Share

Ikalimang Kabanata

"H-Hindi na! Aalis na nga ako!"

Kung totoong thunderclouds lang ang puso ni Ruanne, baka ilang puno na ang nasira dahil sa mga kidlat at kulob na inilalabas nito. Tuluyan na nga siyang nawala sa sarili. Ang sobrang lapit na distansya niya kay Pio ay nagpablangko ng kanyang isipan.

Hindi siya makapaniwalang ganoon si Pio. Anong tingin niya sa dalaga, easy to get? Halatang-halata ni Ruanne ang intensyon ni Pio sa kanya. May gusto siya rito! At malamang sa malamang, hindi ito seryoso. Nakita niya naman kung paano umarte ang lalaki. Parang skilled na skilled sa ginagawa.

"Binibini, hindi ka pa nakakapili ng ibang sapatos. Hindi ka na ba bibili?"

"Hindi na! Ayoko nang mapalapit sa iyo. Manyak!" galit na galit niyang saad.

Maglalakad na sana ulit si Ruanne nang tawagin na naman siya ni Pio. Napairap na lamang siya at lumingon ulit.

"Ano na naman ba?" irita niyang tanong.

May naglalarong ngiti sa mga labi ng binata nang ituro niya ang sahig. Napatingin naman doon si Ruanne at nakita ang kahong ibinigay sa kanya na naglalaman ng tsinelas niya.

"Masyado yatang natuon ang isip mo sa akin. Hindi mo namalayang nabitawan mo na."

Napanganga na lamang si Ruanne sa kapal ng mukha ni Pio. Anong akala niya, gusto siya nito? Hindi noh! Hinding-hindi siya mahuhumaling sa halata namang playboy na kagaya niya.

Madaling kinuha ni Ruanne ang kahon at naglakad na papalabas. Hindi niya nasundan pa ang mga galaw ni Pio dahil hindi na siya lumingon pa. Baka mamaya, kung ano na naman ang mangyari sa pagitan nila. Halata namang inaakit siya ng lalaki. Ngunit hindi siya papaakit dito. Nararamdaman niya ng magdudusa rin siya sa binata. Hindi pa nga siya tapos kay Fajardo tapos may kasunod na agad.

Tila nakapasok sa langit ang itsura ni Ruanne nang makalabas siya mula sa The Shoemaker. Naipikit niya pa ang mga mata at huminga nang malalim. At sa pagbuklat ng mga mata niya, muntik ng sumabog ang puso niya. Sino ba namang hindi kikilabutan kung makita mo ang ex mong nakatitig sa iyo, di ba?

Tila torong papasugod sa isang pulang tela ang dating ni Fajardo. Kumalabog ang puso ni Ruanne. Hindi ba't hihingi siya ng tawad sa kanya? Bakit mukhang siya pa ang galit?

Napalingon si Ruanne sa tindahan at inisip na baka puwedeng pumasok na lang siya roon. Mas matitiis niya pa yata ang manyakis na si Pio kaysa sa ex niyang hayop na si Fajardo. Ngunit hindi siya magpapakaduwag ngayon. Wala siyang nagawang masama kaya wala siyang dapat ikatakot. Kung tutuusin, dapat ang ex niya ang matakot at mahiya sa ginagawa niya.

Humugot siya ng isang napakalalim na paghinga at naglakad nang diretso sa kanyang tapat. Nagliwanag naman ang mga mata ni Fajardo at napangisi na akala mo ay may naisahan siyang utak. Kung akala niya ay tatanggapin siyang muli ng dalaga, nagkakamali siya.

"Ruanne! Sabi ko na nga ba, hindi mo ako matitiis," naglalambing na sabi ni Fajardo.

Napangisi naman si Ruanne. Hindi siya makapaniwalang iyon talaga ang isasalubong na mga salita sa kanya ng dating nobyo.

"Anong ginagawa mo rito? Huwag ka ng babalik dito at huwag na huwag mo ng ipapakita ang mukha mo sa 'kin!"

Sinalubong ni Fajardo si Ruanne ngunit nilagpasan lamang siya nito. Sobrang sumama ang loob ni Fajardo at hinila si Ruanne sa kanyang braso upang mapabalik siya. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Ruanne dahil sa lakas ng pwersang humila sa kanya. Lumagutok ang buto niya sa kanyang balikat at napanganga na lamang siya sa sobrang sakit.

"Aray! Ano ba?!"

Kagat-labing hinilot ni Ruanne ang balikat niya. Halos maiyak siya sa sobrang sakit.

"K-Kasalanan mo iyan. Ikaw kasi, kita mong kinakausap kita tapos dadaan-daanan mo lang ako? Sino ka ba sa akala mo? Hindi ka na ba marunong rumespeto?!"

Ang kapal naman talaga ng mukha ng dati niyang nobyo. Sobrang lakas pa ng boses nito na halos isigaw na nito sa buong kalye na may kasalanan siya sa kanya. At balak pa talaga siyang pagmukhaing masama.

" Huwag ka ng babalik dito! "

Iyon lang at pinagsarhan na ng pinto ni Ruanne si Fajardo. Naririnig niya pa ang mga sigaw nito hanggang sa makaabot siya sa ikalawang palapag ng gusali niya. Naabutan niya roon si Catalina na natutulog nang mahimbing.

Hindi niya na inistorbo pa ang kaibigan. Ngunit kailangan niya itong gisingin mamaya dahil may anak pa itong kailangang alagaan. Wala tuloy siyang nagawa kundi ang tiisin ang mga nakabibinging hiyaw ni Fajardo. Tiningnan niya na lamang ang mga supply niya ng materyales at nakitang nagkukulang na siya sa mga sinulid. Mukhang kakailanganin niyang pumunta sa ibang barangay upang mamili.

At iyon nga ang ginawa ni Ruanne. Nagpalipas siya ng gabi sa Fabs nang mag-isa dahil hindi talaga siya tinigilan ni Fajardo lalo na nang umalis si Catalina. Mabuti na lamang at wala na ang lalaki sa labas paglabas niya. Maaga siyang nagising at nagdesisyong kumain na lamang sa katabing karinderya. Pumuwesto siya sa isang lamesa sa labas at doon kumain.

Habang nakain ay tumitingin-tingin lang siya sa The Shoemaker. Medyo maaga pa kung kaya't wala masyadong napasok doon. Ngunit ganoon na lamang ang pagtaas ng mga kilay niya nang may lumapit na dalawang babae sa tindahan upang tingnan ang mga naka-display mula sa labas. Bigla namang lumabas si Pio at nakipag-usap sa dalawang babae.

Ahh. Mali pala. Para makipaglandian pala roon sa dalawang babae.

Kumulubot ang mukha ni Ruanne sa nakita. Hindi niya magawang bilisan ang pagsubo ng sopas dahil masyadong nakakawalang-gana ang nasasaksihan niya.

Labis ang ngiting ipinapakita ni Pio sa dalawang babae. Ang dalawang babae naman ay magkahawak pa ng kamay habang kinikilig sa kausap. Halata namang nagpapabebe lang ang dalawang babae kay Pio at game na game naman ang binata. Mas lalong kumulubot ang kanyang mukha nang liparin ng hangin ang buhok ng isang babae kung kaya't tumabing lahat ng iyon sa kanyang mukha. Si Pio naman, hindi nag-alinlangang hawakan ang mukha ng babae at ayusin ang buhok nito. Inilagay niya pa ang iba sa likod ng tenga ng babae. Ang simpleng gesture niyang iyon ay nagdudulot ng hipnotismo sa dalawang babae.

Makasalanan talaga ang mga guwapong mukha.

Napatawa na lamang si Ruanne nang maiksi at napairap.

"Kung ganoon, iyon pala ang strategy niya para makakuha ng maraming mamimili. Huh! Babaero," galit na komento ni Ruanne.

Nagtagumpay naman si Pio na kunin ang loob ng dalawang babae para mamili. Pinapasok niya muna ang dalawa sa loob. Bumaling ang tingin niya kay Ruanne at napaiwas na lamang si Ruanne ng tingin. Nasa akto siyang pagsubo ng sopas kung kaya't nang umiwas siya ay may natapon na kakaunting sabaw sa kanyang damit. Napapikit nang mariin si Ruanne sa sobrang pagkapahiya. Hindi niya alam ngunit napangiti na lamang si Pio sa kanya. Binilisan na ni Ruanne ang pagkain at dumiretso na sa kabilang barangay para mamili ng sinulid.

Nang makarating siya sa Brgy. Calloso, nagtaka na lamang siya nang makitang sarado ang tindahan ni Ginang Remedios, ang lagi niyang binibilhan ng mga gamit sa pananahi pag nagkukulang siya ng gamit. At mas nakapagtataka pa, may nakaharang na caution tape sa pintuan nito.

Habang nakatitig ang dalaga sa tindahan ay nagsimulang pumatak ang ambon. Kay aga-aga, ulan agad ang sumalubong sa kanya. Naglakad nang mabilis si Ruanne papunta sa tindahan ng sombrero na katapat lang ng tindahan ni Aling Remedios. Itinulak niya ang pinto kung kaya't tumunog ang bell, sinasabihan ang may-ari na may customer. Nakita naman ni Ruanne ang isang matandang lalaki na mukhang nagbibilang ng pera sa may cashier.

"Magandang umaga, binibini! Ano ho bang maipaglilingkod ko sa inyo? May natitipuhan ho ba kayong sombrero?"

Napanguso na lamang si Ruanne at tumingin sa mga naka-display na hat. Magaganda nga at may kalidad ang mga sombrero. Ngunit hindi iyon ang pinunta niya.

" Naku ho, bibili na lang ho ako ng isa. Ngunit napatakbo talaga ako rito dahil sa ambon. "

Napatawa naman ang matandang lalaki.

"Ayos lang iyon, nene. Sige pumili ka na lang ng gusto mo at umalis kapag tumila na ang ulan, ha. Siguradong lalakas pa iyan."

Ngumiti na lamang si Ruanne. Ngunit bago siya maglibot-libot, hindi niya maiwasang magtanong.

"Ahh lolo, nasaan ho pala si Aling Remedios? Ano hong nangyari?"

Nawala ang ngiti sa mga mata ng matanda at napalunok na lamang. Kumunot ang noo ni Ruanne dahil sa reaksyon ng matanda. Halatang may nalalaman ito ngunit hindi gustong magsalita.

"M-May nanloob kasi sa kaniya n-noong isang linggo. Nasa o-ospital siya. Nakaratay simula noon."

Nanlaki ang mga mata ni Ruanne sa nabalitaan. Kung tutuusin nga, hindi na dapat siya magulat dahil nasa bayan siya ng Garapal— ang bayang kilala sa pagiging pugad ng mga ilegal na gawain. Ngunit ni minsan, wala pang nangyari sa kanya at ngayon lang siya nakabalita ng krimen na nangyari sa isa sa mga malapit sa kanya. Kung ganoon, kailangan niya palang bisitahin ang ginang.

"Ganoon ho ba? Eh mukha naman hong ayos ang tindahan mula sa labas kaya hindi ko ho nahalata."

Labis ang pagkadismaya ni Ruanne. Ang matanda naman ay hindi makatingin nang diretso sa mga mata niya. Napahinga ito nang malalim at tumingin sa orasan. Nakita niyang malapit nang mag-alas otso ng umaga. Nanlaki ang mga mata niya at bumaling sa dalagang nagtitingin-tingin na ng hat.

"S-Sandali hija, alam mo ba kung anong araw na ngayon?"

"Lunes ho," agad na sagot ni Ruanne.

Nanlaki ang mga mata ng matanda at agad na lumabas mula sa kanyang pwesto. Nabigla naman siya nang hawakan siya ng matanda sa kanyang braso at igiya papunta sa labas.

"S-Sandali lang ho. B-Bakit..."

"Mabuti pa, mamaya ka na lang hapon pumunta rito. Magsasara muna ako. D-Dali. Baka maabuyan ka pa nila rito," nagpapanic na sabi ng matanda.

Hindi man maintindihan ni Ruanne ay nagpatangay siya sa matanda. Hindi naman naging bastos ang matanda at malakas na pwersahan siyang nilalabas. Hindi nga lang niya maintindihan kung bakit.

" Manong, sino ho ba ang—"

Napatigil si Ruanne sa pagsasalita nang ilang mga kalalakihang nakabihis ng maong ang naglalakad sa kabilang banda ng kalye at nakatingin dito sa tindahan. Nagsisimula ng pumatak nang malakas ang ulan ngunit hindi iyon alintana ng grupo. Naglalakad sila na parang mga siga sa daan.

"N-Naku. Nandito na sila. Dali! Doon ka muna sa likod. Bilisan mo!"

Bumalik sila ng matanda habang hila-hila siya nito papunta sa isang pintong katabi ng counter. Sa isang tingin, alam ni Ruanne na ang grupo ng kalalakihan ang ikinakatakot ng matanda. Halata namang walang magandang gawain ang mga iyon sa buhay.

" Sandali lang ho. Huwag niyo hong sabihing manantili kayo rito? Hindi ho puwede baka kung anong mangyari sa inyo," nag-aalalang sabi ni Ruanne.

Umiling naman ang matanda.

"Hindi na. Nakita na nilang bukas ang tindahan ko. Alam nilang nandito ako. Masisira ang buong lugar kung magtatago ako. Sige na. Pumasok ka na," sabi ng matanda.

"Pero ma—"

Hindi na naituloy ni Ruanne ang pagsasalita nang biglang isara ng matanda ang pinto. Pinihit ni Ruanne ang doorknob ngunit nangunot na lamang ang noo niya nang hindi niya iyon mabuksan. Kumatok si Ruanne ngunit walang sumagot sa kanya. Napasuntok na lamang siya sa hangin sa sobrang frustration.

Siguradong nasa panganib ang buhay ng matanda.

Isinandal ni Ruanne ang ulo sa pinto upang mapakinggan ang mga nangyayari. Narinig ni Ruanne ang pamilyar na tunog ng bell, senyales na may pumasok. Hindi niya marinig ang matanda ngunit rinig na rinig niya ang mga yabag ng mga pumapasok.

"Mang Tomi! Nandito na pala kayo."

"Mang Tomi, alam mo naman siguro ang ipinunta namin dito. Huwag mo na kaming pahirapan. Amin na. Tutal naman, pinoprotektahan namin itong mga tindahan niyo mula sa mga masasamang loob diyan."

Nakarinig naman si Ruanne ng mga pagtawa.

"M-Meron ako r-rito kaso konti lang. B-Baka naman puwedeng s-sa susunod na linggo na lang," nanginginig na sagot ng matanda.

Isang malakas na hampas sa kung saan ang nagpakislot kay Ruanne.

"Anong sa susunod na linggo? Nagpapakahirap kaming protektahan itong tindahan mo tapos wala kaming bayad na matatanggap? Nasisiraan ka na ba Mang Tomi?"

"Gusto yata ni Mang Tomi bisitahin pa natin ang anak niya ospital para bigyan tayo eh."

Malisyosong tawanan ang sumakop sa buong lugar. Hindi maipaliwanag ang kabang nararamdaman ni Ruanne sa naririnig. Ngunit mas lalong hindi niya maisip ang kalagayan ng matanda.

" H-Ha? I-Ito na ang b-bayad ninyo! H-Huwag niyo ng bisitahin ang anak ko," sabi ni Mang Tomi.

Napakagat na lamang ng labi si Ruanne. Matalino si Mang Tomi. Tama lang ang ginawa niya. Sa ngayon ay wala siyang kalaban-laban at kahit na kasama niya pa ang dalaga roon, wala ring magbabago. Ngunit nakapagtataka, parang matagal na itong nangyayari.

"Sandali lang, Mang Tomi. Bakit parang kulang ito? Kulang pa ito ng limang libo," reklamo ng isa.

"Tsk. Tsk. Tsk. Mang Tomi, nagtatrabaho kami nang maayos ha. Di bale na, mabait naman kami. Sa susunod na linggo na lang namin sisingilin iyon. Bali limang libong piso ang ibibigay mo sa amin ha."

Kahit sa nanginginig na boses, sumagot si Mang Tomi.

"D-Di ba masyado namang m-malaki iyon. H-Hindi naman ganoon k-kalaki ang—"

Napatakip na lamang ng bibig si Ruanne at naging parang sa kwago ang mga mata nang biglaang matigil sa pagsasalita si Mang Tomi at isang malakas na lagapak ang nag-echo sa buong lugar.

" Anong sinasabi mo?! Baka nakakalimutan mo kung sino kami, tanda," nagbabantang sabi ng isa.

"Hoy. Tama na iyan. Umalis na tayo. Sisingilin natin siya sa isang linggo. Kapag hindi niya nagawa ang gusto natin, alam niya ang mangyayari sa kanya. Tara na."

Hindi maipaliwanag ang takot at pag-aalalang meron si Ruanne para sa matanda. Narinig niya ang papalayong mga yabag kung kaya't kahit papaano ay nabawasan abg tibok ng puso niya sa isang minuto. Ngunit hindi pa rin siya nakasisiguro sa lagay ng matanda.

Pilit na binuksan ni Ruanne ang pinto. Kinatok at sinipa niya na ang pinto ngunit wala pa rin.

"Mang Tomi!"

Tumigil si Ruanne sa ginagawa nang marinig ang tunog ng doorknob. Nag-click ang doorknob at agad niyang binuksan ang pinto. Napakurap-kurap na lamang siya at napahawak sa bibig nang makita ang lagay ng matanda. May malaki itong sapak sa kanyang mata at bakat ng kamay sa kanyang pisngi. Hindi maipinta ang mukha nito. Gusto niyang hawakan ang matanda ngunit nag-aalangan. Para bang sa isang dampi niya lamang ay tutumba ang matanda.

"M-Manong..."

"A-Ayos lang ako. L-Lumakad ka na."

Bago pa man makapagsalita si Ruanne ay pumikit ang mga mata ng matanda at unti-unting bumagsak sa lupa. Naging mabilis ang kilos ni Ruanne at naagapan niya ang ulo nito bago pa mauntog iyon sa sahig.

Labis ang kabang nararamdaman ni Ruanne sa mga sandaling iyon. Hindi niya malaman ang gagawin. Nakatingin lamang siya sa matanda nang may takot at pangamba. Para bang nablanko ang utak niya. Ngunit hindi na iyon kataka-taka. Kahit sino naman yata, kahit sa isang segundo lang, maninigas sa sobrang takot kapag inilahad sa harap nila ang panganib.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status