Share

Day 03 [The Impossible Dream]

'TINAWAG NIYA AKONG KAMAHALAN?!'

"Manong, Sorry ha? Pero nagkamali po yata kayo ng napuntahan. Hindi po ako isang prinsesa. I-try niyo na lang po sa ibang bahay..." 

Hindi sumagot ang lalaki bagkus ay may kinuha ito sa bag niya. Isang maliit na kulay pulang kahon ng alahas. Ibinigay niya ito kay Adee.

Dahan dahan na binuksan ni Adee ang kahon, kahit na may kutob na siya kung anong nasa loob nito. At tama nga ang iniisip niya. Nasa loob ng kahon ang lumang singsing na inihagis niya kanina.

"Itinapon ko na ito kanina ah? P-Paano napunta sa inyo ito?"

Hindi agad sumagot ang matanda sa halip ay nakatitig lang ito kay Adee na may kasiyahan sa mukha at mga matang halos mapuno ng luha. Biglang naantig ang puso ni Adee sa pagkakita sa ekspresyon na iyon ng estranghero na kausap. Hindi niya maipaliwanag kung bakit sa loob loob niya ay tila ba’y matagal na niya itong kilala.

Hindi alam ni Adee kung bakit siya tinawag nito na prinsesa pero interesado siya sa kung ano mang sasabihin ng matanda. Pinapasok niya ito sa kanyang apartment at pinaupo sa sofa.

"Ang pangalan ko po ay Vladimir Silva. Halos isang taon na ang lumipas mula ng iutos sa akin ng Mahal na Reyna na hanapin kayo, Kamahalan. Maaari ko po bang malaman ang iniyong pangalan?"

Smooth na smooth ang pagsasalita ng lalaking nagngangalang Vladimir, magalang at walang paligoy-ligoy.

"Ako po si Adee Sebastian. Pero Mister Vladimir, paano po kayo nakakasiguradong ako ang hinahanap niyo? Wag po kayong magpadalos dalos."

"Ang singsing na yan ang katibayan. Pero syempre, magsasagawa pa ako ng mga imbestigasyon para patunayan sa Mahal Na Reyna na ikaw ang hinahanap namin. Sobra lang akong natuwa. Sa wakas at natagpuan ka na namin."

"Pero hindi ko nga po alam kung paano napunta sa akin ang singsing na ito... Hindi ko alam kung sa akin ba talaga ito..."

"Ang singsing na yan ay ipinagkakaloob sa babae karapatdapat na maging asawa ng Crown Prince. Ang Crown Princess. Ang susunod na Reyna ng bansa." Paliwanag ni Vladimir.

"Kung nasa akin ang singsing na ito, ibig bang sabihin non... ako ang mapapangasawa ng prinsipe?!" Napatayo si Adee mula sa pagkakaupo sa sofa. "Imposible naman po ata yon mister! Ordinaryong babae lang po ako tsaka wala po akong dugong maharlika o prinsesa! Imposible yong sinasabi niyo..."

"Ipagpaumanhin niyo, ngunit sa tingin ko ay maiintindihan niyo ang lahat kapag nagkausap na kayo ng Mahal na Reyna..."

Diretso ang tingin sa kaniya ni Vladimir. Seryoso ang mukha nito kaya hindi alam ni Adee kung nagbibiro lang ito o talagang nagsasabi ng totoo.

"Sorry po ha? Pero sa tingin ko ay nagkakamali lang talaga kayo ng taong nilapitan. Hindi ako yung hinahanap niyo..."

Huminga ng malalim si Vladimir.

"Masyado nang malalim ang gabi Kamahalan, sa tingin ko ay kailangan niyo nang magpahinga. Babalik na lang ako bukas… Ipagpaumanhin niyo ang aking biglaang pagbisita."

"Bukas? Wag niyo na lang po siguro sayangin ang oras niyo sa akin... sigurado naman po akong nagkakamali lang kayo."

Ngumiti si Vladimir kay Adee. "Hindi kayo isang ordinaryong babae Kamahalan... Kayo ang 'Crowned Princess'"

Natigilan si Adee. Sa pagkakataong iyon biglang huminto ang pagtibok ng kanyang puso. Gusto niya na muling sabihin kay Vladimir na nagkakamali ito pero walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

Nagpaalam na si Vladimir tsaka siya lumabas ng bahay ni Adee.

Nagtungo si Adee sa kwarto niya at pabagsak na humiga sa kama.

‘Ano bang nangyayari? Kanina isang kakaibang panaginip tapos ngayon, malalaman kong isa akong Crowned Princess? Nananaginip pa rin ba ako?!'

Tinignan ni Adee ang singsing.

'Ano bang meron sa singsing na ito? Ginugulo nito ang isip ko... tapos sasabihin nila na lucky charm ito? Mababaliw na ata ako!'

***

KINABUKASAN GUMISING SI ADEE NA PARANG NORMAL NA ULIT ANG LAHAT.

Hindi na magulo ang isipan niya. Pero nandito pa rin ang singsing. 

Iniisip niya na baka maaga siya ulit puntahan ni Mister Vladimir. Pero wala ito. Payapa ang lahat, tahimik. Kaya nag-ayos na si Adee para pumasok sa trabaho.

Pagdating ni Adee sa opisina, nagtataka siya dahil nakatingin sa kanya ang lahat ng katrabaho. Hindi niya ito pinansin at dumiretso lang siya sa lamesa niya.

Hinahanap niya si JV pero wala ito, pinatawag ito ulit ng Manager nila.

Minsan ay naiinggit siya kay JV dahil magaling ito at nirerespeto ng lahat. Samantalang siya, laging nagkakamali at laging pinagtatawanan. 

Umupo si Adee sa harap ng lamesa niya at inayos ang mga gamit niya dito. Lumapit si Joyce sa kaniya at may ipinatong na mga folder sa harapan niya.

"I-rearrange mo ang mga files na ito, kelangan ito ni sir Larry by 2PM. Ok?" Sarkastiko siyang ngumiti kay Adee bago ito umalis.

Tinignan ni Adee ang mga folder. "Ang dami naman nito..."

Uumpisan na ni Adee ang trabaho ng tawagin siya ng isa pang katrabaho.

"Adee, pakitimpla naman kami ng kape dito!"

Tinignan ni Adee ang nagsalita. "Sige. Saglit lang."

"Kayo na muna ang magtimpla ng kape niyo!” Boses ng lalaki ang narinig sa buong kwarto. Malakas ito at puno ng awtoridad ang tono.

Lahat ng empleyado ay napalingon sa direksyon ng boses at nakita nila ang Senior Manager ng kanilang department na nakatayo sa tapat ng pintuan.

“Sino sa inyo si Adee Sebastian?” Tanong nito habang iniikot ang tingin sa mukha ng mga empleyadong buong pagtatakang nakatingin sa kanya.

Halos sabay sabay din na lumingon ang mga ito sa direksyon ng kinauupuan ni Adee. Sinundan ng Senior Manager ang tinitignan ng mga empleyado.

Dahan-dahan itinaas ni Adee ang kanyang kanang kamay. “A-Ako po si Adee Sebastian, sir.”

“Ms.Sebastian, halika sumama ka sa akin. May taong gustong kumausap sayo." 

"O-Opo..." dalidaling lumapit si Adee sa Manager. Sumunod siya dito sa paglalakad.

Kinakabahan si Adee, unang beses niyang mapatawag. Hindi niya alam kung anong aasahan niya – mabuting balita o masamang balita? Wala siyang maisip na maganda at kapuri-puri niyang nagawa para sa kumpanya para ipatawag siya nito. Kaya isa lang ang natitirang dahilan kung bakit siya kakausapin ng Senior Manager ng kanyang department.

'Matatanggal na ba ako sa trabaho?'

Sa Conference room sila pumunta. Binuksan ng Manager ang pinto para kay Adee.

"Nandyan siya sa loob, pumasok ka na Miss Sebastian." 

Nagtatakang sumunod si Adee dito, pumasok siya sa Conference room at kasunod niya rin ang Manager.

Natigilan si Adee ng makita niya kung sino ang nakaupo sa dulong upuan ng kwarto.

Si Vladimir.

"Have a seat Miss Sebastian." Untag sa kanya ng Manager.

Umupo naman siya sa upuan na nasa harap ni Vladimir.

"Masaya akong makita ka muli, Ms. Sebastian." Bati nito sa kanya.

"Ano pong ginagawa niyo dito?" Tanong ni Adee kay Vladimir.

"Kanang kamay si Mr. Vladimir ng isang mayamang negosyante. Inutusan nito si Mr. Vladimir para sunduin ka." Ang Manager niya ang sumagot sa mahinahong tono.

"Sunduin ako? Mayamang negosyante?" Nagtatakang tinignan ni Adee ang Manager niya.

"Wag kayong mag-alala, nagpaalam na ako kay Mr. Sevilla." Ang tinutukoy ni Vladimir ay ang Manager na kausap nila.

Nginitian naman ni Mr. Sevilla si Adee at sumeniyas ito ng 'Go ahead'

Wala namang magagawa si Adee kaya tahimik na lang siyang sumama kay Vladimir.

Sabay lumabas ng building sila Adee at Vladimir. Sumalubong sa kanila ang isang mamahaling kotse. Itim na itim ito at makintab.

Binuksan ni Vladimir ang pinto ng kotse para kay Adee.

Nilingon naman muna ni Adee ang opisina, iniisip niya na hindi magiging maganda kung may makakita sa kanya na sasakay sa kotseng iyon kasama si Vladimir.

Baka may makaalam na maaaring siya ang nawawalang mapapangasawa ng prinsipe.

Hindi niya alam kung magiging pabor ba yon sa kaniya o lalo lang magugulo ang buhay niya.

"Kamahalan..." kuha ni Vladimir sa atensyon niya.

"O-Opo..."

Sumakay na si Adee sa kotse. Sa unahan naman sumakay si Vladimir.

"Teka po, Itatanong ko lang kung ano yung tungkol sa mayamang negosyante na sinabi ni Mr. Sevilla?" Tanong ni Adee kay Vladimir ng makasakay ito.

"Hindi ko maaaring sabihin na ang Mahal na Reyna ang nagpapatawag sa inyo, Kamahalan." Seryosong sagot ni Vladimir na hindi natingin kay Adee.

"Ah... Oo. Tama ka."

"Kamahalan, aalis na po tayo..." sabi ni Vladimir kay Adee.

Tumango lang si Adee.

"Sa palasyo na tayo." Utos ng matanda sa driver.

Nagulat si Adee.

"S-Sa palasyo tayo pupunta?!" 

"Gusto na kayong makita ng Mahal na Reyna..." sagot ni Vladimir.

"Ano?! Gusto akong makita ng Reyna?! Hala!" Nagpanic si Adee.

Tumawa si Vladimir. "Wag kayong mag-alala... Mabait ang Mahal na Reyna..."

Natahimik na lang si Adee.

'Katumbas ng Reyna ang Presidente. Haharapin ko ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang tao ng bansa. Tapos ganito itsura ko? Tapos ganito lang ako?...'

'Paano kung ako nga ang hinahanap nilang Prinsesa? Baka madisappoint ko sila. Yung itsura ko, yung pananamit ko, yung pamumuhay ko malayong malayo sa isang tunay na prinsesa.'

'Ano kayang klaseng tao ang Reyna? Eh ang Prinsipe? Paano kapag hindi niya ako magustuhan?'

Umiling iling si Adee. Inaalis niya yung mga bagay na naisip niya.

'Bakit yun ang iniisip ko? Hindi pa naman sigurado kung ako nga yung hinahanap nilang Prinsesa...'

***

"NANDITO NA TAYO KAMAHALAN..."

Pagkaraan ng ilang minutong byahe, narating na nila ang palasyo.

Napatingin si Adee sa labas ng bintana ng kotse.

At sobrang namangha siya sa laki at ganda ang lugar.

Kusang bumukas ang malaking gate ng palasyo. Maraming gwardya ang nagbabantay dito. Pinapasok ng mga ito ang kotseng sinasakyan nila.

Sa pathway papunta sa mismong mansyon, isang malaking garden ang nasa paligid nito. Maraming halaman, maraming bulaklak. Manghang mangha si Adee sa nakikita.

'Ang lugar na ito... parang sa panaginip lang nakikita...'

Sa dulo ng daan ay isang malaking fountain. Parang nasayaw ang mga tubig dito. Masayang sumasayaw.

Huminto ang kotse sa tapat ng hagdan papasok ng palasyo.

Bumaba si Vladimir at pinagbuksan ng pinto si Adee. Mangha pa rin si Adee na bumaba ng kotse. Tinatanaw niya ang harap ng palasyo.

'Ang laki ng bahay na to...'

"Handa na kayong pumasok, Ms. Sebastian? Kanina pa naghihintay ang Mahal na Reyna." nakangiti si Vladimir kay Adee.

"Teka. Ayos lang ba na humarap ako sa Reyna ng ganito ang suot ko?"

Nakasimpleng blouse lang si Adee at knee-length na skirt. Nakatali ang mahaba niyang buhok at nakasuot siya ng salamin.

Ngumiti ulit sa kaniya si Vladimir.

"Hindi ang suot niyo ang gusto makita ng Mahal na Reyna, kundi kayo mismo..."

Pilit na ngiti ang tinugon ni Adee sa kanya. Hindi pa rin siya kumbinsido na dapat siyang humarap sa Reyna ng bansa na hindi man lang handa at nag-ayos.

Pumasok na sila sa loob ng palasyo. Nakasunod lang si Adee kay Vladimir. Panay ang lingon ni Adee sa paligid.

Manghang mangha siya sa laki at ganda ng palasyo.

Para itong bahay na sa magazine, sa tv o sa internet lang niya nakikita. Mga mamahaling furnitures, figurines, appliances at puno ng paintings ang mga dingding.

Sa unahan pa lang ng palasyo ay isang malaking chandelier na nakasabit sa kisame ang bumungad sa kanila.

Red carpet naman ang lalakaran paakyat ng hagdan.

Nalulula si Adee sa lawak ng lugar.

"Bahay ba talaga ito?" tanong ni Adee sa sarili. Narinig pala iyon ni Vladimir.

Natawa ito. "Bahay ito, Kamahalan. At maaaring dito na rin kayo manirahan sa mga susunod na araw..."

"Ha?!"

'Dito ako titira?'

Huminto si Vladimir sa harap ng isang malaking pinto.

"Nasa loob ng silid na ito ang Mahal na Reyna."

"N-Nandyan siya sa loob?"

Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Adee. Kinakabahan siya. Hindi niya alam kung anong sasabihin sa Reyna, ni hindi niya alam kung paano niya ito babatiin. Magba-bow ba siya? Luluhod? Sasaludo? 

Paano kung madisappoint ito pagkakita sa kanya? Paano kung ang iniisip nitong Prinsesa ay malayo sa pagkatao niya.

Ramdam ni Adee na nanginginig ang tuhod niya at namamasa ang mga palad niya dahil sa kaba.

Tatlong beses muna kumatok si Vladimir sa pinto bago niya dahan dahan binuksan ito.

Pumasok siya sa loob ng kwarto. Mabagal ang mga hakbang ni Adee habang sinusundan si Vladimir.

Nakita niya sa dulo ng kwarto ang isang matandang babae na nakatanaw sa labas ng malaking bintana.

Ito ang Mahal na Reyna.

To Be Continued>>>

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status