Share

KABANATA 1

“HEY, Miss!”

Mula sa pagpapaypay ng inihaw ay natuon ang atensyon ni Danica sa tinig na iyon. Kung kailan nag-day-off ang kasama niya at siya lang mag-isa, saka naman dumagsa ang mga kustomer. Sobrang wrong timing. Isa pang hindi niya maintindihan ay ‘yong kaya namang magpasweldo ng sandamakmak na trabahador ng kaniyang amo pero dala-dalawa lang silang waitress ng Café.

Saglit na iniwan ni Danica ang ginagawa at lumapit sa bagong dating, isang foreigner at Filipina na sa tingin niya ay magkasintahan.

Tuwing alas Kuwatro ng hapon hanggang hating gabi nagbubukas ang Isla Café. Nakahelira ito sa mga naglalakihang club sa Angeles kaya hindi nakapagtatakang karamihan sa pumapasok na kustomer ay mga banyaga. Sa labas nakapuwesto ang mga mesa na may tag-aapat na upuan, may malalaking payong rin ang bawat isa niyon na tila ipinasadya upang silungan. Napapalibotan rin ang espayo ng mga bulaklak na mas lalong nagpaganda sa lugar.

Isang taon na rin ang lumipas simula noong ikasal ang nobyo ni Danica. Umuwi siyang bigo ng Leyte noon. Dinamdam niya ng sobra ang nangyari; na-depressed at umabot pa sa puntong ginusto niya nang mawala sa mundo. Pero dahil sa mga magulang niya na laging nandiyan para sa kaniya ay nagawa niyang lampasan ang mapait na parteng iyon ng buhay niya. Ang mga ito ang nagbibigay sa kaniya ng lakas at rason kung bakit kailangan niyang magpatuloy.

Ang totoo hanggang ngayon nasasaktan pa rin ang dalaga sa tuwing makakarinig ng balita tungkol kay Andrie. Alam niyang matagal na rin pero hindi ito ganoon kadaling burahin sa buhay niya. Hindi niya magawang itapon na lamang ng basta ang tatlong taon. Pero ika nga ‘life must go on’, kaya sa ayaw at gusto niya kailangan niya nang mag-move-on.

Noong nakaraang linggo ay nagpasya si Danica na sumama kay Lily dito sa Pampanga. Supervisor sa isang mall ang pinsan nitong si Sheila kaya nagpatulong itong makapasok. Dahil sa nakapagkolehiyo si Lily ay hindi ito nahirapan. Kamag-anak ni Andrie ang dalawa, pero sa kabila nang nangyari sa kanila ng dating nobyo ay hindi nagbago ang mga ito. Sa katunayan ay tinulungan siya ng mga ito na makahanap ng trabaho.

“Y-yes Sir, Ma’am! What’s your order?” tanong pa ng dalaga sa matigas na punto. Panay ang hila niya pababa sa laylayan ng suot na uniporme dahil sa iksi niyon. Kahit man siya ay naninibago sa bago niyang hitsura; isang fitted dress uniform na may manggas ang kaniyang suot, at puting rubber shoes. Naglagay rin siya ng kolorete sa mukha at itinali ang hanggang beywang niyang buhok. Maging presentabli, iyon ang sabi ng kaniyang amo.

“Five bottle of beers.” sagot ng foreigner na may katandaan na rin.

“How about you, Ma’am?” baling naman ni Danica sa babae.

“Sampung barbecue sticks na lang at saka samahan mo na rin ng iced tea. Ahm, spicy lang, huh.”

“Okay po.”

Agad na tumungo sa loob ang dalaga para kumuha ng beer. Nginitian siya ni Jean na noon ay nasa kahera. Ito ang may-ari ng cafe at ito rin ang nagkakaha.

“Ang daming kustomers beh, noh?”

“Oo nga ho, Ma’am,” sagot niya na kumuha ng beers sa malaking refrigerator. Sa sulok ng mga mata ay nakita niyang tumayo ang kaniyang amo at nilapitan siya.

“Ganyan talaga rito kapag may bago. Teka, ilang bote ba?”

“Lima. Isang iced tea at sampung barbecue.”

“Sige ako na sa iba.”

Tipid na tumango ang dalaga at nagpatiuna sa labas. Mabait naman ang amo niya. Hindi ito nagagalit kahit nagkakamali siya minsan.

Maingat na inilapag ni Danica ang limang bote ng beer sa table 3. Ganoon din ang amo niya na nakasunod sa kaniya.

“Is she your daughter, Jean?” bigla ay tanong ng foreigner.

“Nah, how I wish but she’s not. She’s more prettier than me.”

“You are right. What’s her name?”

“Ah, she’s Danica.”

Ilang na yumuko ang dalaga dahil sa tingin ng babaeng kasama ng foreigner. Hindi man siya makapagsalita ng diretsong Ingles, kahit papaano ay nakakaintindi naman siya.

“Ahm, balik na po ako, Ma’am,” aniya na lang upang umiwas. Bumalik siya sa pwesto.

“Oy, beh mukhang type ka no’ng foreigner na ‘yon.”

Ngumiti lang si Danica. Hindi niya pinansin ang sinabi ng amo at nagpatuloy lang sa ginagawa.

“Alam mo bang karamihan sa nagtrabaho rito sa akin nakapag-Asawa ng foreigner?”

“Talaga ho?”

“Oo. Kaya sa huli lagi akong naiiwan mag-isa. Kaya ikaw, huwag mo akong iwan, huh.”

Muli ay napangiti si Danica. Hindi niya alam ang isasagot. Isa pa, saan naman siya pupunta? Wala nang tatanggap sa kaniya lalo pa at high school graduate lang siya. Baka sa club pwede pa. Pero kahit sa panaghinip ni ayaw niyang gawin. Puri niya na lamang ang pwede niyang maipagmalaki.

“Alam mo gusto kita. Gusto ko ‘yang kainosentihan mo. Hindi pakitang tao.”

“Hi, Jean!”

Maging si Danica ay natuon ang pansin sa bagong dating. Isang Amerikano na hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Gwapo ito at may asul na mga mata.

“Oh hi, Ralph!” ganting bati ng kaniyang amo. “Are you gonna drink?”

“Yeah.” nakangiting sagot naman ng lalaki na tumingin kay Danica. “New waitress?”

“Y-yes Sir,” sagot ni Danica dahil sa kaniya naman ito nakatingin.

Ngumiti ang lalaki at naglahad ng kamay.

“N-no, Sir. Look my hand is dirty,” todo ang iling na tanggi ng dalaga sabay ipinakita ang mga kamay na.

“It’s okay. Can I still have a shake hand?”

Walang magawa si Danica kundi tanggapin ang alok ng nagngangalang Ralph. Isa pa, wala naman siyang nakikitang masama roon.

“It’s nice meeting you..?”

“Danica.”

“Pretty name. As pretty as you.”

“Nah, Ralph I don’t wanna look for another worker again. So whatever you’re thinking---it’s a big NO NO,” natatawang wika ng amo ni Danica. Natawa rin ang lalaki.

“I didn’t say anything.”

PARANG lantang gulay si Danica na napaupo sa isang silya. Napagod siya ng sobra dahil sa dami ng kustomer. Limang minuto na lang bago mag-alas Dose, sa wakas ay tapos na rin ang kaniyang duty. Hinihintay niya na lang si Lily para sunduin siya.

Ito na ang panglimang araw niya bilang waitress sa Isla Café. Mahirap, bukod sa wala siyang experience mahina rin siya sa Ingles.

Minsan parang gusto niya nang umuwi at tumulong na lang sa mga magulang sa bukirin. Pakiramdam niya ay nag-iisa lamang siya at walang kakampi. Nami-miss niya na ang Leyte.

Bigla ang pag-init ng mga mata ni Danica. Hindi niya nga lang alam kung para saan---dahil ba sa lungkot o sa mga ala-alang pilit niyang kinakalimutan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status