Share

EERIE

Pipikit-pikit pa ang mata ko ng maisipan kong bumaba sa kusina. Magmumuni-muni pa sana ako kaya lang ay kung ano-ano na ang pumasok sa isip ko. Tahimik pa sa buong kabahayan kaya nakasisiguro ako na mga tulog pa ang mga tao ng makarating ako sa kusina. Masyado pa rin naman kasing maaga. Kung hindi ako nagkakamali ay alas kuwatro palang ng madaling araw kaya may kadiliman pa sa labas. 

Agad kong nayakap ang sarili ng umihip ang malamig na hangin. Nang hanapin ko ang pinanggagalingan ng hangin ay nakita ko ang bintanang nakabukas sa may sala. Maganda ang bahay ni Arsellis. Gawa lamang iyon sa kahoy pero napakaganda noon. Simple lamang ngunit puno ng mga makukulay na dekorasyon na lalong nagpapaganda sa bahay. Ang ilang kagamitan pa niyang kahoy ay nauukitan ng iba't ibang disenyo. Pero ang pinakapaborito ko sa lahat ang ang hagdan nito. Tuwang-tuwa kasi ako sa kakaibang style noon na kung hindi ako nagkakamali ay nakita ko lang sa isang story book. Gawa lang din iyon sa kahoy ngunit ang hawakan nito ay tila ba kakaiba. Pakurba-kurba kasi iyon na kung titignan ay parang napaka-elegante at mukhang napakahirap gawin. Nang tanungin ko naman si Arsellis kung saan niya iyon ipinagawa ay magic lang ang isinagot niya sa akin.

Agad kong nilapitan ang bintana saka iyon isinara. Babalik na sana ako sa kusina ng mabaling ang atensyon ko sa mga litratong nakasabit sa dingding. Napukaw ang kuryosidad ko sa itsura ng mga taong naroon. Lumapit ako roon at pinagmasdan ang mga iyon. 

Kung hindi ako nagkakamali ay si Arsellis ang nasa mga litrato. Mula ng pagkabata hanggang sa nagdalaga. Naroon din ang litrato ni Mama noong dalaga. Hindi naman din sa nagmamalaki pero maganda talaga ang Mama lalo na ng kabataan. Kung sabagay ay mukha namang hindi nagsitanda ang mga ito dahil ganoon pa rin ang mga hitsura. Nabalik ang isip ko sa kwento ni Mama kahapon. Ang sabi niya ay kabataan pa daw nila noon ni Cassius. Kung matagal na silang magkakilala ibig sabihin ay hindi lang nasa kuwarentang mahigit si Mama. Mas matanda pa. Imortal ba sila?

Habang nag-iisip ay nabaling ang tingin ko sa labas. May kakapalan ang hamog na nakabalot sa kapaligiran. Parang iniingganya ako nitong maglakad sa labas. Kaya sinunod ko ang una kong naisip gawin. Agad akong nagsuot ng balabal saka naglakad sa labas. Hindi kalayuan ang parang kung saan kami unang sumulpot ni Mama kaya naisipan kong doon pumunta. 

Napakakalmado ng paligid. Panatag ang loob kong maglakad-lakad mag-isa. Pakiramdam ko kasi ay maaari kong gawin ang kahit ano mang magustuhan ko dahil nakasisiguro akong walang panganib sa paligid.

Huminga ako ng malalim habang pinagmamasdan ang mga bulaklak sa paligid. This place is a breath of fresh air for me. Sa kabila ng lahat ng pasakit at pighating pinagdaanan ko, marahil ay ito na ang pinakamaganda kong regalo sa sarili. Ang pansamantalang malayo sa mundong iyon. Para kasing napakatagal ko ng nakatira sa bahay ng mga Cayman. At sa maikling panahon ng pananatili ko roon ay napakarami ng nangyari. Nawalan ako ng ama at kapatid. Natutunan ko kung paano magmahal sa unang pagkakataon. Oo, inaamin mo ng mahal ko si Kieran. Pero ang pagmamahal na iyon ay natuldukan na ng maaga at hindi na kailanman magkakaroon ng happy ending. 

Napabuntong-hininga ako saka nayakap ang sarili dahil sa lamig ng hanging umiihip. Siguro ay magdidisyembre na. Anong buwan na nga ba? Hindi ko na rin matandaan kung kailan ako huling tumingin sa kalendaryo.  

Nabaling ang tingin ko sa isang maliit na tulay malapit sa kinalulugaran ko kaya doon ako nagpunta. Maliit lamang iyon at gawa sa kahoy. Ang hawakan naman noon ay nababalutan ng halaman ng kung hindi ako nagkakamali ay black-eyed susan ang tawag. Iba't iba ang kulay noon na para bang napakasarap pinatasin. Pero pinigilan ko ang sarili ko.

Abala akong pagmasdan ang mga bulaklak sa harapan ko ng bigla nalang akong makaramdam ng kilabot. Nanindig ang mga balahibo ko at agad ang pagkalabog ng dibdib ko. Humagod ang kaba sa kaibuturan ko. Pakiramdam ko ay may taong nakamasid sa akin. Mabilis akong napalingon sa likod ng tila ba may nakita akong aninong dumaan doon. Pero wala akong nadatnang kahit ano doon.

"Sinong tinitignan mo doon?"

Kulang nalang ay mapatalon ako sa gulat ng marinig ko iyon. Daig ko pa si flash nang napalingon ako dito. Si Ada iyon na nagtatakang nakatingin sa akin.

"Wa-wala naman," sagot ko nalang at hindi na sinabi ang nakita. Hinimas ko pa ang dibdib para pakalmahin ang sarili.

Hindi pa rin nawawala ang pagtataka nito at nananatiling nakatingin sa akin. "Namumutla ka. Para kang nakakita ng multo."

Alanganin akong napangiti sa kanya. "A-ayos lang ako. Kulang lang siguro sa tulog kaya medyo namumutla. Hindi kasi ako gaanong nakatulog kagabi."

Napatango naman ito. "Tulog pa sila sa loob. Mas mainam kung magpahinga ka nalang din duon," suhestyon nito. 

Nagdalawang-isip naman ako. Magpapahinga na naman. At pagkatapos ay mag-iisip na naman ng kung ano-ano. Napapagod na ang utak ko at kung hindi ko pa iyon ipapahinga kahit sandali ay baka bumigay na iyon. Nang masdan ko si Ada ay hindi naman nabago ang itsura nito. Suot pa rin niya ang puti niyang cloak ngunit may dala na siyang basket ngayon. Nang tumalikod na ito sa akin at maglakad sa kabilang direksyon ng bahay ay agad ko siyang sinundan.

"Saan ka pupunta?" usisa ko dito. 

"Mangunguha ng mga halamang gamot sa may bundok," sagot niya na hindi man lang tumitingin sa akin. 

"Maari bang sumama?" may pag-aalangan ko pang tanong. 

Kinabahan naman ako ng tumingin siya ng diretcho sa mga mata ko. Huminto rin siya sa paglalakad at humarap sa akin. Para tuloy gusto ko ng bawiin ang sinabi ko. 

"Sige," sagot niya makalipas ang ilang minuto.

Nakahinga naman ako ng maluwag ng magsimula na siyang maglakad. 

"Teka sandali!" pigil ko sa kanya. "Magpapalit lang ako ng damit."

Hindi ko na siya hinintay na sumagot at mabilis na bumalik sa bahay at nagpalit ng damit. Pagpasok ko sa kabahayan ay wala pa rin pinagbago. Nakaalis ako at nakabalik ay tahimik pa rin sa loob. 

Natuwa ako ng pagbalik ko ay nakita ko si Ada na hinitay ako. Nang makita ako ay nagsimula na siyang naglakad. Sumunod lang naman ako. Hindi pa sumisikat ang haring araw kung kaya't hindi pa ganoon kainip maglakad. 

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang magtaka sa mga matang nakatingin sa akin. Bawat madaanan namin ay humihinto sa ginagawa saka lilingon sa gawi namin. Hindi ko tuloy maiwasang mailang. 

"Bakit ba sila nakatingin?" naiiritang bulong ko.

"Dahil ikaw ang Dovana," paliwanag ni Ada. Dovana na naman. Kung sabagay ay parte pa rin sila ng kasunduang iyon. "Ngayon lang nagpunta ulit dito ang Dovana sa nakalipas na isang daang taon kaya sana ay huwag kang magtaka o mainis kung bakit sila namamangha na makita ka. Malaki ang utang na loob ng mga mages sa Dovana dahil sa pagpapatigil nito ng walang katapusang kaguluhan at patayan."

Kung ganoon ay talagang iniingatan nila ang Dovana. Humugot ako ng malalim na hininga. Gusto ko sanang panandalian munang kalimutan ang tungkol sa Dovana pero mukhang malabo iyong mangyari. 

Hindi nagtagal ay nakarating na rin kami sa paanan ng bundok. Hingal na hingal ako sa layo ng nilakad namin kaya naupo muna ako sa nakita kong nakabuwal na puno hindi kalayuan sa pinagkukuhanan ni Ada ng mga halaman. Abalang-abala itong sinusuri ang mga halaman doon. 

Hindi ko maiwasang pagmasdan ang mukha ni Ada. Napakagandang dalaga nito ngunit masyadong tahimik. Parang napakamisteryosa niya at napakaraming tinatago. I wonder kung ganoon din ang tingin ni tiya sa kaniya. She looked reserved anyway. Lagi kong nakikita ang kakaibang kislap sa mata niya sa tuwing titingin sa akin. 

Napatuwid ako ng upo at namangha nang makita kong gumamit siya ng kapangyarihan. Lumutang ang hawak niyang dahon saka iyon  napalibutan ng kung anong parang bula. Kita ko ang mga katas na unti-unting lumalabas mula sa dahon na masusi niyang inaanalisa.

"Nagtataka ka kung ano ang ginagawa ko?" 

Nagulat man ako a bigla niyang pagsasalita pero hindi ko na iyon ipinahalata. Sa halip ay tumayo ako sa kinauupuan saka lumapit a kanya. Mukhang hindi naman niya alintana ang paglapit ko.

"Ahm- ina-analize mo kung anong halaman iyan?" 

Tumango naman ito. Ilang sandali pa ay nagsalita muli siya. "Ano ang pakiramdam bilang isang Dovana?"

Natigilan agad ako sa tanong niya. Nakapagtatakang bigla nalang niya akong tatanungin ng ganoon. Pero nagbigay sa akin ng isipin ang tanong na iyon kaya't hindi agad ako nakasagot.

"Malungkot," tipid kong sagot. Muli ko na naman naramdaman ang bagay na panandalian kong tinatakasan.

"Malungkot?" takang tanong niya ngunit patuloy pa rin sa ginagawa. "Hindi ba dapat ay masaya ka dahil iniingatan ka ng lahat?"

Pagak akong natawa sa sinabi niya. "Masaya? Paano ako sasaya kung nang dahil sa Dovana na iyan ay nawala ang mga mahal ko sa buhay? Nang dahil sa Dovana na yan, hindi ko na mararanasang maging masaya sa piling ng taong minamahal ko." 

Naramdaman ko ang muling pangingilid ng luha ko ng bumalik sa balintataw ko kung paano ko natagpuan si Kirius sa kamay ni Kieran. Huminga ako ng malalim at tumingin sa magandang parang sa malayo. Nagsasayaw ang mga bulaklak doon sa malamyos sa ihip ng pang-umagang hangin. Naramdaman ko ang mariing tingin sa akin ni Ada. 

"Kahit bali-baliktarin ang mundo at kung bibigyan lamang ako ng pagkakataon ay hinding-hindi ko pipiliing maging Dovana."

"Gusto mo na bang manatili dito?" walang ano-ano'y tanong ni Ada.

"Ha?" Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko sa kanya. Para kasing nagugustuhan ko ng tumira dito. Pero ayokong isatinig iyon. Ayokong maisip na manirahan dito dahil malabong mangyari iyon. 

"Malapit lang ba dito iyong talon?" pag-iiba ko sa usapan. Tama na ang masyadong personal na tanong. 

Tumango lang ito saka itinuro ang daan. Nang lingunin ko naman iyon ay natanawan ko agad ang nangingislap na tubig sa ilalim ng sikat ng araw. Sa kagustuhan kong makalayo kay Ada ay hindi ko na hinintay ang sagot niya at naglakad agad patungo roon.

"Yueno," tawag niya pero hindi ko siya nilingon. 

Bumilis lalo ang hakbang ko ng makita kong malapit na ako sa talon. Dire-diretcho ang lakad ko kung kaya't hindi ko napansin ang pababang parte roon. Nang itapak ko ang isang paa ay mabilis akong napadausdos pababa sa gilid ng talon at paupo akong bumagsak.

"A-aray," tanging naidaing ko habang hinihimas ang balakang. Pakiramdam ko ay may nabali yata sa aking buto. 

"Okay ka lang, Miss?"

Napatingin ako sa nagsalita. Nasa harapan ko ang isang gwapong lalaking hindi nalalayo sa akin ng edad. Nakasuot siya ng cloak na katulad ng kay Ada ngunit nakahubad ang hood nito kaya’t kitang-kita ko ang dilaw niyang buhok na tila ba sadyang ibinagay sa asulan nitong mga mata. At dahil nakaupo ako ay hindi maiwasang malantad sa aking mga mata ang kakisigan nitong taglay. Nakatunghay ito sa akin at naroon sa mga mata ang kapilyuhan. May maliit din na ngising nakasungaw sa mapupula nitong mga labi. Bigla ay nakaramdam ako ng inis at pagkapahiya.

"Okay ka lang, Miss?"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status