Share

Promesa Rota
Promesa Rota
Author: Paupau

TEASER

Malalim na ang gabi ngunit narito pa rin ako sa balkonahe ng condo unit ko. Nakatayo, habang pinagmamasdan ang mga tala sa kalangitan. Dama ko ang lamig na hatid ng hangin na nanunuot sa buo kong katawan. Tanging ang ilaw sa mga nagtataasang gusali at kislap ng tala at buwan, ang nagsisilbing liwanag sa madilim na kapaligiran.

Humalukipkip ako habang yakap ang aking sarili. Hindi naman kasi ganito kalungkot dati. Hindi naman ganito katahimik ang gabi. At lalong hindi ganito ang pakiramdam sa tuwing pagmamasdan ko ang mga tala sa kalangitan. Ngunit kusang sumilay ang mapait na ngiti sa aking labi ng makita ko ang pagkislap niyon. At gaya ng dati, ipinikit ko ang mga mata ko bago humiling...

"Sa liwanag ng buwan at kislap ng tala sa kalangitan, munti kong kahilingan sana'y iyong pagbigyan. Pagkalooban mo sana ako ng isa pang pagkakataon upang itama ang mali sa aking kahapon," taimtim kong usal sa aking isipan habang nakapikit. Tulad ng kung paano niya ipinikit ang mga mata niya at itinuro sa akin ang bagay na ito. Ang humiling sa tala kahit na wala namang kasiguraduhan kung pakikinggan ba ang iyong kahilingan o hindi.

.

.

Niccolo Alejandro...

Paano nga ba kita makakalimutan? Ikaw ang nagturo sa akin kung paano pumikit at humiling sa mga tala. Ikaw ang nagparamdam sa akin kung paano ang piliin, sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng mga taong nakapaligid sa akin. Kung alam ko lang, sana pala hindi na ako tumingin sa iba. Sana ay nakuntento na lang ako sa pagmamahal na kaya mong ibigay. At sana pala, hindi ako natakot na ipaglaban ka.

Pero kailan nga ba muling magtatagpo ang landas nating dalawa? Ilang taon na ba ang lumipas simula ng huli tayong magkita? Ilang taon na rin pala... simula ng tumalikod ka at hindi na muling lumingon pa.

Pinunasan ko ang luhang kumawala sa mga mata ko ng hindi namamalayan at handa ng pumasok sa loob. Ngunit muli akong natigilan ng makita kong umilaw ang cellphone ko. Hindi ko narinig na tumunog 'yon tulad ng pagtunog no'n kapag may tumatawag.

"Ibig sabihin text lang," bulong ko.

Baliwalang dinampot ko ang cellphone at naglakad na papasok sa loob upang humiga at matulog. Ngunit ng inilapag ko ang cellphone sa bedside table, muli 'yong umilaw. Nagdadalawang isip man, kinuha ko ulit 'yon at binasa ang mensaheng natanggap ko.

[Tulad ko, tinatanaw mo pa rin ba ang mga tala sa kalangitan hanggang ngayon?]

Iyon ang unang mensahe na nabasa ko mula sa hindi nakarehistrong numero sa cellphone ko. Binuksan ko pa ang isa at muling binasa. Ngunit ganoon na lang ang panglalaki ng mga mata ko at hindi makapaniwala nang mabasa ko ang pangalawang mensaheng natanggap ko roon.

Bumilis ang pintig ng puso ko at tila ba may dumaloy na init sa katawan ko. Hindi ko alam kung tama ba ito o namamalikmata lang ako? Daig ko pa ang hihimatayin dahil sa kaba nang muli kong binasa ang ika-lawang mensahe na tulad sa nauna ay galing pa rin sa kaparehong numero.

At ang numerong iyon ay mula sa taong akala ko'y nilimot na ako...

[Sigo pensando en ti, mi amor.]

Nicco

******

©All rights reserved

_PAUPAU_

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status