Share

Chapter 10: Lunch

Clueless pa rin si Sarah sa kakaibang ngiti ni Jessica sa tuwing mapapatingin ito sa kaniya. Malapit na siyang mabaliw sa kaiisip kung anong alam nito na hindi niya alam. Tiyak na may kinalaman ‘yon sa kaniya dahil nag-iiba ito ng topic kapag inuungkat niya ang tungkol doon.

“TM?” untag ni Tere. “Kanina ka pa tinatanong ni Ate kung anong order mo.”

Kasalukuyan silang nasa pantry para mag-lunch. Hindi nakapagluto si Jessica kaya wala siyang baon. “Ay, sorry.” Tiningnan niya ang ulam pero wala siyang nagustuhan. “Mommy, mauna ka nang um-order. Mag-iikot-ikot muna ako. Hahanapin ko na lang ang table n’yo.”

“Sige.”

Malawak ang pantry sa 6th floor at maraming food stalls, mistula ‘yong food court sa isang malaking mall. Halos nalibot na niya ang buong pantry pero wala siyang nagustuhang pagkain.

“Nahihilo na ako sa kabubuntot sa ‘yo,” sabi ng lalaki sabay akbay sa kaniya. “Kakain ka ba o hindi?”

Nilingon niya ang lapastangan na nagmamay-ari ng mabigat at mahabang braso na ‘yon. “Alisin mo nga ‘yan sa balikat ko,” mariing utos niya.

“Ayoko.”

“Boyfriend ba kita?” angil niya. Feeling close ito kung umasta. Kung wala lang tao roon baka kanina pa niya ito binalian ng braso. Ayaw niya lang mag-eskandalo. “Hindi nga tayo magkaibigan, eh.”

“Pero magkapitbahay naman tayo,” anito. “At close kami ni Jessica.”

“Anong kinalaman noon sa relasyon natin sa isa’t isa?” Hindi por que magkaibigan na ito at si Jessica ay magkaibigan na rin sila. “Aalisin mo ba ‘yang braso mo o babalian kita?”

Huminto ito sa paglalakd kaya napatigil din siya. “Hindi nga kita binalian ng buto nang gabing todo ang yakap mo sa akin, ‘tapos ikaw sa maliit na bagay lang mananakit agad.”

“Tse! Malabo namang mangyari ang sinasabi mo. Ako, yayakap sa ‘yo? Asa ka!” Ang lakas ng tama nito. Ilusyunado!

“Komportbleng-komportable kang nakasiksik sa kili-kili ko habang nakayakap sa baywang ko,” patuloy nito. “Ang himbing-himbing ng tulog mo kaya binuhat kita at dinala sa higaan mo.”

“What? Kailan nangya—” Kusong tumikom ang kaniyang bibig nang mag-sink in sa kaniyang utak ang pahayag nito. Tama ang hinala niya na nakatulog siya at ito ang nagdala sa kaniya sa kuwarto.

“Tinulugan mo ako sa date natin.”

Sh*t! Nakakahiya siya! Kaya pala ganoon na lang kung makangiti si Jessica. Wala talagang mabuting naidudulot ang alak sa kaniya. “Natulog ka rin kaya quits na tayo,” bulyaw niya sabay siko sa tagiliran nito.

Napaigik ito sa kaniyang ginawa. Kusa nitong tinanggal ang braso na nakapatong sa kaniyang balikat at sinapo nito ang nasaktang bahagi ng katawan. “Ang sakit,” nakangiwi nitong wika.

“Ang hina lang no’n! Para ka namang hindi lalaki kung makadaing,” pang-aasar niya sabay talikod.

Ilang beses pa niyang narinig ang pag-aray nito hanggang sa tuluyan na itong tumahimik. Mabilis siyang nakalayo rito—iyon ang akala niya dahil pagkalipas ng ilang segundo ay naka-akbay na ulit ito sa kaniya.

“Hindi mo ba talaga ako titigilan? Sa pagkakaalala ko, nangako ka sa akin na hindi mo na ako kukulitin kapag pinagbigyan kita sa gusto mo.”

“Ang sungit mo naman!” Napailing ito. “Oo na, hindi na kita kukulitin pero last na talaga ‘to,” hirit nito.

Napapadyak siya. “Erhart naman, eh!” Napipikon na siya sa kakulitan nito. “Ano na naman ba ang gusto mo? Wala na akong utang sa ‘yo, ‘di ba? Bakit nangungulit ka na naman?”

“Babayaran ko ‘yong utang ko sa ‘yo.” Nagsalubong ang kaniyang kilay dahil sa pagtataka. “Gusto kitang ilibre ng lunch dahil tinulungan mo akong bumili ng gamit sa bahay.”

“Kalimutan mo na ‘yon!” balewalang turan niya kaysa bumuntot ito nang bumuntot sa kaniya.

“Hindi puwede! Gaya mo, ayoko ring magkaroon ng utang na loob sa iba.”

Pinagtaasan niya ito ng kilay at tinitigan ng deretso sa mga mata. Hindi man lang ito kumurap at nagpatuloy lang sa pagsasalita.

“Ito rin ang paraan ko para magpasalamat sa ‘yo.”

“Pero hindi ako—”

“Hindi ka nagpapalibre?” Napipilan siya nang matumbok nito ang nasa isip niya. “You and your rules.” His eyes narrowed. “Hindi uubra sa akin ‘yan!”

Sapilitan siya nitong inakay sa food stall na pinakamalapit sa kanila at ito na mismo ang namili ng pagkain. Pinabayaan na lang niya ang binata dahil mukhang wala itong balak na magpaawat. Natalo na naman siya nito. Ilang rules na ba ang nabali niya dahil dito? Hindi na ‘yon maganda.

“Saan mo gustong pumuwesto?” tanong nito nang makuntento na sa biniling pagkain.

“Sa table nila Mommy Tere at ng team ko,” tugon niya. Inikot niya ang paningin sa pantry. Madaling nahagilap ng kaniyang mga mata ang puwesto ng mga ito ngunit sa kasamaang palad, mukhang kanina pa nagmamasid ang mga ito sa kanila ni Erhart. “Ayon sila.” Nanlalatang tinuro niya ang direksyon ng mga kasamahan.

“Kasama pala ang jowa kaya ang tagal dumating,” bungad ni Tere nang makarating sila doon. “Hi, Tisoy!” nakangiting bati nito sa binata.

“Hello po!” ganting bati nito sa ginang at nilakipan pa ‘yon ng nakakalusaw na ngiti. Kinilig naman ang ginang sa ginawa ng binata. “Babalik na ako sa production floor,” paalam nito sa kaniya.

“Ha? Hindi ka kakain?”

“Tapos na. Pabalik na ako kanina nang makita kita.” Marahan nitong pinisil ang kaniyang pisngi. “Ubusin mo ‘yang pagkain.”

Isang katerbang siomai ang binili nito na may iba’t ibang flavour, siopao, dumplings, at lemonade. Ang akala niya’y hindi pa ito kumakain. Paano niya uubusin ‘yon? “Ang dami nitong binili mo. Hindi ko ‘to kayang ubusin.”

“I-share mo sa kanila. Sige na, aalis na ako dahil baka ma-over break pa ako.”

Hindi na siya tumutol pa. Ano pa bang magagawa niya kung nilayasan na siya nito? “Ang kulit talaga ng lalaking ‘yon!” bulong niya sa sarili.

At dahil sa inakto ng binata, inulan siya ng tukso ng mga kasamahan. Paniwalang-paniwala talaga ang mga ito na magkasintahan sila. Hanggang sa matapos silang kumain ay siya pa rin ang topic ng mga ito na para bang hindi siya nag-e-exist at hindi siya ang manager ng mga ito. Tuwang-tuwa ang team niya nang malaman na may boyfriend na siya kahit hindi naman ‘yon totoo.

“TM, nadiligan ka na ba ni Tisoy?”

Nasamid siya sa sariling laway dahil sa tanong ni Tere. Nag-init ang kaniyang pisngi at parang namanhid ‘yon. Sanay na siyang makarinig ng green jokes at kung ano-anong mahahalay na salita dahil normal na ‘yon kapag nagtrabaho ka sa call center pero hindi siya komportable kapag siya ang binabato ng tanong tungkol doon. Inosente siya sa bagay na ‘yon.

Kung hindi lang ito mas matanda sa kaniya ay baka napatulan na niya ito. Mabuti na lang talaga at bumukas ang elevator kaya nakahanap siya ng dahilan upang umiwas sa tanong nito. Mabilis pa sa kidlat na pumasok siya sa loob pero agad siyang natigilan nang may makitang pamilyar na bulto ng lalaki.

Nakasuot ito ng black jacket, black pants, at black rubber shoes. May hawak itong cup ng kape, at footlong. Tinanguan siya ng binata at tipid na ngumiti, ganoon din ang ginawa niya at saka tumabi rito.

“Tisoy, akala ko ba babalik ka na sa production floor?” takang tanong ni Tere nang makita ang lalaki.

Nagsalubong ang kilay ng binata. “Pasensya na ho, hindi kita kilala,” malamig nitong tugon.

“Boyfriend ka ni—” Bigla itong natahimik at pinagmasdang mabuti ang lalaki. “Hindi pala ikaw ‘yon.” Napakamot sa ulo ang ginang. “Sorry.” Tuluyan nitong itinikom ang bibig at umayos ng tayo.

Lihim siyang napasulyap sa katabi. Busy ito sa pagkain ng footlong at tila walang pakialam sa paligid. Matagal na niyang napansin na mayroon itong pagkakahawig kay Erhart lalo na kapag bigla itong tinitigan. Mas matangkad lang si Erhart at maputi samantalang moreno naman si Harry.

Bumukas ang elevator sa 15th floor. Biglang nagsalita ang binata. “Mauna na ako,” paalam nito.

“Okay,” tipid niyang tugon. Ang akala niya ay sa 19th floor ito bababa. Ngayon niya lang nalaman na magkaiba pala ng account ang dalawang lalaki. Marami pa talaga siyang hindi alam sa mga ito. “What?” Napatingin ang mga kasamahan niya sa kaniya nang sumara ang elevator.

“TM, magkakilala kayo?” tanong ni Jenna. Tumango siya bilang tugon. “Ang pogi naman no’n.”

“Magkapatid ba sila ng jowa mo, TM?” usisa ni Tere. Ito talaga ang numero unong tsismosa sa kaniyang team.

Nagkibit-balikat siya at napaisip. Magkapatid nga kaya ang mga ito? Si Jessica ang makakasagot sa katanungan niya dahil may pagka-tsismosa rin ito. Pero hindi niya ugaling mag-usisa kaya baka ma-misinterpret pa ‘yon ng kaibigan niya kapag nagtanong siya.

Speaking of Jessica, naabutan niya ito sa locker area nang makarating sila sa 18th floor. Abala ito sa pagpindot-pindot sa phone habang nakangiti.

“Mukhang masaya ka, ah,” puna niya rito. “May bago kang jowa, ‘no?”

“Sinusulit ko lang ang last break,” nakangising tugon nito. “Hindi pa kami mag-on pero doon din ‘yon patungo.”

Pinaikot niya ang mga mata. “Sa umpisa ka lang naman kinikilig pero sooner or later, iiyak ka naman.”

Hindi na bago sa kaniya na masaya ito ngayon ‘tapos sa susunod na mga araw ay humahagulhol ito. Mabilis kasi itong magpauto sa mga lalaki pero palagi naman itong iniiwan sa ere. Hindi na nadala!

“Ang nega mo!”

“Nagsasabi lang ako ng totoo.”

“Sigurado ako na siya na ang ‘the one’ ko,” nangangarap nitong pahayag. “Papatunayan ko ‘yan sa ‘yo.”

“Ewan ko sa ‘yo.”

Binuksan niya ang sariling locker at kinuha ang toothbrush doon. Nagpatuloy naman si Jessica sa pagkukuwento tungkol sa bagong lalaki sa buhay nito habang nagsisipilyo siya. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit sa kabila ng naranasan nitong kabiguan sa pag-ibig ay hindi ito natatakot na magtiwala at magmahal muli.

Samantalang siya, walang lakas ng loob na magmahal kahit hindi pa siya nasaktan. Nadala na siya sa pighating naranasan ng kaniyang mga tiyahin, maging ng kaniyang ama kaya ayaw niyang sumugal sa pag-ibig. Wala siya balak na magpaloko at magpauto sa kahit na sino. Tama na ‘yong sakit na naranasan ng mga taong mahal niya. Hinding-hindi siya susunod sa yapak ng mga ito sa larangan ng pag-ibig.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status