Share

Chapter 4

Chapter 4

MULA SA bintana, nakatanaw si Mallory sa nakahigang binata. Unan nito ang backpack at wala pang kumot. Naaaliw ito na pagmasdan ang langit. Puno naman kasi ito ng mga bituin. Nakaturo pa at parang nagbibilang.

Para namang makukuha nito ang eksaktong bilang ng mga kumukutitap sa langit, pero makukuha kaya nito ang tiwala niya?

Sinubukan niya kanina na i-verify ang identidad ng lalaki mula sa website ng Lovefinity na sinasabi nito. Walang kahit na isang record. Nakakapagtaka lang na nabili niya ito kahapon katulad ng sinasabi nito. Paano niya nakuha ang lalaking ito kung hindi naman nabibilang sa Lovefinity Guys?

Sunod niyang tiningnan ang mga text messages. Mayroong isa mula sa sender na may name na "Lovefinity". Ang sabi rito:

Please confirm if you received Nigel Laxamana as your premium husband. Please reply your name and location.

Ginawa naman ni Mallory na ibigay ang detalye niya.

Agad naman na naka-tanggap siya ng reply:

"Welcome to Lovefinity, Mallory Reynolds.

Your premium husband for three months is, Nigel Laxamana of Lovefinity Guys. Mr. Laxamana offers physical intimacy and act of service as its love language.

If you have any concerns, you can reply to us and find your assigned customer service operator, CS Beverly. Love and Kisses, Lovefinity."

Napabuga ng malakas na hangin si Mallory. Totoo nga na bumili siya ng lalaki online. Totoo rin ang mga sinabi ng lalaki sa kanya kanina pati na rin ang kasasabi lang niya sa Lolo Nics at Lola Mel na pag-renta ng lalaki.

Tadhana nga naman kung makipaglaro.

Bago magsimula ang shift ni Mallory, naghanda siya ng kumot para sa lalaki. Lumabas sita at ipinatong na ito sa tulog na katawan.

Ang tanong ni Mallory sa sarili, handa na kaya siyang papasukin ito sa bahay niya? Kung pati na rin kaya sa buhay niya?

Simple lang naman ang buhay ni Mallory.

Pagkatapos ng shift niya, tuwing alas-singko, ay maghahanda na siya ng almusal. Pahinga lang sandali, sabay matutulog na. Madalas ay nagigising na siya ng alas-kuwatro. Sunod naman niya na gagawin ay tingnan kung may email ang sekretarya niya mula sa Tagaytay. Aasikasuhin niya iyon hanggang alas-sais ng gabi. Sunod na paglalaanan niya ng oras ay ang hapunan at ang shift niya na magsisimula sa pagpatak ng alas-diez ng gabi.

Simple at planado. Naiiba lang ito tuwing martes at weekends. Hindi nagsasawa si Mallory sa paulit-ulit na ginagawa. Hindi na rin siya naghanap pa ng thrill. Sakto na sa kanya ang saya na dulot ng ginagawa. Ang prosesong iyon kasi ay ang thrill na mismo para sa kanya.

Subalit, ngayon, mukhang maiiba na ang daloy ng schedule at magigiba nang kaunti ang mga nakasanayan na niyang gawin. May kasama na kasi siya sa bahay. Malayo sa nakaraan at nakasanayan na pag-iisa.

Walang mapagsidlan ng ngiti si Nigel. Bukod sa nagising ito na may kumot, bumungad pa ang mabuting balita na pwede na siyang makapasok sa bahay. Kung paano naman pumasok sa buhay ng babae, hindi pa nito alam.

Kakatapos lang ng shift ni Mallory at naghihintay na siya na maluto ang sunny side-up na niluluto ng bagong kasama. Kasalukuyan siyang nakatingin sa mga wedding photos kuno nila at namamangha sa ganda ng pagkakaedit. Parang mag-asawa na mag-asawa talaga silang dalawa sa bawat litrato.

"AI ba gumagawa nito o may mga editors kayo?" tanong ni Mallory rito..

"Editors. Sinisikap pa namin na mag-program ng AI para di na mahirapan ang mga assigned editors na 'yon kaso nade-delay 'yon dahil baka maubusan kami ng manpowers. Mahirap naman na mag-rely solely sa technology."

Tumango na lang si Mallory.

Natapos nang magluto si Nigel. Sa itsura ng itlog, imbes na matakam si Mallory, parang gusto na lang niyang maawa. Basag na ang egg yolk at humalo na sa egg white. Parang semi scrambled eggs na tuloy ang nangyari. O kaya ay naging stormy side up na. Para naman kasing binagyo ang itsura.

Nang matapos sila...

"Sa ngayon, ang gagawin natin ay inspection."

Kinuha ni Nigel ang box at nilabas mula sa envelope ang mga papel. Iniabot niya ang mga iyon kay Mallory. Nagtatakang binabasa nito ang mga nakasulat doon.

Everything about Nigel Laxamana

"Buong talambuhay mo ba 'to?" tanong ni Mallory. "O diary? Napakakapal. Nakakatamad namang basahin."

"Sira. Dadalawang pages lang naman ang tungkol sa akin. Yung iba, kontrata na 'yan," sagot naman ni Nigel.

Magtatanghali na nang matapos sa pagbabasa ng kontrata si Mallory. Skim reading lang ang ginawa niya kaya wala siyang maintindihan. Ngayon lang niya nalaman na marami pa palang ka-ek ekan ang dapat niyang gawin ngayong kliyente siya ng Lovefinity.

Kailangan may sarili siyang property, employed at willing mag-cargo ng isang premium husband na unemployed.

Dumagdag na naman ang rason ni Mallory kung bakit ayaw niya magkaroon ng asawa.

Isang malaking issue para sa kanya ang employment, dahil na rin sa kailangan talaga ng malaking pinansyal ang pag-aasawa. Kung wala pang trabaho ang lalaking masungkit niya, baka sungkitin na lang niya ito papaalis sa buhay niya.

Ayaw niyang kumayod para bumuhay ng lalaki. Mas maiging magpapaalila siya para sa sariling buhay kesa ialay ang oras niya sa isang lalaking tamad magbanat ng buto.

Tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga bilihin, pati na rin ang mga bills na lumilipad papunta sa bahay niya kaya bawal na bawal kay Mallory ang tatamad-tamad.

At ngayon namang tatlong buwan na unemployed ang kanyang premium husband, wala na siyang choice kundi ang tanggapin iyon. Nakasaad naman sa kontrata na susuporta ang kumpanya sa loob ng mga buwan na nasa subscription ng premium husband. Maayos rin naman sa kanya ang matatanggap na 8 thousand kada buwan. At least, may budget ang kumpanya para sa kanilang mga Lovefinity Guys at mga kliyente.

Kung sa property naman, mayroon siyang isang commercial space sa palengke na pinaparentahan at may mini private resort din sa Tagaytay. Isama pa ang bahay na tinutuluyan dito sa Bulacan. Walang magiging problema sa mga properties niya dahil lahat naman ng mga iyon ay assets.

Employed rin naman siya. Halos araw-araw ay may nagha-hire sa kanya bilang freelance graphic designer. Isama pa na may side hustle rin siyang art commissions.

"So, isa ka ring zumba instructor?" tanong ni Nigel. Kanina pa siya lihim na naiimpress sa kausap. Mula sa naging achievements nito noong 25 years old hanggang sa mga kinukwento nitong pinagkakakitaan.

Maswerte siyang masipag ang kliyente niya sa pagtatrabaho at halatang-halata ang pagiging independent nito, usapang pera man o mismong buhay.

Ayaw na ayaw niya kasi ang ugaling Jilian. Kahit pa na mahal niya ito. Si Nigel kasi ang palaging gumagastos sa luho ng dalaga. May isa pang araw na siya rin ang nagbayad sa mga utang nito. May isa ring beses na nagalaw niya ang emergency fund para magpa-impress sa dating kasintahan.

Kinailangan pa niyang mag-book sa isang mamahaling hotel para matupad ang intagrammable dream ni Jilian. Tuloy, halos mai-generalize na niya na ang lahat ng babae ay tulad nito.

Ngayon lang rin siya nakakilala ng katulad ni Mallory.

"Yes," sagot ng dalaga. "Tuwing weekends."

"Saan naman ang palagi ninyong venue?"

"Nagpupunta sila rito kapag sabado. Online naman tuwing linggo."

"Nice. How much is your fee for instructing an aerobic class?"

"More or less 3 thousand each head."

"Impressive."

Hindi maiwasan ni Nigel na mapangiti. Humahanga siya sa pagiging propesyonal ng dalaga. Tila naglaho tuluyan ang parehas na aura nilang nagtatalo lang kanina.

"Okay na ba 'yon? Ha?!"

Nagkamali pala si Nigel. Bumalik na naman sa pagiging mataray si Mallory.

"Oo, maayos na!" pagpatol rin ng binata.

"Ikaw naman ang magpakilala sa sarili mo," sabi sa kanya ni Mallory.

Sumagot naman kaagad si Nigel. "Akala ko binasa mo na sa papel."

"Ayoko non." Pagtatanggi ni Mallory. "Mas gusto kong marinig mula sa' yo."

Huminga nang malalim si Nigel. Wala siyang naging ibang choice kundi kunin ang dalawang pages tungkol sa buhay niya.

"Since alam mo na ang name ko, 'di ko na 'yon sasabihin," saad niya.

"Kahit middle name?"

"Rosales," sagot ni Nigel. "Dapat kasi binasa mo na lang 'to, eh!"

"Mababasa ko ba nang maayos 'yan kung inaantok ako?!"

"Kasalanan ko ba na pupuyat-puyat ka kagabi?!"

"Aba! Sira ka pala, eh! Graveyard ang oras ng trabaho ko!"

"Hindi ko naman alam!"

"Babasahin mo 'yan o sisipain kita paalis dito?!"

Malakas na pinagpag ni Nigel ang mga papel na hawak. Mas pumula tuloy sa inis ang kausap niya.

"Nagdadabog ka?!"

"Hindi!" malakas niyang sagot. "Teka nga! Wala pang isang araw, ina-under mo na 'ko. Ang unfair naman!"

"Kung nagsabi ka na lang kasi tungkol sa buhay mo, kanina pa tayo tapos."

"Ito na nga, eh. Ito na nga."

Huminga ulit nang malalim si Nigel at muling ikinulong ang mga mata sa papel.

"Isa akong Capricorn. December 28 ang birthday ko. Ang tinatanggap ko lang na regalo ay cash na nakalagay sa pulang ampao para swerte," wika ni Nigel. "Panganay sana ako ng nanay ko kung hindi niya ako pinaampon kaya tuloy, panganay na ako ng ibang nanay.

"Nagtapos ako sa kursong Bachelor of Business Administration Major in Marketing. May latin honors ako na summa— sumakabilang program kasi ako mula sa engineering."

Napataas na lang ang kilay ni Mallory nang humalakhak ang lalaki. Siraulo talaga 'to, ani sa isip.

"Pwera biro, summa cum laude ako— kung ako ang naturo ng prof namin. Kaso yung katabi ko 'yon, eh."

"Wala ka na bang sasabihing matino?" sarkastikong tanong ni Mallory.

"Ito na nga. Cum laude ako noong college. Consecutive honor student mula kinder– na nag-skip nung grade 4 kasi naadik ako sa paglalaro sa labas. Pero second honorable mention ako noong nag-graduate. Pagkatapos, salutatorian noong high school.

"Isa rin akong hardworking na tao. Sa sobrang sipag ko, pagod na 'ko sa buhay." Tumawa na naman si Nigel nang pagkalakas-lakas.

Kumunot ang noo ni Mallory. "Ano ang pinakamasakit na nangyari sa buhay mo?"

"Noong nadapa ako?" hindi siguradong sagot ni Nigel.

"Yung mas masakit pa d'yan?"

"Noong nadapa ako at nagpagulong-gulong?"

Suko na si Mallory sa lalaki. Wala siyang makuhang maayos na sagot mula rito. Ang totoo lang yata na sinabi nito ay ang birthday, kurso at pangalan. Naiinis na sapo niya ang mukha dahil dumagdag pa ang fact checking sa magiging trabaho niya ngayong araw.

"Hindi ka na matinong kausap. Gutom ka na yata," ani Mallory.

Napapalakpak si Nigel dahil sa wakas, makakapag-almusal na rin siya.

"Buti naman nakaramdam ka. Anong ulam?"

"Wala. Kaya magluto ka na muna."

"Ayoko!"

"Ayaw mo o hindi ko pipirmahan ang kontrata?!"

"Ito na nga, kikilos na." Hindi pa ako nakaka-24 na oras dito pero under de saya na ako ng babaeng 'to. Gusto na lang maiyak ni Nigel dahil nakikita na niya ang sasapitin sa loob ng tatlong buwan na makakasama si Mallory.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status