Share

CHAPTER 6: SUGAR DADDY

BUMUKAS ang elevator na sinasakyan ni Bellatrix at saka siya lumabas doon. Nasa ground floor siya para sana magtanong ngunit maraming tao ang tumingin sa kaniya na para bang artista ang dating niya. Karamihan sa mga iyon ay nagtatrabaho sa media at narito para makasagap lang ng kung ano’ng tsismis. Aalis na sana si Bellatrix nang bigla siyang harangan ng mga reporters. Nagmistula siyang isang pagkain na biglang nilapitan ng mga langaw.

“Miss Bellatrix, ano po ang masasabi mo sa mga kumakalat na larawan niyo ngayon sa social media?” mabilis na tanong ng isang lalaking payat na may salamin. Nakatutok ang mga camera nila sa kaniya at panay ang flash ng ilan.

“Teka, teka lang! Sandali!” nakapikit na reklamo ni Bellatrix na halos mabulag na sa mga camera flashes na direktang tumatama sa kaniyang mata. Idagdag pa ang mga sabay-sabay na pagsasalita ng mga reporters sa harapan niya. Hindi niya alam kung kanino titingin o makikinig. Naghahalo na ang lahat sa kaniya.

Tinawag ni Bellatrix ang mga guwardya sa malapit para protektahan siya ng mga ito sa mga walang hiyang reporters. Agad namang lumapit sa kaniya ang dalawang security guard para ilayo ang mga nagtatangkang lumapit na mga reporters.

“Sandali lang, Miss Bellatrix! Ano po ang masasabi niyo sa mga balitang kumakalat na nilalandi mo raw ang isa sa tagapagmana ng Marquis Company?” tanong ng isang babaeng reporter. Hindi na sana mamamansin si Bellatrix ngunit naagaw nito ang kaniyang atensyon.

“Ano ang sabi mo?” kunot-noong paniniguro ni Bellatrix sa narinig. Nakataas din ang kilay niya kaya mas lumabas pa ang pagiging mataray ng kaniyang mukha.

Nasindak ang reporter na nagtanong. Inulit nitong muli ang tanong at saka tinutok ang maliit na microphone kay Bellatrix. Alam niya na agad na si Colter ang tinutukoy nilang “nilalandi” niya. Inaasahan na niya ito dahil tanyag ang mga Marquis sa buong bansa. Hindi niya lang naisip na agaran ang pagkalat niyon.

Sa gilid naman ay may babaeng sumesenyas sa kaniya na pumanhik sa itaas. Napansin siya ni Bellatrix at agad na nakuha ang sinasabi nito kahit magkalayo ang dalawa. Huminga siya ng malalim at saka tumalikod. Hindi na niya gustong sagutin pa ang tanong ng reporter kanina. Pumasok na siyang muli sa elevator.

“Miss Bellatrix, sandali lang po!” pagwawala ng mga reporters na walang kahit anong impormasyon ang nakuha sa kaniya. Kahit na alam ni Bellatrix na ginagawa lang nila ang kanilang mga trabaho ay hindi niya pa rin maiwasang mainis sa mga ito. Isa kasi sa mga ayaw niya sa tao ay iyong palagi siyang pinapakialaman lalo na kung ang mga ito ay wala namang parte sa kaniyang pamumuhay.

Nang sumara na ang elevator ay naginhawaan si Bellatrix. Pinindot niya ang pangatlong palapag at saka naghintay na muling bumukas ang elevator. Ngunit ang alaala kagabi ang pumuno sa kaniyang makulit na isipan na kung saan ay hinahalikan siya ni Colter habang sinasabi nito ang mga letra ng pangalan nito sa kaniya. Hindi niya maiwasang ngumisi.

Bumukas na ang elevator at lumabas na si Bellatrix. Ang babae namang sumenyas sa kaniya kanina ay mabilis siyang hinigit papasok sa isang pinto na kung saan ay ang opisina ni Jaypee, ang kanilang manager.

“Tawag ka ni Sir Jaypee,” saad noong babae sa kaniya. Umalis agad ito nang makapasok na sila sa loob. Walang ibang taong naroon bukod kay Bellatrix at kay Jaypee.

“Good morning, S-Sir Jaypee,” pagbati ni Bellatrix at saka naupo sa kaliwang upuan na nasa harapan ng lamesa ni Jaypee. Nag-angat ito ng tingin sa kaniya. Mukha itong stress na stress habang may binabasa sa screen ng computer.

“Miss Amon,” panimula ni Jaypee, tinatawag si Bellatrix sa kaniyang apelyido, “care to explain what’s happening?” masungit nitong tanong. Nakataas ang sleek nitong mga kilay.

“Ano po ang ibig mong sabihin, Sir Jaypee?” naguguluhang tanong ni Bellatrix.

Saglit na natahimik si Jaypee ngunit nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin kay Bellatrix na tila hindi ito makapaniwala na walang kaalam-alam ang dalaga sa mga nangyayari.

“This!” asik ni Jaypee at saka padarag na iniharap nito ang monitor sa mukha ni Bellatrix upang basahin ang naroon. Isa iyong online news article na kung saan ay kitang-kita sa larawan ang pagpasok ng dalawang tao sa isang condominium building. Kahit pa sinadyang gawing blurred ang larawan ay alam ni Bellatrix na siya at si Colter iyon kagabi. Nang i-scroll pa niya pababa ang article ay sunod niyang nakita ang pagsakay niya naman sa itim na sasakyan ni Colter.

“Actually, wala akong pakialam kung ano man ang relasyon niyo ni Mister Colter Marquis. Ang sa akin lang ay bakit ka mag-iiwan ng mga bakas ng landian niyo? Rising model ka pa naman tapos ay gagawa ka na agad ng scandal mo?” singhal ni Jaypee. Hiningal ito kaya mabilis na inabot ni Bellatrix ang tumbler nito sa kaniya. Mataray namang kinuha ni Jaypee iyon sa kamay ni Bellatrix at saka uminom doon.

“First of all Sir Jaypee, hindi kami nagdi-date ni Colter. It was just a one night stand between us. Nothing less, nothing more,” aniya habang seryosong nakatingin dito.

“Second, inaako ko po ang kasalanan ko. I was careless that time kaya hindi ko na napansin kung may sumusunod man sa amin o wala. Pangako po na mag-iingat na ako,” matapat na sabi ni Bellatrix. Pinaglaruan nito ang daliri sa kaniyang kandungan upang pigilan ang kung anumang nais niya pang sabihin sana.

“Since hindi naman kayo nakitang intimate sa isa’t isa, kaya pa ’yang pabulaanan. Basta sa susunod, kung sinuman ang kasama mo, make sure to heighten your security. Huwag mong sayangin ang oportunidad mo, Bellatrix. Rising model ka, marami ang nag-e-expect sa iyo kahit na baguhan ka pa lang. Don’t you dare leave the limelight,” seryosong bilin ni Jaypee sa kaniya. Tumango naman si Bellatrix at saka ngumiti rito.

“Oh! Muntikan ko ng makalimutan. You have a new gig next week. Since Friday ngayon, make sure to go to the gym or do some workout. Summer season ngayon kaya mas ipu-push nila ang pag-promote sa bagong alak. This time, bikini naman. Isa ka sa napiling model sa gagawing commercial at billboard kaya ihanda mo ang katawan mo.”

Napatango si Bellatrix sa mahabang paalala sa kaniya ni Jaypee. Ngunit may pagtataka siya sa sinabi ng kaniyang manager. Tumikhim siya at saka ngumiti rito.

“Akala ko po ba si Aira ang gagawing ambassadress ng Marquis’ Beer?” litong tanong ni Bellatrix. Kahit kasi rising model siya, alam niyang mas prayoridad ng kompanya ang mga kagaya ni Aira na mga A-lister sa modeling at showbiz.

“Nagtatanong ka pa? Eh naka-one night stand mo nga ang anak ng boss ng Marquis’ Beer. Malamang as a reward ay ikaw ang gagawing ambassador kaya nila pinalitan si Aira,” pahayag ni Jaypee. Nakatingin siya kay Bellatrix na para bang nandidiri siya at natatawa sa kaniya.

Napasinghal naman si Bellatrix. Agad na nag-init ang kaniyang ulo sa sinabi ni Jaypee. Malinaw sa kaniya na hinuhusgahan siya nito kahit na hindi naman iyon totoo. Kinuyom niya ang kaniyang kamao para magpigil na gumawa ng gulo.

“Excuse me lang po, Sir Jaypee. Walang nangyaring ganiyan sa amin. Wala akong ni-request kay Colter na ako ang gawing ambassadress,” mariin niyang paliwanag. Malakas namang natawa si Jaypee na para bang ngayon lang siya nakarinig ng pinaka-nakakatawang biro sa kaniyang buong buhay.

“Hay, Bellatrix! Normal na ’yan sa mundo ng modeling at showbiz. Alam mo na, mas makikilala ka lalo kung may kapit ka. Hindi ko lang inaasahan na gagawin mo dahil akala ko ay matino ka. Katulad ka rin pala ng ibang modelo na gagawin ang lahat para umangat,” natatawang sabi ni Jaypee.

Napatayo si Bellatrix sa upuan. Marahan ang mga paghinga nito kahit na nakangisi siya sa harap ng kaniyang manager. Masaya siya na may bago siyang gig, big time pa nga ito kaya dapat ay magsaya lang siya. Kaso ay ipinapamukha ni Jaypee sa kaniya na nakuha niya lang pala ang trabahong iyon dahil sa iniisip nitong nilason niya ang isipan ni Colter para kumbinsihan itong siya ang gawing ambassadress ng kanilang alak.

“Oh, see?” kunwaring gulat na sabi ni Jaypee habang tinuturo ang suot na dress ni Bellatrix. “Binilhan ka nga agad ng isang mamahaling dress oh?” nakangisi niyang sabi habang nakanguso na sa dress.

Ngumisi pa lalo si Bellatrix at mas humigpit ang hawak niya sa kaniyang kamay. Kung sakaling hayaan niya ang kaniyang kamay ay alam niyang baka masampal niya agad si Jaypee.

Tahimik na umalis si Bellatrix sa opisina nito na nakasimangot. Pinindot niya ang elevator at hinintay itong umakyat sa pangatlong palapag. Nang bumukas ito ay bumungad sa kaniya ang tatlong babae.

“Speaking of the b*tch,” usal ng isang babae na nasa kaliwang banda. Nagtinginan sila ng nasa kanang babae at saka sabay na humagikhik. Ang babaeng nasa gitna naman ay nakataas ang dalawang kilay nito habang may mapang-uyam na tingin kay Bellatrix. Siya ay walang iba kundi si Aira.

“Look who welcomed us here,” pahayag ni Aira sa dalawang alagad nito. Humalukipkip ito at saka ngumisi.

Tumaas din ang kilay ni Bellatrix at saka namaywang. “Ang tagal niyo namang umalis,” asik niya sa mga ito. Nais na niyang lisanin ang lugar na iyon ngunit natatagalan siya sa mga babaeng ayaw pa ring umalis sa loob ng elevator.

Natawa naman ang tatlong babae. Sabay silang lumakad palabas, tumutunog ang mga heels nila sa sahig habang papalapit sila kay Bellatrix.

“Ano naman ngayon? Atat ka na bang umuwi? Naghihintay na ba ang sugar daddy mo?” nakangising sabi ni Aira na may kasamang pag-arte. Nilalapit pa nito lalo ang pagmumukha kay Bellatrix.

“Ano ba?!” sigaw ni Bellatrix at saka nilayo ang sarili. Umirap siya sa mga ito. Siya na ang nagkusang gumilid para makaalis, pero hindi siya pinayagan ng mga itong umalis agad. Hinawakan siya ng dalawang alagad ni Aira sa magkabilang braso niya. Nang nilingon niya ang paligid ay maraming mga empleyado at ibang model ang nanonood sa kanila pero walang may balak na tulungan siya.

Lumapit si Aira at saka siya sinabunutan nito. “B*tch! Dapat sa mga katulad mo ay binubuhusan ng asido. P****k! Salot sa lipunan!” malakas na sabi ni Aira. Hindi makapalag at makalaban si Bellatrix dahil sa dalawang kamay na pumipigil sa kaniya.

“F*ck you ka! Madaya ka! Three versus one? May saltik ka!” sigaw rin ni Bellatrix dahil hindi siya makaganti man lang. Lalo na at hindi lang sabunot ang nararamdan niya, kinakalmot din siya ni Aira sa kaniyang mga braso.

“Ikaw ang madaya! Inagaw mo sa akin ang pagiging ambassadress ng Marquis’ Beer! B*tch ka talaga! Sl*t! P****k! Bayad ka lang na babae!”

Mas lalong diniinan ni Aira ang pagsabunot sa kaniya na halos nagpaiyak kay Bellatrix. Pakiramdam niya ay malalagas na ang buong buhok niya. Kaya naman para mapatigil sila ay sinipa niya si Aira habang suot ang heels nito. Napasalampak sa sahig si Aira at agad siyang dinaluhan ng mga alagad nito. Namimilipit siya sa sakit dahil sa pagsipa ni Bellatrix.

Umirap si Bellatrix sa tatlong magkakaibigan. Sunod naman ay sinamaan niya rin ng tingin ang mga taong walang ginawa kundi manood lang sa kanila. Pinindot niyang muli ang button ng elevator at saka iyon bumukas.

“Oh my goodness! Aira, what happened to you?!” gulat na sigaw ni Jaypee nang makita ito na umiiyak sa sahig. Napairap muli si Bellatrix. Ilang beses nitong pinagpipindot ang isang button para sumara na ang elevator upang hindi siya maabutan ni Jaypee na tiyak na sisigawan at pagsasabihan lang siya ng mga masasakit na salita.

“Bellatrix!” rinig niyang tawag ni Jaypee sa kaniya. Mabuti at sumara na ang elevator at umandar na ito pababa. Dahil gawa ito sa metal ay nakita niya ang repleksyon dito. Magulo ang buhok nito at ang suot niya ay nagusot na. Huminga siya ng malalim at saka kinuha ang suklay sa dalang sling bag. Inayos na rin niya ang suot na dress. Hinawakan niya ang magkabilang braso na puno ng kalmot at sugat. Namumula iyon at may mga bakas pa ng dugo.

Pagdating niya sa ground floor ay nagpasalamat siya at wala na ang mga reporters doon. Mukhang pinaalis na nila ang mga ito sa building.

Lumabas na si Bellatrix sa building at saka nag-abang sa kalsada ng taxi. Pagkatapos pumara ay sumakay na siya at sinabi ang address ng tinitirhan niyang apartment. Pagod siyang sumandal sa salamin ng sasakyan habang malungkot na nakatanaw sa labas. Gusto niyang umiyak pero ayaw niyang magtaka ang driver at kaawaan siya. Iyon pa naman ang ayaw niyang ipakita sa mga tao, na mahina siya at nagpapa-api.

Hindi pa man nag-uumpisa ng tuluyan ang kaniyang plano ay ganito na agad ang nangyayari sa kaniya. Ilang beses na siyang nainsulto dahil lang sa pagkakadawit niya kay Colter.

“Worth it pa ba ang lahat? O masasaktan lang ako sa plano kong ito?” tanong ni Bellatrix sa sariling isipan nito. Mabilis niyang pinahid ang ilang lumandas na luha sa pisngi niya. Umiling siya at kinurot ang sariling kamay.

Pinaalala niya sa kaniyang sarili kung bakit ba siya maghihiganti. Kaya hindi dapat siya panghinaan ng loob dahil para sa kaniya ay kahit kailan nama’y hindi magiging patas ang mundo para sa mga katulad niyang mahirap at pinagkaitan ng hustisya. Kailangan niyang manindigan at mas maging matatag sa mga susunod pang pagsubok na kaniyang haharapin. Ang sarili lang naman niya ang maaasahan niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status