Share

Chapter 1

"Master, paumanhin po ngunit oras na para ika'y magpahinga. Ilang saglit na nga lang din at sasapit na ang gabi." Isang maaliwalas na hapon para kay Larry ang magsanay ng husto. Bukod kasi sa pag-aaral kung paano niya e depensa ang kanyang sarili, kinakailangan din niyang matutong magpakalakas sa darating na panahon.

"Saka na. Ilang taon ko na itong pinaghandaan. Ako'y dapat pang magpakalakas," tugon niya habang hindi pa tumitigil sa ginagawang pagsasanay.

"Ngunit master, may labing limang minuto ka nalang para ipikit muna ang iyong mga mata. Kinakailangan mo pong huminto at magpahinga," papupumilit nito sa kanya.

Agad naman ding napatigil si Larry sa ginagawa nitong pagsasanay nang pinayuhan siya ng robot na dapat na muna niyang tumigil upang e-relax ang katawan. Napakahalagang bagay kasi na ipikit niya muna ang kanyang mga mata sa hindi bababa ng labing limang minuto bago tuluyang makakakita sa gabi, at upang ihanda ang mga iris nito sa pagbabagong kulay ng kanyang mga mata na magaganap din maya't maya lamang.

"Pwede ko naman sigurong bawasan iyon at gawin ko lamang ito ng limang minuto, hindi ba?" Giit pa niya habang siya'y napatayo mula sa kanyang pagkakasandal sa may Captain's chair.

"Pasensya na po kayo, master. Ngunit wala iyon sa nasabing patakaran at proseso ng admin. At least fifteen minutes lang po ang naipapayo at hindi na pwedeng ibaba roon," paliwanag naman ng robot.

Ang kanyang ginawang pagsasanay ay bunga ng isang masalimuot na nakaraan. Iyon ay ang mga alaala na naging galos at hindi na kailanman maghihilom. Gayunpaman, napakilos na rin siya sa kanyang pagkakatayo upang tuluyan na niyang itigil ang ginagawang pagsasanay.

"Master, mali po ang inyong dinaanan," sabi ng robot nang ginabayan siya kaagad nito.

"Paumanhin, parang may nakaharang kasi," pagdadahilan niya naman habang siya'y na bumuwelta ng paghakbang.

"Wala pong kahit na anong nakaharang maliban nalang po sa isang wheel chair na nasa iyong haparan, master," tugon naman ng robot.

Ang robot na iyon ang palaging gumagabay sa kanya. Agad naman siya nitong pinapaupo sa automated wheel chair na magdadala naman sa kanya sa may kwarto. Ngunit, binihisan muna siya ng mga ito saka na rin inihatid sa nasabing silid.

"Blood pressure, check. Heart beat, check. Maayos naman po ang iyong kalagayan," sabi ng isang automated na wheel chair.

Dapat ugaliing e check ang blood pressure at heart beat ni Larry bago siya tuluyang magpahinga. Ito na kasi ang naging proseso na binigay ng admin simula sa kanyang pagkabata upang mas panatilihing malusog ang kanyang pangangatawan, lalo na rin ang kanyang mga mata.

Nanghihina na si Larry, at alam niya mismo ang bawat komplikasyon nito. Sa halip hindi na niya dapat ilulong pa ang kanyang sarili sa pagsasanay sapagkat nagtulak pa rin sa kanya ang malagim na nakaraang iyon upang panatilihin niya ang malusog na pangangatawan.

 

Ipinanganak na siyang may komplikasyon sa paningin sapagkat normal naman ang kanyang naging pamumuhay dati. Kung sa umaga ay palagi siyang nasa kwarto, sa tuwing sasapit naman ang gabi ay halos magdamag siyang magsayang ng oras. Ang kanyang dating buhay ay simple, maayos at masaya bagamat nagbago lang ito nang dumating ang trahedyang nagdulot sa lahat nang napakalalim na sugat.

Nagtagpo ang mga ulap sa langit nang nasaksihan niya mismo ang pagpaslang sa kanyang mga magulang. Ito ay agad tumatak sa buo niyang pagkatao na nais naman niyang ipaghiganti, kaya't minabuti niya ang kanyang pagsasanay sa bawat araw na lumilipas.

Ang pinagkakatiwalaang kaibigan naman ng kanyang minamahal na ama ang tanging kumukopkop sa kanya at maswerteng isa rin itong doktor. Dahil hindi madali ang kanyang naging kondisyon, dinala siya nito sa isang pasilidad na kung tawagin ay Pentagon upang doon pag-aralan ang kanyang naturang sakit. Wala ring kahit na sino ang dapat makakaalam sa alinmang bagay tungkol sa kanya at upang isalba siya sa kahit na anong panganib, mas hinigpitan pa ang seguridad sa bawat sulok nang nasabing lugar.

"Nandito na po tayo, Master," sabi ng robot nang makarating sila sa may silid na iyon habang hinihila naman siya nito papatayo.

"Ihanda ang sarili sa paglipat," pakiusap naman ng automated na wheel chair.

Marahang inilatag ni Larry ang sarili sa malambot na waterbed at dahan-dahan namang umilaw ang buong sulok dahil sumasapit na ang gabi.

"Maaari mo na pong ipikit ang inyong mga mata. Simulan nang magcount-down in three, two, one."

Nagstand-by ang lahat nang ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Habang siya'y nagpapahinga, paulit-ulit namang bumulabog sa kanyang isipan ang mapait na kahapong nakaukit sa mga bato. Ang malakas na pagsisigaw ng kanyang ama't ina, kasunod ng mga halakhak ng mga armadong lalake at ang takot na kanyang nararamdaman sa sandaling iyon. Ito ang bumuhos ng isang napakalaking bangungot sa kanyang buhay magpahanggang ngayon.

Matapos ang ilang minuto, marahan niyang ibinuka ang kanyang mga mata at kaagad sumambulat sa harapan niya ang iba't ibang kulay na makikita sa buong silid. Dali-dali siyang nagpunta sa may salamin habang napansin naman niya ang pagbabagong kulay ng kanyang mga iris.

"Welcome back, Master,"  bati ng robot nang siya'y sinalubong nito.  Hindi niya ito inalintana sa halip ay nakuha nalang niyang ngumiti at kung anu-ano pang ginawang expression sa kanyang mukha.

Napatingin din siya sa may wall clock at agad nang napakilos na parang walang kondisyon sa paningin. Kalaunan, may natanggap na rin siyang tawag mula sa admin.

"Hi, there you are! Masaya akong makita kang muli, Larry. Magkaroon ka sana ng masayang gabi ngayon," pangiting sabi ni Miss May sa may flat screen na tv.

"Hello, Miss May. Bakit po kayo napatawag?" Diretsahan naman niyang tanong sa dalaga.

"Wala naman. Gusto lang kitang kamustahin. Gusto ko rin malaman kung may nararamdaman ka bang kakaiba? May napansin ka bang pagbabago?" Pagtatanong nito sa kanya na may nais malaman.

Agad naman siyang ini-scan ng robot at ibinalita ang nakuhang nitong status. "Sa ngayon, malusog si master," sabi nito.

"Wala naman po. Ngunit nararamdaman kong palakas ako ng palakas," paliwanag niya naman nang siya'y napaupo sa may sofa.

"Naku, Larry. Dahan-dahanin mo naman 'yang pagsasanay mo. Hindi pwedeng mapagod ka nang husto lalo na't delikado kapag magkafracture ka. Ihanda mo nalang 'yang sarili mo sa pagdating ng alternative operation," pagpapaalala ni Miss May sa kanya habang maririnig ang boses nito na nalulungkot.

Napabuntong hininga naman si Larry sa kanyang narinig. "Miss May, hindi ko naman pinabayaan 'yong sarili ko. Tsaka isa pa, nababagot na po ako rito. Sawa na kasi akong makita nalang 'yong mga androids araw-araw," sambit niya sabay turo sa mga robot na nasa kanyang paligid.

"Larry, naiintindihan ka naman ng admin pero kailangan mo ring sundin ang payo ni Dok. Isa pa, kung pwede lang din sana kitang dalawin diyaan araw-araw, naku, baka ginawa ko na iyon dati pa," pagdadahilan naman ni Miss May na nais pilitin si Larry na kailangan pag-ingatan nitong pangangatawan nang maayos.

"Hindi mo na iyon ipag-aalala pa, Miss May. Nasanay na kasi ako na palagi nalang ang mga ito ang aking makakasama kahit sobrang nakakabagot na ang mapag-isa. Wala naman din kong ibang options," pagpapaliwanag niya naman kung ano sa tingin niya ang may katuturan.

"Di bale. Isang taon nalang din ay maipapagamot ka na," ngiti nito kay Larry. "Nga pala, any updates?" Dagdag pa niyang tanong habang alam naman ni Larry kung ano ang ibig niyang sabihin.

"Ganoon pa rin po, Miss May," tanging sagot naman niya at nakuha nalang yumuko sa harapan nito.

"Hindi pa rin ba lumuluha iyang mga mata mo?" Nalulungkot na tugon ng dalaga habang hindi naman siya umimik sa halip ay napatalikod na lamang sa kanya. "Larry, huwag mo nang isipin 'yon sa ngayon. Magagawa mo na ring umiyak sa kahit na anong oras na gusto mo balang araw. Basta sundin mo lang ang health procedures," pagbibigay lakas nito sa kanya.

"Gusto ko na pong makaranas ng pagluha. Natatakot lang ako baka sakaling hindi na nga iyon mangyayari pa, Miss May?" Lungkot niyang tugon.

Mula sa kanyang pagsilang hanggang sa kanyang paglaki, hindi pa naranasan ni Larry ang lumuha. Iyon din ang isa sa mga inaabangang pagbabago at nais malaman ng doktor kung ano ang magiging epekto nito sa kanyang mga mata. Isang napakahalagang bagay kasi ang pagluha dahil napag-aralan nila na makakatulong ito sa pagpapabuti ng kanyang kondisyon.

"Don't worry. Kapag magiging successful yung alternative operation, mararanasan mo na rin ang mamuhay ng normal," payo ng dalaga na nakangiti.

"Umaasa ako, Miss May," sagot naman ni Larry nang napabuntong-hininga.

"Excuse me, Master. Nakikita ko kasi ang biglaang pagbabago ng iyong emosyon, baka nais ninyong subukan ang bagong instrumentong dumating?" Pag-iiba nang usapan ng robot habang kaagad nitong inilahad at ipinakita ang bagong instrumentong dumating na nasa kabilang kwarto sa pamamagitan ng isang holographic image.

Mahilig nga pala si Larry na maglaro ng piyano. Lagi kasi nila itong ginagawa ng kanyang ina sa tuwing siya'y nalulungkot. Napangiti naman siyang maalala ang panahong kasama pa ang kanyang ina habang pinapatugtog ang paborito niyang piyesa, ang christmas rhapsody.

"Mukhang nagbago agad ang iyong timpla ngayon, Larry?" Masayang sambit ni Miss May.

"Paumanhin. Maaari po ba?" Pagpapasensya naman niya sa dalaga at nakuha nalang din niyang yumuko ulit sa harapan nito.

"Walang problema, kung iyon ang makakapagpabuti sa iyo," pagpapasya naman ni Miss May.

"Ayon sa aking nakalap na impormasyon, isang Steinway and Sons Pictures at an Exhibition ang dumating na bagong piyano at siyang nangunguna sa pinakamamahal ngayon sa buong mundo. Excited kami para sa iyo, Master," paglalahad ng robot.

"Kung ganoon, ano pang hinihintay mo Larry? Magpapaalam na rin ako. Mag-usap nalang tayo sa susunod na araw. Huwag kalimutang sundin ang health procedures okay?" Huling sambit ni Miss May nang kaagad naglaho sa may flat screen na tv.

Tumango naman si Larry habang siya'y napangiti. Hindi rin nagtagal ay nagpunta na sila sa may sulok na iyon upang libangin ang sarili sa pagtugtog ng nasabing instrumento. Biglang nanginig ang kanyang mga mata nang ito nama'y kanyang nakita. Hindi naman sa pagkakagulat, sadyang naalala lang niya ang pangyayaring pinaslang ang kanyang ina ng mga armado matapos maglaro sa piyano niyang iyon.

"May problema ba, master?" Pagtataka naman ng robot nang tumigil ito sa pagkilos.

"Wala naman. May naalala lang ako," tanging paliwanag naman niya.

"Alam niyo ba na ang paglalaro sa piyano ng regular ay may iba't ibang mga kalamangan sa pisikal at pisyolohikal sa tao? Pinapatalas nito ang magagaling na kasanayan sa motor, nagpapabuti ng kagalingan ng kamay at koordinasyon ng kamay-mata. Ipinakita rin ang musika upang mabawasan ang rate ng puso at paghinga, mga komplikasyon nito, at upang mabawasan ang presyon ng dugo at madagdagan ang pagtugon sa immune," pagbibigay kaalaman ng robot sa kanya.

Tahimik lang si Larry sa kanyang pagkakaupo. Marahan niyang sinuri ang bawat kurbada at desenyo nang nasabing piano. Nang inilatag na ang kanyang mga kamay sa keyboard, pumasok ulit ang sandaling ginagabayan siya ng kanyang ina sa unang araw ng kanyang pagsasanay. Siya'y napapikit habang dinaramdam ang bawat pagkilos ng kanyang mga kamay at sinimulan na niyang patugtugin ang paboritong piyesa.

"Aheeem, Master. Huwag lang pong masyadong malakas," paalala ng robot.

Nakuha pang umiling ni Larry habang sinasabay ang buo nitong katawan sa himig nang pagkakapindot ng kanyang mga kamay. Mga ilang saglit rin ay bigla siyang napahinto sa paglalaro niyang iyon nang marinig niya ang isang pagsabog na nagmumula sa labas ng pasilidad. Agad siyang nagbukas ng kanyang paningin at ginamit niya ang kakayahang makakita sa malayo ngunit ikinabigo niya ito dahil sa sobrang dilim ng paligid.

"Hindi ko matukoy ang pinagmulan ng pagsabog. Maaari mo bang e check kung saang parte iyon?" Kaagad niyang inutusan robot upang kanyang matukoy ang pinagmulan ng pangyayari.

"Kamangha-mangha! Rinig mo ang pagsabog na nagmula sa surface kahit napakalayo naman dito sa core. Ibang klase ka talaga, Master! Ayon sa record, isa sa mga robot lang ang sumabog sa may boundary. Huwag kang mag-alala, nakasisiguro pa rin ang admin na mahigpit ang seguridad sa bawat sulok ng core para sa iyong kaligtasan. Mga lobo lang siguro iyon na mahilig mangaso ng may dugo," paliwanag nito kaagad nang matukoy ang pinagmulan ng pagsabog.

Hindi pa rin siya nakontento sa naging paliwanag nito sa halip ay mas naging matulis pa ang kanyang mga paningin habang nakamasid naman siya sa labas. Makikita nga sa mukha ni Larry ang naghahalong reaksyon na hindi talaga siya mapakali.

 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status