Share

CHAPTER 5 - Hired

"Wow!" Nang tumingin si Dina ay namangha ito nang makita si Agnes.

Tila nagulantang si agnes sa sinabi ni Ms. Mildred. Handa na sana siyang magdiwang dahil hindi na siya matutuloy sa pamamasukan sa mga villacorte, ngunit..... "P-po?! Pero s-sabi n'yo–"

Tumikhim ang Matanda "Kaya hindi kita tinanggap kanina ay dahil sapat pa ang katulong namin, ngayong umalis na ang isa, tanggap ka na."

Bago pumasok ng mansyon ay ibinilin muna ni Ms. Mildred si Agnes kay Dina na dalhin muna ito sa maid quarters.

Masayang kinuha ni Dina ang bisig ng dalaga. "Naku, ang ganda-ganda mo naman! Sigurado ka bang mamasukan ka dito?"

"H-ha?" Tila biglang naging lutang si Agnes. Hinding n'ya akalain ang pagbabago ng sitwasyon.

"Ayos ka lang ba?.... ang mabuti pa ay pumasok na tayo, baka magalit pa si Ms. Mildred." Tinawag ni Dina ang isang lalaking nagsisilbi rin sa mansion at ipinabitbit papasok ang bag ni Agnes.

Wala sa loob na nagpatangay ang dalaga.

Sa loob ng Maid Quarters:

"Ang ganda naman n'yan! sigurado ka ba Dina na hindi artista 'to?"

"Oo nga. Ang kinis pa n'ya! Magkakatulong ka ba talaga dito? Saan ka ba nanggaling?"

"Miss, anong pangalan mo? Ilang taon ka na?"

"Dina, baka naman bisita ni ser Aeros 'yan ha, tapos dinala mo dito sa quarters natin. Mapapagalitan tayong lahat niyan."

"Hay nako... sinabi ko na nga 'di ba? Bagong hired s'ya, at siya ang papalit kay Roda. Siya si Agnes at si Ms. Mildred ang nag-hire sa kanya. Nandun ako kanina kaya maniwala na kayo." Tila sasakit na ang ulo ni Dina sa kapa-paliwanag, ngunit makikitang proud ito na animo'y talent scout na naka-diskubre ng bagong talent.

Sa lahat ng tanong at enthusiasms ng mga katulong kay Agnes, gaputok man ay walang naging sagot ang dalaga, tulala lang ito. 'Paano ako na-hire? Okay na e, pa-alis na nga ako e.'

"Teka, pipi ba 'yan? Bakit hindi s'ya nagsasalita?"

"Oo nga. Miss, ayos ka lang ba?.... Huwag ka sanang matakot sa mukha ni Lilibeth ha? Mabait naman 'yan kahit ganyan ang mukha niyan." Wika ng pinakamatanda sa mga katulong. Above 40 na ito.

Hinampas ito ni Lilibeth sa braso at nagkatawanan sila. Bahagya pa itong nagharutan. Katulad ni Roda ay hindi rin nabiyayaan ng ganda si Lilibeth, ngunit kung ikukumpara naman kay Roda ay mas malinis naman ang mukha nito at di-hamak na mas maganda makisama kaysa kay Roda.

"Siya nga pala, may kailangan ka kaagad malaman kung mamamasukan ka dito!" Excited na bulalas ng isa.

Saka lang napukaw ang atensyon ni Agnes. "A-ano 'yun?" Ilang niyang tanong dahil sa mga tingin nito sa kanya.

Pinaikutan nila ang dalaga.

"Alam mo bang may amo tayong sooobrang guwapo? Naku, makalaglag panty talaga!" Ani Lilibeth na kinikilig-kilig pa.

Bahagya itong hinampas ng pinaka-matanda sa kanila. "Ayusin mo nga ang kuwento, ang landi nito." Bumaling ito kay Agnes. "Si ser Aeros ang tinutukoy ni Lilibeth. Nandito siya ngayon kasi weekend, minsan lang siya dito kapag naisipan niya lang umuwi. Kailangan mong malaman ang mga ayaw at gusto ni ser Aeros; kasi sa lahat, iyon ang pinaka-maselan e. Masungit pa."

Pinagmasdan niya si Agnes. "Pero sa hitsura mo, tingin ko ay wala ka namang magiging problema, kasi sobrang ganda mo, e. Kaya puwede mo siyang paglingkuran kapag nandito siya, saka....." Bigla itong ngumiti nang may kapilyahan kay Agnes. "Hindi ko masabi, anong malay mo, baka maging apple of the eye ka nu'n at magkaroon ng interes sa 'yo, mahilig kasi sa magaganda yu'n e."

Biglang naalarma si Agnes at naalala ang Villacorte'ng naririnig niya na umiikot sa kanilang campus. "T-teka.... Puwede bang magtanong ng ilang impormasyon tungkol sa kan'ya? Kahit konti lang?"

"Oo naman! Basta huwag lang 'yung mga sekreto ng pamilya nila."

"Okay. Um... Villacorte din siya 'di ba?"

"Oo."

"Nag-aaral pa ba siya? Saan siya nag-graduate ng college?"

"Teka, saan nga ba? Kayo naalala n'yo ba?" Baling niya sa dalawa.

Nag-isip pa ang dalawa nang biglang maalala ni Lilibeth. "Naalala ko na!..... sa University of PGE."

Nawindang si agnes nang makumpirmang sa parehong pinasukang college university nag-aral ang amo. 'Patay..... siya nga 'yon!'

Napa-ayos ang tatlo nang biglang magbukas ang pinto. Mula doon ay tumambad si Ms. Mildred. "Kaya pala walang gumagawa doon sa patio dahil nandito kayong lahat. Hala, balik sa trabaho!"

Nagdudumaling lumabas ang dalawa maging si Dina, nagpaalam muna ito kay Agnes.

Nang sila na lang dalawa: "Heto ang uniporme mo, magbihis ka't lumabas din pagkatapos, ipakikilala kita sa amo."

Biglang Kinabahan si Agnes. Nag-isip ito ng maaari niyang gawin. Nangislap ang mga mata ng dalaga nang biglang may maisip. "Sige po aling- Ms. Mildred, lalabas po ako kapag nakapag-hada na po ako."

Tumaas muna ang kilay ng matanda bago umalis. 'Aling?'

.

.

Nang magtagal si Agnes ay kumunot ang noo ni Ms. Mildred. "Tawagin n'yo nga 'yon, pinaghihintay niya ang amo." Wika niya sa tatlo sa Patio.

Si Dina ang pumunta, pag-bukas ng pinto ay nakita niyang nakatalikod si Agnes habang tila may ginagawa ito. "Labas ka na raw. Baka kasi umalis na si ser Aeros at hindi ka na maipakilala ni Ms.mildred....." Biglang naging excited ito. "Huy, goodluck sa 'yo ha, bihagin mo agad ang puso ni ser Aeros!"

"Oo ba!" Ani Agnes. Ngunit pagharap ay nagulantang at napasigaw si Dina.

"Ahhh!!"

"A-anong nangyari sa mukha mo? B-bakit mukha kang kinulam?"

Napahawak sa mukha si Agnes. "Bakit?sobrang pangit ba?" Tumingin siya sa hawak na salamin. "Sobrang pangit nga! Ang pangit ko!" At tumawa ito.

Napa-maang na lang si Dina. Nagkaroon ito bigla ng pagudududa. 'Sobrang ganda niya pero, n-nasa katinuan kaya siya?'

Lumapit si Dina at tiningnan ang ginagawa ng nakatalikod na si Agnes. "Ano ba'ng ginagawa mo? Ipinatatawag ka na ni Ms. Mildred. Tingin ko malapit nang magalit 'yon."

"Sandali na lang 'to.... Pinag-aaralan ko pa kasi kung anong hitsura ng disguise ang babagay sa 'kin e. Pero ayos na, mabuti't narinig ko ang opinyon mo Kanina."

"Alin? 'yung sinabi kong mukha kang kinulam?" Ani Dina habang namamangha sa pagme-make-up at sa Kung anu-anong inilalagay ni Agnes sa kanyang mukha. "Teka, bakit ka nga pala magdi-disguise? Para saan?"

"Saka ko na lang ipapaliwanag, pinag mamadali mo 'ko 'di ba?"

Nagulat ang dalawa nang pabalibag na nagbukas ang pinto. "Ano ba?! Ang tagal-tagal mo. Ano'ng akala mo, maghihintay sa 'yo ang amo–" nagulat at naudlot ang pagpupuyos ni Ms. Mildred nang makita ang hitsura ni Agnes. Napahawak ito sa kanyang dibdib. "Susmaryosep! Anong nangyari sa mukha mo?"

Agad pinakalma ni Dina ang matanda. "M-Ms. Mildred, relax..... make-up lang po 'yan."

"Make-up?" Tinitigan ni Ms. Mildred si Agnes. Namangha ito at hindi namalayan ang paghawak nito sa mukha ng dalaga. "Nababago mo ang mukha mo sa make-up?"

Bahagyang natawa si Agnes. "Opo. Matagal na po itong nauso at hindi lang po ako ang nakakagawa nito."

"Lumabas ka na, bilisan mo!" At umalis na ito.

Nagmamadaling iniligpit ni Agnes ang make-up box niya at sumunod kay Ms. Mildred. Ngunit pag-labas ay wala na silang inabutan.

"Umalis na po sila Ser Aeros. Wala po'ng sinabi kung kailan po uli ang balik niya." Wika ni Lilibeth habang titig na titig kay Agnes. "Um.... Ms. Mildred, sino po siya? Bagong hired po ba ulit?"

Pinandilatan ng matanda si agnes. "Nakita mo na? Hindi amo ang maghihintay sa 'yo, naintindihan mo? Sa susunod na mahuli ka pa, isang buwan kitang itotoka sa paglilinis ng lahat ng banyo dito! Hala, pumunta ka kay Dina at magtanong ka ng puwede mong gawin!" Tumalikod na ito.

Napayuko si agnes. "S-sorry po, Ms. Mildred."

Nang marinig ang boses ng dalaga ay nagtaka at nagulat si Lilibeth. "A-agnes? Ikaw ba 'yan?"

Masaya at excited na nagtanong nang nagtanong si Lilibeth tungkol sa make-up transformation ni Agnes, ngunit dahil may trabaho ay tinimpi muna nito ang sarili.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status