Share

Kabanata 2

Tadeo

"MALI ang ginawa mo kanina, hindi mo dapat sinagot sagot si Boss." Kalmadong pangaral ko kay Allan habang papauwi kami galing sa pakikipag-usap kay Andrie De Catalina ang nagmamay-ari ng buong isla na siyang amo namin.

Boss ang tawag sa kanya ng lahat dahil ayaw niya ng ma'am o kahit na anong tawag na pambabae. Hindi ko maintindihan 'yon, babae siya pero kung kumilos siya ay parang lalaki at talagang pangangatugan ka ng paa kapag tiningnan ka gamit ang seryosong mukha. Maganda siya sobra pero mas nakakatakot pa sa tigre.

"Hindi mali ang ginawa ko Kuya pinagtanggol lang kita isa pa ang sama ng ugali niya kamo," angal ng kapatid ko. Isa pa 'to mas lalaki pa sa'kin kung kumilos at magsalita.

"Kahit na boss pa rin natin 'yong tao."

"Hindi siya tao kuya demonyo siya na nagkatawang tao, ang sama sama ng ugali nautal ka lang ng konti tinanggal ka na sa trabaho." Hindi paawat na sabi niya.

"Wag kang manghusga ng kapwa magagalit sa'yo si Lord, may kabutihan ang bawat isa sa'tin siguro ay wala lang siya sa mood dahil sa problemang nadatnan niya dito." Pagtatama ko pa rin sa kanya," dinig mo naman kapag ikinukwento siya ni Cathy at Candros diba? Palagi nilang binibida ang kabaitan ng ate nila."

Malapit sa'min ang magkapatid na Cathy at Candros dahil ako ang nagturo sa kanila sa pangangabayo, ako ang nalalapitan nila kapag gusto nila ng mga prutas o kapag may mga proyekto at takdang aralin sila patungkol sa mga pananim. Masaya ako kapag natutulungan sila kaya napalapit na rin ako sa kanila.

"Malamang ate nila 'yon, nakapagtataka nga e. Ang bait bait ni Cathy at Candros pero ang ate nila ay mahaba ang sungay, paano nangyari 'yon? Baka naman hindi talaga nila totoong ate 'yon."

Napapailing nalang ako dahil sa pananaw at klase ng pagsasalita ng kapatid ko.

"Ang mabuti pa tulungan mo nalang ako," pag-iiba ko sa usapan.

"Tulungan saan?" Inayos niya ang basketball cap na nasa ulo niya.

"Gagawa ako ng presentation."

"Presentation? Gagawa ka ng presentation tungkol d'on sa sinabi ni Demonyeta---"

"Andrei ang pangalan n'ong tao at dapat boss ang tawag mo sa kanya dahil amo natin siya," pagtatama ko ulit sa matabil niyang dila.

"Tsk. Tsk. Wala akong paki sa pangalan niya, mabalik nga tayo sa usapan kuya. Bakit ka gagawa ang presentation eh tinanggal ka na nga sa trabaho."

Napabuntong hininga ako. "Tama naman siya, hindi nararapat na maging pinuno ng grupo ang mahina ang loob at walang kakayahang isigaw ang karapatan ng mga tagasunod nila kaya dito ko sisimulan. Magpepresent ako ng mga kailangan at problema sa pagsasaka, naisip ko na baka sinusubukan niya lang ako bilang pinuno."

"Ewan ko sa'yo, Kuya, bakit ka nga ba nautal kanina? Lampa ka lang at iyakin pero hindi naman pilipit ang dila mo." Usisa niya. Natatawa nalang ako kapag sinasabi niyang lamap ako at iyakin totoo naman kasi lahat ng 'yon.

Hindi ko rin alam kung bakit ako gan'on basta kapag may tumutulak sa'kin o nang-aapi ay hindi ako lumalaban o nag-iisip ng paggante iiyak nalang ako. Sabi nga ni Nanay at Tatay, hindi solusyon ang paggante dahil sa huli kung sino ang nagtanim ng galit sa kalooban ay siyang talo dahil hindi magiging masaya.

"Natakot ako sa presensya ni Boss at natulala rin ako kasi ngayon ko lang siya nakita at ang ganda niya pala."

Ito ang unang pagkakataon na nakita ko ang mismong amo namin na siyang nagmamay-ari ng buong isla dahil hindi naman siya madalas dito at kung nandito man siya ay hindi siya nagpapakita sa kung sino mang mga tauhan niya. Kanina nga kung wala kami sa welga ay hindi naman namin makikita 'yon, kumbaga ay nagkataon lang. Akala namin nasa Maynila siya at nag-aasikaso ng kompanya nila.

Napaaray ako ng kurutin ako ni Allan sa tagiliran habang mayabang siyang nagtaas ng kilay.

"Wag na wag mong pupuriin ang amo natin kuya dahil 'yan ang simula ng paghanga at ngayon palang sinasabi ko na sa'yo maling tao ang hahangaan mo kapag nagkataon." Seryoso niyang  sabi.

Hindi na ako kumibo pa dahil mauuwi lang kami sa pagtama ng nga maling sinasabi niya. Ako ang mas matanda sa aming dalawa at ako ang kuya niya pero kung umasta at magsalita siya ay parang siya ang maraming alam. Pinapabayaan ko nalang siya dahil doon siya masaya.

Malapit na kami sa bahay ng tapikin ako ni Allan sa balikat. "Sige kuya sa palengke na ako, ihinatid lang kita kasi baka may mangtrip na naman sa'yo sa daan," aniya at nakapamulsang tinahak ang daan papuntang palengke.

Naiintindihan ko kung bakit niya nasabi 'yon. Hindi lang iisang beses o dalawang pagkakataon na umuwi akong madumi o may mga pasa sa katawan dahil halos hindi ko na mabilang ang mga araw na palaging may mga binata o mga kaedaran ko na pinagkakatuwaan akong saktan. Hindi ako gumagante dahil kapag ginawa ko 'yon baka mas lumala ang sitwasyon.

"Nay, nandito na po ako!" sigaw ko ng makarating sa harap ng pintuan ng bahay namin.

Gawa ang bahay namin sa pawid at kahoy, isang tipikal na bahay sa mga isla at tulad naming mahirap. Para lang itong isang kubo tapos maraming mga gulay na nakatanim sa paligid.

Walang walang ito sa mansyon na pagmamay-ari ng mga amo namin. Lahat ng mga tao dito sa isla ay nagtatrabaho sa mga De Catalina at ang buong lupain ay sa kanila.

"Susmaryosep! Tadeo ano na namang nangyari sa'yo at putikan na naman 'yang damit mo?" Agad na lumapit sa'kin si Nanay ng makita ang hitsura ko.

"Naku nay nadapa lang po ako dahil sa pagsisiksikan ng mga tao habang nasa tarangkahan kami ng mansyon ng mga De Catalina," natatawang sabi ko. Agad kong hinubad ang suot kong damit dahil kanina pa ako nanlalagkit.

"Naku kang bata ka hindi ka nag-iingat paano kung nasugatan ka?" Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Nanay kaya natawa ako, hindi pa siya sanay gayong halos araw araw akong umuuwing putikan dahil bukod sa palagi ako sa taniman at paggawa ng feltilizer ay napagkakatuwaan din ako.

"Ayos lang po ako Nay kaya wag ka ng mag-alala ililigo ko lang 'to tapos ayos na," sabi ko.

Naglakad na ako sa likod bahay namin kung nasaan ang poso. Kumuha ako ng balde at tabo pati na rin ang lagayan ng sapong panligo ay binitbit ko rin.

"Oh, Tadeo napagkatuwaan ka na naman ba?" Bungad sa'kin ni Tatay na abala sa pagsisibak ng kahoy malapit sa poso.

Umiling ako. "Nadapa lang po Tay." Iinilapag ko ang mga dala ko sa malaking bato na nasa tabi ng poso at lumapit kay Tatay.

"Tay ako na diyan, sabi ko naman sa inyo na wag na kayong gumawa ng kung ano dahil ako nalang." Hinawakan ko na ang palakol na nasa kamay niya.

"Naku talaga itong batang 'to parehong pareho kayo ni Lany palagi niyo kaming itinuturing na hari at reyna ng inyong ina. Hindi iyon bagay sa amin sapagkat mahirap lang tayo." Natatawang sabi niya at inalis ang kamay ko sa tangka kong pag-agaw ng palakol.

"Tay, mahirap man tayo pero gusto naming pagaanin 'yon para sa inyo. Malaki na kami ni Allan kaya kami naman ang mag-aalaga sa inyo tulad ng ginawa niyo noong maliliit pa kami." Tuluyan kong kinuha sa kamay niya ang palakol at sa pagkakataong iyon ay wala siyang nagawa.

"Napakaswerte ko talaga sa inyong dalawa ni Lany, kaya masaya ako kahit mahirap lang tayo dahil sa sobrang bait ng mga anak ko." May masayang ngiti sa labi niya kaya napangiti na rin ako. Masaya ako kapag masaya ang mga magulang ko kaya palagi naming ginagawa ni Allan ang lahat para sa kanila.

"Tano kapag narinig ka ng dalaga mo at ang tawag mo sa kanya ay Lany naku siguradong magmamaktol na naman 'yon." Napabaling kami sa bintana ng kusina kung nasaan si Nanay na nagtatahip ng bigas para sa sasaingin.

Nagtawanan kami. Ayaw na ayaw ni Allan na tinatawag siyang Lany dahil para lang daw 'yon sa mga babae at hindi daw siya babae. Baliw rin minsan 'yong kapatid ko.

"Iyong dalaga mo talaga Deling ay kung umasta parang lalaki, paano ako magkakaapo agad kapag gan'on," biro ni Tatay at lumapit sa kinaroroonan ni Nanay habang ako ay nagsimula na sa pagsisibak ng panggatong.

Mamaya nalang ako maliligo dahil makakapaghintay naman iyon. Mas dapat kong unahin ito bago pa mangulit si Tatay na siya nalang ulit ang gumawa nito.

"Ano ka ba Tano wag mong madaliin si Allan dahil bata pa siya mas matanda itong si Tadeo kaya siya muna ang mauna at magkaanak ng sa gayon ay magkaapo na tayo." Pagpaparinig ni Nanay, nagkunwari akong walang narinig at lihim na natatawa.

Panay na kasi ang pilit nila sa'king mag-asawa dahil hindi daw ako bumabata. Hindi sa ayaw ko ng ideya na iyon pero mas gusto ko munang ialis ang mga magulang ko sa hirap bago ko gawin ang mga bagay na para sa'kin dahil kung mananatili kami sa ganitong buhay paano naman ang kinabukasan ng magiging asawa at anak ko. Ayokong lumaki sila sa hirap dahil ayokong maranasan nila lahat ng naranasan ko.

"Oo nga naman, Tadeo wala ka bang napupusuan sa mga kadalagahan dito sa atin?" May halong pambubuskang tanong ni Tatay.

Ngumiti ako sa gawi nila at umiling.

"Wala Tay at kung meron man ayoko pa pong mag-asawa o magkaroon ng kasintahan dahil hindi pa po natin napapagawa itong bahay." Sagot ko. Nagkatinginan sila at sabay na napasimangot.

"Anak naman hindi natin kailangang ipagawa itong bahay dahil kontento na kami sa kung anong meron tayo ngayon, payak na pamumuhay pero masaya. 'Yong pag-iipon mo ay ilaan mo nalang sa pagpapamilya," sabi ni nanay.

"Nay tutuparin ko po ang pangako ko sa'yo, hindi man tayo yumaman atleast mapalaki ko ang bahay natin at makabili ng mga kagamitan," kontra ko.

Hindi na sila umimik pa kaya bumalik na ako aa pagsisibak. Pagkatapos kong masibak ay sinalansan ko ang mga 'yon at hinakot papasok sa loob ng kusina kung nasaan ang kalang de kahoy na ginagamit sa pagluluto. Ibinalik ko na rin ang palakol sa sisidlan nito.

Bumalik ako sa poso at nagsimulang mag-igib ng tubig sa banyo namin, gawa rin lang sa pawid ang dingding at bubong nito ay nasa gilid iyon ng kusina. Iyon ang gawain ko bago maligo sa likod bahay, sinisigurado ko munang may mga laman ang mga balde na nasa banyo para kung sakaling may gagamit ay hindi na kailangang mag-igib pa. Mga limang balde rin ang inigib ko bago ako tuluyang maligo sa tapat ng poso, dito kami naliligo dahil hindi pwede sa banyo dahil madali iyong magbara kapag doon dahil sa dami ng tubig.

"Tadeo dalian mong maligo at nandito si Cathy sa labas hinahanap ka." Dinig kong tugon ni Nanay at bumalik na siya sa bahay.

Binilisan ko ang pagligo at nang masigurong malinis na ang katawan ko at buhok ay syaka na ako pumasok sa banyo at doon nagbihis.

"Sandali lang iha at nagbibihis pa siguro iyong si Tadeo," boses iyon ni Tatay na naulinagan ko pagpasok ko sa kusina. Tumuloy ako sa maliit na sala ng bahay namin ng masigurong tuyo na ang buhok ko.

"Oh narito na siya." Si Nanay. Ngumiti ako ng makita si Cathy na nakaupo sa upuan namin gawa sa kawayan. Nakasuot siya ng short na maong at long sleeve na tinupi hanggang siko na pinarisan ng boots. Sa unang tingin ay masasabing mayaman ang bata. May suot itong gintong kwentas at mamahaling relo.

"Hi, Kuya Tadeo," bati niya sa'kin. Ginulo ko ang buhok niya at umupo sa katapat niyang upuan.

"Kabayo ba ang gamit mo parito?" tanong ko.

"Opo, hindi rin po ako magtatagal kasi ang bilin ni ate ay hindi ako dapat na lumabas sa premises ng mansyon." Nakasimangot niyang sagot.

"Nandito lang po ako kasi gusto ko pong magsorry sa mga sinabi ni Ate kanina, mainit lang po ang ulo niya dahil sa kapalpakan ni Kuya Candros."

"Naku wala lang sa'kin 'yon tama naman ang mga sinabi niya."

"Pasensya na po talaga Kuya masungit lang po talaga si Ate kasi walang nagpapasaya sa kanya." Humagikhik siya sa sariling sinabi kaya natawa ako.

Malayong malayo ang masaya niyang aura sa madilim na presensya ng Ate niya, siguro dahil napakabata niya pa para makita ang tunay na kahulugan ng buhay.

"Anong tawag mo sa inyong dalawa ni Candros?"

"Iba naman po 'yon, ang ibig kong sabihin 'yong boyfriend thing po ba este girlfriend pala sabi kasi ni Ate Pulahan ay babae daw ang gusto ni Ate sayang irereto pa naman sana kita," aniya.

Nagtataka naman akong napatingin sa kanya.

"Paanong babae ang gusto niya diba't babae rin siya?"

"Tawag po do'n lesbian."

Alam ko naman 'yon pero hindi lang ako makapaniwala na sa ganda niya ay babae pala ang gusto niya. Ayos lang naman iyon dahil nasa moderno na kaming panahon.

Napatingin kami sa mamahaling cellphone ni Cathy na ipinatong niya sa maliit naming mesa na gawa rin sa kawayan ng tumunog iyon. Nabasa ko ang pangalan nag tumatawag dahil sa lapad ng screen ng cellphone niya.

Ate Ganda Calling...

"Wait lang po Kuya." Sinagot niya iyon.

"Hello Ate---"

"What the fucking hell Catherine De Catalina!" Iyon ang bumungad, galit na boses ni Andrei.

Nakaloud speaker kaya napangiwi si Cathy. Napakamot siya sa batok pero hindi naman nakaramdam ng takot dahil siguro sanay na siya.

"What did I tell you?"

"Ahm. Hindi ako pwedeng lumabas sa mansyon premises."

"Tapos nasan ka ngayon? Gusto mong matulad kay Candros." Hindi ito sumisigaw pero madiin ang bawat salita kahit ako ay napapangiwi.

"Sorry naman ate, uuwi na po ako," malambing na sagot ni Cathy.

Nadinig ko ang pagbuntong hininga sa kabilang linya. "Okay, okay just go home okay? Nag-aalala si Ate baka mapa'no ka sa pagsakay sa kabayo. Just go home Cathy hindi ka pa kumakain." Malambing na ang boses nito. Kitang kita ko ang sayang kumislap sa mata ng bata dahil sa sinabi ng ate niya.

"Yes ate, uuwi na po ako, sorry kung matigas ang ulo ko." Ngiting ngiting sagot ni Cathy at kumindat pa sa gawi ko.

"It's okay, go home now sabay sabaty tayong kakain."

Pagkatapos n'on ay namatay na ang tawag at siya namang masiglang pagtayo ni Cathy.

"I need to go na Kuya Tadeo my Ate is looking for me na po, pasensya na po ulit."

"Ayos lang, mag-ingat ka sa pagsakay sa kabayo." Tugon ko, ihinatid ko siya sa labas ng bakuran namin at hinintay na makasakay sa kabayong gamit niya muntikan pa akong madapa ng matisod sa nakausling ugat sa may bakod namin, lihim akong napangiwi. Nakangiti siyang kumaway ng patakbuhin na niya iyon.

"Bye!" sigaw niya at tuluyang umalis.

Bumalik na ako sa loob ng bahay para simulan ang presentation na gagawin ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status