Share

Chapter 2

Hindi ako makakapayag na basta-basta na lang iiwan ng lalaking yun ang kapatid ko. Ang kapal ng mukha niya mang-buntis pa, ikakasal na pala siya? Kailangan niya panagutan si Fatima. Hindi ako papayag na lumaking walang tatay ang pamangkin ko. 

Bumaba ako sa van na hiniram ko kay Angel kagabi para gamitin ngayon papunta dito sa Maynila. Si kuya Notnot, ang driver ni Angel na rin ang nagdrive para sa akin. Mabuti na lamang at pumayag si Mayor isama ko si kuya Notnot basta bumalik raw kami mamayang hapon dahil ipagma-maneho pa sila nito. Isinama ko rin sina kuya Pako at kuya Kiboy, mga pinsan ko, para may backup ako dahil sabi ni Fatima na huwag na ako umasa na sasama sakin ang lalaking nakabuntis sa kanya, lalo na kung ako lang mag-isa ang makikipag-usap. 

Kita ko ang isa-isang pagsidatingan ng mga tao na dadalo sa kasal. Halos lahat ay nakasakay sa magagarang sasakyan. Nanlaki pa ang mga mata ko ng makita si Senadora Rhea Alcaraz, ang isang senador na inindorso siya ng Papa ni Gabbi noong eleksyon. Isa rin siya sa mismong namigay personal ng relief noong binagyo ang provinsya namin. Nakipag-beso si Senadora sa ilang kababaehan na nasa labas bago pumasok sa loob ng simbahan.

Maya-maya pa ay may dumating na isang lalaki at binati siya ng ilang nasa labas. Siya na ata yung bumuntis kay Fatima, ang groom. Umakyat lahat ng dugo papunta sa ulo ko. Ikinalma ko ang sarili at pinigilan na huwag sumugod at paulanan siya ng sapak. 

Mataman kong tiningnan ang lalaki at pinag-aralan ang kabuuan. Matangkad ito at napakaganda ng tikas ng pangangatawan. Nakaharap ito sa direksyon ko kaya napansin ko ang mapupungay na mga mata nito na para bang kapag tumingin ay nakaka-magnet. Kaya naman pala bumigay si Fatima. Nakadagdag rin sa karisma ng lalaking ito ang kilay niyang bukod sa makapal ay well-shaped rin. Bagay na bagay sa kaniya ang buhok niyang parang pancit canton, ngunit tama lang ang haba. Sakto rin lang sa oval face niya ang matangos niyang ilong at manipis na labi.

Parang familiar ang mukha niya. Parang nakita ko na siya, hindi ko lang masabi at matandaan kung saan pero sigurado ako na hindi sa bayan namin kaya hindi ko alam kung paano sila nagkakilala ni Fatima.

Nang maglakad na ito ay humakbang na rin ako. Inaasahan ko na sa loob siya pupunta ngunit nag-iba ito ng daan. Papunta siya sa likod ng simbahan.

Mabilis akong sumunod at palinga-linga pa kung may nakatingin pero ang ilan na nasa labas ay abala sa pakikipag-usap. Tinahak ko ang daan na dinadaanan niya. Mukhang hindi nito napapansin na may nakasunod sa kaniya dahil tuloy-tuloy lang ito. Nakalagay pa ang isang kamay sa bulsa.

Pumasok siya sa isang pinto kaya pumasok rin ako, parang Rest Room. May apat na cubicle ito, sa dulo ang ginamit niya.

Naghintay ako ng ilang minuto sa paglabas niya. Inilibot ko muna ang tingin sa loob habang hinihintay siyang lumabas.

“Ganda ng suot natin, ah?" Puri ko sa kanya. Totoo naman, tingin pa lang alam mo na agad na mamahalin iyon. 

Agad siyang lumingon sa akin, pilit kinikilala kung sino ako, pagdaka'y nagsalubong ang magkabilang kilay.

“I'm sorry, do I know you?” seryosong tanong niya. Pinasadahan niya pa ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

Inismiran ko siya. Wala akong pakealam kung kilala niya ako o hindi.

“Anong balak mo kay Fatima?” pigil ang galit at inis na tanong ko dahil kabilin-bilinan ni Mama bago ako umalis kanina ay kung maaari sana kausapin ko pa rin nang maayos at mahinahon. Sinong hihinahon kung kaharap mo yung lalaking bumuntis sa kapatid mo? Tapos parang wala lang sa kaniya yung nabuntis niya at eto pa nga magpapakasal pa. 

“Ganon na lang ba yun? Ikakasal ka na pala binuntis mo pa kapatid ko—anong klase kang lalaki?” mariin kong tanong.

“W-What?!” tumaas ang baritonong boses niya. Tiningnan niya ako na tila ba isang baliw. 

“Wag mo ‘ko ma what what what—”

Napahinto ako ng hawakan niya ako sa magkabilang balikat. Sandali pa akong natigilan dahil sobrang lapit ng muka niya sa akin ngunit agad rin akong  nakabawi. Amoy na amoy ko ang pabango niya. 

“Miss, wala akong oras makipaglokohan sayo ngayon," mahina ngunit seryoso niyang sabi at saka ako nilagpasan.

Inis ko siyang hinabol ng tingin. Ano raw? Walang oras makipaglokohan? Sino ba sa tingin niyang nakikipaglokohan dito?

“Hoy!” sigaw ko at hinabol siya.

Mabilis ang naging lakad niya kaya tumakbo ako para maabutan siya. Marahas ko hinila ang likod ng suot niya na hindi makitaan ng gusot kahit konti.

“Ano ba!” singhal niya sa akin at tinabig ang kamay ko. 

“Panagutan mo ang kapatid ko!” duro ko sa muka niya.

“Pwede ba!” singhal niya ulit. “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”

Sarkastiko akong natawa. Ang kapal naman niya. "Ngayon aakto ka na walang alam? Ang galing rin ng tactics mo e, no?" Masama ko siyang tiningnan. “Seryoso ka talaga na hahayaan mo lumaking walang tatay ang bata at hahayaan nalang si Fatima—”

“Wala akong kilalang Fatima!”

Ang galing niya umarte. 

“Sinungaling!”

Dahan-dahan siyang sumeryoso. “Kung isa ka sa mga hindi suportado sa amin ni Via kaya mo ginagawa 'to, tigilan mo na, mahal ko siya at mahal niya ako.” Tinalikuran na niya ako at naglakad na muli.

Hinabol ko ulit siya. Ngayon itatanggi na niya si Fatima at aakto na hindi alam ang sinasabi ko. Hindi niya ako maiisahan.

Napahinto siya bigla at tarantang naglakad pabalik. Muntik niya pa ako mabangga kaya tumabi ako sa gilid. 

“Damn!” Mura niya at napasabunot sa buhok. Napatitig ako sa kaniya na nagtataka. 

Inilabas niya ang cellphone niya mula at bulsa at may tinawagan. “Hindi ba’t kabilin-bilin ko sayo wala dapat mga reporter dito?” sabi niya sa kabilang linya.

Reporter? May reporter dito?

“Wala akong pakialam—gawan mo ng paraan yan! Ayaw ko ng mga reporter—paalisin mo sila. Parating na si Via paalisin niyo na yang mga yan.”

Ang Via siguro na tinutukoy niya ang ang bride. At parating na ito. Hindi ko pa siya nakakausap ng matino. Hindi pa siya pwede umalis.

Nakita ko ang isang kahoy na nakasandal sa gilid ng pader, katapat ng pangalawang cubicle. Sunod-sunod ang naging paglunok ako sa ideyang nasa utak ko. Ilang sandali ko pa itong tinitigan at nag-isip. 

No choice na talaga ako. Kahit kinakabahan ay kinuha ko ito, nanginginig ang mga kamay ko ngunit hinigpitan ang kapit.

“Tawagan mo si Hector!” nakikipag-usap pa rin siya, bakas na sa tono niya ang galit. “Aika, gawan niyo ng paraan para mapaalis yang mga yan!” Bahagya siyang nakatalikod sa akin, nakasilip sa labas.

Huminga ako ng malalim at itinaas ang tubo na hawak ko. Kasabay nang pagbaba niya ng tawag ay ang paghampas ko sa batok niya.

Napanganga ako nang bigla siyang bumagsak sa sahig. Mabilis kong binitawan ang tubo, nanginginig pa rin ang mga kamay ko.

Umupo ako ng bahagya para tingnan kung humihinga pa siya.

Baka napatay ko siya!

Nakahinga naman ako ng maluwag nang maramdamang may pulso pa siya. Sumilip ako sa labas para tingnan kung may papunta dito. Nanlaki ang mga mata ko ng makitang sobrang daming mga reporter sa labas. Nagkakagulo sila, pilit silang itinataboy at paalisin. 

Nakita ko si kuya Pako na nakatingin rito habang may hawak na sigarilyo, tila ba binabantayan talaga ako. Sinenyasan ko siya na pumunta sila dito. Itinapon niya ang sigarilyo at pumasok sa loob ng van. 

“Anong—”

“Ipasok natin sa van,” putol ko sa sasabihin ni kuya Kiboy. Nakatingin silang dalawa ni kuya Pako sa nasa sahig at walang malay. 

“Anong ginawa mo sa kaniya?” akusa ni kuya Pako na para bang sinaksak o binaril ko. Hinampas ko lang naman.

“Mamaya niyo na ako tanungin,” taranta ko dahil kahit anong oras ay may pwedeng pumasok dito. “Tulungan niyo na ako buhatin, bilis!”

Agad naman silang tumalima. Habang binubuhat namin papunta sa van ay hindi ko inaalis ang tingin sa paligid, baka may makakita.

Nanlaki pa ang mga mata ni kuya Notnot ng makita kami na buhat-buhat ito pero agad din binuksan ang pinto. Nang maipasok namin ito sa loob ay mabilis ako umikot para pumasok sa unahan, katabi ni kuya Notnot. Si kuya Pako at kuya Kiboy ang nasa likuran.

“Kuya Notnot alis na tayo,” sabi ko at niyugyog pa siya kahit alam kong paalis na talaga kami. Sobrang lakas nang kabog ng dibdib ko. 

Nakahinga lang ako ng maluwag nang makalayo na kami sa simbahan.

“Naku, Pilar, Kidnapping ‘tong ginawa natin,” sabi ni kuya Notnot, alam kong kinakabahan rin siya. Sino bang hindi? “Makukulong tayo nito.”

Nilingon ko sa likuran ang walang malay. Mag-iisang oras na kami sa biyahe ngunit hindi pa rin siya nagigising. Mukang napalakas ang hampas ko.

“Wala sa usapan natin ‘to,” si kuya Kiboy

“Oo nga,” segunda ni kuya Pako, problemado. 

“Ayaw niya makipag-usap,” paliwanag ko.

Wala naman talaga ito sa plano ko. Kung kinausap niya lang sana ako ng ayos ay hindi sana kami umabot sa ganito. Pero nagmatigas siya at umakto pa hindi alam ang mga pinagsasabi ko. Ang plano ko lang naman kaya ko isinama sina kuya Pako ay takutin siya kung hindi  sasama sa amin. Hindi ko inaasahan na ganito.

Napabuntong-hininga nalang ako bago ibalik ang tingin sa unahan. Maganda naman ang naging daloy ng trapiko kaya mag-aalas dos pa lang ng hapon ng makarating kami.

“Gisingin mo na,” utos ni kuya Pako kay kuya Kiboy.

“Bakit ako?”

“Bakit hindi ikaw?”

“Ayoko! Ikaw na!”

“Anong ako?!”

Bumaba ako ng van. Dinig ko pa hanggang dito sa labas ang pagtatalo sa loob nina kuya Pako kung sino ba ang gigising dahil nakabukas na ang pinto nila sa likod.

“Pilar, nagigising na!” mabilis na bumaba si kuya Pako at lumapit sa akin, nagtago sa likod ko.

Lumapit naman ako. Gusto ko umatras bigla nang makita ang mga mata ng lalaki. Nanlilisik ang mga tingin niya.

“Where the fuck I am?!” sigaw niya sa harapan ko.

“N-Nasa Baguio ka,” halatang takot na sagot ni kuya Kiboy.

“Baguio—what?!”

Napatalon ako sa gulat nang hilahin niya ang kuwelyo ng damit ni kuya Kiboy. “Anong ginagawa ko dito?!” dumagundong sa lakas ang sigaw niya.

“Bitawan mo siya." Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para sabihin yun.

Mabilis niya akong nilingon.

“What the fuck?!” mura niya. “Ikaw?” Turo niya sa akin, tila hindi siya makapaniwala na makita ako. “Why the fuckin hell I am here?!” galit na galit talaga siya. “Kasal ko ngayon!”

Isa-isa na nagsisipaglabasan ang mga kapitbahay namin para maki-chismis. Maging si Mama at Fatima ay bumaba na rin sa bahay kasunod si Irish. Nakatayo sila sa tabi ng gate.

“Ate anong nangya—” natigilan si Fatima, napatakip pa ng kamay sa bibig habang nakatingin sa van. 

Maging si Mama ay napatulala rin, daig mo pa ang nakakita ng artista.

“Ate, si Dylan ba yan?” bulong ni Irish sa akin, ang tingin niya ay nasa van rin. “Si Dylan nga!” pagkompirma niya at tumili pa. 

“Ma, ang guwapo pala niya talaga sa personal no?" sabi naman ni Fatima kay Mama, kinikilig pa ito kaya naguguluhan ko siyang tiningnan.

Ano sinasabi nila? Hindi ba't nabuntis na nga ng lalaking ito si Fatima. Pero bakit parang ngayon lang sila nagkita? Bakit parang gulat na gulat si Fatima na makita ang lalaking ito ngayon? 

“Ate, anong ginagawa niya dito?” Siniko ako ni Irish. “Bakit kasama niyo siya? May shooting ba sila dito sa bago niyang movie?” sunod-sunod pang tanong niya. “Pwede ba siya lapitan? Isang autograph lang.”

Autograph? Ano bang sinasabi nila? 

Muli kong ibinalik ang tingin sa lalaking tinatawag nilang Dylan, na masama ang binabato niya sa aking tingin.

“Yung cellphone Irish, bilis! Pa-picture tayo—Ma, tara!”

Bigla akong kinabahan habang nakatingin sa kanila. Bakit ganito ang reaksyon nila? Naguguluhan ako sa mga kinikilos nila.

Mabilis akong humarang at pinigilan si Fatima sa paglapit. 

“S-Siya ba yung ano,” tinuro ko ang Dylan na sinasabi nila. “Yung naka-buntis sayo?” tanong ko.

Umaasa ako na sasagot si Fatima ng oo. Pero napanganga siya sa tanong ko at mabilis na umiling.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status