Share

CO 04:

•Gaea•

Kanina pa ako nagsusulat at mabuti na lang at nakapagtapos ako ng anim na chapter ngayon. Mas mabilis ko yatang matatapos ang libro ko ngayon.

Bumuntong-hininga ako bago pinuntahan si Clyden na nakatulog na sa sofa. Gusto nito sa kwarto niya ako magsulat dahil pagod daw siya sa trabaho, pero di ko siya pinagbigyan. Hirap ng magtiwala sa manyakis na'to!

"Uuwi na ako," saad ko habang tinatapik ang kanyang tuhod. Nagising naman siya kaagad at nagkusot ng mata. Napangiti ako dahil sa itsura. Para itong inosenteng bata na ginigising ng kanyang ina. "Clyden, mag-aayos muna ako ng mga gamit ko sa apartment bago bumalik dito—"

"Ipagluto mo ako," mahina niyang saad. Tiningnan ko siya nang nakataas ang kilay. Gusto ko sana siyang pagalitan nang bigla nitong hinawakan ang tiyan niya. "Gutom na ako."

Inismiran ko siya ngunit pumunta rin naman sa kusina para ipagluto.

"Matututo pa yata akong mag-alaga ng bata nito," pagpaparinig ko sa kanya.  "Clyden, ano ba!"

Nagulat ako nang bigla na lang itong yumakap sa akin mula sa aking likuran. Pilit kong tinatanggal ang kamay niya ngunit mas hinihigpitan lamang nito iyon.

"Paano naman ako makakapagluto sa ginagawa mo?" Tumigil ako sa aking ginagawa at hinayaan lang siyang nakayakap sa akin. Ramdam ko ang init na nagmumula sa malapad niyang dibdib. "Akala ko ba nagugutom ka?"

"Ang sarap pala kapag may kasama ka sa bahay," bulong nito, bago inilagay ang ulo niya sa aking balikat. "Dito ka na lang sa tabi ko habang buhay."

Nilingon ko siya at mahinang pinitik ang kanyang noo. Napabitaw siya sa akin at hinawakan ang noo niya.

"Simbolo ba ito ng pagmamahal mo sa akin?" nakangisi niyang saad. Tumawa ako bago umiling sa kanya. Masyadong matamis ang mga salitang lumalabas sa labi niya.

"Ngayon lang tayo nagkakilala. Anong mahal ang pinagsasabi mo diyan?" Tinulak ko siya palayo sa akin at kinuha na ang mga lulutuin sa loob ng ref.

Magsasalita pa sana ito nang tumunog ang cellphone niya na nasa sofa. Nagkibit-balikat na lamang ako nang lumabas siya. Sinabawang karne ng baboy lang ang niluto ko. Hindi ko alam kung magugustuhan niya ba ito dahil hindi ko naman alam ang mga paborito niya.

"Sino yun?" tanong ko pagkabalik niya. Napatakip ako sa aking bibig nang tumigil siya sa paglalakad at tumingin sa akin. "Nagtatanong lang ako. Kumain ka na."

Hindi ko rin alam kung bakit ko iyon naitanong sa kanya kahit wala namang namamagitan sa amin. Siguro nasanay lang ako na ginagawa iyon kay Russu.

Umupo na ako at nagsimulang kumuha ng pagkain. Muntikan pang matapon ang ulam nang matabig ko iyon.

"Sino na namang nagpapagulo sa isipan mo?" nakataas kilay niyang tanong. Umiling ako at hindi na siya sinagot. "Gaea, tinatanong kita."

Nanlalaki ang mata ko na ibinalik sa kanya ang aking paningin. Maawtoridad ang pagkakabigkas niya ng mga salitang iyon kaya labis ang kaba na aking nadarama.

"Wala akong iniisip. Kumain ka na nga, akala ko ba nagugutom ka?" Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ko. "Walang tayo—"

"Alam ko naman 'yon. Ilang beses mo bang ipapamukha sa akin 'yan?" seryoso niyang tanong, habang nakatitig sa aking mga mata.

"Alam mo ang hirap mong intindihin. Hindi ko alam kung bakit ganyan ka makaasta. At huwag mong sabihin na may gusto ka sa akin o nagseselos ka dahil ngayon lang tayo nagkakilala!"

Tatayo na sana ako nang naramdaman ko ang mahigpit niyang pagkakahawak sa aking pulso. Nilingon ko siya at tinaasan ng kilay sa sobrang inis.

"Kung galit ka sa akin, huwag mong idamay ang pagkain. Upo." Napalunok ako habang nakatitig sa kanya, bago bumalik sa aking pagkakaupo.

Nakakatakot naman kasi ang pagmumukha niya para akong kakainin ng buhay.

"Nagtatanong lang naman ako kung sino ang iniisip mo. Bakit ayaw mong sumagot? Dahil importante siya sayo?" Basag niya sa katahimikang namumuo sa amin.

Nilunok ko muna ang aking kinakain bago humugot ng malalim na paghinga para sagutin ang tanong niya. Ayaw kong pag-usapan si Russu dahil hanggang ngayon di ko pa rin siya makakalimutan.

Natatakot ako na kapag palagi ko siyang iniisip ay babalik na naman ang sakit na naranasan ko.

"Ayaw kong pag-usapan ang lalaking nangako sa akin na mamahalin ako ng habang buhay. Nangako sa akin ng kasal, pero iniwan pa rin ako sa ere..." Tumingala muna ako para pigilan ang luhang nais pumatak, bago ibinalik sa kanya ang paningin. "Ayaw ko na siyang pag-usapan dahil hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako habang binibigkas ang pangalan niya!"

Hinihingal ako habang sinasabi iyon. Gusto kong magalit kay Clyden ngunit nang makita ko ang mukha nito na may malapad na ngisi, tila ba mayroong humaplos sa dibdib ko para pagaanin ito.

"Gwapo ko ba? Titigan mo lang para makalimutan mo na siya." Bakit pati ang pagsasalita nito ay nagslow-mo? Bakit ang gwapo niya sa paningin ko ngayon? "In love ka na—"

Tumaas ang kamay ko at pinitik ang ilong niya bago bumalik sa pagkakaupo. Napahawak ako sa aking dibdib, natatakot na baka malaman niya na bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kanya.

"Stop flirting with me, Clyden," mariin kong saad, nang idinukwang nito ang katawan para mapalapit sa akin.

Itinaas naman niya kaagad ang kanyang dalawang kamay, at bumalik sa kanyang pwesto.

"Hindi mo ba naisip na ipinaghiwalay kayong dalawa, dahil may ibang nararapat para sa inyo?" Nagdikit ang kilay ko nang marinig ang sinabi niya.  "Galit ka ba sa akin dahil gusto mo pa rin na bumalik sa kanya?"

Natamaan ako roon kaya napaiwas ako ng tingin. May nanliligaw naman sa akin nang maghiwalay kami ni Russu, ngunit hindi ko iyon pinapansin dahil naghihintay pa rin ako rito.

"Move on, babe. You're beautiful, marami pa ang magkakagusto sa iyo—"

"Alam ko! Pero wala akong gusto sa kanila," putol ko sa mga sinasabi niya. "Bakit ka tumatawa? Baliw ka ba?"

Hindi ko alam kung saan banda ang nakakatawa sa sinasabi ko. Kaya hindi ko siya maintindihan!

"Ayiee alam niyang maganda siya!" nang-aasar niyang saad. Sinamaan ko siya ng tingin na tinawanan lang naman niya ulit.

"Nababaliw ka na!" inis kong sigaw sa kanya.

"Baliw sayo, babe." Hindi ko na siya pinansin at binalikan na ang aking pagkain. Mas mababaliw pa ako kapag kinausap ko pa siya ulit!

-

Hinatid nga ako ni Clyden sa apartment ko. Pagkababa ko pa lang nang namataan ko sa di kalayuan si Russu. Suot nito ang leather jacket na ibinigay ko sa kanya. Malungkot akong napangiti at marahang naglakad patungo rito.

Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Clyden at dumeretso lang kay Russu. Sumasaya pa rin ang puso ko habang nakikita siya, nandito pa rin ang kabang palagi kong nararamdaman sa tuwing lumalapit ako sa kanya.

"Russu? Why are you here?" tanong ko para makuha ang atensyon niya. Nakatungo kasi ito at may tinitingnan sa cellphone niya. "May kailangan ka ba?"

Nanlalaki ang mata ko nang bigla itong lumapit sa akin at niyakap ako nang mahigpit.

"I'm sorry, Gaea. Hindi ko sinasadyang saktan ka," bulong nito sabay halik sa tainga ko.

Palagi niya iyong ginawa sa akin ngunit ngayon ay naninibago na ako.

"Gaea!" Napalingon ako sa tumawag sa akin. Nakita ko si Clyden na papalapit sa akin at may madilim na reaksyon sa kanyang mukha.

"Sino ka?" seryosong tanong ni Russu kay Clyden.

"Ako dapat ang nagtatanong sa'yo. Bakit ka nakayakap sa pag-aari ko?" Napalunok ako dahil sa sinabi ni Clyden at lumayo kay Russu. Lumapit ako rito at hinawakan ang kaliwang kamay niya para patigilin ito sa pagsasalita.

"Pag-aari mo?" Tumawa ito at tiningnan ako nang mariin. "She's my ex-girlfriend and I want her back—"

Hindi ko napigilan si Clyden nang mabilis itong naglakad at binigyan nang malakas na suntok si Russu sa kanyang mukha.

"Don't you dare play with her heart. She's not your girl anymore. Do you think she's a toy na pwede mong itapon kapag ayaw mo na tapos babalikan mo kapag kailangan mo?" Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang lumingon ito sa akin at inilahad ang kanyang kamay. Nagdadalawang isip ako ngunit inabot ko pa rin naman iyon. "She's my woman now. Please, leave her alone."

Iyon lang ang sinabi nito at inilayo na ako kay Russu.


Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status