Share

MNAB - Kabanata I.I: Laila

Ang bulung-bulungang manghuhula... SI JUDE. Kilalang-kilala ko siya. Sa katunayan, kababata ko siya. Bata pa lang kami, nakakakita na siya ng mga hindi pangkaraniwang bagay sa paligid. May mga panaginip din siyang nagsisilbing babala. Halos lahat ng kakilala namin, natatakot sa kakayahan niya. May iba namang kinukutya siya at sinasabing anak daw siya ng demonyo. Naging biktima rin siya ng pambu-bully noong Grade School at High School kami. Ngayon namang College, iniilagan siya. Malungkot siguro ang buhay niya. Kaunti lang din kasi yung kumakaibigan sa kanya. Hindi na rin naman niya gustong makipag-kaibigan sa iba. Wala nga yata siyang ibang pinagkakatiwalaan bukod kay Jomari na pinsan niya at sa akin na kapit-bahay nila.

Tulad ni Jomari, tahimik at malalim ang personalidad ni Jude; wirdo para sa karamihan. Hindi siya basta-basta nakikipag-usap sa mga tao maliban na lang kung paranormal ang pag-uusapan ninyo. Para sa akin, isa siyang psychic. Isa siyang taong may kahanga-hangang abilidad; isang taong posibleng kainggitan dahil sa kakaiba niyang kapangyarihan; pero ngayon, hindi ko na gustong pakikialaman niya pa pati kamatayan ng tao.

"Bakit mo sinabi kay Laila iyon?" tanong ko nang kausapin ko siya. Inabangan ko talaga siyang lumabas sa gate ng University. Paano kasi, mahirap siyang hagilapin. Minsan din kasi, pag pumupunta ako sa kanila at hindi niya ako gustong kausapin, hindi niya talaga ako pagbubuksan ng pinto. Mabuti na lang at alam ko kung ano ang oras ng pag-uwi niya dahil minsan ko na iyong naitanong sa kanya. Sakto namang vacant time ko rin.

Iniwasan niya ako, pero hinablot ko yung braso niya kaya 'di na siya nakatakas. "Kausapin mo ako," utos ko. Kundi siguro kami magkababata, wala akong lakas ng loob para harapin siya.

Tumingin siya sa paligid, tila nahihiya kasi pinagtitinginan kami ng mga estudyanteng dumadaan. Nagtataka siguro ang mga iyon kung bakit hawak ko siya sa braso. Hindi ko naman siya gustong awayin. Gusto ko lang magtanong sa kanya.

"Tumabi muna tayo, puwede?" pakiusap niya, na siyang ginawa namin, pero nanatili pa rin akong nakahawak sa braso niya. Mahirap na, baka bigla siyang mawala.

Inulit ko yung tanong ko, "Bakit mo sinabi kay Laila iyon?"

"Siya naman ang may gusto nun. Sabi niya, gusto raw niyang malaman kung paano siya mamamatay," sagot niya.

"Ano'ng mga sinabi mo sa kanya?" tanong kong muli.

"Sinabi ko lang kung ano ang hiniling niya at kung ano ang nakita ko, pero hindi ko naman sinabi lahat. Hindi ko naman sasabihin iyon kundi niya ako kinulit," sagot niya. Napabuntong-hininga ako. Binitiwan ko na siya.

"Jude, alam mo bang takot na takot si Laila? Ayaw niya na ngang pumasok! Sabi niya magkukulong na lang siya sa bahay," sabi ko.

"Hindi naman niya matatakasan yung kamatayan e! Kahit sino, wala pang nakatakas sa nakatakda, Bianca. Papasok siya bukas at mamamatay na siya bukas!" Tila may kasiguraduhan sa kanya. Nahintakutan ako sa narinig ko. Bumaling ang tingin niya sa pinakamalapit na bulletin board at itinuro iyon. "Nakikita mo iyon?"

Napatingin ako sa direksyon na itinuro niya. Nakita ko ang nakangiting litrato ni Laila na nakapaskil sa bulletin board. Naalala kong si Laila pala ang ipadadala ng University para maging exchange student sa Japan... bukas!

"Mamamatay na siya bukas. Wala ka rin namang magagawa roon, kaya hintayin mo na lang," sabi ni Jude. "Uuwi na ako," paalam niya. Iniwan niya akong punung-puno ng pag-aalala. Bumalik na ako sa loob ng University.

'Di nagtagal, naka-receive ako ng text message galing kay Laila, "I nid u."

"Wer r u?" agad na ni-reply ko. Alalang-alala ako.

"Dean's office. See me @ d table," tinutukoy niya yung tambayan namin.

Nagtungo ako roon agad-agad, at pinadalhan ko siya ng text message nang marating ko ang tambayan. Ilang sandali pa, dumating na siya. Malungkot ang mukha niya nang kinatagpo niya ako matapos niyang makipag-usap sa Dean.

"Ayaw niyang pumayag na ibang student na lang ang ipadala bukas," pagbabalita niya. "Tinawanan pa ako ng Dean. How could I be so gullible raw! Gusto pang bawiin yung pagiging Dean's lister ko. As if naman na puwedeng mangyari iyon." Dismayado siya.

"Ano ba kasi'ng pumasok sa isip mo at nagpahula ka kay Jude?" tanong ko. Hindi ko siya gustong sisihin. Curious lang ako kung ano ang nagtulak sa kanya para gawin iyon.

"Ni-refer kasi nina Janine at Eve e," pagtatapat niya.

"Nina Janine at Eve?" pagtataka ko.

Ganoon na lamang ang pagtataka ko dahil ang alam ko, hindi gusto nung dalawa si Jude. Madalas nga nilang laitin iyon kasi parang baliw raw. Kahit nga kaharap namin si Jomari, pinagsasalitaan nila nang hindi maganda si Jude. Buti nga, hindi sila pinapatulan nung isa.

Tumango si Laila. "Sabi nina Janine at Eve, nagpahula raw sila kay Jude noong isang araw. Ang sabi ni Eve, sabi ni Jude sa kanya mamamatay na raw siya next month, which is one week from now. Si Janine naman in the end of the week," kuwento niya.

Paano nagawang sabihin ni Jude ang ganoon sa kanila? Kung alam nito kung kailan sila mamamatay, bakit hindi na lang nito isinikreto ang lahat? Bigla tuloy akong natakot para sa mga kaibigan ko.

"Kailan ka nagpahula?" tanong ko.

"Just this morning," sagot niya.

"Tapos?" tanong kong muli. Gusto kong malaman ang sunod na kuwento.

"Sabi kasi nila I should try daw na magpahula kay Jude and see how stupid he was. Tinawanan lang kasi nila yung sinabi ni Jude about their death," sabi ni Laila.

"At ikaw, naniwala ka sa kanya?"

"Bianca, how could I not believe it? I do admire Jude's skill kahit noon pa!"

Naisip kong ganoon din naman ako. Alam kong espesyal si Jude kahit na marami akong naririnig na hindi maganda tungkol sa kanya.

"Paano raw ba mamamatay sina Janine at Eve?" usisa ko.

"Ang kuwento nina Janine at Eve, papatayin daw si Eve ng boyfriend niya."

Nagulat ako at 'di makapaniwala, "Ni Alden?!"

Pero paano... at bakit? Hindi naman mukhang mamamatay-tao si Alden! Sobrang bait niya! Mapatutunayan iyon ng lahat ng malalapit kay Alden. Isa pa, alam ko kung gaano niya kamahal si Eve.

"Laila, sooobrang bait ni Alden, alam mo iyan," pagtatanggol ko sa kaibigan namin.

"Siguro nga. Ewan ko! Ang mabait na tao, minsan nasa loob ang kulo," sabi niya. Natahimik ako. Naniniwala akong hinding-hindi magagawa ni Alden iyon.

"At si Janine?" tanong kong muli.

"Madudulas sa banyo," sagot niya. "Tinawanan lang nilang dalawa! How could that be possible raw? Sabi ni Eve, mahal na mahal daw siya ni Alden kaya paano raw siya papatayin nito? Saka ganoon daw ba ka-tanga si Janine para madulas sa banyo at mamatay? Siguro baliw raw itong si Jude at nag-iimbento lang, at sana raw kung nag-iimbento lang si Jude, yung mas magandang version naman ng death para naman realistic."

Nabagabag ako sa nalaman ko. Si Laila mamamatay bukas, si Janine sa weekend at si Eve next month.

"At ikaw... Sasaksakin ka ng mad man..." pagkumpirma ko.

Napabuntong-hininga siya, niyakap niya ako at nagsimulang umiyak, "I don't want to die, Bianca! I still have so many dreams na gusto kong i-accomplish! Gusto ko pang maging successful. Gusto ko kasama ko kayong lahat, kayo ng barkada, sa success na iyon!" Nakuha niya pang magbiro, "Ni hindi pa nga ako nagkaka-boyfriend, tapos mamamatay na ako?"

Hinagod ko ang likod niya. "Hindi ka mamamatay," pagpapagaang-loob ko.

"Sana nga. Pero, what if magkatotoo yung hula ni Jude?" pangamba niya.

"Hindi ka mamamatay! Walang ibang makapagsasabi nun kundi Diyos lang," sabi ko.

"Please pray for me, Bianca," sabi niya.

"I will," tugon ko. Iniwan ko siya ng mga katagang, "For I am with you, no one will attack and harm you, for many people in this city belong to me."

"God is with us, no one can bring us harm..." narinig kong ibinulong niya.

Iyon na ang huling pakikipag-usap ko kay Laila kasi kinabukasan, namatay na siya. Oo, inatake ng mad man gaya ng sabi sa kanya ni Jude.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status