Share

The Premium Husband
The Premium Husband
Author: MedeaHarlow

Chapter 1

Chapter 1

"Ang mahal naman ng lalaki," bulong ni Mallory sa isip niya.

Sumisingit na ang sikat ng araw sa manipis na kurtina ng bintana. Humihikab si Mallory habang minamaniobra ang mouse at tutok sa maliwanag na screen ng laptop. Panaka-naka rin ang paghigop sa ice coffee mula sa transparent mug na may print na "orie".

Kanina pang ala-una ng madaling araw gising ang diwa ng dalaga. Nakakatatlong kape na rin siya ngayong oras. Subalit, sa tapang ng inumin na iyon, mas malakas pa rin ang antok na gusto nang sumuntok sa mga mata niya.

"Just one more scroll, Orie," sabi niya sa sarili.

Isinuklay niya ang natural na kulot niyang buhok. Medyo nagsisi pa siya dahil mas lalo iyong nagdulot ng pagkabuhaghag. Kinamot na lang niya ang maliit na ilong at pinunasan ang maliit ring noo. Sabay ayos na rin ng anti-radiation glass niya na bumagay sa singkit niyang mga mata.

Kanina pang alas-singko natapos ang shift niya sa kliyenteng tumanggap sa kanya sa freelanceworld, website para sa mga freelancers na tulad niya. Dapat pagkalipas ng isang oras, humihilik na siya pero naisipan pa niyang mag-browse sa internet. Inabot tuloy siya ngayon ng alas-nuebe ng umaga.

Napag-isipan ng dalaga na magpalipas muna ng oras sa social media hanggang sa nahuli ng mga mata niya ang isang ad ng Lovefinity sa F******k. May katawang hubad ang pang-itaas at telang pula naman ang takip ng ibaba nito. May nakasulat pang nagpalaki ng interes niya rito, "Premium Husband for at least 1,999Php".

Alam ni Mallory na ang lalaki sa ad na 'yon ay swak na swak sa budget niya. Hindi naman siya susubo sa ganitong kalakaran kung hindi siya desperada ngayon.

Dalawang oras na ang nakakalipas, wala pa rin siyang mahanap na "premium husband". Wala siyang matipuhan. Kung meron man, hindi naman pasok sa budget niya.

Naaakit na ang likod niyang humiga sa kama pero ginigising siya ng isip niya. Tatlong araw na lang, family reunion na nila. Ito na ang pang-apat na reunion na dadaluhan niya. Hindi na niya pwedeng tanggihan ang imbitasyon. Lalo na't darating ang lolo't lola niya mula sa ibang bansa. Malamang, ang unang hahanapin ng mga 'yon ay siya at ang dalawa niyang kapatid.

Hindi siya bunso sa pamilya ng mga Madrigal. Bagkus, siya ang nag-iisang babae sa mga magpipinsan. Kaya halos lahat rin ng mga mata mula sa unang tiyuhin hanggang sa kahuli-hulihang tiyahin ay nakatutok sa kanya. Sa edad niyang 32, nag-aabang na ang mga iyon kung sino ang lalaking sasalubungin nila sa pamilya.

Nakailang tanong na sila kung 'sino', nakailang sagot na rin si Mallory na 'wala'. Doon siya sa gawaing iyon lubos na nagsasawa.

Sa totoo lang, napipressure siya. Hindi niya maiwasan. Kahit anong paliwanag niya na ayaw niyang mag-asawa, ayaw maniwala ng mga ito. Para sa mga iyon, ang pagbuo ng pamilya ay sobra pa sa mahalaga. Kaya dapat ang bawat anak nila ay nagkaroon na ng sariling asawa't anak bago magsipag-unahan sa langit ang mga nakatatanda nilang kamag-anak.

Napapakamot na sa tuktok ng ulo si Mallory. Wala pa talaga siyang makita. Hindi naman siya magtiyatiyaga sa website na iyon kung wala siyang nakita na "for wedding photos". Kahit iyon lang, sapat na siguro na ipagmalaki iyon sa mga kamag-anak niya. Bibili na lang siya ng mumurahing singsing at kung hanapin man ang magiging kasama niya sa picture, gagawa na lang siya ng kwento.

Ini-refresh niya ang site at tumingin muli sa mga hanay ng litrato ng mga lalaking nasa 1,999Php. Mukha lang mahal ang presyo pero package na iyon. Bukod sa wedding photos, mayroon pang video at pictures na naka-set. AI-powered naman kaya makakaya nitong pagmukhain na matagal nang magkakilala ang lalaking mahahanap ni Mallory at siya.

Ang problema, wala pa talaga siyang makita.

Gusto niya sana ng gwapo para masulit naman ang pagsisinungaling niya sa sariling pamilya. At least sa picture, nagkaroon siya ng nobyong ubod ng ganda sa mga mata. Kung makita iyon ng Tiya Lorna niya, hindi na siya nito ookrayin tungkol sa mga lalaki. Baka maglaway pa nga ito sa inggit.

Pero wala pa rin siyang mahanap.

Paglalaruan na lang sana niya nang biglang hingin ng site ang email at password niya. Kailangan pa pala ng account rito. Kaya nag-register siya gamit ang pangalan na Mallory Reynolds. Hindi niya sinama ang totoong apelido sa halip, ginamit niya ang pangalan na gamit ng ina. Mabuti na rin na iyon na lang dahil kahit maganda ang user interface, parang hindi pa rin safe na mag-explore rito.

Ayaw niya ring ibigay ang buong personal information niya dahil sa kabi-kabilang balita ng leaked data o di kaya'y mga hacked accounts. Noong nakaraang linggo lang may isang bangko na naging biktima ng hackers at maraming mga tumatangkilik sa kanila ang nabawasan ng savings.

Mabuti na lang bago pa man iyon ay nailipat na niya lahat ng pera sa Unionbank.

Inubos na ni Mallory ang kape. Ngayong may account na siya kailangan niyang pag-igihan ang paghahanap ng lalaki. Susulitin niya ang serbisyo ng website. May ilan namang sobra sa mga ipon niya.

Labis na lang ang kislap ng mga mata niya nang may matanawan itong ubod ng ganda. Presyong 2,399 pesos. Matipuno, mukhang afam at gwapo. Kahit mahal ang presyo para sa wedding photos, sulit naman dahil ipapakita niya lang ang mga ito, wala nang maghahasik na paulanan siya ng maraming tanong.

"Nigel Laxamana, akin ka na," bulong ni Mallory habang hinahanap ang purchase button. Nang mai-tap niya iyon, may isang tab na lumabas. Pinapa-fill up sa kanya ang iba niyang impormasyon para sa delivery.

Kamot niya ang mga mata habang binabasa ang laman ng tab na iyon. May pinilian pa siya kung gaano katagal ang shipmentng wedding photos. May dalawang taon, isa’t kalahating taon, anim na buwan at tatlong buwan. Doon siya nagpunta sa pinakamaikling oras ng paghihintay.

Hindi na niya lubusang maintindihan ang nabasang: Nigel Laxamana will be your Premium Husband for Three Months. Ipinindot na niya ang submit sabay hilata sa kama.

Excited na siyang matanggap ang wedding photos nila ng napiling asawa.

---

"Good morning, Sir Nigel."

Taliwas sa pagbati ang araw ng lalaking nakaupo sa sarili nitong opisina. Sakto lang ang espasyo para sa mesa, maliit na cabinet at upuan. Wala ng mga bookshelf dahil lahat ng mga librong binabasa niya ay one click away na lang sa kindle. Nangangati na ang mga mata niya na magbasa pero hectic ang trabaho nila ngayon lalo na't November. Maraming mga kliyente na gustong magkaroon ng mainit na pasko.

Nakakunot na hinarap ni Nigel ang bagong pasok na empleyado. Abala siya sa pagre-review ng mga written reports nang pumasok ang trainee na si Mackenzie. Ayaw pa sana niyang tumanggap ng inquiries subalit sa tikas pa lang ng lalaki, halatang urgent na.

Nangangamoy masamang balita pa.

Umiikot ang tingin nito at mukhang ayaw pang salubungin ang mga mata niya. Ito pa naman ang ayaw niya sa lahat kapag nasa loob ng opisina. Sa tingin niya kasi, kawalan ng professionalism kung ang isang empleyado ay hindi marunong tumingin ng diretso.

Inaabangan rin ni Nigel na magsalita ito kahit halata na mistulang nawawalan na ng dila. Mahalaga ang bawat oras nila, dapat walang kahit isa na nagsasayang nito. Kahit na anong balita pa man yan, dapat sinasabi na nang walang paligoy-ligoy.

"M-may nag-avail po sa inyo," nauutal na saad pa nito. Sa wakas ay nakagawi na sa kanya ang mukha ni Mackenzie, ngunit, lumalampas naman ang paningin nito.

"Anong avail?" tanong niya sabay balik ng mga mata sa papel. Sabi na nga ba, masamang balita.

"A-aksidente po kasi naming nai-post ang litrato ninyo sa website," mahinang pagpapaalam nito. Nangingiwi pa ito pagkatapos magsalita. Nagpapadyak rin nang mahina ang mga paa at parang atat nang matapos ang pinag-uusapan nilang dalawa.

Kumunot ang noo niya. "What again?" masungit na tanong ni Nigel. Gusto niyang kumpirmahin kung tama ba ang pagkakaintindi niya sa kausap. Anong avail? Kailangan ba siya naibenta? Ang alam niya ay isa siya sa mga nirerespetong product manager sa kumpanya. Kailangan pa siya naging produkto?

"May bumili po sa inyo, Sir," mahinang wika ni Mackenzie. Halatang hiyang-hiya sa ibinabalita. Napayuko na lang siya at parang nabato na sa kinatatayuan. "Ngayon po, kailangan niyo nang maihanda para sa delivery bukas."

"Anong delivery? Ipaliwanag mo nga itong kalokohan na ito?!" malakas na tanong ni Nigel. Hindi naman siya masungit o mahigpit sa mga kasama pero ayaw na ayaw niyang nagbibiruan sa oras ng trabaho. Ngayong toxic ang hours nila, wala na siyang panahon na pumatol pa sa pranks ng mga kasama.

"Isa ka po sa Premium Husband, Sir Nigel..." malumanay nitong sagot kahit sasabog na ang dibdib sa lakas ng pagkabog.

"Kailan pa?!"

"Ngayon lang po. Pasensya na po talaga, Sir. Saktong-sakto po kasi ang litrato ninyo sa listing. Nalito na po kami kung manager po namin kayo o hindi."

Sinamaan ni Nigel ng tingin ang katapat. Nahuli niya ang pagiging maputla nito at ang panginginig ng labi.

"Anong nangyayari sa 'yo, Mackenzie?"

"Ang nakabili po kasi sa inyo ay si Mallory Reynolds," nauutal na tugon nito.

"Sino naman siya?" kalmadong tanong ni Nigel.

"Ate ko po."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status