Share

CHAPTER 2

NAPATILI si Althea nang bumula ang buong sink. 

                “What happened?” Humahangos na tanong ni Rigor.  Nakita niya ang inis sa mukha nito nang makita ang ginawa niya, “Damn, parang gusto ko ng pagsisihang pumayag akong dumito ka sa bahay ko!  Sa halip na makatulong, dinagdagan mo pa ang sakit ng ulo ko!” Yamot na sabi nito sa kanya saka kinuha ang hawak niyang dish washing liquid, “Simpleng bagay lang, di mo pa alam gawin?  Kahit bata marunong maghugas ng pinggan!”

                “Pasensya na, sanay kasi akong may mga maids!” nakairap na sagot niya rito, “Bakit ba kasi pinapahirapan pa nating mga sarili natin? Kung gusto mo, ako na lang ang magpapasweldo sa maid kung nagkukuripot ka!”

                “Sa palagay mo kaya wala akong maid dahil nagtitipid ako?” Singhal nito sa kanya, “May mga bagay na hindi mo na kailangang iasa pa sa iba.  Kaya ka naloloko ng kung sinu-sino dahil. . .”

                “Dahil ano? Dahil tanga ako?” Nagdadamdam na sabi niya, “Alam ko namang di ako matalino.  K-kaya nga pinaubaya ko na lang sa asawa ko ang paghandle ng company nang mamatay ang parents ko dahil di ko kaya. . .” Parang batang sabi niya rito, “Kasalanan ko ba kung hindi ganun kataas ang IQ ko?”

                “Hindi kailangang maging matalino para lang matutong maghugas ng pinggan.  At huwag mo kong idaan sa mga drama mo.  Tamad ka lang kamo!  Palibahasa puros lakwatsa ang alam mong gawin nung nag-aaral ka pa kaya ayan, di ka tuloy nakatapos.”

                Nangunot ang nuo niya, “B-Bakit ang dami mong alam tungkol sakin?” Nagtatakang tanong niya rito, maya-maya ay napakurap saka napahawak sa kanyang dibdib, “Stalker ka no?  May pagnanasa ka sa kin kaya mo ko ini-stalk!” Naningkit ang mga mata niya, “Ngayon pa lang binabalaan na kita, hinding-hindi mo makukuha ang katawan ko!”

                Tila napipikong lumapit ito sa kanya saka tinuktukan siya, “Uy, gising!  Kung may pagpapantasyahan man akong babae, sinisigurado ko saiyong hindi ikaw iyon!” Paniniyak nito sa kanya, “Kaya ‘wag kang assuming!”

                Napaismid siya,  “Eh bakit ang dami mong alam sa buhay ko?”

                Napangisi ito, “ina-assume ko lang na di ka nakatapos ng college, hindi ko namang akalaing tama nga ang hinala ko.” Napapailing na sabi nito sa kanya, “Ang sakit siguro ng ulo ng parents mo saiyo.”

                Napayuko siya nang maalala ang mga magulang dahil totoong sumakit ang ulo ng mga ito sa kanya nuon ngunit dahil nag-iisa lang siyang anak, di siya magawang itakwil ng mga ito kahit pa kung anu-anong kabulastagan ang ginagawa niya.  Kaya nga ‘nung maaga siyang nag-asawa, sa halip na magalit ay natuwa pa ang mga ito.  At least raw ay may magmamanage na ng mga negosyong maiiwan ng mga ito sa kanya.  Matalino kasi si Griff.  Actually, isa ito sa mga beneficiaries sa foundation ng ama niya.  Hindi naman kasi mayaman ang pamilya ni Griff.  Kung hindi nga marahil sa sipag at tiyaga nito ay hindi ito makakapag-aral.  Family driver lang ang ama nito at ang nanay naman nito ay dating may puwesto sa palengke.  Syempre nang makasal sila ni Griff ay pinahinto na niya ang mga ito sa pagtratrabaho at hinayaan niyang sustentuhan na lamang ang mga ito ng asawa.

                Hindi naman kasi siya madamot.  Aanhin ba niya ang napakaraming pera?  Mas gusto niyang mag-share ng mga blessings. 

                Napakagat labi siya.  Sa kabila ng kabutihang ipinakita niya kay Griff at sa pamilya nito ay ito pa ang isinukli sa kanya ng asawa?

                “Kung gusto mong mabago ang buhay mo, kailangan mong simulang baguhin ang tingin mo sa sarili mo!” Parang nakikipag-usap sa batang sabi sa kanya ni Rigor, “You have to believe in yourself.  At hindi lahat ng bagay kailangang iasa sa ibang tao.  Kagaya ngayon?  Hindi ka naman busy, bakit hindi mo gugulin ang oras mo sa makabuluhang mga bagay?”

                “Gusto ko ng makipagkita kay Griff. . .”

                “Paghandaan mo muna ang pagkikita ninyo.  Kailangang emotionally ready ka na.  Marami ka pang dapat na matutunan, Sophia!”

                Napaismid siya sa pangalang binanggit nito.  Mas gusto pa rin niya ang tunay niyang pangalan.  “Pwede bang kapag tayong dalawa lang, ‘wag mo kong tinatawag sa ganyang pangalan?” Request niya rito.

                “Kailangan mong sanayin ang sarili mo.”

                “Ang dami-daming mas magandang pangalan, bakit ba Sophia pa ang naisip mo? Pwede namang Roxy, pwedeng Alexa, or Ginger. . .”

                “Kapag sinabi kong Sophia sumunod ka na lang, okay?” Matigas ang tonong sabi nito sa kanya, pakiwari niya ay naiinis na naman ito sa kakulitan niya.  Napatango na lamang siya para hindi na nila pagtalununa iyon.

                Ano bang meron sa Sophia?  Ayaw niya sanang iyon ang maging pangalan niya dahil pangalan iyon ng atribidang aso ng kapatid ni Griff na palagi siyang tinatahulan sa tuwing bumibisita siya sa mga ito.

                “Oh, ikaw na ang magpatuloy ng ibang mga hugasan!” sabi nito sa kanya nang malinis na nito ang sink, “Siguro naman kaya mo na ito?”

                “Sinimulan mo na, bakit hindi mo pa kaya tapusin?” Reklamo niya ngunit natahimik din nang makita niyang pinandilatan na siya nito ng mga mata.  Nakasimangot na kinuha niya ditto ang dish washing liquid at sponge.  First time sa buong buhay niya siya maghuhugas ng pinggan.  Pinalaki kasi siyang parang prinsesa ng mga magulang.  Ni ayaw siyang mapadapuan sa langaw.  Pagkatapos ay pagtatangkaan lang pala ng asawa niya ang buhay niya.

                Kung nabubuhay lang siguro ang parents niya, malamang ay ipinapatay na ng mga ito si Griff sa ginawa nito sa kanya.  Kilala niya ang ama.  Hindi na nito hihintaying isuplong ito sa mga pulis.  Ito na mismo ang mag-bibigay ng sentensya ditto.  Pagdating sa kanya ay walang sinisino ang mga magulang niya.  Muli na naman siyang napaiyak nang maalala ang kanyang mga magulang.  Nagsisikip na naman ang dibdib niya kapag naalala ang mga sakit ng ulong ibinigay niya sa mga ito.

                Namatay ang kanyang parents nang di man lang ang mga ito nagging proud sa kanya.  Kaya gagawin niya ang lahat para mabawi niya ang kompanyang minana niya sa mga ito.

“SHIT!” SIGAW NI ALTHEA nang mapanuod sa tv si Griff na umiiyak habang kunwari ay pinaghahanap siya.  Sabi pa nito sa reporter ay isang buwan na raw simula nang maglayas siya at may reward na isang milyon sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan niya.  “Napakagaling talagang umarte ng hayup na ‘yan!” pinagsusuntok niya ang hawak na throw pillow sabay subo ng pop corn, “Kuu, magpa-interview kaya ako at sabihin ko sa madla kung sino ako at kung anong ginawa sakin ng hayup na ‘yan?”

                “Subukan mo para ibalik ko sa dati yang pagmumukha mo,” asar na sabi ni Rigor sa kanya, “Pwede ba ngumuya ka ng tahimik?” Iritado pang dagdag nito, “Daig mo pa iyong mga construction worker kung ngumasab ng pagkain eh.  Manuod ka na lang ng tahimik, okay?”

                Inirapan niya ito saka tahimik na nanuod.

                Gigil na gigil siya habang pinapanuod ang pag-iyak ni Griff sa harap ng camera.  God, hindi siya makapaniwalang ito ang lalaking pinakasalan niya.  To think na gusting-gusto ito ng kanyang mga magulang para sa kanya.  Magaling talaga itong magsinungaling.  Sanay na sanay na.  Pang award ang acting nito.  Mas bagay siguro itong artista kaysa CEO ng kompanya.

                Sa sobrang inis ay napapaiyak na rin siya.

                Hindi niya akalaing minahal niya ito ng todo-todo na halos ibinigay na niya ang lahat-lahat para ditto.  Ni wala na nga siyang itinira para sa sarili niya.

                “Tissue,” halos paanas lang na sabi ni Rigor nang makitang tumutulo na rin ang uhog niya.

                “Salamat,” sumisinghot na sabi niya, kinuha niya ang ibinigay nitong tissue at pinahid ang kanyang mga luha pati na rin ang sipon niya.

                “Itapon mo yang mga tissue na ginamit mo sa basurahan ha?  Ayokong makakita ng kahit na anong kalat ditto!” pagkasabi niyon ay tumayo na ito, “Double check the lock bago ka matulog.  Hindi ako uuwi ngayong gabi,” dinampot nito ang leather jacket sa mesa at lumabas na ng unit. 

                Pinatay na niya ang tv nang makaalis ito.  Tiniyak muna niyang nakalock ngang mabuti ang pinto bago siya pumasok sa kanyang kuwarto.

                Nagsisikip ang dibdib niya habang naiimagine si Griff sa harap ng mga reporters.  Kapal rin ng mukha.  Nakagawa pang magpa-presscon.  Hah, may paiyak-iyak pa itong nalalaman!  Sementado na marahil ang puso nito kaya wala ng konsensya.

                Nangngangalit ang kanyang mga bagang habang napapakuyom ng kanyang mga palad.  Parang hindi na talaga siya makapaghintay pa na muling magkrus ang landas nila ng kanyang asawa.  Gugulatin niya ito.  Sisindakin niya ito at titiyakin niyang ito naman ang paglalaruan niya sa kanyang mga palad.  Patutunayan niyang nagkamali ito ng babaeng kinalaban nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status