Share

VINDICATION

Hindi dumating ngayong araw si Ada. Marahil ay nainis na rin siguro sa akin. Ilang araw ko na kasi siyang kinukulit dahil palagi nalang akong bumubuntot sa kaniya. Noong una ay iniiwasan pa niya ako pero hindi ko rin siya tinantanan hanggang sa pumayag na rin siya. Pero ngayon ay parang hindi na niya ako nakayanan. Hindi rin naman siya nagpaalam na hindi siya darating ngayon. Napag-alaman ko rin nitong nakakaraan na apprentice pala siya ni tiya Arsellis kaya lagi siyang narito. Maging si Oswald ay ganoon din kaya mukha silang malapit sa isa’t isa. 

Sina tiya Arsellis at Mama naman ay umalis. Ang sabi ay may aasikasuhin lamang daw na importante. Nang tanungin ko naman sila ay hindi naman nila sinabi. Mukhang may inililihim na naman sa akin ang dalawang iyon. Hindi ko tuloy maiwasang magduda dahil naglihim na rin kasi sila noong nakaraan. 

Maging si Oswald ay hindi pa rin dumadaan. Naging madalas din kasi ang punta niya rito kahit hindi naman daw kinakailangan sabi ni tiya. Masyado na daw kasing magaling si Oswald kaya hindi na niya kailangan pang bantayan. Pero sa kung anong dahilan ay nadadalas daw itong magpunta rito. Maging si tiya ay katulad din ng suhestiyon tungkol kay Oswald. Kesyo mabuting bata raw ito. Pero sa ilang beses kong nakakasama si Oswald ay hindi ko maisip ang sarili ko na kasama siya. In a romantic relationship way. Gusto kong kasama si Oswald dahil lagi niya akong pinapatawa pero hanggang doon nalang iyon. Tulad ngayon, kailangan ko si Oswald dahil nagsisimula na naman akong makaramdam ng lungkot.

Pero heto ako ngayon at pilit ibinabaling ang atensyon sa pagbabasa ng librong nakuha ko sa study room ni tiya. Ngunit kahit anong pilit ko na idukdok ang sarili sa libro ay sa iba pa rin nagtutungo ang utak ko. Kung bakit rin kasi romance novel ang nadampot kong libro. Parang gusto ko tuloy ibalibag iyon. Hindi ko na kasi tinignan kung ano ang title noon dahil hinablot ko lang iyon. Pinagbabawalan kasi ako ni tiya na pumasok sa loob ng study room niya dahil may mga delikado daw na potions doon. Sinabi kasi ni Mama kay tiya na may paka-clumsy ako kaya ay na akong papasukin doon. Para tuloy akong sixteen years old kung ituring nila. 

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Dito ko kasi napagdesisyunang magbasa ng libro sa isang duyan sa labas lang ng bahay. Marahil ay dito palaging nagpapahinga si tiya. Nabububungan kasi ang duyan na iyon kaya’t maski umulan o umaraw ay magagamit mo pa rin. Mayroon din malawak na halaman sa harap noon kaya’t mas masarap doon magpahinga. Kung gaano kasi karami ang bulaklak sa harap ay di hamak na mas marami sa likod. Pansin ko lang din na mahilig sa mabubulaklak na halaman ang mga tao rito. Kung sa bagay ay tignan mo lamang iyon ay maiibsan na ang pagod mo. 

Kung subukan ko kayang magtanim din ng mabubulaklak na halaman sa malawak na bakuran ng mga Cayman, papayag kaya sila?

Tumayo ako sa duyan at nilapitan ang ilang bulaklak doon saka pumitas ng isa. Nakakainip. Nakakaburyong. Ayokong mapag-isa pero heto naman at naiwan na naman akong mag-isa. Kung alam lang ni mama itong pinagdadaanan ko, iiwan kaya niya akong mag-isa dito?

“Mukhang malungkot ka, miss?”

Gulat kong nilingon ang nagsalita para lang mapaatras dahil sa lapit nito sa akin. Si Oswald na bigla nalang sumulpot kung saan. Naipilig ko ang ulo. Pati ba naman si Oswald ay sumusulpot na rin kung saan?

“Oo,” asik ko sabay tulak ng mukha niyang ilang sentimetro nalang ang layo sa akin. Naiilang na rin kasi ako. “Dahil iniwan niyo na naman akong mag-isa dito.”

“Hindi nagpunta si Ada?” anito saka naglingap sa paligid. 

“Nope. Baka may emergency or something,” sagot ko at ibinaling muli ang tingin sa mga bulaklak.

“Anong iniisip mo?” untag nito ng mapansing natahimik ako. 

Natutunan ko kasing magkwento kay Oswald ng mga iniisip ko. Although I skipped some details. Sinubukan ko lang naman noong una pero nang gumaan ang pakiramdam ko ay nadalas na. Palagay naman ang loob ko sa kanya kaya hindi ako nag-aalala. 

“Wala naman.”

Ginulo naman niya ang buhok ko na siyang nakagawian na niya. Alam din kasi niya na nalulungkot ako kapag mag-isa kaya madalas kapag iniiwasan ako ni Ada ay siya ang nakakasama ko. “Nag-isa ka na naman kasi kaya sambakol na naman ang mukha mo, aking binibini.”

Napangiti ako sa tinuran niya. Hindi ko alam pero para kasing natutuwa ako pag tinatawag niya akong aking binibini. Para kasing masyadong sinauna.

Sumilay na naman ang gwapong ngiti nito. “Ayan! Nakangiti na naman ang aking binibini.”

“Paanong hindi ako mangingiti, ang pangit kaya. Parang napakatanda mo na.”

“Matanda naman na ako, a. Baka hindi mo nalalaman, mas matanda ako sa iyo ng sampung taon.”

Napanganga naman ako sa sinabi nito saka bahagyang natawa. Hinihintay na sabihin niyang biro lamang iyon. “You must be joking.”

“Of course not. Mages aged slowly in appearance, Yue,” paliwanag nito pero nanatili lamang akong hindi makapaniwala sa sinabi niya. Kung ganoon ay nasa doble na rin ang edad ni Mama. Mukhang kailangan kong usisain na naman si Mama tungkol sa pagiging mage niya.

“Hindi ako nakapaghanda pero-- gusto mo bang mamasyal?”

Agad namang natuon sa sinabi niya ang atensyon ko at mabilis na tumango. Para akong bata na tuwang-tuwa ng ayaing lumabas. 

Ngumiti itong muli sa akin. Hindi kaya siya napapagod na ngumiti sa akin. “Teka, hintayin mo ko dito. May kukunin lang ako,” anito saka mabilis na umalis kahit hindi pa man ako nakakasagot at nawala agad sa paningin ko.

Hindi pa man din nagtatagal na nawawala si Oswald ay bigla akong nakaramdam ng kakaiba. Iyong pakiramdam na lagi nalang may nakamasid sa akin. Agad na gumapang ang kaba at kilabot sa katawan ko. Kumalabog ng malakas ang dibdib ko ng may maamoy akong pamilyar na pabango. Hindi maganda ang kutob ko. 

Para akong naitulos sa kinatatayuan ng may maramdaman akong presensya sa likod ko. Ramdam ko ang paglalim ng hininga ko na para akong tumakbo ng malayo. Gusto kong ihakbang ang paa ko pero agad kong naramdaman ang panlalambot noon.

“Are you happy with him, My lady?”

Nahigit ko ang hininga ko ng marinig ang malalim nitong boses. Boses na matagal ko ng hindi naririnig. Agad na tumugon ang puso ko sa boses na iyon at tila ba may mga kabayo roong biglang naghabulan. Bakit siya nandito? Paano? Gusto rin ba niya akong patayin kaya niya ako sinundan dito? 

“Kieran.’

Halos ibulong ko na iyon. Kasabay ng pagbitaw ko ng pangalan niya ay ang pagbabalik ng ala-ala niya ng gabing iyon. Nabuhay ang galit sa dibdib ko at parang gusto ko siyang harapin at saktan. Iparamdam sa kaniya kung gaano kasakit ang ginawa niya kahit alam ko na wala akong laban sa kanya. Gusto kong makalayo sa kaniya. Malayong-malayo na halos hindi na niya ako kaya pang abutin. Lihim akong nagdadasal na sana ay bumalik na si Oswald at illigtas ako dito. Pero may maliit na bahagi sa loob ko na kumokontra sa nais kong mangyari.

Nang may narinig akong alingasngas ay nabuhayan ako ng loob. Sisigaw na sana ako ngunit agad na tinakpan ni Kieran ang bibig ko na kahit matinis na tunog ay hindi ko magawa. Napahawak ako sa kamay niyang tumatakip sa bibig ko at sinubukan iyong alisin ngunit masyado siyang malakas. Naramdaman ko rin ang pagpalibot ng braso niya sa tiyan ko na halos yakap na niya ako. 

“Not too fast, My lady,” bulong nito sa tainga ko. Hindi ko naman napigilan ang paggapang ng kilabot sa buong katawan ko. “You’re coming with me.”

Nanlaki ang mga ko at lalong kinabahan sa tinuran niya. Sinubukan kong magpumiglas pero wala rin iyong nagawa at tuluyan na ako nitong isinama sa kung saan. 

Muli kong naramdaman ang motion sickness dahil sa ginawa nitong pagtangay sa akin. Parang bigla ay gusto kong masuka nang sa wakas ay humito na rin siya. Nanlaki ang mata ko nang makita kung saan niya ako dinala. Bakit dito? Kung ganoon ay dito niya ako papatayin. Pakiramdam ko ay sumulak ang galit sa dibdib ko. Hindi pa siya nakontento na patayin ang kapatid ko, ngayon ay ako naman ang gusto niyang patayin. Kung ganoon ay isa rin siya sa mga taong gustong tapusin ang mga Dovana. Isa siya sa mga tauhan noon. 

Agad akong lumayo sa kaniya ng lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin. Sinadya man niyang luwagan ang pagkakahawak sa akin o hindi ay wala akong pakialam. Hindi rin niya ako pinigilang makalayo sa kanya at hindi rin ako sinundan. Mabilis akong humarap sa kanya dahil gusto kong makita kung paano ang gagawin niyang pagpatay sa akin pero parang gusto ko na rin agad iyong pagsisihan. 

Naroon siya ilang metro ang layo sa akin at nakatayo lamang habang punong-puno ng emosyon ang pulahan niyang mga matang nakatitig sa akin. Kumabog na naman ng malakas ang dibdib ko. Parang gusto ko ng dibdiban ang sarili ko. Kung bakit nasaktan na ako ni Kieran ay ganito pa rin ang reaksyon niya sa tuwing nakikita ito. 

Naramdaman ko ang pangingilid ng luha ko pero pilit ko iyong pinipigilan. Hindi ako maaaring magpakita dito ng kahinaan. Minsan na akong nagpakita ng kahinaan sa kaniya. Sapat na iyon para maging aral at tigilan na ang katangahang ito.

Naalarma ako at mabilis na napaatras nang magsimula siyang lumakad palapit sa akin. 

“Diyan ka lang, huwag kang lalapit,” sigaw ko sa kaniya. 

Para na namang may kamay na bakal na muling dumurog sa puso ko ng makita ko ang pagdaan ng sakit sa mga mata niya. Bakit? Para saan ang sakit na iyon? 

“Yue,” halos pabulong lamang iyon pero dahil tahimik ang paligid ay naging sapat ang lakas noon para makarating sa aking pandinig.

Bigla kong naramdaman ang muling pag-usbong ng galit sa dibdib ko dahil sa nag-uumapaw na ala-ala ng pagtawag niya sa akin noon.

“Huwag mo kong tawaging Yue,” sigaw ko.

Hindi ko na napigilan ang pag-alpas ng luhang nag-uunahang bumagsak mula sa mata ko. 

“Yue, please,” nagsusumamong sambit nito na tila nahihirapan din.

“Sinabi ng huwag mo akong tawaging Yue,” sigaw kong muli dito. Sa kabila ng hilam kong mga mata ay tinignan ko siya ng matalim. “Bakit mo pa ako dinala dito? Para dito patayin?”

Ibinaling ko sa iba ang tingin. Ayoko siyang tignan. Ayokong makita ang sakit sa mga mata niya na tila ba nagsasabi sa akin na pinag-sisisihan niya ang lahat. Na nasasaktan din siya sa nangyayari dahil hindi totoo iyon. Marami na akong bagay na pinaniwalaan sa kanya dahil akala ko ay totoo pero nagkamali ako. At hindi na ako magkakamali muli. 

Habang tinitignan ko ang paligid ay hindi mapigilang rumagasa ang ala-ala ng lugar na ito. Kung sabagay, mas maganda nga kung dito na niya ako papatayin. Para mapalitan ang magagandang ala-ala dito ng masasama at maglaho na panghabangbuhay. 

“Kung sabagay ay mas maganda ng dito mo ko ako patayin,” buong tapang kong baling sa kaniya. “Para mabura na lahat ng ala-alang nangyari dito dahil puro lang iyon kasinungalingan.”

“Yue, please, listen to me,” nagsusumamong sambit nito nang magsimula na naman itong lumakad papunta sa akin. 

Pagak akong natawa at napailing sa sinabi niya. “Makinig sayo?” sa nang-uuyam na tono ay sabi ko sa kanya habang umaatras. “Anong gusto mong pakinggan ko? Kung paano mo unti-unting pinatay ang kapatid ko?” sigaw ko.  

Parang gusto kong magwala sa sobrang sakit ng sambitin ko iyon. Agad akong nag-panic ng hindi siya humihinto at diretcho pa rin siyang naglalakad palapit sa akin.

“Sinabi ng huwag mo kong lapitan,” sigaw ko pero nagpatuloy pa rin siya sa paglapit. 

Nang tila hindi siya nakinig ay agad akong tumalikod sa kanya at kahit alam kong mahahabol niya ako ay tumakbo pa rin ako. Gusto ko ng makalayo sa kaniya. Gusto ko ng mawala ang sakit. Pakiramdam ko ay parang may punyal na paulit-ulit humihiwa sa puso ko. 

Hindi pa man ako nakakalayo ay naramdaman ko na ang pagyakap niya sa akin mula sa likuran. Tila huminto sa pagpintig ang puso ko nang yakapin niya ako ng mahigpit at isiksik ang ulo sa leeg ko. Mabilis akong nagpumiglas sa kanya pero para siyang malaking bato na hindi matinag-tinag. Hindi ko na napigilan ang muling pagragasa ng luha mga mata ko.

“Bitawan mo ko,” patuloy kong pagpupumiglas.

“Pakinggan mo naman ako, Yue,” nahihirapang bulong nito. “Please.” 

“Ano pa bang gusto mo?” asik ko. Nanghihina na ako. Pakiramdam ko ay nauubos na ang lakas ko lalo na at nasa bisig niya ako. Lalo akong naiyak. 

Mabilis niya akong ipinaharap sa kanya saka niyakap muli ng mahigpit. Humihikbi na ako at nanghihina. Kung papatayin niya ako ngayon ay hindi na ako manlalaban pa. Hahayaan ko ng sa kamay niya ako mamatay kaysa sa kung sinong rogue lamang. 

“Hindi pa ba sapat na pinatay mo si Kirius?” humihikbing sabi ko. “Kaya pati ako ay papatayin mo na rin. Bakit kailangan mo pang idamay ang kapatid ko, Kieran? Sana ako nalang ang pinatay mo. Kahit ilang beses mo akong paulit-ulit na patayin, ayos lang sakin. Pero bakit ang kapatid ko pa.” Hindi ko mapigilang mapahagulgol.

“Ang sakit, Kieran. Ang sakit, sakit na makitang namatay ang kapatid ko pero ang mas lalong masakit, sa dinami-rami ng rogue na nandoon, ikaw pa ang pumatay sa kanya. Bakit ikaw pa? Bakit kailangan mo pa akong lapitan at paibigin para lang sa huli ay sasaktan mo rin? Papatayin mo rin. Pero hindi mo na ako kailangan pang patayin, Kieran. Dahil ng pinatay mo ang kapatid ko, pinatay mo na rin ako.”

Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap ni Kieran. “Please, don’t say that,” nagmamakaawang sabi nito. “Please. I didn’t kill your brother, Yue. Please believe me.”

Natigilan ako sa narinig. Agad akong nagpumiglas sa pagkakayakap niya. “Kinakaila mong ikaw ang pumatay sa kapatid ko?” 

Bahagyang lumuwag ang pagkakayakap nito kaya nagawa ko siyang itulak. “Pagkatapos ng mga nakita ko, sasabihin ko sakin na hindi ikaw ang pumatay sa kapatid ko?” singhal ko dito. “Anong ibig mong sabihin, na sinungaling ako? Na hindi totoo iyon at nananaginip lang ako?”

“Hindi ako ang pumatay kay Kirius, Yue. Can’t you just listen to me?” 

“At pagkatapos ano? Papaniwalain mo na naman ako? Pagkatapos ay sasaktan mo? Ganoon ba? Hindi ganoon kadali iyon Kieran. Alam mo ba ang sakit na pinagdaanan ko--”

“Oo, alam ko, Yue. Sana alam mo rin ang sakit na pinagdaanan ko ng makita kitang punong-puno ng galit ang mga mata habang walang tigil ang pag-iyak mo sa harapan ko dahil lang sa pag-aakala mong ako ang pumatay sa kapatid mo. What pained me more, is that you just believe in what you just saw.”

Muli akong natigilan sa sinabi ni Kieran pero agad ding nakabawi. “Nakita kita. Hawak mo si Kirius at duguan-”

“Exactly, Yue. You just saw me holding your brother’s body and accused me right away. You didn’t even give me the benefit of the doubt. You just believe in the fact that you thought I killed your brother.”

Nag-unahang muli sa pagbagsak ang luha ko. Tuluyan na ring nawalan ng gana ang mga tuhod ko. Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko. Kung totoo ba ang sinasabi niya o panibagong kasinungalingan na naman para mahulog ako sa patibong niya. Ngunit may maliit na parte rin sa loob ko na pilit na nagsasabing totoo ang sinasabi ni Kieran. Pero paano ang kapatid ko kung maniniwala akong muli sa sinabi niya. Para ko na ring tinalikuran ang kapatid ko. 

Naupo si Kieran sa tabi ko at nanatiling malapit sa akin. Na tila ba ayaw na niya akong pakawalan. Para kasing nakayakap parin ito sa akin. 

“It was a frame up. It’s a ploy to make you loathe me and turn your back on me,” dagdag paliwanag nito. Nang mapatingin ako sa kanya ay nakita ko ang kasinserohan sa mga mata niya na tila ba nagsasabing totoo ang mga sinasabi niya. Nakatitig lamang siya sa mga damo bago ibinaling ang tingin sa akin. “I was locked up in a prison, I don’t know where. All I know is that I've been there for days. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ako nakapagpakita sayo. Ginawa kong lahat para makatakas doon. Nang huling beses kong sinubukang makatakas ulit, hindi na nakalock ang kulungan at madali akong nakatakas. That’s when I found you brother. Five rogues were there devouring him.” Nahigit ko ang hininga sa narinig ko at lalong napahagulgol habang naiisip ang naging sitwasyon ng kapatid ko ng mga panahong iyon. Agad naman akong kinabig ni Kieran at tuluyang niyakap. “I’m sorry,” bulong nito na tila ba inaalo ako. “If I was only a second earlier, I can save your brother. But I was too late. Life was already drained out of him and all I can do is kill those rogues. I’m having second thoughts if I’ll bring the body back or leave it there, but then I did the first thing that I thought was right. But right before I brought it back, you already found me.”

Wala pa rin akong tigil sa pag-iyak. Hindi ko mapigilan. Hindi ko matanggap sa sarili ko na totoo ang sinabi ni Kieran. I was partly blaming him because I couldn’t accept the fact that my brother died because of my negligence. 

“Tahan na, please,” pagsusumamo niya. Naramdaman ko pa ang marahan niyang paghalik sa ulo ko. “Masakit sa akin na hindi mo man lang ako pinagdudahan at pinag-isipan agad ng masama, pero mas masakit sakin na nakikita kang umiiyak.”

Lalo akong napaiyak sa sinabi nito. Sa kabila ng walang habas kong pag-aakusa ng kasalanang hindi naman pala niya ginawa ay heto pa rin siya at nananatili sa tabi ko. Ayokong maniwala agad sa kanya pero kahit anong pilit kong ipagsiksikan sa utak kong hindi siya dapat paniwalaan ay talaga palang hindi nito kayang kontrolin ang kung anong ibinubulong ng puso.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status