Share

Chapter 1

"Ano?! Inuutusan mo 'kong magnakaw? Are you insane, Carlos?"

Binagsak ko ang kutsara sa pinggan habang patuloy sa pagkain si Carlos sa harapan ko. Halos bumagsak ang panga ko sa binti ko samantalang prente lang siyang ngumunguya.

"Iyan ka na naman sa pagka-O.A mo. Chill! Gusto mo ng magandang bahay at mamahaling damit diba? Edi gawin mo iyong pinapagawa ko."

"Seryoso ka ba?" Kulang na lang ay magdikit ang mga kilay ko.

"Shanaya, tignan mo 'ko sa mga mata." Inabot niya ang kamay ko mula sa lamesa. "Mukha ba akong nagbibiro?"

Parang may pumihit sa dibdib ko nang tumitig sa kailaliman ng mga mata niya. Gusto kong alisin ang kapit ng kamay niya pero namanhid ako.

"Carlos, nababaliw ka na talaga--"

"Anong nababaliw? Shan, ang ganda ng plano ko! Pinakinggan mo ba 'ko kanina? Isang ginto lang, Shan. Isang ginto lang at makakaalis na tayo sa apartment na 'to, sa lugar na halos pandirihan mo."

Umiwas ako ng tingin. Parang sumakit ang mga mata ko't napahilamos ako sa noo. Ang inet na nga, lalo pa 'kong pinagpawisan sa pinagsasasabi niya.

"Carlos, ang sabi mo bibigyan mo 'ko ng magandang buhay." Bumuntong hininga ako. "Hindi mo naman sinabing kailangan ko munang magnakaw bago mo magawa iyon!"

"Babe, ano ba? Masyado mong pinapakomplika ang mga bagay-bagay. Magnanakaw ka lang, isang beses lang-- ano bang mahirap do'n?"

Gusto ko na siyang batuhin ng tinidor. Pasalamat siya't nakakapagtimpi pa 'ko.

"Tignan mo iyong apartment natin," dagdag niya. "Tangina ikaw na iyong nagsabi, gustong-gusto mo ng makaalis dito. Rinding-rindi na 'ko sa paulit-ulit mong reklamo na ang init, walang masarap na pagkain, ang daming ipis at kung ano-ano pang kaartehan mo. Gusto mong makaalis dito diba?"

Parang may talim ang mga mata niyang hinukay ang dibdib ko. Nilibot ko ang paningin sa pipichugin naming tirahan. Napakunot ang noo ko nang makita na naman kung gaano kadumi, kasikip, at kadugyot tignan iyong tinitirhan namin. May butas pa ang mga kisame kaya sa tuwing umuulan, para kaming walang bubong.

Mariin akong pumikit at napabuntong hininga. "Malamang gusto kong makaalis dito, Carlos. Pagod na pagod na 'ko rito."

"Ako rin." Nagkibit balikat siya. "Kaya nga gawin mo na iyong plano natin. Simple lang naman iyon, kukuha ka lang ng ginto sa magiging amo mo."

Parang may pumisa sa dibdib ko. Hindi ko pa man ginagawa ay kinakabahan na ako.

"Paano naging simple iyon? Ikaw kaya ang gumawa!"

"Shan, buo na iyong plano. Napaayos ko na iyong peke mong birth certificate at nakahanap na rin ako ng mansyong papasukan mo. Hindi naman nila alam ang totoo mong pangalan. Sa oras na makakuha ka ng ginto, aalis agad tayo. Lalayo na tayo rito at pangako, ibibigay ko na sa 'yo iyong buhay na pinapangarap mo."

Kinagat ko ang ibabang labi. Umiwas ako ng tingin, may parte sa akin na gustong subukan ang plano niya pero may parte ring natatakot.

"Paano 'pag nahuli ako?"

"Hindi ka mahuhuli kung hindi ka magpapahuli." Sumubo siya ng longganisa.

Napangiwi ako; nakikita ko pa lang iyong paulit-ulit naming ulam, nauumay na ako.

"Paano ako makakakuha ng ginto? Malamang mahigpit ang security ng mga mayayamang tao."

Tinignan niya 'ko na parang hindi siya makapaniwala sa tanong ko.

"Shan, nakinig ka ba kanina? Pinaliwanag ko na sa 'yo ang lahat. Sinigurado kong lalake ang magiging amo mo, kuhanin mo lang ang loob niya at madali mo na lang masusundan ang plano kapag magawa mo iyon."

"Paano ko kukuhanin ang loob niya?"

"Gamitin mo iyang ganda mo." Kumindat siya.

Napairap ako, ang hirap kiligin sa mga ganitong sitwasyon. Bumuntong hininga ako't nilibot ulit ang tingin sa apartment namin. Pinunasan ko ang pawis sa sentido ko.

"Ang init, badtrip lalo," bulong ko.

Sarkastiko siyang tumawa. "Kaya nga pumayag ka na sa plano ko. Isang beses lang, Shan. Isang ginto lang at malaya na tayo sa kahirapang 'to."

"Ay shit shit!" Napatalon ako patayo nang may gumapang sa paa ko, halos magpapadyak ako nang makita ang ipis na mabilis tumakbo palayo sa 'kin. "Putang--i!" Napasabunot ako't muntik ng mabato ang platik na upuan, buti na lang ay napigilan ko ang sarili.

Sinamaan ko ng tingin ang malakas na pagtawa ni Carlos.

"Ano? Ayaw mo pa rin iyong plano? Shan, gising! Malaking opportunity sa 'tin iyon."

Padabog akong umupo ulit. "Bahala na; ewan!"

Halos isang linggong paulit-ulit tumakbo sa akin iyong alok ng boyfriend ko. Araw-araw niya rin namang pinapaalala sa 'kin na magdesisyon na ako. Tumagilid ako sa pagkakahiga. Napasimangot ako sa tigas ng kama at sa ingay ng mga sasakyan sa labas. Inaantok pa 'ko pero gising na gising na iyong mga tsismosa sa katabi naming bahay. Napakaingay ng lugar! Hindi pa rin ako masanay-sanay.

Akala ko noong una'y madali akong makakapag-adjust. Kaasar, ang tagal ko ng nananatili rito, araw-araw pa rin akong nauumay. Buti na nga lang at mahal ko si Carlos, siya na lang ang nag-iisang dahilan kung bakit excited akong gumising sa umaga.

"Anong iniisip mo?" Pumalupot ang braso niya sa baiwang ko sabay dampi ng labi niya sa batok ko. Nakatagilid ako patalikod sa kanya habang mahigpit siyang nakayakap sa akin. Hinawakan ko ang braso niya sa baiwang ko't hinimas-himas iyon.

Kung hindi dahil sa pagmamahal ko kay Carlos, baka matagal na 'kong umalis sa nakakarinding lugar na 'to. Totoo nga ang sabi nila, kapag nagmahal ka, handa mong isakripisyo ang lahat.

"Ang lalim niyan ah," bulong niya.

"Anong malalim?"

"Ng iniisip mo. Tungkol pa rin ba iyan sa plano natin?"

Umayos ako ng higa hanggang sa nagtatama na lang ang braso namin. Magkatitigan kami; hindi ko talaga siya matanggihan lalo na kapag nakikita ko ang mga mata niyang makislap.

"Tingin mo kaya kong gawin iyon?" bulong ko.

"Kaya mo. May tiwala ako sa 'yong kayang-kaya mo."

"Pano 'ko kukuhanin iyong loob ng magiging amo ko? Aakitin ko siya? Ayos lang sa 'yo na may aakitin akong iba?"

Hinimas niya ang pisnge ko saka dinampi ang mainit niyang labi sa labi ko. Tipid siyang ngumiti nang kumawala siya sa halik.

"Ayos lang. Gano'n talaga, kailangan mag-sarcrifife para maging successful ang plano." Parang binabaunan niya ng gayuma ang mga mata ko habang kumakapit ang hininga niya sa ilong ko. "Saka pansamantala lang naman iyon. Aakitin mo lang naman siya pero hindi ka magpapagalaw."

Uminit ang pisnge ko sa naisip niya. Syempre hindi! Hello! Loyal na loyal ako sa kanya. Ayoko nga iyong idea na may aakitin akong iba, kahit bilyonaryo pa iyan!

"Hinding-hindi." Pinadulas ko ang daliri ko sa matangos niyang ilong.

"Dapat lang." Tipid siyang ngumiti. "Aakitin mo lang siya pero sa akin pa rin ang bagsak mo. Sa akin ka lang, hanggang titig lang iyong Vladimir na iyon, ulol ba siya."

"Vladimir?" Kumunot ang noo ko.

"Oo. Vladimir de Hanson ang pangalan ng biktima natin. Sa Hacienda de Hanson ka magtatrabaho bilang katulong."

Napalunok ako sa biglaang panunuyo ng lalamunan ko. Natulala ako sa labi ni Carlos habang paulit-ulit tumakbo sa pandinig ko ang pangalan ng magiging amo ko.

Vladimir de Hanson, iyong lalakeng nakilala ko sa isang bar noon, iyong lalakeng nakapagpa-turn on sa 'kin three years ago! Siya ang magiging amo ko?!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status