Share

Ikatlong Kabanata

Dahan-dahang ibinuka ni Ruanne ang kanyang mga mata. Ihinarang pa niya ang kanyang palad sa kanyang mata dahil sa biglaang pagkasilaw sa liwanag. Kahit sa malabong paningin dahil sa pagkakagising, naaaninag niya ang mukha ng dalawang lalaking nasa harap niya. Unti-unting naging malinaw ang itsura ng dalawa at agad na lamang siyang napaatras. Hindi niya kilala ang mga taong ito.

"T-Teka, sino kayo? Ha? Anong kailangan niyo?" napapraning na tanong ni Ruanne.

Agad namang umatras ang mga lalaki upang bigyan siya ng espasyo at hindi masyadong magalit. Itinaas ng isang lalaki ang kanyang kamay na parang sumusuko sa pulis.

"Sandali lang, binibini. Wala kaming gagawing masama sa iyo. Nag-aalala nga kami sa iyo at ganyan ang kalagayan mo," sagot nito.

Tinarayan naman ni Ruanne ang dalawang lalaki sa pamamagitan ng pagtaas ng kilay.

"At bakit naman kayo---

"Ruanne? RUANNE!"

Nakarinig na lamang si Ruanne ng paglakad ng heels na papalapit sa kanya. Agad niyang namukhaan ang mabungangang kaibigan. Alalang-alala ang mukha nito nang makalapit sa kanya at alalayan siya patayo.

"G*ga! Anong ginagawa mo riyan? Diyan ka ba natulog?!" nag-aalalang tanong nito.

Tiningnan ni Catalina ang buong katawan ng kaibigan at pinagpag ang dumi sa katawan at damit nito.

Napatingin naman si Ruanne sa paligid. May mga bukas na tindahan at naglalakad na mga tao. Maingay na ang kalye at marami na ring nagsisidaanan na kalesa. Napatingin siya kanyang kinahihigaan kanina at napagtantong nasa gilid siya ng kalye.

Napatulala na lamang si Ruanne. Ibig sabihin ba... natulog siya sa lansangan?

"Siraulo ka talaga. Halika na nga! Mga kuya, salamat ha."

Hindi na nakaimik pa si Ruanne nang hilahin siya ng kaibigan. Hinayaan niya na lamang na tangayin siya nito sa kung saan.

"Sabi ko naman kasi sa iyo, huwag ka nang maglasing. Tingnan mo kung anong nangyari sa iyo. Paano kung manyakis ang nakakita sa iyo? Eh di wala na iyang pagkabirhen mo!"

Napasinghal naman si Ruanne at napairap ng mata habang pinupunasan ng basang tuwalya ni Catalina.

" Ayaw mo niyon? Parehas tayo. "

Napatigil naman si Catalina sa pagpupunas sa kaibigan at napanganga rito. Hindi siya makapaniwalang sinabi iyon ng kaibigan.

"Hoy, mahirap maging isang ina nang walang kaagapay. Buti nga pinapadalhan ako ng nanay ko ng pera eh sagad sa buto ang galit niyon sa akin," komento ni Catalina.

Hindi na naman nakasagot pa si Ruanne. Nang matapos punasan nang basang tela ay tuyong tela naman ang isinunod ni Catalina. Ayaw pa raw kasing umuwi ni Ruanne kung kaya't dinala na lang siya ni Catalina sa fashion house niya mismo at doon sila naglinis sa ikalawang palapag.

"Alam mo, imbis na magpakalasing ka, bakit hindi ka na lang maghanap ng ibang pagkakaabalahan? Hindi ka naman siguro mauubusan ng pera kung mawawala ka ng isang linggo."

"Saan naman ako pupunta?" Tanong ni Ruanne.

Nagkibit-balikat ang kaibigan.

"Ikaw, baka gusto mong manirahan sa isang sakahan para tahimik. Pwede naman siguro iyon."

Sakahan? Wala namang mali roon. Ngunit, hindi nakikita ni Ruanne ang sarili na naninirahan sa isang maberdeng lugar. Ang buhay na naiisip ni Ruanne para sa sarili ay isang buhay sa siyudad. Ang sarili niya sa isang balkonaheng mahangin pagdating ng gabi at pinagmamasdan ang mga bituin, iyon ang lagi niyang naiisip. Kaya gusto niya ay dito na lamang siya sa siyudad.

Naupo na lamang ang magkaibigan sa mahabang upuan malapit sa bintana. Natanaw naman nilang dalawa ang isang truck na nagbaba ng mga materyales sa tindahan. Ito ang pangalawang beses na nakita ito ni Ruanne kaya't hindi na siya nagtaka. Ngunit mukhang interesante si Catalina sa katapat nila.

"Hoy. Psst."

Napatingin naman si Ruanne sa kaibigang sumitsit sa kanya.

"Bakit may ganiyan diyan?"

Nagkibit-balikat naman siya.

"Ewan ko. Kahapon pa iyan eh. Baka may gagawin silang sapatos," walang ganang sagot ni Ruanne.

Napatango-tango naman ang kaibigan habang pinagmamasdan ang nangyayari sa baba. Ilang sandali lang, napatigil ito sa pagtitig at nanlaki ang mga mata na para bang may bombilyang lumabas sa ibabaw ng kanyang ulo.

" Alam ko na, Ruanne!"

Humagikgik pa siya na parang may exciting na naiisip gawin. Napakunit naman ng noo si Ruanne nang hilahin siya nito papunta sa kanyang sofa. Umupo si Catalina nang tuwid habang nakasandal naman si Ruanne sa sofa na nakikinig sa kanya.

" Di ba balak mong magdagdag din ng sapatos sa mga koleksyon mo? Ito na yung hinihintay natin!"

Napakunot-noo si Ruanne.

"Ang alin?"

"Ang alamin ang sikreto ng The Shoemaker!"

Tumaas ang mga kilay ni Ruanne at agad na umiling.

Kilala ng lahat ang 'The Shoemaker'. Isa itong tanyag na pagawaan ng sapatos na kilala maging sa ibang bansa. At ang sabi-sabi, lahat ng sapatos ay handmade at gawa ng iisang tao lang, kaya napakatagal kung maglabas ng bagong modelo ang tindahan. Ngunit kahit matagal naman iyon, masisiguro mong maganda ang kalidad.

At isa pa, anong mapapala niya kung malaman niya ang sikreto ng pagawaan? Hindi niya naman nanakawin ang paraan nila ng paggawa ng sapatos. Hindi papayag ang pride niya. At isa pa, kung malaman man ng buong mundo ang pagkatao ng may-ari niyon, hindi naman magbabago ang kalidad ng ginagawa nila. Tiyak na mababawasan ang maiintriga, ngunit hindi mababawasan ang mamimili.

"Alam mo, matagal ko na ring gustong gawin iyan. Kaso imposible iyan. Huwag ka nang mangarap."

Napanguso naman ang kaibigan nang marinig ang sagot ni Ruanne.

"Sige na. Kahit wala ka namang mapuntahan sa gagawin mong iyon, at least mawawaglit sa isip mo yung dalawang hayop. Wala namang mawawala at masasayang sa iyo maliban na lang sa oras mong hindi mo naman madalas ginagamit. Ayun oh! Tingnan mo."

Napatingin naman si Ruanne sa bintana. Nakita niya ang lalaking nakita niya kahapon. Halos hindi nagbago ang suot nito dahil sapatos lamang ang naiiba sa kanya. At gaya kahapon, wala pa ring bakas ng pagod ang mukha ng binata. Mukha pa rin itong masaya at walang problema sa buhay. Abot-langit ang ngiti nito sa kanyang mga kausap.

"Hoy, Ruanne, nakikinig ka ba?"

Napakurap-kurap na lamang ang dalaga na tila ba napasailalim na naman ng hipnotismo. Wala sa ulirat siyang tumingin sa kaibigan na nakangisi na sa kanya habang nakakrus pa ang magkabilang braso. Pinanlakihan niya lamang ito ng mga mata na para bang nahuli niya itong gumagawa ng krimen.

"A-Anong mukha iyan? Bakit ganiyan iyang mukha mo?" kinakabahang sabi ni Ruanne.

"Crush mo?" Biglaang tanong ng kaibigan.

Agad na nangunot ang noo ni Ruanne at umiling-iling sa kaibigan. Iniiwas niya ang paningin dito at tumingin na lang muna sa labas.

"H-Hindi ah. Pinagsasasabi mo..."

Natawa naman si Catalina at tinusok-tusok ang kanyang tagiliran. Kahit may kiliti siya roon ay pinipigilan ni Ruanne ang matawa dahil lalo siyang aasarin ni Catalina.

"Uy, may bago na siyang bet!"

Hinawakan ni Ruanne ang kamay ni Catalina.

"Hindi nga sabi. Tumigil ka na," kunwaring naiinis na sabi ni Ruanne.

Tumigil naman si Catalina at napahinga nang malalim.

"Pero alam mo, mabuti pa. Pumunta ka na lang doon sa tindahan na iyon ngayon din. Bumili ka ng gusto mong sapatos at magtago roon," ani Catalina habang nakatingin sa bintana.

"Bakit naman," tanong ni Ruanne.

"Dahil nakikita ko na ang isa sa mga peste sa buhay mo."

Dali-daling sumilip si Ruanne sa bintana. Ganoon na lamang ang paninigas ng kanyang kamao at panliliit ng kanyang mga mata.

"Ang kapal naman ng mukha niya! At may dala pa siyang bulaklak ha!"

Mula sa bintana ay kitang-kita nila si Fajardo na mas matulin pa sa hangin kung maglakad. Mukha ngang galit pa ito. Ngunit may dala itong bulaklak. Ano iyon? Aakyat siya ng ligaw nang galit?

"Para sa akin ba iyang mga bulaklak na dala niya?" Tanong ni Ruanne sa sarili.

"Bakit? Tatanggapin mo?"

Iritang bumaling si Ruanne sa kaibigan. Umirap naman si Catalina at hinila na siya pababa. Pinilit ni Ruanne na tumigil ngunit wagas kung makahila si Catalina.

"Sandali, bakit tayo bababa? Sasalubungin ba natin iyon?" nag-aalalang tanong ni Ruanne.

"Hindi ano! Pupunta ka sa The Shoemaker at doon ka magtago. Hindi sila nagpapasok ng hindi customer doon kaya bumili ka na lang ng sapatos."

Bago pa makapagsalita si Ruanne ay nakalabas na sila ng Fabs. Napalingon sila sa kanilang kaliwa at nakitang malapit na si Fajardo. Naaninag naman sila ng dating nobyo. Agad na nagliwanag ang mukha ng peste at mas lalong binilisan ang lakad. Hindi naman maipinta ang mukha ng dalawa na nagpapanic na at hindi na malaman kung saan pupunta.

"Tumakbo ka na dali!"

"Oh eh paano ka?"

Akala mo naman ay nasa bingit ng kamatayan ang dalawa kung mag-usap.

"Ako na ang bahala rito. Sige na. Takbo!"

Naitulak na lamang ni Catalina si Ruanne sa sobrang panic. Halos matalapid naman si Ruanne dahil sa hindi maayos na pagkakabalanse nang siya ay maitulak. Agad na tumakbo ang dalaga papunta sa katapat na tindahan at hindi na lumingon pa. Pakiramdam niya ay nakasalalay roon ang buhay niya.

Tumakbo si Ruanne sa pagitan ng mga nakakalat na materyales at nagtatrabahong mga kargador. Mabuti na lamang at wala siyang nadanggil sa mga iyon. Nakahinga lamang siya nang maluwag nang maitulak niya ang pinto ng tindahan at makapasok sa loob. Napasandal na lamang siya sa likod ng pinto at napahinga nang malalim. Sa wakas, ligtas na siya.

"Hindi kami tumatanggap ng hindi customer dito," sabi ng isang matigas na boses.

Napalingon naman si Ruanne sa kanyang kanan at nakita ang isang matandang lalaki. Ang una niyang napansin ay ang nawawala nitong kaliwang braso. Dagdag pa rito, hindi rin maganda ang hilatsa ng mukha niya. Labis na kinabahan si Ruanne sa matanda.

"A-Ahh ehh... Ano po--- Bi---"

"Mang Domeng, huwag niyo naman ho tinatakot ang customer natin."

Napatingin si Ruanne sa kanyang likod at nakita ang lalaking kanina lang ay nakikipag-usap sa kargador. Napatitig si Ruanne sa kakisigan ng lalaki. Ganoon din ang lalaki sa kanya. Napansin ni Ruanne na napakapormal ng tindig nito. Taas-noo kung maglakad at halos wala kang maririnig sa paghakbang nito.

Malakas ang dating ng lalaki na hindi nagawang magsalita ni Ruanne. Nakatitig lamang siya sa lalaki at ganoon din ang lalaki sa kanya. Ang mga mata nila ay tila nag-uusap ngunit wala namang sinasabi. Sa sobrang lakas ng kabog ng dibdib ni ruanne ay napakagat na lamang siya sa kanyang labi at umiwas ng tingin. Ngunit, ang lalaki ay hindi inalis ang tingin sa kanya. Sa halip, mula sa kanyang mga mata ay dumako ito sa kanyang labi na mas lalong namula dahil sa kanyang pagkagat. Napadila na lamang ang lalaki sa kanyang labi at naglakad nang diretso papunta sa tapat nila.

"Pasensya na. Bigla na lang kasing pumasok itong babaeng ito. Malay ko ba kung---"

"Mang Domeng..."

Binigyan ng makahulugang tingin ng lalaki si Mang Domeng. Huminga na lamang nang malalim si Mang Domeng bago tumango at umalis. Napangiti ang binata at napatingin sa dalagang nasa harap niya. Naiwan si Ruanne kasama ng lalaki at hindi niya pa rin magawang ibaling ang tingin dito. Tumikhim ang lalaki upang kuhanin ang kanyang atensyon.

"Anong sapatos ang hanap mo, binibini?"

Agad namang tumaas ang ulo ni Ruanne at gulat na napatingin sa lalaki.

"H-Ha? A-Ano..."

"May bibilhin ka ba? Kung wala ay maaari ka ng umalis dito. Hindi kami nagpapapasok ng hindi mamimili rito."

Napakurap-kurap na lamang si Ruanne. Tumingin siya sa labas at nakitang kinukumpronta ni Catalina ang kanyang ex-boyfriend. Hindi pa siya handang harapin ang dati niyang nobyo. Aaminin niyang kahit galit siya rito. Ngunit hindi naman siya magagalit kung hindi niya ito mahal. Baka kahit alam niya namang puro kasinungalingan lang ang sasabihin sa kanya, maniwala pa rin siya at patawarin ang dating nobyo.

Dahan-dahan niyang ibinaling muli sa maginoong binata ang tingin at tumango. Mukhang mapapagastos pa siya nang malaki.

"O-Oo. Gusto ko sanang bumili ng magandang t-tsinelas."

Lihim na napangisi ang binata. Ngunit, kalaunan ay pinalitan niya iyon ng ngiti para sa babaeng kaharap.

"Kung ganoon, halika. Maghanap tayo ng babagay sa iyo."

Inilahad ng lalaki ang kanyang kamay sa dalaga. Kinakabahan man ay unti-unting inihain ng dalaga ang kanyang kamay sa binata. Ngunit sa sobrang bagal niya, hindi na nakapaghintay pa ang binata at hinablot niya ito at hinila. Hinawakan niya sa bewang ang dalaga at inalalayan.

Labis na nagulat si Ruanne sa ginawa ng lalaki. At mas lalo pa siyang nagulat nang makita niyang napakalapit ng mukha niya rito.

"A-Anong---"

"Napakaganda ng iyong mukha. Dapat lamang na alagaan ang isang katulad mo."

Hindi maintindihan ni Ruanne ang pinagsasasabi ng lalaki.

"Hindi kita maintindihan," ani Ruanne.

"Ang ibig ko lamang sabihin ay dapat lang na makuha mo ang dapat sa iyo."

Walang masabi si Ruanne dahil hindi niya maintindihan ang lalaki. Ngunit, sa sinabi ng lalaki ay may naramdaman siyang kiliti sa puso.

"Ako nga pala si Pio."

"Pio?" paninigurado pa ni Ruanne.

Tumango naman ang lalaki.

"At handa akong ibigay ang bagay na nararapat lamang para sa iyo."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status