Share

Chapter 7

MATAMAN na nakatingin naman ang batang si Maya sa kanyang tiyahin pero ang mga mata nito tila balisa. May gustong sabihin pero ayaw magsalita, iniisip kasi nito na baka kapag nagsumbong siya paghiwalayin sila ni Dolly ang kanyang  manika. Ayaw mangyari ni Maya iyon dahil ayaw niyang mawalan ng kalaro.

Nakita ni Marilyn ang ginawang paghipo ni Maya sa mukha ng manika pero wala naman nangyari sa bata. Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya, ilang araw pa lang sila naninirahan sa bahay ng ate Esmie niya  pero madami na ang nangyayari sa kanya na hindi niya maunawaan. Hallucination nga lang ba niya ang lahat ng iyon o talagang nagpaparamdam sa kanya ang kanyang kapatid, o baka naman napaparanoid lang siya.

Napabuntong hininga si Marilyn, sumasakit na ang kanyang ulo sa kaiisip. Palalampasin niya muna ang mga nangyari sa kanya sa araw na iyon, pero kapag nag tuloy-tuloy pa, kailangan na yata niyang mag pa check up baka over stressed na siya ng hindi niya namamalayan.

KINAGABIHAN pagkatapos maghapunan maagang umakyat ng kuwarto ang magtiyahin. Request sa kanya ng pamangkin na samahan niya itong matulog sa kuwarto nito, kaya nagdala siya ng isang libro na babasahin niya habang hindi pa siya inaantok.

"Goodnight Maya," malambing na sabi niya sa pamangkin at ginawaran niya ito ng isang halik sa noo, inayos niya ang pagkakahiga nito.

"Goodnight Tita," sabi din nito na nakangiti sa kanya. "Goodnight Dolly," Nakahiga din ang manika sa tabi nito.

Natigilan si Marilyn nang marinig niya ang pangalan ng manika. Mabilis din naman niyang sinaway ang sarili dahil kung anu-ano na agad ang naiisip niya sa manika.

"Matulog kana," anang dalaga at bahagyang itinaas nito ang kumot hanggang dibdib ng pamangkin. Nakita niya ang pagpikit ng mga mata ng bata hihintayin niya muna na makatulog ito bago siya magsimulang magbasa.

Nang masiguro na nakatulog na ang pamangkin, nagsimula na din siyang magbasa. Dumapa sa kama ang dalaga malapit sa lampshade, fantasy book ang kanyang binabasa. Nakakalimang pages palang siya nang maramdaman ang paggalaw ni Maya, nakita niya na wala na sa unan ang ulo ng bata. Bumangon siya sa kama at inayos sa pagkakahiga ang pamangkin, napakunot noo si Marilyn nang mapansin na wala na sa tabi ng bata ang manika.

Inabot niya ang kumot sa pag-aakalang baka natabunan lang ang manika, pero wala ito doon sa ibabaw ng kama.

Blag!

Napaigtad sa gulat ang dalaga, narinig niya ang malakas na kalabog buhat sa bintana. Parang may matigas na bagay ang tumama sa glass window. Itinigil niya ang paghahanap sa manika, bumaba siya ng kama at lumapit sa bintana. Atubiling dumungaw sa bintana ang dalaga, may nakita siyang isang batang babae na nakatayo at nakatingala ito, nagtama ang kanilang paningin. Maganda ang batang babae, mahaba ang buhok, maputi at nakasuot ito ng kulay puti na semi-dress.

Bakit may bata dito? 

sino ang batang 'yan? 
sunod-sunod na tanong ng dalaga sa sarili habang pinagmamasdan ang bata na nanatiling nakatayo sa labas. Nakita niya ang pag slow motion na pagtalikod nito.

Sandali bata! sigaw niya para sana pigilan ang pag-alis ng batang babae, nang marealize niyang imposible siyang marinig ng bata dahil nakasarado ang bintana sa kuwartong iyon. Mabilis na lumayo ang dalaga sa bintana balak niya sanang habulin ang nakitang bata, napalundag siya nang may maapakan na matigas na bagay.

Kaya pala hindi niya makita ang manika sa kama ng pamangkin dahil nahulog ito sa sahig, mabilis niya itong dinampot at bahagyang pinagpag muli niyang inihiga sa kama ang manika katabi ng natutulog na pamangkin.

Tinungo ni Marilyn ang pinto at lumabas, binabaybay na niya ang hagdan ng makasalubong ang kanyang ina na paakyat naman ng hagdan. Tumigil sa tapat niya ang kanyang ina.

"O anak, gising ka pa pala ang akala namin ng tatay mo ay nakatulog kana,"

"Nagbabasa pa po ako ng libro inay," sagot niya. "Nay, may napansin ba kayong bata sa labas, doon malapit sa gate?" tanong niya sa ina.

Umiling ang ginang at bakas sa mukha ang pagtataka.

"Paano naman magkakaroon ng ibang bata dito, lalo na sa ganitong oras na ng gabi." Sagot ni Aling Pacing.

"May nakita akong bata nay, nakita ko siya buhat sa bintana ng kuwarto ni Maya nagkatitigan pa nga kami." Anya.

"Baka namamalikmata ka lang anak, matulog kana."

"Hindi nay, totoo ang sinasabi ko. Tara nay, samahan mo ako sa labas silipin lang natin baka naandoon pa ang bata." Yakag niya sa ina, hindi na niya inantay na makasagot ito mabilis niyang hinawakan ang isang kamay ng ina at maingat na isinabay ito sa paglakad pababa ng hagdan.

"Susmaryosep itong batang ire, dahan-dahan lang at baka tayo ay mahulog," reklamo n Aling Pacing.

"Sorry nay," paumanhin ng dalaga at inalalayan ang ina sa paghakbang.

NAPANSIN ni Mang Alfonso ang kanyang mag-ina na papalabas ng bahay, mabilis na napatayo sa sofa ang matandang lalaki para sundan ang dalawa. Tinatahak ng mga ito ang daan papuntang gate hindi pa din napansin ng mga ito ang sumusunod na si Mang Alfonso.

"Wala naman bata dito anak," puna ni Aling Pacing habang nag palinga-linga ito sa loob at labas ng gate.

"Pero nay, nakita ko po talaga kanina nakatayo siya banda dito." Sabi ni Marilyn sabay turo sa isang lugar kung saan niya nakitang nakatayo ang batang babae.

"T'saka anak paanong magkakaroon ng bata dito, malayo naman ang pagitan ng mga bahay dito sa lugar na ito. Tapus alas nuwebe na ng gabi,"

May punto naman ang kanyang ina, alas nuwebe na nga ng gabi at tahimik na ang Paligid. Tanging ang ilaw sa may garahe ang nagbibigay liwanag sa harap ng gate.

"Anong ginagawa n'yo dito?" biglang singit ni Mang Alfonso sa kanyang mag-ina.

Napasigaw naman sa gulat ang mag-ina, muntik ng mahampas sa mukha ni Aling Pacing ang asawa.

"Ano ka ba naman'g lalaki ka, mapapatay mo ako sa nerbiyos eh!" Inis na turan ni Aling Pacing nang makaharap ang asawa.

"Ano ba kasi ang ginagawa ninyong dalawa dito sa labas? ang dilim-dilim dito," muling tanong ni Mang Alfonso.

"Kasi itong anak mo may nakita daw na batang babae dito, nagpasama saakin para hanapin ang bata." Sagot ni Aling Pacing.

"Pero kasi tay, nakita ko talaga iyong batang babae nakatayo dito." Pagpupumilit pa ng dalaga.

"Anak naman, baka napadaan lang 'yong sinasabing mo na bata. Pumasok na tayo sa loob ng bahay mahamog na naandito pa din kayo sa labas."

Parang ayaw pa umalis sa lugar na iyon si Marilyn gusto niya kasing makasiguro na wala na nga doon ang batang nakita niya.

"Marilyn!" tawag pansin ni Mang Alofonso sa natigilang anak. "Tara na't pumasok na tayo sa loob ng bahay,"

"Opo tay," napipilitan na sagot ng dalaga.

Sabay na nga silang tatlo na umalis sa lugar na iyon, pero panay pa din ang lingon ni Marilyn sa may gate pero ni anino ng bata ay hindi na niya nakita.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status