Share

CHAPTER 2: FIRST AND ONLY LOVE

“I-ILAPAG mo na lang sa table ang document at pipirmahan ko mamaya," aniya sa asawa.

“Sige, saka pwede bang ‘wag mo munang sabihin ‘to kanila lolo at papa? Sigurado kasing hindi papayag ang mga ‘yon sa annulment kung walang mabigat na dahilan,” saad ni Noah.

Muling kinagat ni Nicole ang pang-ibabang labi. Gusto niyang mapahikbi ngunit hindi sa harap ni Noah. Kailangan niyang magpakatatag para kahit papaano ay may matira man lang kahit konti para sa kaniyang sarili.

Sanay siya sa hirap kaya ang mga ganitong pangyayari ay kailangan niyang kayanin.

Mula man sa ordinaryo at mahirap na pamilya ay maayos siyang napalaki ng ina na isang dating nurse. Habang ang ama naman niya ay sugarol at pasulpot-sulpot lang dahil sa dami ng pinagkakautangan.

Kung susumahin ay wala talagang pag-asang magkrus ang landas nila ni Noah dahil sobrang layo ng antas ng kanilang pamumuhay.

Ngunit nang maaksidente ang sinasakyan ng lolo at ama ni Noah na sina Arman at Ben ay isa ang kaniyang ina sa agad na sumaklolo sa dalawa.

Nang ang kanyang ina naman ang nagkasakit at nangailangan ng tulong ay agad lumapit si Arman para magpaabot ng tulong.

Ngunit hindi kinaya ng kaniyang ina ang sakit na cancer hanggang sa tuluyan din nitong lisanin ang mundo. Bago ito malagutan ng hininga ay nakiusap pa ito kay Arman na kupkupin siya dahil wala na itong ibang matatakbuhang kamag-anak.

At iyon naman ang ginawa ng matandang Saavedra, pinakain at pinag-aral siya nito hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo. At isang taon lamang ang nakalipas ay ipinagkasundo naman siya sa apo nitong si Noah.

Hindi man ito tumutol ngunit may kasunduan sila ni Noah na magtatagal lamang ng tatlong taon ang kanilang kasal.

At sa loob ng dalawang taon nilang pagsasama ay hindi naman ito nagkulang sa kaniya. Natural nitong nagampanan ang responsibilidad bilang asawa.

Kaya kahit masakit ay kailangan niyang tanggapin na lahat ay may hangganan. Napaaga nga lang ito sa kanilang dalawa ni Noah.

“Sa tamang panahon ay ako na ang magsasabi sa kanila,” patuloy nito. “Saka…‘di ba nakuwento mo noon sa akin na may lalaki kang nagugustuhan? Kapag official na tayong hiwalay ay pwede mo na siyang balikan. May communication pa rin naman siguro kayong dalawa, hindi ba?"

Alam niyang sa mga oras na ito ay nakangiti na ang asawa pero hindi niya ito nilingon. Baka mamaya kasi ay mas lalo lamang siyang manlumo sa kinatatayuan.

"You deserve to be happy, Nicole. Hindi ako makasarili para ipagkait 'yon sa'yo dahil alam kong mabuti kang tao."

“O-Okay,” ani Nicole na bahagya pang pumiyok.

Mariin siyang napapikit dahil bistado na siya. Paniguradong nahalata na nito ngayong umiiyak siya. Kaya bago pa magtanong ay agad na siyang lumayo.

“Sandali lang, ano ‘yang hawak mo?” tanong ni Noah matapos siyang harangin. “Patingin ako.”

“Ito ba? Delivery receipt galing sa cake na pinadala ng lolo mo. Itatapon ko na sana bago ka dumating," alibi niya saka mabilis na tinapon sa trash bin ang pregnancy test result.

“Ba’t ka umiiyak? Dahil ba nakikipaghiwalay ako sa’yo o tears of joy ang nakikita ko ngayon?” ani Noah.

Napatango siya. “M-Masaya lang ako kasi sa wakas…” aniyang hindi na kayang ipagpatuloy ang kasinungalingan.

“Masaya kang ano, Nicole? Masaya kang makakasama mo na siyang muli? Pwede mo bang sabihin sa’kin kung sino siya?”

Naguluhan si Nicole. “S-Siya? S-Sino bang tinutukoy mo?”

“Hindi ba nabanggit mo sa akin noon ang lalaking matagal mo ng gusto? You're crying in happiness right now. Ibig sabihin, he's much more better than me in all aspects. Hindi naman siguro masama kung sabihin ko sa kaniyang mahalin at ingatan ka niya tulad nang ginawa ko sa'yo this past few years, hindi ba?” saad pa ni Noah.

Muntik na itong mapahawak sa kaniyang naninikip na dibdib dahil sa kalokohang naisip ng asawa.

Balak na nga nitong ipaubaya siya sa iba, naisipan pa nitong ipagmalaki ang mga nagawa para sa kaniya sa loob ng dalawang taon nilang pagsasama.

Napaiwas na lamang siya ng tingin. “Bakit natin siya pinag-uusapan? Saka, sa pagkakaalam ko’y ikakasal na ulit ang lalaking tinutukoy mo.”

"Ikakasal…ulit?” hindi makapaniwalang tanong ni Noah. “May gusto ka sa isang lalaking kasal na at muling magpapakasal sa iba?!”

Tumango si Nicole kahit lihim siyang nakaramdam ng inis sa pagiging inosente at manhid nito. “S-Sa pagkakaalam ko ay pinagkasundo lang silang dalawa ng asawa niya…at ang pakakasalan nito ngayon ay ang dati nitong girlfriend.”

Mas naunang rumehistro ang pagkainis sa mukha ni Noah dahil sa sinabi niya.

“Anong klaseng lalaki ba ‘yang nagustuhan mo, Nicole? Maghanap ka ng matino hindi gaya ng lalaking ‘yan. Baka mamaya maging sakit mo lang siya sa ulo.”

Mahina siyang napatikhim. Madali lang sabihin 'yon pero napakahirap gawin.

"Paano kung ayoko?" may diin ang tinig niyang tanong.

Bumuga lamang ito ng marahas na hininga at may inis na naman siyang tinitigan. "Just forget about him if you don't want me to interfere."

May balak pa sana siyang sumagot ngunit nakita niyang napayukom ang asawa habang nananatili pa rin ang madilim na ekspresyon ng mukha.

Mabait kung mabait si Noah pero nakakatakot ito kung magalit. Minsan lang niya iyong nasaksihan noon pero ipinangako nito sa sariling hindi na muling mauubos ang pasensya nito.

“Okay…kakalimutan ko na siya,” saad ni Nicole na animo'y isa itong sundalong sumuko sa laban.

Susubukan niyang kalimutan...

Ngunit magawa niya kaya?

Kung sampung taon na niyang minamahal ang lalaking walang iba kung hindi ang mismong asawang si Noah?

SAMPUNG TAON...

Ganoon katagal nitong minahal si Noah hanggang umabot sa puntong naging parte na ito ng buhay niya.

Wala siyang ibang pinangarap kung hindi ang lalaki at kung kailan akala nito ay magiging masaya na sila sa piling ng isa't isa ay kailangan na pala nitong magising sa mahaba at masarap na panaginip.

At kung may mag-uutos man sa kaniyang dapat na nitong kalimutan ang asawa ay isa lang ang masasabi niya.

Mahirap...

Sobrang hirap...

Dahil wala siyang ibang minahal sa tanang-buhay niya kung hindi ito lamang. Wala siya ibang pinangarap na pagsilbihan araw-araw kung hindi ang isang Noah Saavedra lamang.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status