Share

CHAPTER 6 EXPLOSION (PART 1)

HARTLEY’S POV

Hila ang aking maleta papalabas ng kwarto ay binuksan ko ang pinto ng hotel room kung saan ako nag-ookupa. Pagbukas ko ng pinto ay saktong pagsarado rin ng kabilang kwarto kung saan naman nag-ookupa si Lance.

 Ilang segundo siyang natigilan at napatitig sa akin bago niya ibinaba ang kanyang tingin sa hila kong maleta. Nakita ko pa ang pagpamulsa niya sa kanyang seda bago naglakad papalapit sa akin.

 "Let me help you." Iniabot ko lang sa kanya iyon at nagsimula nang maglakad papunta sa Elevator.

Nakita ko ang pagtayo ng mga kaibigan ko na mga naghihintay sa reception area. Tumango lang ako bilang pagtugon sa kanila. Naunang lumabas ng Hotel si Zab sakay ang kotse niya. Huminto ako sa paglalakad at hinarap si Lance na tahimik na nakasunod sa akin.

 "Sa kulay asul na kotse tayo sasakay." tumango lang siya bilang tugon kaya nagsimula na akong maglakad papalabas ng hotel hanggang sa isang asul na Mercedes-Benz ang huminto sa harapan namin, ibinaba ng driver ng kotse ang salamin ng kotse at gaya nga ng inaasahan ko.

Si Kuya Harry.

 Muli akong lumingon kay Lance at ngumiti sa kanya. "Sa front passenger seat ka sumakay." Bubuksan ko na sana ang pintuan ng back seat nang maunahan na ako ni Lance para pagbuksan ako kaya pumasok na rin ako.

Ano bang ginagawa niya?

Nang maisarado pa niya ang pintuan ay ngumiti pa siya nang mapang-asar sa akin bago sumakay sa front passenger seat. Nang mapatingin ako sa rear-view mirror ay kumindat pa siya saka ako mapangasar na nginitian.

 Papunta kami sa Airport na pagmamay-ari nila Zab para doon sumakay sa inihanda niyang private plane papuntang Achad. Nakasandal at nakatingin lang ako sa labas ng pintuan habang pinapanood ko ang pagpatak ng ulan sa labas.

 Napatingin ako sa side-view mirror doon ko naman nakita ang nakasunod na itim na kotse na panigurado kong minamaneho ni Avianna.

 Kaagad akong napabalikwas sa pagkakasandal nang makarinig ako ng isang napakalakas na pagsabog mula sa isang kotse na halos nasa unahan lang namin. Gulat ang rumihistro sa akin nang makita ang kulay pulang kotse na kasalukuyang umuusok at nag-aapoy.

Kaagad na kumabog ang d****b ko nang maalala ko si Zab. Naagaw naman ang atensyon ko nang magring ang phone ko kaya kaagad ko iyong sinagot.

 "Nagustuhan mo ba ang regalo ko?" isang hindi pamilyar na boses ang sumagot mula sa kabilang linya. "Ituloy mo lang ang panghihimasok mo para isa-isahin ko ang mga kaibigan mo."

 "Sa tingin mo matatakot mo ako?" isang sarkastikong ngiti ang pinakawalan ko mula sa pagkakagulat. Muli akong napabuntong hininga bago bahagyang natawa at umayos ng upo bago tumingin sa labas ng bintana. "Pinaplano mo palang, may solusyon na ako," mula sa bulsa ko ay kinuha ko ang isang maliit na switch bago muling magsalita. "Ikamusta mo nalang ako kay Satanas." kasabay ng pagpindot ko sa switch ay ang muling pagsabog ng isang kotse sa hindi kalayuan.

 Nagkamali ka ng binalaan.

Nakasakay na kami sa private plane na inihanda ni Zab para sa pagpunta namin sa Achad, mabuti nalang at napaghandaan namin ang ganoong sitwasyon kaya habang maaga ay nagawan na namin ng paraan.

10 hours ago.

Matapos naming umalis sa VIP Room para iwanan ang maglola at makapag-usap sila ng masinsinan ay sabay-sabay kaming dumiretso nina Reighn, Zab at Avianna sa kwarto ko para roon mag-usap. Kung saan walang makakaistorbo at makakarinig sa mga pag-uusapan naming.

Nang makapasok kami sa kwarto ay inihagis sa akin ni Reighn ang isang phone kaya taka ko siyang tinitigan.

“Isa ‘yan sa mga pumasok sa Mansyon ng mga Fuentabella,” pagpapaliwanag niya.

Binuksan ko ang phone na iyon at inilagay sa video kung saan ang isang lalaking nasa upuan habang duguan ang mukha nito. Pinapaamin siya ni Kuya Harry kung anong ginagawa nila sa bansang ito.

“Hindi ako tanga para umamin at ipahamak ang amo ko,” hirap nitong sabi habang nakangisi ng mala demonyo. “Pero dahil inutusan niya akong dalhin ang mensaheng ito pagbibigyan ko kayo,” arogante itong tumingin sa mga mata ni Kuya Harry bago dumura at nagsalita. “Alam nilang dadalhin ninyo sa Achad ang itinakdang papalit sa namatay na konseho ng Departamento ng Dipensa.” saka ito tumawa ng malademonyo.

“Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo bukas,” makahulugan kong sabi kina Zab, Avianna at Reighn.

Iyon ang dahilan kung bakit magkakaiba kami ng kotseng sinakyan para hindi kami mahirapan sa paglilipat ng sasakyan dahil sa mga bomba nilang itinanim sa mga sasakyan namin na mabilis namang naayos nina Zab at Avianna.

Magdadalawang oras na kaming nakasakay sa eroplano, kalahating oras nalang ay malapit na kaming makarating sa Achad. Isang mabigat na buntong hininga ang pinakawalan ko bago ibinaba ang magazine na binabasa ko at taas kilay na hinarap si Lance.

Kanina pa siya hindi nagsasalita.

Tahimik lang siyang nakatingin sa labas ng eroplano habang pinagmamasdan ang asul na asul na kalangitan at mga ulap na siyang mas lalong nagpaganda sa tanawin. Bahagya akong napalingon sa kanyang likuran kung saan nakita ko ang tatlo kong mga kaibigan na mahimbing na mga natutulog.

Magkaharap kami sa upuan ni Lance na siyang sinadya ko habang si Kuya Harry naman ang nasa tabi ko na siya ring natutulog. Maging ako ay napatingin na rin sa bintana at pinagmasdan ang mga ulap bago ko napagpasyahan na magsalita.

“May batas at ibang paraan ng pamumuhay ang mga tao sa Achad, dadalhin kita sa Lugar Sanayan para hubugin ang kakayahan mo sa pakikipaglaban. Kung gusto mong iligtas ang mommy mo kailangan mo nang manirahan sa Achad.” diretso kong sabi sa kanya. Gulat siyang napalingon sa akin.

Hindi ba sinabi sa kanya ng Lola niya?

“What did you say?” kunot ang noo niyang tumingin sa akin.

“Hindi sinabi sayo ng Lola mo ang dahilan?” naguguluhan kong sagot sa kanya. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin.

Kung alam ko lang hindi na ako nagsalita.

“Sabihin mo anong nangyari kay Mommy?” muli kong dinampot ang magazine at muling itinuon ang pansin ko pero ganoon nalang ang pagsalubong ng kilay ko nang agawin niya sa akin iyon. “Dahil ba sa ‘kin?” Nakaturo niyang sabi sa sarili niya.

Sakin ba dapat manggaling ang mga dapat niyang malaman?

“Wala akong sasabihin, hindi dapat sakin manggaling ang mga malalaman mo,” muli kong inagaw sa kanya ang magazine ko, gamit iyon ay tinakpan ko ang mukha ko at muling nagtingin-tingin doon.

“May isang batas na nilabag si Lady Lara,” pareho kaming napalingon ni Lance nang magsalita si Kuya Harry na halatang kagigising lang.

 “Ang ingay ninyo, nagising tuloy ako.” Pinalagutok pa niya ang leeg niya bago siya nakangising tumingin kay Lance kaya kaagad ko siyang sinamaan ng tingin. 

“Ayaw mong sabihin sa kanya? Kaya ako ang magsasabi.” aroganteng niyang sabi habang nakatingin sa akin kaya napalingon ako kay Lance na wala pa ring reaksyon.

Muli akong napapikit dahil hindi ko na alam ang sasabihin at dapat kong gawin. Hindi ko siya pwedeng hayaan nalang na walang alam bago pumasok sa bansang Achad, kung hindi mas malaking problema ang kahaharapin namin.

“7 years old ka ng umalis kayo ng Achad, wala kang maalala na kahit na ano dahil sadyang binura iyon sa isipan mo.” panimula ni Kuya Harry. Sumenyas ako sa kanya na tumigil siya at sinamaan siya ng tingin dahilan para iiwas niya ang tingin niya at ituon ‘yon sa ibang lugar.

  “Inilabas ka ng Achad ni Lady Lara para dalhin sa ibang bansa, naging madali lang iyon dahil galing kayo sa isang maharlikang angkan. Bawat isang taong mula sa isang maharlikang angkan ay pinapayagan na makalabas ng bansa ngunit may batas ang Achad na pag nasa hustong gulang ka na ay kailangan mo nang bumalik sa Achad na siyang sinuway ng iyong ina. Balak ka niyang patirahin sa ibang bansa habang buhay malayo sa Achad, na isang bagay na napakaimposibleng mangyari,” sa pagkakataong iyon ay ako na ang nagsalita dahilan para sa akin mapatingin si Lance at magtama ang aming mga mata.

“Sa Achad ka pinanganak kaya kamatayan lang ang maaaring makapagputol ng ugnayan na iyon. Para mailigtas mo sa isang katiyakan na kamatayan si Lady Lara, kailangan mong mangakong papalitan ang tungkulin na naiwan ng yumao mong ama sa oras na handa at kaya mo na,” unti-unti ang walang reaksyon niyang mga mata ay napalitan ng pangingilid ng kanyang luha.

Parang may kung ano sa d****b ko ang bahaging nasaktan para sa kanya nang makita kong muli ang mga mata niyang nangungulila. Inilihis din niya ang tingin niya sa akin at inilipat iyon sa labas ng bintana.

“Hindi ka rin ba nagtataka? Ibang lenggwahe na ang ginagamit ko ngunit naiintindihan mo ako? Hindi na rin ako magugulat kung kaya mo akong kausapin sa lenggwaheng ginagamit ko,” hindi na sana ako magsasalita ngunit muli kong narinig ang tinig niya gamit ang lenggwaheng Achad.

“Magsalita ka pa, nais kong maalala ang mga bagay na dapat alam ng isang myembro ng Maharlikang Angkan ng Achad,” walang reaksyon niyang sabi at nananatiling nakatingin sa labas ng bintana.

“Ang Achad ay isang Monarkiyang bansa na pinamumunuan ng Hari at Reyna. Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay may apat na klase ng pangkat ng mga tao. Una ay ang mga Maharlikang Angkan, sila ang mga pamilya na may likas na kayamanan at kapangyarihan sa Achad, kadalasan sila ang mga naninirahan sa ibang bansa. Pangalawa ang mga Konseho na siyang mga pinuno ng bawat departamento na mayroon ang Achad. Pangatlo ay ang mga ordinaryong mamamayan at Panghuli ang mga Espesyal na mga Kababaihan.”

“Isa kang importanteng tao na dapat sa Achad naninirahan, sapat na ang mga taon na inilagi mo sa ibang bansa,” makahulugan kong dagdag.

Alam kong hindi sapat ang mga salitang binibitawan ko upang maunawaan niya ako. Marami pa siyang dapat na malaman at maunawaan tungkol sa Achad.

“Sino ang mga taong gustong pumatay sa akin?” namumula ang mga mata niya nang muli itong tumama sa akin. Hindi siya umiyak ngunit ang mga mata niyang kanina lang na maraming katanungan at pangungulila, ngayon ay kakikitaan mo ito ng galit.

“Ang legal mong ama,” bahagya siyang napakunot ng noo sa naging sagot ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status