Share

Chapter 3

Sandra's POV

MARIIN kong tinakpan ang aking labi nang makita ang dalawang pulang guhit na nasa pregnancy kit. Nagsimulang gumapang ang maaalat na luha sa aking pisngi nang makita ko ito.

"F*ck! Hindi to totoo, 'di ba?" inis kong wika sa sarili sabay sa mariing pagsuklay sa aking buhok. "Anong gagawin ko?"

Yumuko ako sa loob ng cubicle kung saan ako naroroon. Pakiramdam ko ay binagsakan na ako ng langit at lupa. Tila sinusubok ang aking tatag dahil sa mga nangyayari sa akin ngayon.

"Be, ano nang balita?" tanong ni Jennie sabay sa pagkatok niya sa pinto ng banyo.

"Be... positive," basag ang tinig kong tugon sa kanya.

Humagulgol ako ng iyak nang bitiwan ko ang mga salitang iyon. Hindi ko alam ang gagawin ko. 'Paano ko to sasabihin kanila nanay? Paano ko ito paninindigan? Hindi naman kami mayaman at siguradong ikagagalit na naman ito ni tatay.'

Sandaling katahimikan ang bumalot sa pagitan namin ni Jennie. Maya-maya lang, nagdesisyon na rin akong lumabas mula sa loob ng banyo.

Sa aking paglabas, nakita ko si Jennie na ngayon ay nakatayo sa harapan ng pinto kung saan ako lumabas.

"Anong plano mo?"

Nababakas sa mukha ni Jenny ang pag-aalala sa akin.

"Hindi ko alam."

Patuloy sa pagluha ang aking mga mata. Naramdaman ko ang kamay ni Jennie sa aking balikat, saka niya ako niyakap nang mahigpit. Kahit paano, nakatulong sa pagpapagaan ng aking loob ang bagay na iyon.

Pinilit kong ipagpatuloy ang araw kahit mahirap. Hindi ako nagpahalata sa mga kasama ko sa trabaho na mayroon akong pinagdaraanan ngayon. Ang tanging nakakaalam lang ng lahat ay si Jennie. Matapos ang araw sa opisina, kabado akong umuwi sa aming bahay.

***

"Ano? Buntis ka?!" malakas na sigaw nina nanay at tatay nang aminin ko ang bagay na ito.

Nagdesisyon akong sabihin na ito agad dahil doon din naman ito tutungo. Wala ring mangyayari kung itatago ko pa ang pagbubuntis ko.

"Aba, Sandra! Wala tayong ipalalamon diyan sa anak mo na hindi naman natin alam kung sinong ama," sunod-sunod na wika ni tatay.

'Tama siya. Wala akong ideya kung sino ang ama ng batang ito. Hindi ko na rin maalala ang kanyang hitsura at sa tingin ko, wala na rin siya sa hotel room kung saan ako pumasok noon.'

Sa ngayon, hindi ko mahanap ang sasabihin sa aking mga magulang. Wala akong magawa kung hindi ang umiyak at tumahimik na lamang.

"Ipalaglag mo 'yan."

Sabay kaming napalingon ni nanay nang marinig ang sinabing iyon ni tatay.

"Mathew, naririnig mo ba ang sarili mo?" wika ni nanay sa kanya.

"Alam ko. Pero nabuo sa kasalanan ang batang 'yan at hindi rin naman 'yan ginusto ng anak mo. Isa pa, malas 'yang batang 'yan. Iyan ang dahilan kung bakit nawala ang business na pinakaaasam natin. Ikakasal na sana 'yang anak mo at gaganda ang buhay, pero anong nangyari?" sunod-sunod na sumbat ni tatay.

"Huwag mo namang sisihin ang isang inosenteng bata," inis na sagot ni nanay sa kanya.

Pilit na pinakalma ni tatay ang sarili, saka humigop ng kape na nasa kanyang harapan dito sa hapag-kainan.

"Kayo ang bahala. Kung anong desisyon nyo," muling wika ni tatay.

Tumayo siya at nagtungo sa sala, saka nagbukas ng telebisyon na animoy walang problema at hinayaan na lang kami ni nanay sa kung ano man ang aming desisyon.

Napatingin naman ako kay nanay nang hawakan niya ang aking kamay.

"Hayaan mo na, Anak. Kasalanan sa Diyos ang sinasabi ng tatay mo. Nadala lang din siguro ng galit. 'Wag mo siyang pakinggan," payo ni nanay sa akin na kahit paano ay nagpagaan sa aking pakiramdam.

Tumango ako at ngumiti sa kanya. Kung alam lang ni nanay, nais ko na rin talagang gawin ang bagay na sinasabi ni tatay ngunit hindi ko iyon magawa dahil natatakot ako.

***

Makalipas ang dalawang araw, hindi ako pumasok sa opisina dahil kailangan kong ipa-check up ang pagbubuntis ko. Nakumpirma kong ang lalaking iyon nga ang ama ng batang pinagbubuntis ko dahil akma sa araw ang mga sinabi ng doktor. Wala akong nagawa kung hindi ang bumuntonghininga.

Habang ako ay nakasakay sa jeep at bumabyahe pauwi, lumilipad ang aking isip sa mga maaaring mangyari sa aking buhay. Isipin ko palang na papasok ako sa opisina na may malaking tiyan, nahihiya na ako. Iniisip ko kung aalis ba ako ng trabaho o ano.

Sa pag-uwi ko ng bahay, naabutan ko si nanay na nag-aayos ng lamesa. Wala naman si tatay dahil lumabas ito. Madalas na ring lumalabas si tatay, animoy ayaw na niya kaming makita dahil madalas lang siyang magalit sa amin.

"Nay, tulungan na kita diyan," wika ko saka nilapag ang dala kong gamit sa sofa.

"Hindi na, anak. Magpahinga ka na lang muna diyan sa sofa," tugon niya sa 'kin habang nagpupunas.

Ngumiti ako sa kanya at sinunod na lang ang nais. Dahil abala pa si nanay, binuksan ko ang TV. Hindi ko na rin maalala kung kailan ako huling nanood ng telebisyon. Masiyado kasi akong abala sa trabaho kaya maging ang panonood ng balita ay hindi ko na rin nagawa.

Sa pagbukas nito, agad na bumungad sa akin ang balita at mga aksidente na nangyayari sa kalsada. Hanggang sa maya-maya lang, naputol ang pinapanood ko dahil sa pagsulpot ng isang flash report.

"Breaking news! Matapos ang pananaksak sa bilyonaryong si Lucas Montenegro, nahuli na ang suspect na gumawa nito. Matatandaan na noong isang linggo ay sinaksak si Mr. Lucas ng isang lalaki na nag-abang sa kanya sa airport.

Ayon sa suspect, napagkamalan niya raw si Mr. Lucas na ang taong may atraso sa kanya. Nakalusot sa mga body guard ang suspect nang utusan ni Mr. Lucas ang mga ito na sandaling lumayo upang makausap ang mga nais magpalitrato sa kanya, dahil dito, nagawa ng suspect ang pananaksak, dahilan upang isugod sa ospital si Mr. Lucas.

Kasalukuyang nakapiit sa kulungan ang suspect at sinampahan na ng kasong attempted murder. Samantala, mabuti na ang kalagayan ni Mr. Lucas Montenegro at kasalukuyang nagpapagaling sa St. Street Medical Center. Ngunit ayon sa pagsusuri ng mga doktor, dahil sa nangyaring insidente, naapektuhan ang reproductive system ni Mr. Lucas dala ng malalim na pagkakasaksak sa ibabang bahagi ng kanyang katawan at dahil dito, maaaring hindi na siya magkaroon pa ng anak sa natural na paraan."

Kumunot ang aking noo sa balitang pinanonood ko. Tila tutok na tutok ako rito dahil ngayon lang ako nakarinig ng ganitong balita.

"Kawawa naman 'yong lalaki. Ang yaman-yaman niya kaso hindi na siya magkakaanak," wika ko sa hangin saka nagpalumbaba. "Kung sa bagay, marami nang nagagawa ang siyensya ngayon. Mapera naman siya, kaya niyang gawan ng paraan 'yan," side comment ko pa.

Muli akong bumalik sa panonood nang marinig ang pagsasalita ng isang lalaki.

"Actually, I don't mind having a child or something. Ang iniisip ko lang siguro ay 'yong magmamana ng lahat ng mayroon ako. But I guess matagal pa naman 'yon, saka ko na iisipin," wika ng lalaking nasa TV ngayon at ini-interview ng reporter.

Nakahiga siya sa kama at halatang nasa private room. Pahapyaw na pinasulyap din ang loob ng silid niya at tila nasa isa lamang siyang condo. Hindi naman ito mukhang ospital.

Ang sabi ay pinahigpit na rin ang bantay sa ospital na iyon upang maiwasang mangyari muli ang insidente.

Tinitigan kong mabuti ang lalaki na ngayon ay kausap ng reporter at napasabi sa sariling, "sayang ang lahi, gwapo pa naman."

Maya-maya lang, habang tinititigan ko ang kanyang mukha, hindi ko alam kung bakit tila nakita ko na siya.

Kumunot ang aking noo at muli siyang tiningnan, hanggang sa magbago na ang palabas sa tv. Doon lang naputol ang mga bagay na aking iniisip.

"Saan ko ba nakita ang mukhang 'yon?" bulong ko sa hangin habang nakakunot ang noo at pilit na iniisip kung saan ko nakita ang pamilyar niyang mukha.

Kinuha ko ang aking cellphone at agad na nag-search sa gooble. Hinanap ko ang pangalan ni Lucas Montenegro at napanganga nang malaman kung gaano siya kayaman.

Siya lang naman ang nagmamay-ari ng malalaking mall dito sa pilipinas. Mayroon din siyang resort at iba't ibang residences, ganoon siya kayaman. Tinagurian din siyang The Young Billionaire dahil bata palang siya ay bilyonaryo na siya, tagapagmana kasi siya ng mga Montenegro.

"Sino ba to?" saad ko saka tinitigang mabuti ang litratong nakita ko na naka-flash sa screen.

Hanggang sa maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang pumasok sa aking alaala ang isang bagay.

Nagsimulang manginig ang aking kamay, dahilan upang mabitiwan ko ang cellphone na hawak ko.

"H-Hindi pwede. Totoo ba to?" hindi makapaniwala kong wika.

"May problema ba, anak?" tanong ni nanay nang mapansin niyang balisa ako at naihulog sa sahig ang hawak kong cellphone kanina.

Nanginginig akong humarap kay nanay. Pilit kong binubuksan ang aking labi ngunit hindi lumalabas ang mga salita na nais kong sabihin.

"Hoy! Sandra! Ano bang nangyayari sa 'yo?" sigaw ni nanay sabay sa pagpitik ng kanyang daliri.

Dahil dito, tila bumalik ako sa ulirat at nagawa kong igalaw ang aking labi.

"N-Nay, ang lalaking ito," nauutal ko pang wika saka pinulot ang nahulog kong cellphone at tinuro ang litrato na naka-flash sa screen.

Sinundan naman ni nanay ang direksyon ng aking daliri, saka kumunot ang noo.

"Oh! Ano 'yang lalaking 'yan?"

"Siya po ang ama ng batang dinadala ko," saad ko habang nanginginig ang tinig.

Hindi ako makapaniwala na isang bilyonaryo ang tatay ng batang dinadala ko. Ano na naman ba itong pinasok ko?

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Myles Berces Canillo
Luhh sya nga Yong nkaniig mo ng malasing ka sandy
goodnovel comment avatar
Maria Jallan Sunto
Asan po karugtong
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status