha niya pero mabilis nitong inilayo ang sarili.

“Are you sure? Baka kailangan nating magpunta ng ospital para patingnan ‘yan?” saad ni Noah.

Umiling siya saka sinubukang takpan ng buhok ang mukha pero hindi iyon naging sapat upang maitago ang mga pantal niya.

“Ayos lang talaga ako," pagsisinungaling niya kahit bahagya na ngayong nangangati.

Saglit itong tumitig sa kaniya na para bang nagdadalawang-isip kung paniniwalaan ang mga sinasabi niya, kaya naman wala siyang nagawa kung hindi muli itong kumbinsihin.

“Okay, kailangan ko nga palang magpunta sa bahay ni lolo ngayon para sa nalalapit niyang birthday. Ang sabi ay isama ka raw pero sa hitsura mo ngayon ay baka isipin nitong pinapabayaan kita.”

“’Wag mo na lang akong alalahanin. Pwede ko namang itago ng concealer ‘tong mga pantal sa mukha o hindi kaya idahilan na lang nating may importante akong inaasikaso,” ani Nicole.

MATAPOS makapag-ayos ay napansin nitong parang biglang naging abala si Noah sa hawak nitong cellphone. Bumalik na naman ang mapait na ekspresyon sa mukha nito na para bang mayroon na naman itong kinaiinisan.

“Let's go?" tanong sa kaniya ni Noah.

"Napirmahan ko na pala ‘yong annulment papers. Pwede na nating i-file 'yon sa lalong madaling panahon.”

Malakas na napabuntong-hininga si Noah saka inayos ang tayo. “Gano’n ba?"

She just smiled at him as an answer.

"Okay, pero hindi pa ito ang tamang oras para sabihin ko sa kanila ang totoo. Hindi magandang isabay sa birthday ni lolo ang nakakalungkot na balita. Baka mamaya sumama pa ang loob niya, mas mahirapan pa tayo,” saad ni Noah.

Napatitig siya sa mukha ng asawa, hindi niya maintindihan kung bakit parang naglaho bigla ang dilim ng ekspresyon nito. Marahil dahil komportable na itong kausap siya o baka naman masaya itong napirmahan na niya ang dokumento para sa kanilang annulment.

"By the way, Nicole. Nakalimutan kong sabihin sa'yong invited si Ella sa party ni lolo. Ayos lang ba sa'yong makita siya mamaya?"

Itinago nito sa pamamagitan ng isang matamis na ngiti ang nararamdaman saka napatango na lamang.

Handa siyang makita ang dating nobya ng asawa ngunit hindi ang masilayan ang dalawang magkasama mamaya.

Baka kasi magselos siya nang wala sa lugar at maluha pa sa harapan ng mga kamag-anak nito.

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
MissGhella
Thank you so much po, Ma'am. Daily update na po tayo. ...️...️...️
goodnovel comment avatar
MissGhella
Thank you so much, Ma'am. Daily update na po tayo. ...️
goodnovel comment avatar
Rosalie Villaber
update please
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status