Share

Chapter 1

KINUKUTKOT ni Jacob ang gilid ng kaniyang hinlalaki, habang matiyagang naghihintay na umusad ang pila papunta sa mahabang mesa na limang-katao ang layo sa kaniya. Napakamot sa ulo ang kasamahan niya na kaniyang sinusundan at bumaling sa kaniya nang nakangiwi.

“Mababa na naman ang pa-sweldo ni Manoy. Mukhang kinatsong na naman ang kalahati,” sabi nito na animo’y pinagbagsakan ng langit at lupa ang mukha, habang pinupunasan ang pawis sa kaniyang noo.

Napabuntong hininga na lamang sila nang sabay. Sa tuwing sasapit ang kanilang sweldo, imbis na mapawi ang maghapong pagod na katawan ng tuwa ay parang mas lalo pa nitong dinagdagan ang bigat sa kanilang dibdib.

“Next! Dalian ninyo at gabi na!” sigaw ng matabang matanda sa harap, galit nitong tiningnan ang mga kukupad-kupad nilang mga kasamahan. Ngunit sino ba'ng hindi kukupad sa pagtanggap ng sweldong hindi mabigyang katarungan ang kanilang trabaho? Hindi sila masisi ng iba sapagkat pare-parehas silang hirap sa tagal ng pagco-construction ng bagong city hall ng kanilang syudad. Sa ilalim ng matinding sikat ng araw, o kung minsan pa ay umaabot sa lamig ng gabi.

Kita sa mga mukha ng karamihan ang dismaya nang mai-abot sa kanila ang lukot at manipis na sobre na naglalaman ng isang linggo nilang sweldo.

Nang makarating na si Jacob sa harap ay walang habas na inihagis sa kaniyang dibdib ang sobre niya, mabuti na lamang ay nasalo niya ito. Tiningnan niya ng masama ang kanilang amo na patuloy lamang sa paghithit ng kaniyang sigarilyo habang inaayos ang mga sobre.

“Pambihira!” Itinaas ni Freddie ang perang laman ng kaniyang sobre. “Tatlong daan? Para sa anim na araw mula umaga hanggang gabi?! Eh mas malaki pa nalilimos ng tao sa daan kaysa rito ah!”

Iniabot ni Jacob ang bayad niya para sa one-fourth na bigas at de latang ulam na binili.  Marahang nagpakawala ng ngiti ang dalagang tindera na hindi lingid sa kaniyang kaalaman na may gusto sa kaniya. Tipid niya itong binalikan ng ngiti kahit na kadalasan ay pilit para lamang masiguro na pauutangin siya nito sa susunod. 

Bumaling siya sa kaniyang nag-aalburotong kaibigan. “Hindi na ako papasok diyan,” sabi niya at naglakad palayo. Mabilis na humabol sa kaniya si Freddie.

“Tol, bakit? May nahanap ka nang ibang trabaho?”

Natawa ng bahagya si Jacob. “Maghahanap, ginagago na lang tayo ng matandang hukluban na ‘yon eh. Mas marami kang makikitang trabaho online, sama ka?”

Ngumiwi si Freddie sa kaniya. “Para sa mga katulad nating high school lang ang natapos? Construction lang ulit ang bagsak mo, pustahan pa. Kung ako sa’yo, tanggapin mo na kasi ‘yung alok ng tito mo. Mas maganda roon sa bar niya, gigiling ka lang, limpak na!”

Isang malakas na batok ang sumapul sa ulo ni Freddie, akmang magpo-protesta sana siya nang makasalubong niya ang nanlilisik na mata ni Jacob. “Patayin mo na lang ako,” sabi nito at dere-deretsong pumasok sa tinutuluyang apartment.

“Sama mo ako bukas! Hindi na rin ako papasok ah!” sigaw ni Freddie ngunit ang malakas na kalabog ng isinarang pinto ang sumagot sa kaniya.

Ipinatong ni Jacob ang kaniyang pinamiling pang-hapunan at pang-umagahan bukas sa kaniyang maliit na mesa. Nanlalatang itinapon niya sa isang basket ang marumi at butas butas na damit at saka pumasok sa C.R. upang maligo. Sa takot na lumaki ang bayarin niya sa tubig, saktong isang timbang tubig ang kaniyang pinagkakasya para linisin ang lupaypay at madungis niyang katawan. Hindi na rin siya gumagamit pa ng ilaw, at ang tanging bukas lamang ay ang nasa tapat ng kaniyang kama. Sapat na ito para bigyan ng liwanag ang maliit niyang kwarto, at tanglawan ang kakarampot niyang mga gamit.

Pagkalabas na pagkalabas pa lamang niya ng banyo ay may kumatok sa kaniyang pinto. Ang mabilis, at tila galit na tunog ng mga katok na dumarating tuwing sasapit ang araw ng kaniyang sweldo. Ikinubli lamang ni Jacob ang pang-ibabang katawan niya ng tuwalya at dali-daling sinagot ang pinto.

Tumambad sa kaniya ang masungit na mukha ni Mrs. Dela Vega, ang may-ari ng apartment na kaniyang tinutuluyan. Suot ang kaniyang kupas na duster at mga pekeng alahas, walang sabi nitong inilahad ang kaniyang palad. Ngumiti ng matamis si Jacob sa kaniya.

“H’wag mo ‘kong ngiti-ngitian, wala akong mapapala diyan. At pwede ba? Kahit maghubo’t hubad ka pa sa harap ko, hindi ko pagbibigyan na lumampas ka sa renta. Feyd me down the money!” sabi nito na habang tinitingnan ang kabuuan ng katawan ni Jacob.

Napakagat siya ng labi upang pigilan ang tawang gustong umalpas sa kaniyang bibig. Mas mataas ang pagka-intelektwal ni Mrs. Dela Vega ngunit kapag ito ay nagi-ingles ay tila ibang lenggwahe ang kaniyang sinasabi. Huminga siya nang malalim at pumasok sa loob upang kunin ang perang pambayad. Binalikan niya ang naghihintay na babae at iniabot ang limang daang lukot na agad namang hinablot ni Mrs. Dela Vega mula sa kaniya.

“Pasensya na, Tita. Bubunuin ko pa ‘yung utang ko hanggang matapos ang taon,” aniya habang kumakamot sa batok.

Inirapan lamang siya ni Mrs. Dela Vega. “May five thousand pang natitira sa utang mo rito, okay? Fast and feyd me down, okay?” sabi nito at at umismid pa sa kaniya bago tumalikod. Marahang isinara ni Jacob ang pinto nang maihatid niya ng ngiti si Mrs. Dela Vega hanggang makabalik siya sa kaniyang bahay.

Lintik na buhay. Magnakaw na lang kaya ako?

Natawa si Jacob sa sarili niyang pag-iisip. Sa totoo niyan ay maraming beses na siyang natukso, ngunit tila hinihila siya ng kaniyang mga magulang mula sa hukay at sumisigaw ng ‘Huwag!!’ Kung hindi lang sana sumunod ang tatay niya nang mamatay ang kaniyang ina, o kaya’y may isang matinong kamag-anak silang umampon sa kaniya, iniisip niya na siguro ay hindi siya ganitong nahihirapan.

Naupo si Jacob sa harap ng mesa upang kumain nang tumunog ang kaniyang de-keypad na cellphone.

‘Saan ka, Babe?’

Napangiti si Jacob sa natanggap na text, agad niya itong nireplyan.

‘Bahay na. Tawag ako?’

Makaraan ang ilang segundo ay biglang nag-vibrate ng sunud sunod ang kaniyang cellphone, nang tingnan niya ito ay ang pangalan ng kaniyang girlfriend ang nakarehistro sa screen.

“Baby!” Magiliw na sigaw ng maamong boses sa kabilang linya.

“Kyla, kumusta? Natanggap ka ba?” hindi makapaghintay na tanong ni Jacob.

“Guess what?! Next week na ang alis ko!” sagot nito at saka tumili, agad na inilayo ni Jacob sa kaniyang tenga ang speaker at napangiwi. Hindi siya nakasagot agad, tila binuhusan siya ng malamig na tubig sa balita ng dalaga. “Ni hindi na nila ako pinababalik pa tulad nu’ng mga nauna sa’kin. Agad agad, sabi nila ay magta-training na kami sa Singapore. Grabe! Hindi ako mapaniwala!”

Kung ang pangarap ni Jacob ay ang magkaroon ng disente at maginhawang buhay, ang girlfriend niyang si Kyla ay nangangarap na maging matagumpay. Sa larangan ng pagkanta, lagi siyang pambato ng kanilang siyudad. Maraming lalaki ang nagtangkang manligaw sa kaniya ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay mas ginusto nitong lumapit kay Jacob. Si Kyla ang unang babaeng hindi tumingin sa kaniyang estado sa buhay, kuntento siya sa kung ano lang ang kaya niyang ibigay at suportado sa lahat ng gusto niyang gawin.

Kaya nang marinig ni Jacob na aalis na ang dalaga, tila parang may dumagan sa puso niya na napakabigat, at ang mabigat na pakiramdam na iyon ay itinutulak ang mga luha niya para umapaw sa kaniyang mga mata.

Ang relasyon nila ni Kyla ang tanging bagay na nagsasabing hindi pa gano'ng patapon ang kaniyang buhay. Siya ang nag-iisang swerte sa libu-libo niyang kamalasan.

At ngayon ay kukuhain na rin ito mula sa kaniya.

“Jacob…” mahinang tawag ni Kyla. Ramdam nito ang lungkot ng kasintahan. “I’m so sorry. Alam ko, pinangako natin sa isa’t isa na sabay tayong aangat, but I didn’t know na mauuna ako sa daan…” paliwanag nito.

Napangiti si Jacob kasabay ang pagpapakawala niya ng malalim na hininga. “Ano ka ba, kung may taong masaya dahil maaabot mo na ang pangarap mo, ako ‘yon Kyla. Pangako ko sa’yo, susunod ako roon. Susundan kita kaya ‘wag kang magkakamali na humanap ng iba, ah?” Pilit na ikinubli ni Jacob ang lungkot sa kaniyang boses.

“Talaga?! Promise ha! Aantayin kita roon!”

“Promise,” sambit niya.

Natapos ang kanilang pag-uusap na nakangiti ng mapait si Jacob.

Ako? Susunod? Sa Singapore? Napatawa siya. Ni hindi ko nga mabayad-bayaran utang ko sa pesteng bahay na ‘to, pambayad pa kaya sa eroplano?

Nawalan siya ng gana na kumain dala ng lungkot at pagod, dumerecho siya sa kaniyang higaan na tanging manipis na kutson ang namamagitan sa sahig at sa kaniyang likuran. Ni hindi na nag-isip pa ang kaniyang utak kung paano siya maghahanap ng trabaho bukas, nang ipikit niya ang kaniyang mga mata ay tuluyan na siyang hinatak sa mahimbing na pagtulog.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status