Share

Mr. Chinito
Mr. Chinito
Author: Marissalicious

Chapter 1

“Kuya, ano sayo?” tanong ko sa lalaking nasa harapan ko. Ngumiti siya kaya ngumiti rin ako, ganoon ang tinatawag na costumer service. Kailangan maging magiliw at mabait ka sa mga mamimili para sayo bumili parati at balik-balikan ka. 

“May bangus, lapu-lapu, hito, dalagang bukid, maya-maya, tulingan—pili ka lang,” aniko. “Sariwang-sariwa yan kadadating lang galing aplaya,” dagdag ko pa habang nakaturo sa mga isda. “Etong galunggong..." Dinampot ko ang galunggong at ipinakita sa kaniya. “Masarap 'to i-prito at sabawan tapos lahukan ng talbos kamote.”

Kumuha akong plastik bag at plastik labo saka inayos na ang timbangan. Itinama ko ito sa bilang dahil bahagyang umusog sa isang guhit.

“Sayo ate, ano sayo?” tanong ko naman sa babaeng kadarating lang na tumitingin ng mga gulay. “Bagong pitas lahat yan.”

“Isang kilong talong nga.”

Hinayaan ko siya na pumili ng mga gusto niyang talong. Habang inilalagay niya ang mga napili niya sa timbangan ay tinitingnan ko ito kung sakto na ba sa isang kilo. 

Nang makitang tama na sa timbang ay huminto na siya at naghintay na ilagay ko na iyon sa plastik. 

“Tawad na ‘tong dalawa,” sabi ko sa kanya saka kumuha pang dalawang piraso ng talong at isinilid iyon sa plastik kasama ng mga napili niya.

Iniabot niya sa akin ang bayad. Nakangiti ko iyon na tinanggap at sinuklian siya. 

Muli akong humarap sa lalaki.  “Ano sayo?” tanong ko ulit habang nakangiti. 

“Magkanong tilapia mo?”

Sandali akong natigilan at dahan-dahang nawala ang mga ngiti. “A-Ano?”

“Magkanong tilapia mo?” ulit niya pa, nakangiti rin ito, yung labas na labas ang malalaki niyang ngipin.

Napapikit ako. “T-Tilapia... ko?”

Tumango siya, hindi pa rin inaalis ang pagkaka-ngiti. 

Napakurap ako, pagdaka’y wala sa sariling bumaba ang tingin sa pagitan ng mga hita ko. Tilapia ko... Tilapia. 

Siraulo ang lalaki na 'to, ah!

Mabilis kong dinampot ang bangus at inihampas iyon sa muka niya. Tumama ang palikpik nito sa pisngi niya, dahilan para masugatan siya. Hindi pa ako nakontento at dumampot pa ako ng isa pa, yung pinaka-malaki at muling inihampas sa kaniya. 

Ang lakas ng loob niyang bastusin ako!

Kahit umiiwas at d*******g na siya ay hindi ko pa rin tinigilan ang paghampas. Dapat lang ito sa mga bastos na katulad niya. Wala siyang respeto.

Nakita ko ang paglapit ni Ate Linda at Kuya Isko sa amin para awatin ako. Pero nang-gigigil talaga ako at ayaw paawat. Pinaghahampas ko pa rin ang lalaki.

Ang sumunod na nangyari ay nasa barangay na ako dahil inireklamo ako ng lalaking pinaghahampas ko ng bangus.

Napayuko na lang ako habang pinapagalitan ni Kapitan. Gusto ko na lang din sampalin ang sarili ko dahil sa nagawa ko.

Nakakahiya. Sana lamunin nalang ako ng lupa o kaya kunin ng mga engkanto sa kinauupuan ko ngayon. Tiyak ako na nakarating na ngayon kay Mama ang balita. Hindi pa man ako nakaka-uwi ay tila naririnig ko na ang boses niya na kapag sumigaw ay abot hanggang plaza. Kung hindi ba naman kasi ako tanga.

Lihim kong sinulyapan ang mukha ng lalaki na nasa harapan ko. Para siyang pinagtulungan kalmutin ng apat na pusa sa itsura niya ngayon. 

“Oh, pano ba yan, Pilar, hindi na magsasampa ng kaso itong si Emong basta ikaw ang sasagot sa pagpapagamot ng mga sugat sa muka niya?”

Napasimangot ako. Bawas benta pa tuloy. Hindi ko naman kasi sinasadya iyon. Hindi ko naman alam na yung tinda kong isda na tilapia ang tinutukoy niya.

“Opo,” sagot ko kay Kapitan.

Matapos ako pamirmahin sa kasunduan chuchu eklavus na yun na kailangan ako raw ang sumagot sa lahat ng gastos sa mga sugat sa mukhaa ni Emong ay nagmadali akong bumaba.

Tanghali na. Tirik na tirik ang araw at masakit na ito sa balat. Naglakad ako papunta sa waiting shed sa di kalayuan at nag-abang ng tricycle na masasakyan pauwi. Kakain lang ako tapos babalik na muli sa palengke dahil sayang ang benta. 

Nasa ganoon akong sitwasyon nang may humintong van sa harapan ko. Bumukas ang bintana non sa likuran. 

“Baka sa susunod niyan sa presinto na kita susunduin?”

Agad na nagliwanag ang mukha ko nang makitang si Angel, ang best friend ko. Anak ni Mayor si Angel, sa Maynila siya nag-aaral at paminsan-minsan lang kung umuwi rito sa bayan namin. Siguro'y bakasyon na nila dahil kalahatian na rin naman ng Abril kaya siya narito ngayon.

“Angel!” sigaw ko pa sa tuwa. Napalingon pa ang ilang dumadaan sa gawi namin.

Iling-iling binuksan ni Angel ang pintuan sa tabi niya at sumenyas na pumasok ako sa loob ng van. Kaagad niya akong binigyan ng isang mahigpit na yakap pagpasok ko. 

“What happened?” natatawang tanong niya at bumitaw sa akin. “Galing akong palengke, sinabi ni Mang Pilo na dinala ka raw dito sa barangay kaya nagmadali ako puntahan ka.”

Ngumuso ako. Kalat na kalat na talaga siguro sa buong palengke ang nangyari kanina. 

“Ganito kasi yun,” panimula ko sa pangkwento. "Katatapos ko lang ayusin yung mga panindang gulay nang dumating na yung order kong isda—”

“And then?”

Sinamaan ko siya ng tingin dahil hindi niya muna ako pinatapos magsalita.

Matapos ko i-kwento sa kaniya ang nangyari ay wala siyang tigil sa pagtawa na sinabayan pa ng driver niya. Buong biyahe pauwi ay ganoon silang dalawa na parang wala ako dito kung pagtawanan nila.

Nang huminto na ang van sa tapat ng bahay namin ay kaagad akong bumaba at iniwan si Angel. Bumaba rin siya at sumunod sa akin habang tumatawa pa rin kaya inis ko siyang nilingon.

“Eto na titigil na,” sabi niya na nagpipigil ng tawa saka ako sinabayan sa pagpanhik sa hagdan. Umakbay siya sa akin. “Magkanong tilapia mo?” Muli siyang humagalpak ng tawa.

Kailangan ko na ihanda ang sarili ko dahil panigurado isang linggo niya ako aasarin. Kasiyahan niya yung mga ganoon na bagay. 

“Hirap na hirap na nga ang ate Pilar mo sa pagtitinda para lang may makain tayo sa araw-araw—dadagdag kapa ng isa?!” 

Sabay kami napahinto ni Angel dahil sa sigaw ni Mama. Nagkatinginan pa kami bago tuluyang naglakad papasok sa bahay.

“Tatlong taon na rin hindi kababalik sa pag-aaral ang ate mo para lang tustusan lahat ng pangangailangan natin!"

Anong nangyayari?

Mga nagkalat na damit ni Fatima ang nabungaran namin sa sala. Naka-upo siya sa sahig habang umiiyak. Kaharap niya si Mama habang galit na galit ito.

“Hindi ba kayo nahihiya sa kaniya? Binibigay niya lahat ng pangangailangan niyo. Wala nang natitira sa kaniya!”

Napatingin ako sa bunso kong kapatid na si Bimbo na nakasilip mula sa kwarto namin. Nang makita niya ako ay mabilis niyang isinarado ang pinto.

“Ma, anong nangyayari dito?”

Napalingon si Mama sa akin. Mabilis niyang pinunas ang luha niya at napahawak sa sentido. 

“Anong nangyayari dito?” pag-uulit ko.

Walang sumagot sa kanilang dalawa.

“Anong nangyayari?” medyo naiinis na ako dahil nagtitinginan lang silang dalawa. Naghihintay kung sino ang unang magsasalita.

“Ate,” tawag sa ‘kin ni Fatima kaya binalingan ko siya, umiiyak pa rin ito. 

“Anong nangyayari? Bakit nagkalat yan?” Turo ko sa mga damit niya. “Bakit kayo nag-aaway?”

Muli sila nanahimik at sabay na nag-iwas ng tingin sa akin.

“Fatima,” pigil ang inis na tawag ko.

“A-Ate, buntis ako..."

“Buntis?!” gulat na tanong ko.

Muli akong tumingin kay Mama, nanghihingi ng paliwanag sa kaniya ngunit tinalikuran niya na kami at naglakad papasok sa kuwarto.

“P-Paanong...” Hindi ko alam ang sasabihin sa pagkagulat. “B-Buntis— may boyfriend ka?”

Hindi siya sumagot at humagolhol na lang habang nakayuko. Napatulala ako sa nalaman.

Hindi ko alam na may boyfriend siya. Madalas ay maaga kasi itong umuwi, hindi inaabot ng kung anong oras sa labas. Kapag narito naman siya sa bahay ay nakikita kong puro libro ang hawak niya.

Para akong nanghina bigla.

Nang hindi ako magpatuloy sa kolehiyo para tustusan lahat ng pangangailangan dito sa bahay at sa pag-aaral nilang apat, tinanggap ko na doon pa lang na hindi ko na matutupad ang pangarap ko na maging isang guro dahil malaki ang naka-atang sa akin na responsibilidad.

Binibigay ko sa kanila lahat, ginagawa ko lahat dahil yung pangarap ko wala na yun, pero yung pangarap nila pwede pa.

“Hindi naman kami nagkulang... ni Mama ng paalala sainyo ni Irish, diba?” Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako. “Hindi rin kami naging mahigpit sainyo. Bakit naman ganito?” Bkas sa tono ko ang sobrang pagka-dismayado, alam kong pansin iyon ni Fatima.

Dalawang taon na lang at ga-graduate na siya sa kursong nursing. Gaano ba katagal ang dalawang taon?

“Hindi pa nga ako tapos bayaran yung mga iniwan ni Papa na utang dito," mahinang sabi ko, walang lakas para sumigaw pa. “Hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng ibabayad ron!"

Nang umalis si Papa at sumama sa babae niya, ilang utang ang iniwan niya rito sa mga nagpapa-porsyento. Hindi namin alam kung saan niya ginastos ang mga inutang niyang iyon, marahil ay sa babae na niya mismo. Kami ang ginigipit ng mga inutangan niya, binigyan pa kami ng palugit bago matapos ang taon na ito ay dapat kompleto na raw ang bayad kaya wala talaga akong pagpipilian noon kung hindi ang wag na tumuloy sa kolehiyo at ako na ang kumayod para sa pamilyang ito. Walang ibang aasahan kung hindi ako.

Umasa ako na may makakatulong na ako sa pagpapa-aral kina Bimbo kapag nakapag-tapos na siya. Alam na alam naman niya naman ang kalagayan namin sa ngayon, e. Bakit hindi niya inisip yun? May sakit si Mama, hindi pwedeng magtrabaho. Nasa grade school pa lang si Bimbo. Si Irish naman ay nasa Senior high school pa lang. 

Kahit nahihirapan na ako sa sitwasyon namin ay hindi ako nagrereklamo dahil sila ang iniisip ko. Pero bakit hindi man lang nila naisip lahat ng sakripisyo ko para sa kanila?

“Ipapalaglag ko ang bata, ate.”

“Fatima!” suway ni Angel sa kaniya, muntik ko nang makalimutan na kasama ko nga pala siya. “Alam mo ba ang sinasabi mo?”

Nilapitan ni Angel si Fatima at inalalayan maupo bago inayos ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa muka nito. 

Malakas akong napabuntong-hininga bago naupo sa upuan. Pinunas ko ang sunod-sunod na luhang bumabagsak. Hindi ko maaatim na ipaglaglag niya ang bata. Hindi tama yun. Babagabagin ako ng konsensya ko. 

“Nasan yung tatay ng bata?” tanong ni Angel at tumabi sa akin. Ramdam ko ang paghagod ng kamay niya sa likod ko. “Alam niya na ba yan? Ano ba naman kasing pumasok sa isip niyo, Fatima? Ang mahal ng mga bilihin ngayon, alam mo yan, pamahal pa lalo.” Pangangaral pa ni Angel kaniya. “Kausapin mo yung tatay ng bata na yan. Nasaan ba yun?”

Kita ko sa mga mata ni Fatima na nagdadalawang isip siya kung sasagot ba sa tanong ni Angel o hindi kaya tinapunan ko siya ng seryosong tingin na agad niyang iniwasan. 

“I-Ikakasal na ate bukas..."

Hindi makapaniwalang napanganga ako. “Ikakasal bukas?!"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status