Share

Chapter 4

"Sa susunod hintayin mo ang hudyat ni manang Nancy 'pag mag-aalmusal na kayo. Sabay-sabay kumain ang mga katulong dito." Umupo si Vlad sa tapat ko.

Parang may naimplt sa dibdib ko't hindi ako makapagsalita. Hindi na rin ako makakakain nang maayos, hirap na hirap bumuka ang bibig ko kada susubo ako ng tinapay. Ang gwapo ng na sa harapan ko. Wala naman akong pakialam sa gwapo kasi may boyfriend na 'ko but still.

"Timplahan mo nga muna ako ng kape," utos niya.

"Po?" Kumurap-kurap ako.

"Timpalahan mo 'ko ng kape." Walang emosyon sa mukha niya, hindi ko mabasa ang na sa isip niya habang nakatingin siya sa 'kin.

"Masusunod po, mahal na hari," sarkastiko kong bulong saka kumuha ng tasa at hinanda ang coffee maker niya.

"What did you say?"

Nakatalikod ako, hindi ko kita ang mukha niya pero na-imagine ko na kung paano kumunot ang makapal niyang kilay.

"Ang sabi ko, mahal na hari. Hindi ba't ikaw naman po talaga ang hari rito, don Vladimir." Hinintay kong bumuhos ang lahat ng kape sa tasa mula sa coffee maker.

"Sina-sarcastic mo ba 'ko, Hana?"

Napatingin ako sa kanya habang hawak ko ang tasa at platitong pinagpapatungan niyon. Nilapag ko sa harapan niya iyong kape saka ako umupong muli.

"Hindi po, don Vlad."

"Bilisan mo ang pagkain mo nang makapaglinis ka na."

Tumayo ako saka kinuha ang platitong may tinapay pa. Akmang ilalagay ko na iyon sa lababo nang umubo siya.

"Anong gagawin mo?" tanong niya.

"Tapos na po ako. Maglilinis na 'ko."

"Hindi pa ubos iyong tinapay mo."

Napatingin ako sa garlic bread, sawang-sawa na 'ko sa tinapay. Paulit-ulit iyon na lang ang almusal ko araw-araw.

"Busog na po ako."

"Ubusin mo iyan. Ayoko ng nagsasayang ng pagkain dito."

"Pero--"

"Umupo ka rito at ubusin mo iyan."

Napasimangot ako, padabog na bumalik at umupo sa harapan niya. Umawang ang labi niya, parang gulat na gulat siya sa 'kin.

"Nagdadabog ka?"

Napairap ako. Daig niya pa ang nanay ko kung magsalita.

"Hindi po."

"Bakit ganyan ang histura mo?"

Hindi ko mawari kung anong tinitignan niya sa mukha ko. Kanina pa hindi maalis-alis ang tingin niya sa 'kin. Nakakailang na. Hindi ko naman matanong kung naaalala niya pa ba iyong pagtatagpo namin three years ago. Masisira ang plano namin ni Carlos, 'pag nagkataon.

"Ano pong mali sa hitsura ko, don Vlad?"

Napansin ko ang pagbaba ng tingin niya sa labi ko. Humigop ako sa kape para itago ang hiya. Ano bang iniisip niya? Nagugulumihanan ako. Tumikhim siya saka gumalaw ang adam's apple pagkalunok nang mariin.

"Wala. Ubusin mo na iyang pagkain mo nang makapaglinis ka na."

"Iyan lang ang almusal mo, kape?" tanong ko bago kumagat sa tinapay.

"Minsan," tipid niyang sagot sabay higop sa kape. Medyo namasa ang mapula niyang labi, napansin ko tuloy.

"Kayo talagang mga mayayaman, palagi kayong walang oras 'no."

Kumunot ang noo niya, nilapag niya ang tasa sa lamesa sabay dila sa ibabang labi niya. Ang luscious, mamasa-masa. Ba't kay Carlos mukhang palaging dry?

"We have all the time in the world. We just love keeping ourselves busy."

"Busy? Kaya kahit wala na kayong time sa sarili ninyo at sa mga taong mahalaga sa inyo, okay lang? Basta busy kayo gano'n?"

Lalong kumunot ang noo niya. "Excuse me?"

"Wala po." Napailing ako. Kung ano-ano ng naisip ko, gano'n ata talaga 'pag may kaharap na gwapo, nakakabaliw. Bwiset na Carlos iyon, sa Hacienda de Hanson pa 'ko nilagay pero okay na rin, may gwapo akong amo at crush na crush ko pa tatlong taon na ang nakalipas. May boyfriend pa naman ako kaya hindi pwede. Isa pa, katulong lang ako sa buhay niya so wala ring silbi kung ma-attract ako sa kanya. Kailangan kong mag-focus sa goal; ang kuhanin ang loob niya at kumupit ng isang alahas 'tapos gogora na kami ni Carlos.

Binilisan ko na ang pag-ubos sa tinapay bago pa 'ko lumubog sa kailangan. Pagkatapos kumain, kinuha ko agad ang mop saka nagsimulang maglampaso. Sa salas pa lang nila ay hingal na hingal na ako. Jusme, isang oras at mahigit ata bago ko natapos ang unang palapag.

Hindi ko maintindihan kung ba't kailangan pa 'tong lampasuhin araw-araw, wala namang katao-tao madalas at madalang ang may dumaan sa buong bahay.

Pagkatapos maglampaso ay pinaghugas ako ni manang Nancy. Mga dalawang baso at isang pinggan lang naman ang nabasag ko, kulang na lang ay mag-alburoto ang ilong ni manang sa galit. Akala mo nama'y siya ang gumastos sa mga abubot dito, katulong lang din naman siya.

Dahil sa mga nabasag ko, dinagdagan niya pa iyong trabaho ko, pinagpunas niya 'ko ng mga alikabok sa second floor. Nang mapadaan ako sa office room ni don Vlad, natigil ako nang mapansing may kaunting awang ang pinto. Dahan-dahan akong sumilip, napaatras ako nang makitang nandoon si manang sa harapan ng malaking lamesa ni Vlad.

Nilapit ko ang tainga ko saka nakinig sa usapan nila, baka may marinig akong pwede kong magamit sa pagnanakaw.

"Don Vladimir, ilang beses na pong pumalpak si Hana sa kanyang trabaho. Kada pinaghuhugas ko siya ng pinggan, may nababasag. Kada pinaglalampaso ko, palagi siyang may naiiwang dumi. Madalas pa ay late siyang gumising sa umaga. Palaging palpak ang mga gawin. Don Vladimir , humihingi po ako ng pahintulot na tanggalin na siya sa trabaho."

Nanlaki ang mga mata ko't napaawang ang labi. Kumunot ang noo ko, talagang ayaw na ayaw ng mayordoma sa akin ha! Sinumbong pa talaga 'ko sa amo namin. Bumuntong hininga ako, pinigilang mag-cause ng ingay habang nakadikit ang tainga ko sa bahagyang nakaawang na pinto. Pilit ko rin silang sinisilip sa maliit na butas, nag-iingat na wag bungguin ang pintuan.

"Tanggalin? Gaano na ba siya katagal na nagtatrabaho rito?" tanong ni Vlad.

"Mahigit isang linggo na po, don Vladimir ."

"Isang linggo pa lang pala. Bigyan muna natin siya ng pagkakataon. Nag-a-adjust pa siya sa mga gawain dito."

"Pero don Vladimir, halata namang wala siyang alam sa gawaing bahay."

"Hindi siya makakapasa sa agency kung wala siyang alam. Let's give her a chance."

Tipid akong napangiti. Akala ng mayordoma ha! Pwes, hindi pa rin ako tanggal. Tuloy ang planong nakaw. Naglaho ang ngiti ko, naalala ko na naman ang totoong misyon kung ba't ako napadpad dito.

"Don Vladimir, hindi pa ba sapat ang isang linggo para patunayan niya--"

"My decision is final, manang Nancy. You may go. Hana! Come inside!"

Napaatras ako't sumandal sa pader, nanigas habang nakatago roon. Nakita niya 'ko? Tinawag niya 'ko? Alam niya bang nakikinig ako sa usapan nila? Nginig na nginig ako. Pahakbang na 'ko palayo sa silid nang magsalita ulit siya.

"I know you're there! Pumasok ka rito."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status