Share

Chapter 3

"Okay ka lang Ella?" tanong ni Rico habang nagmamaneho ito ng jeep na sinasakyan nila papuntang Maynila.

Kaklase nila ito ni Vivian nung high school sila. Bagaman at pinsan ito ng dalaga ay hindi niya ito napagtuunan ng pansin nung nanliligaw pa ito sa kanya. Gusto niyang makatapos ng pag-aaral at umalis sa lugar na iyon ng mga panahong yun.

Mabait ang binata sa kanya, tuwing lalabas siya sa Unibersidad na kanyang pinapasukan ay makikita ang jeep ng binata na nakaparada sa labas habang matiyaga itong nakasandal sa unahan ng sasakyan at naghihintay sa kanya. Napakatyaga nito sa panliligaw, sayang nga lamang at wala pa ito sa isip niya maging hanggang sa ngayon.

Gwapo ito, matangkad at taliwas sa dapat na kulay ng isang probinsyano, maputi ito kagaya niya. Si Vivian naman ay kayumanggi lamang ang kulay.Kapag magkakasama silang tatlo, lage silang tinutukso ng mga tao sa baryo at sinasabing dalawang gatas at isang kape silang magkakaibigan.

"Okay lang ako Rico, salamat sa inyo ni Vivian. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung hindi ako makakaalis sa bahay namin. Hindi ko kayang matulog pa ng isa pang gabi roon lalo at alam kong anytime ay itutuloy ng itay ang balak niya sa akin.", malungkot niyang tugon.

"Dapat tinawagan mo ako, simula pa nung unang pagtatangka niya sayo."

"Hindi ko na nagawa Rico, nahihiya ako. At hindi rin maaaring malaman ng iba ito, mapapahiya ang inay at alam kong mahal niya ang itay. Kaya ako na lang ang lalayo. Tutal ito naman ang gusto niya, ang magtrabaho ako. Hindi siya malulungkot na aalis ako ng bahay."

"Umasa ka na walang makakaalam nito. Masaya ako na kahit lalayo ka ay magiging ligtas ka naman sa pupuntahan mo, tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong ko o ng makakausap"

"Salamat Rico", maikling tugon niya rito at ipinikit ang mga mata.

Nagising si Ella sa malalakas na busina ng mga sasakyan. Nasa Maynila na siguro sila. Ibang iba sa tahimik na paligid sa probinsya.

"Ella, malapit na tayo sa subdivision na tinitirhan ng tiyahin mo, base sa address na binigay mo."

Inayos niya ang sarili, sinuklay ang nagulo niyang buhok sa pagkakatulog.

"Ganun ba? Sige tatawagan ko ang tiya. Salamat."

"Hello, Ella anak, narito ka na ba sa Maynila? Buti na lamang at narinig ko ang tawag mo sa telepo....."

"Manang Cele, ang aga niyo hong nagising ah"

Narinig ni Ella ang tinig ng isang lalaking kausap ng kanyang tiya.

"Ay sir Theodore! Magandang umaga po, este madaling araw palang po pala. Kausap ko po ang pamangkin ko, narito na po siya sa Maynila. Bakit gising na rin po kayo?" wika ng kanyang tiya.

"Matutulog palang ho ako manang, sige ho", magiliw na sagot nito rito.

"Tiya?"

"Ay anak ko! Pasensya kana, lumabas kase si sir Theodore, kinausap ako", wika nito.

"Okay lang ho tiya, magkikita na ho ulit tayo."

Nagpaalam muna siya sa tiyahin. Nag iisang kapatid ito ng inay niya. Kahit nasa Maynila ito ay lage siyang tinatawagan at pinadadalhan ng allowance kapag kailangan niya. Mahal na mahal niya ito katulad ng pagmamahal niya sa inay niya.

Nang sinabi niya rito ang ginawa ng kanyang amain ay galit na galit ito at gustong kausapin ang kanyang inay. Pinigilan lamang niya ito at sinabing hindi naman natuloy ang balak ng amain. Nakinig naman ito at inalo siya kahit sa telepono lamang. Nakiusap siyang makikituloy muna rito habang naghahanap ng trabaho sa Maynila. Pumayag kaagad ito at nangakong di sasabihin sa inay niya ang totoong dahilan ng pag alis niya. 

"Tiya Cele!", masayang bati niya sa tiyahin at mahigpit na niyakap ito at hinalikan sa noo.

Maliit lamang ang kanyang tiyahin, magkasingheight sila ng kanyang inay. Maiksi ang buhok nito na parang gupit panlalaki. Kayumanggi ang kulay at may nunal na malaki sa may itaas ng kilay.

Hindi siya mapagkakamalang pamangkin nito dahil lahat ng features niya ay namana niya sa ama. Matangkad, maganda at maputi. Ang buhok niya ay natural na kulay brown lalo na kapag naaarawan, may kaunting pekas siya sa dalawang cheek bones ngunit hindi naman nakabawas sa kanyang ganda. Mas nagmukha pa nga siyang mestisa dahil dito.

"Anak ko! Dalagang dalaga kana! Napakaganda naman ng pamangkin kong ito, parang artista!" ganting bati nito sa kanya at yumakap na parang bata.

Noon pa man ay napakamasayahin na ng kanyang tiya. Nang mamatay ang kanyang ama, ang mga simpleng biro nito sa kanya at pagpapalakas ng loob ang naging dahilan ng mabilis niyang pagrecover. Lalo na ng mag asawang muli ang kanyang ina at wala nang ginawa ito kung hindi sermonan siya dahil sa maliliit na mga bagay.

"Kumain kana ba anak? Sino ang kasama mo, yayain mo sa loob at kumain muna kayo ng umagahan. Mabait naman ang amo ko at alam na paparating kayo"

"Rico?" tiningnan niya ang kaibigan at hiningi ang pagsang-ayon nito.

"Ay hindi na ho, maraming salamat po. Siniguro ko lang po na ligtas na makakarating si Ella dito sa Maynila." magalang na sagot nito sa tiyahin niya.

"Ah ganun ba anak, maraming salamat sa concern mo sa pamangkin ko." nakangiting sabi nito sa binata.

Nang umalis si Rico ay excited na niyaya ni Tiya Celeste si Ella sa loob ng bahay ng kanyang mga amo.

"Sino si Rico anak? Uyy ang anak ko, mukhang gusto ka ng binatang iyon ah, sino bang lalaki ang ihahatid ang isang babae sa kalaliman ng gabi at ganito pa kalayo." nanunuksong sabi nito habang naglalakad sila papasok.

"Ang tiya talaga, wala ho iyon. Masugid kong manliligaw dati pero hindi ko ho sinagot kase mas mahalaga sa akin ang makatapos ng pag- aaral." natatawang sagot niya rito.

"Pero gwapo ano at mukhang mabait, sayang naman!", kilig na sabi nito.

"Tiya Cele talaga, hayaan niyo na po iyon. Ang mahalaga po ay magkasama na tayo."

Habang tinitingnan ang tiyahin, ay hindi niya mapigilang mapangiti. Namiss niya ito. Alam niyang dahil dito, magiging masaya ang pagtigil niya sa Maynila. Marami siyang dapat matutuhan at malaman pero dahil kasama niya ang tiya, alam niyang makakaya niya ang lahat nang iyon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status