Share

Kabanata 6

Tahimik lang na nakaupo si Giovanni sa sedan na kinalululanan habang patingin-tingin naman sa kaniya sa salamin ang nagmamaneho niyon.

"Stop looking at him. Huwag mong takutin," natatawa namang wika ng katabi ng driver.

"Don't worry, I fear nothing. Kung ipapa-salvage niyo man ako ngayon, walang problema," seryoso namang sagot ni Giovanni.

Nagkatinginan at sabay na nagkatawanan ang driver at katabi nito.

"Mukhang magugustuhan ka ni boss," komento ng driver.

"Malayo pa ba tayo?" Pagkuwa'y tanong na lamang ni Giovanni.

"Actually, we're already here," sagot naman ng katabi ng driver.

Nagtatakang napatingin sa labas si Giovanni. Sarado ang mga bintana ng sasakyan dahil naka-aircon sila. Tinted din iyon kaya medyo may dilim ang nakikita niya sa labas. Nang sabihin ng lalaking malapit na sila ay nagtaka lamang siya dahil wala pa siyang nakikitang kahit anong bahay sa paligid. Open field iyon at kung susuriin niya ay parang malayo-layo pa ang kailangang lakbayin ng sasakyan bago makarating sa destinasyon nila.

"Ang balita namin, limang taon ka ng truck driver sa isang warehouse rito. Hindi mo ba naririnig ang Baldini Family?" tanong ng nagmamaneho.

"Wala akong masyadong alam sa mga tao na may apelyidong Baldini. Pero ang mga sikat na kompanya, business, pati na rin iyong casino ay madalas kong marinig," sagot ni Giovanni.

Napansin ni Giovanni na medyo bumagal ang takbo ng sasakyan. Bumukas naman ang bintana sa side ng nasa shotgun seat at inilabas nito ang kanang kamay saka kumaway. Nakita niyang may isang malaking gate na bumukas at may mahigit limang malalaking lalaki ang nakabantay doon. Wala siyang makitang armas na nakasuksok sa tagiliran o nakasukbit sa balikat ng mga lalaki. Ang isa pa niyang napansin ay ang lalaking nasa loob ng isang tila guard house na may kausap sa cellphone habang nakatingin sa kanila. Duda niya ay itinatawag na ng lalaki ang pagdating nila.

"Huwag kang mag-panic. Kailangan lang nilang i-check ang bawat sulok ng sasakyan. Ganoon talaga kapag may bagong papapasukin sa mansiyon," baling ng nagmamaneho kay Giovanni.

Kusa ngang nag-unlock ang pinto sa kinauupuan ni Giovanni. Binuksan lahat ng apat na pinto ng sasakyan at sumilip ang mga bantay sa gate, ultimo sa paanan niya ay sumilip ang mga ito. Pagkatapos ay bumukas naman ang pinto sa likod ng sasakyan upang iyon naman ang isunod na i-check.

"Clear," dinig ni Giovanni na saad ng lalaking may cellphone sa tainga.

"By the way, kanina mo pa pala kami kasama pero hindi pa kami nagpapakilala. Just call me Ramo, short for Abramo. Ito naman si Dante," pagpapakilala ng lalaking nasa shotgun seat.

"Gio," tipid na tugon ni Giovanni bago muling sumara ang pinto ng sasakyan.

Umandar na muli sila at tantiya ni Giovanni na humigit-kumulang sa kinse minutos pa ang itinakbo nila bago sila nakarating sa isa pang gate kung saan may nakasulat sa itaas niyon na Baldini Mansion.

"Nandito na tayo," saad ni Ramo.

Napabuntonghininga pa si Giovanni nang i-check pa rin ng mga bantay sa gate na iyon ang loob ng sedan na kinalululanan. Kung ano ang ginawa sa unang gate kanina ay ganoon din ang ginawa ulit ngayon. Napagtanto niyang hindi nga basta-basta mapapasok ng kalaban ang mansiyon ni Lucca. At kung mapasok man, sa unang gate pa lang ay malalaman na kaagad at makakapaghanda na ang mga nasa mansiyon. Tiyak niya ring may escape route si Lucca sa mansiyon na iyon kung sakali man.

"Sa library niyo raw siya dalhin, 'wag sa mismong mansiyon," wika kay Ramo ng isang nagbabantay sa gate.

Naglikot ang mga mata ni Giovanni sa paligid. Napakaluwang niyon. Mula roon ay may natatanaw siyang mataas na bahay at duda niyang iyon ang mansiyon na tingin niya ay may fifty meters pa ang distansiya mula sa kinaroroonan niya. Natatabunan din iyon ng ilang mga puno kaya hindi masyadong kita ang kabuuan at may iba pang bubong siyang nakikita bago ang mga punong tumatabon sa kalahati niyon.

"Baba na," tawag ni Ramo kay Giovanni.

Nakapagpark na sila at nang bumaba si Giovanni ay isa iyong maluwang na parking lot.

"Sumunod ka lang sa amin," saad naman ni Dante na iniayos pa ang kaniyang sinturon kaya nasulyapan ni Giovanni ang baril nito sa tagiliran.

Bukod kina Ramo at Dante ay may tatlo pang nakabuntot kay Giovanni habang naglalakad sila.

"Ganoon pala kadami ang bantay ng mga Baldini?" sambit ni Giovanni habang naglalakad.

Ngumiti lang si Ramo at Dante.

Ilang sandali pa ay huminto na sila sa paglalakad. Nasa tapat na sila ng isang kulay orange na pinto at nang bumukas iyon ay iniluwa si Carlo na matiim kaagad ang titig na ibinigay kay Giovanni.

"You must be Gio Ricci," wika ni Carlo.

Ramdam ni Giovanni ang lamig ng boses ni Carlo ngunit nanatiling kalmado ang kaniyang mukha.

Tinanguan naman ni Carlo si Ramo hudyat na papasukin na si Giovanni at tumalikod na ito sa kanila.

"Sige na, pumasok ka na. Hindi na kami kasama sa loob. Nandiyan sa loob si boss, naghihintay sa 'yo," nakangiting ani Ramo kay Giovanni.

Nang makapasok na si Giovanni sa loob ay muling naglikot ang kaniyang mga mata. Sa magkabilaang gilid ay mayroong book shelves na puno ng mga libro. Mahaba ang pasilyong iyon at sa dulo ay isang clear na bintana na mistulang pinto sa laki. Ipinagtataka niya pa na kaybilis nawala ni Carlo samantalang halos kasunod naman siya. Sa haba ng pasilyong iyon dapat ay tanaw niya pa ang lalaki. Pagkarating niya sa dulo ay parehong pwedeng lumiko sa kanan o kaliwa, ang tanong lang ay kung saan ba siya tamang pupunta.

"Sa wakas ay makikita ko na rin ng malapitan ang mukha ng taong nagligtas sa buhay ko at sa nag-iisang babae ng buhay ko."

Napalingon si Giovanni sa kanan kung saan nanggaling ang boses. Nakilala niya kaagad si Lucca, ngunit kailangan niyang ipakitang nagtataka ang kaniyang mukha.

"Mukhang hindi mo kaagad ako namukhaan base sa reaksiyon mo," mahinang tumawa si Lucca pagkatapos ay naglakad ito palapit kay Giovanni.

"I'm Lucca and it's nice to finally meet you, Gio Ricci, the truck driver who saved me from death," paglahad ni Lucca ng kamay.

Tinitigan muna ni Giovanni ang palad ni Lucca.

"It's okay, I'm harmless to kind people," pagngiti ni Lucca.

"Sorry, I don't mean to be rude," mabilis na ngang kinamayan mi Giovanni si Lucca.

"Your english is good," komento ni Lucca.

"Kahit papano ay nakapag-aral din ako at isa ang english sa paborito ko. Hinasa ko talaga ang sarili ko sa paggamit ng salitang Ingles at Italian dahil na rin sa trabaho ko. Marami kasi akong nakakasalamuhang may iba't-ibang gamit na salita," mabilis na pagpapaliwanag ni Giovanni. Bago pa siya pumunta roon ay nakahanda na ang lahat ng sasabihin niya. Alam niyang konklusyon kaagad ni Lucca na mahirap lamang siya kaya't maaari nga nitong kuwestiyonin ang iba pa niyang kakayanan.

"Follow me, please," nakangiti pa ring wika ni Lucca bago ito nagpatiunang maglakad.

Muling inilibot ni Giovanni ang paningin sa paligid. Hindi niya kailangang ilihim ang pagmasid sa loob niyon dahil alam niyang iisipin lamang ni Lucca na namamangha siya na makakita ng ganoon kaganda at kaluwang na library. Ngunit ang tunay na pakay naman ng paglibot niya ng tingin ay upang makabisado ang loob niyon. Duda niya rin may secret passage roon na maaaring siyang pinasukan ni Carlo kanina kaya nawala kaagad ito sa pasilyo.

"Sit down, please," untag ni Lucca kay Giovanni na abala sa pagtingin sa paligid.

Naupo si Lucca sa isang couch na naroon at si Giovanni naman ay sa sofa naupo. Mula sa kinauupuan niya ay may kaharap pa siyang isang sofa at sa bandang kaliwa niya naman ay ng couch na kinauupuan ni Lucca. Mayroon ding center table kung saan may isang librong nakapatong doon na nakabuklat.

"This is where I go everytime I want to read," sambit ni Lucca.

Sa likuran ng couch na kinauupuan ni Lucca ay mayroong lamesa at swivel chair. Nahulaan kaagad ni Giovanni na working space iyon ni Lucca dahil mayroong mga gamit sa ibabaw ng lamesa katulad ng mga papel, ballpen, at mga folder.

"David's here, Kuya Lucca."

Sabay na napalingon sina Giovanni at Lucca kay Carlo na lumitaw sa pinanggalingan nilang dalawa. Naisip na kaagad ni Giovanni na dahil sa bandang kaliwa sila pumunta ni Lucca, marahil ay sa kanang bahagi nanggaling sina Carlo papunta nga roon sa kung nasaan sila ngayon ni Lucca. Palaisipan sa kaniya kung ano ba ang makikita sa kanang bahagi na iyon mula sa mahabang pasilyo na tinahak niya.

"Come on, you two. Sit down here with us," pag-aya kaagad ni Lucca kina Carlo at David.

Sa kabilang sofa naupo sina Carlo at David kung saan kaharapan nga nila si Giovanni.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Gio. Gusto kong ipakilala sa 'yo sina Carlo at David. Si Carlo, kapatid ko, at si David naman ang aking kanang kamay o tagapayo ko na rin," saad ni Lucca. "At ipinatawag kita rito dahil gusto kong baguhin ang buhay na kinagisnan mo," dagdag pa nito.

Lihim na napangiti si Giovanni. Natiyak niya ng umaayon ang plano niya sa itinatakbo ng usapan.

"Anong ibig ninyong sabihin?" kunwa ay tanong ni Giovanni kahit na alam na nito ang sasabihin ni Lucca.

"I want you to become my personal bodyguard. At ang sahod mo ay hindi mo kikitain sa loob ng isang taon hanggang limang taon sa pagiging truck driver mo," mabilisang sagot ni Lucca.

Kung si Carlo ay nagngingitngit ng lihim, si Giovanni ay lihim ng nagdidiwang sa mga naririnig dahil mag-uumpisa na ang pagsalakay niya sa mga Baldini...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status