Share

Chapter 6

Chapter 6

"May plano ka pa ba na makita kami?" tanong ng kanyang Kuya Erick. Kasama ito ni Enzo sa kabilang linya. Ito na ang kumausap kay Mallory nang tanggihan ng dalaga ang pagpunta sa family reunion nila.

"Meron," sagot ni Mallory. "Pero di pa sa ngayon. Kuya, sobrang busy kong tao. Alam mo naman 'yon diba?"

"Sana naman kaya mo kaming isingit sa oras mo," sabi nito.

"Kinaya ko nga na makipag-usap sa 'yo, eh," pabalang na sagot niya sa kuya.

"Wag mo ko pilosopohin, Mallory. Ilang taon ka nang hindi nagpapakita sa amin. Inaasahan mo ba na hindi kami magagalit sa ginagawa mo?"

"Kuya Mannerick naman."

"Magpupunta ka sa reunion. Sa ayaw at sa gusto mo."

"Saan ba kasi 'yung reunion?"

"Hindi naman kasi tuloy ngayon."

"Ano?! Tapos nagagalit ka sa akin ngayon?"

"Miss lang kasi kita, Mallory," naging malumanay ang boses nito. "Magpakita ka naman sa amin. Palagi ka na lang kasi nagtatago, eh."

"Miss na rin naman kita, kuya. Ba't pala hindi tuloy?"

"Nakalimutan nina lola na flight pala nila ngayon."

"Basta kapag matanda na talaga."

"Hoy," suway ni Mannerick sa kapatid habang mahinang natatawa. "O sya. Magtago ka na ulit d'yan sa lungga mo. Sana nakakaligo ka araw-araw."

"Wag mo ko itulad sa katamaran mo, kuya. Babye na. Istorbo ka palagi."

"I love you, princess."

"I love you too."

Nang maibaba ang tawag, napansin ni Mallory ang binata na nakatayo sa labas ng kwarto niya at malungkot na nakatingin sa kanya.

"Ang sweet n'yo naman," ani Nigel. "Ready na pagkain mo sa baba," matamlay nitong saad.

Napangiwi na lang si Mallory sa nasaksihan niya sa kasama. Ibinulsa niya ang smartphone at sumunod na kay Nigel. Tahimik lang ito at sobrang tamlay.

"Huwag mo nga ako paandaran ng pagpapabebe mo," masungit na saad ni Mallory sa binata. Subalit wala itong isinagot sa kanya. Pinanuod niya ang mabagal nitong pagkain.

Hindi niya mapintasan ang luto dahil walang duda na masarap ito.

Itinulak ni Nigel ang puting folder papalapit sa plato ni Mallory. Kinuha naman ito ng dalaga, binuklat at binasa.

Name: Nigel Laxamana Age: 30

Premium Husband of:

Personality:

- Clingy Husband

- Constant need of love and care

Love Language as a receiver:

- Physical Act

- Words of Affirmation

Love Language as a giver:

- Acts of Service

- Physical Act

Bago ilipat ni Mallory papunta sa kasunod na pahina, nakakunot na tiningnan niya si Nigel.

Daily Mission

[] Endearment

Napalunok siya sa nabasa. Totoo palang kailangan nila ng pet name para sa isa't isa. Hindi ba pwede na doggy na lang ang tawag niya sa kaharap lalo na at naka-puppy eyes pa ito ngayon.

"Ano ba kasing gusto mo na tawagan?" tanong niya kay Nigel. Katulad kanina, hindi ito sumagot. "So, ako pa ang kailangan mag-isip?"

Wala pa rin siyang natatanggap kahit isang response man lang mula kay Nigel.

"Mas okay pa kausap 'yung hayop kaysa tao," komento ni Mallory. Napainom pa tuloy siya ng kape.

"Sino ba 'yung kausap mo kanina?" Sa wakas. Nagsalita na rin si Nigel.

"Isang hayop."

"Ba't ka nag-I love you? Ako naman ang asawa mo ah," nakangusong wika nito.

Ang cute. Gustong sabunutan ni Mallory ang sarili dahil sa naisip. Pero hindi niya maiwasan na matawa sa itsura ni Nigel.

"Kapatid ko 'yon. Malamang mahal ko ang kapatid ko."

"Alam ko na 'yan, eh. Kunwari, kapatid o pinsan, tapos malalaman ko na lang, kabit na pala."

"Sira ka pala. Kapatid ko nga 'yon. Ba't naman ako mangangabit pa?! Wala na nga akong interes sa mga lalaki."

"Wala kang gusto sa akin?"

"Wala."

"Okay." Malalaki ang naging subo ni Nigel sa mga pagkain niya. Mabilis rin niyang nilagok ang kape kahit na mainit pa. Agad rin siyang tumayo at umalis na.

Hindi naman pinansin ang ginawa ng lalaki at kumain na lang din ayon sa nakasanayan niyang bilis. Ninamnam niya ang pagkain.

Wala naman sigurong sama ng loob sa akin ang isang 'yon. Malamang umaarte lang ayon sa napag-usapan nila ng kumpanya nila. Atsaka, maigi na rin 'yon para mapaaga ang alis niya rito.

Nang matapos siya kumain at maglinis, nagpunta siya sa sala. Natagpuan niya si Nigel na nakahalukipkip at nakayuko sa sofa.

Naupo siya sa one-seater sofa at tiningnan lang niya ang lalaki.

"Psst," tawag ni Mallory sa lalaki.

"Hindi ako aso para sitsitan mo."

"Hoy," pangalawang subok ni Mallory.

"Ano ako, tropa mo?"

"Baby?" Walang sumagot sa kanya. "Doggie. Whitey?"

"Hindi ako hayop."

Mahinang natawa si Mallory. "Gusto mo ba pang-jeje? Bhoszx? Lhady? Just pick."

"Gusto ko ng something romantic."

"Bhoszx Bhaby?"

"Umayos ka nga."

Nag-isip ng husto si Mallory.

"Inaantok na 'ko, eh."

"Ayokong matulog ka na may tampuhan tayong dalawa. Kaya bigyan mo na 'ko ng endearment."

"Ayoko," sagot ni Mallory.

"Edi wag," ani Nigel.

"Joke lang," wika niya. "Teka nga. Bakit mo ba 'ko pinapagod sa pag-iisip?"

"Buti nga sa pag-iisip lang kita pinapagod, eh. Paano pa kaya kapag sa ano na?" saad ng lalaki.

May imahe kaagad na naisip si Mallory dahil sa sinabi ni Nigel. Mabilis niya tuloy dinampot ang papel sa coffee table, nilakumos, sabay bato nito sa kaharap.

"Loko!"

"Kailangan kasi kliyente ang mag-isip para sa amin. Kapag kami, edi parang sapilitan 'yon."

"Orayt. Edi bati na tayo?" tanong ni Mallory rito. Umismid lang ang lalaki at mas hinigpitan ang paghalukipkip. "Ang arte naman. Ano ba yan."

"Endearment muna."

"Ayoko."

"Wala kang almusal bukas."

Mabilis na gumana ang isip ni Mallory. "Babe? Mahal?" Umiiling lang si Nigel.

Hindi maiwasan na mapamura sa isip si Mallory. Naiinis siya sa kasama ngunit naiintindihan niya na para sa trabaho ng lalaki itong ginagawa nila. Subalit, sobra naman ang pagiging cringeworthy ng endearment. Kung pwede naman na maging first name basis na lang.

Oo nga pala, hindi ko pa siya natatawag sa pangalan niya, ani Mallory sa isip.

"Neejel," seryosong tawag niya sa lalaki. Nanlalaki naman ang mga mata ng isa na nakatingin sa kanya. Sabay humalakhak nang husto. "Ang saya mo naman masyado."

"Nay-jel kasi hindi Neejel. Jusko," sabi ni Nigel sa kanya matapos mahimasmasan sa pagtawa.

"So, bati na tayo?"

Mabilis na sumimangot si Nigel at humalukipkip na lang. "Hindi."

"Bati na tayo, please, Neejel."

"May kulang."

"Neejel my love?"

"Ayoko ng corny kasi ayaw ng asawa ko ang mga corny."

Alam ko na.

"Neejel, asawa ko?"

"Yown. Thank you, Malyori, asawa ko."

"Ma-lo-ri kasi yon!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status