Share

Kabanata 3

Hindi ko alam kung tatayo o uupo ba ako. Sisigaw o makikiusap. Magsasalita o iiyak na lamang. Gulong-gulo ako sa pangyayari kay Mama. Naririnig ko ang nagkakagulong mga nurse at Doctor, pabalik balik sa loob ng emergency room kung saan ipinasok si Mama.

Narito ako ngayon sa isa sa mga bench, inaalong mabuti ni Alona at nang isa pang nurse. Nagising na ako mula sa pagkakahimatay. Hindi ko na inintindi ang pagbabawal sa akin ng nurses na huwag umalis sa pagkakahiga dahil daw maaring hindi pa ako lubusang ayos. Kung normal na sitwasyon ay susunod ako sa kanila pero ngayon, hindi ang pagkahilo o pagkakawala ng malay ko ang mahalaga kung hindi si Mama na nasa loob ng emergency room at nag-aagaw buhay.

“Magpakatatag ka, pinsan,” si Alona na batid kong gusto akong pakalmahin ngunit miski boses niya ay hindi kalmado. Nanginginig iyon at parang ano mang oras ay maaring bumigay.

Alam ko na nagpapakatatag siya para sa akin at ayaw niya akong mawalan nang pag-asa pero noong lumabas ang doctor, malungkot ang mga mata at hindi makatingin sa akin nang matuwid, parang nawasak ang kakarampot na pag-asa na mayroon ako kanina. Umiling siya, isang tipid na ngiti. Ang nurse na kasunod ng doctor ay nagtungo sa likod ko at saka ako inalo.

Hindi ko alam… hindi ko alam na humahagulgol na ako, nakasalampak sa sahig at isinisigaw ang salitang Mama. Hindi ko maramdaman na may tao sa paligid ko. Namamanhid ang buo kong katawan, nawawalan ng lakas ang mata at kinakapos ng hininga. Wala akong naririnig. Ang tanging alam ko lang ay mag-isa ako, walang karamay. Wala iyong mga ngiti at kamay na nagpapakalma sa akin sa tuwing nasasaktan ako tulad ngayon.

Kawalan… iyon lang ang alam ko. Wala ang lahat sa akin. Sa dami ng naglipanang tao sa bahay, sa ingay ng nakakalungkot na tugtog at sa haba ng nilalakad namin, tanging kawalan lang ang nararamdaman ko. Dama ko ang pagdaloy nang mainit na likido sa aking pisngi at ang paghagod ng mainit na kamay sa aking likuran. Gustong mapagod ng aking mga binti sa paglalakad subalit namamanhid lamang ang mga iyon ganoon din ang aking puso. Sa halip na makaramdam ng kakampantehan dahil nariyan si Alona, sakit lang ang nadarama ko. Masakit na masakit na kahit ang kahit na anong bagay ay hindi kayang pawiin iyon.

“Umupo ka, Asul. Uminom ka rin ng tubig. Kung ayaw mo kumain kahit tubig na lang.”

Nakikiusap na sa akin si Alona. Mula noong araw na ideklarang wala ng buhay si Mama at miski ngayon na isinasarado ang kaniyang libingan, puro pagpapalakas ng loob ang naririnig ko. Kay Alona at sa iba pang tao.

“Magpakatatag ka. Kaya mo iyan.”

“Huwag kang papanghinaan ng loob. Kayanin mo.”

“Patuloy ka lang sa buhay, hija. Wala tayong magagawa. Ganoon talaga ang buhay ng tao, may hangganan.”

Sa lahat ng salitang natanggap ko, puro pagkuwestiyon lang ang isinasagot ng isip ko.

Paano ako magpapatuloy? Paano ko kakayanin? Bakit parang sa halip na lumakas ang loob ko ay nagagalit lang ako sa mga salitang iyon dahil hindi ko mahanap doon ang positibong sinasabi nila. Hindi ako matatag. Hindi ko kaya magpatuloy ng walang mama na kasama. Hindi ko kaya na wala siya sa tabi ko lalo pa at sa ganoon ako nasanay. Hindi ko kaya magpatuloy sa araw-araw na parang walang nangyari. Alam ko sa sarili kong hindi ko kaya pero lumipas ang araw, lingo at buwan nang hindi ko nalalaman kung paano ako nabubuhay sa mga iyon. Gigising, iiyak, kakain, iiyak at matutulog. Paulit ulit lang ang ganoong routine ko.

“Hoy! Kung hindi ka papasok sa trabaho, masisesante ka na niyan!” sita sa akin ni Alona.

Nasa sala ako, nakaupo sa upuan at tulala. Kung ano-ano ang naiisip ko sa mga oras na ito at nawawaglit lamang kapag nakukuha ni Alona ang atensyon ko.

“Walang mangyayari sa atin kung ganiyan ka lang nang ganiyan. Kung gusto mo…” inilapag niya ang tasa ng gatas sa harapan ko at ang itlog na nilaga.

“–magpunta tayo sa bar para lang malinawan ka,” pahayag niya pa kasabay nang pagkikibit-balikat.

Hindi ako nagbigay ng kahit na anong reaksyon. Walang gana kong dinampot ang tasa ng kape at sumimsim doon. Kahit mapait, hindi nagreklamo ang bibig ko. Hindi ko alam pero sa mga nagdaang buwan, tinatanggap na lang ng sarili ko ang lahat. Pangit ang lasa ng pagkain? Ayos lang. Madilim ang paligid? Ayos lang. Kahit ano pang mangyari, ayos lang. I have no choice but to go with it.

“May kakilala ako, boss ko. Maganda iyong bar na pagpupuntahan natin. Kung gusto mo uminom ka nang marami, hindi kita pipigilan. Basta ba lumabas ka lang dito,” si Alona na iyon pa rin ang topic kahit na isang buong araw na ang lumipas at ngayon ay gabi na.

Bumuntong-hininga ako saka siya nilingon. Nagmamakaawa na ang kaniyang mukha sa akin, nakalahad pa ang isang makintab na satin dress na kulay pula.

“Kahit huwag ka na magsaya doon, pinsan. Uminom ka para makalimot ka. Huwag mo buruhin ang sarili mo rito, huh?”

Nagmamadali siyang lumapit sa akin.

“Halika, aayusan kita.”

Wala na akong nagawa nang hilahin niya ako sa kaniyang silid. Kailanman ay hindi ako nakarating sa bar dahil noong mayaman pa kami, wala pa ako sa legal na edad at nang tumuntong ng diseotso ay mahirap na.

Sinimulan ni Alona na ayusin ang buhok kong gulo-gulo mula pa kaninang alas kuatro na naligo ako.

“Huwag mo sayangin ang oras at araw. Isa pa, wala bang makakapag-motivate sa iyo na magpatuloy? Lalaki na gusto mo pa makasama sa kinabukasan o taong kagalit mo na gusto mo pang saktan o sampalin–mga ganoon ba,” aniya habang nilalagyan ng kolorete ang aking mukha.

Nang sabihin niya iyon ay may pumasok sa isip ko na mga taong kinagagalitan ko. Oo at gusto kong maghiganti sa kanila o ‘di kaya ay mabawi ang dapat ay amin ni Mama pero para saan pa? Mama’s dead.

Nagsisimulang mag-init ang mata ko pero hindi ko na iyon nabigyan nang pansin dahil huminto na ang taxi sa isang pribadong building.

“Tada! This is one of the elite bar, Asul! Libre lahat sa atin!” ani Alona na ikinawit ang kamay sa aking bisig.

Hindi na ako nakahuma nang yakagin niya ako papasok. Sa labas ay may mga bouncer na malalaki ang katawan. Balak pa kami harangan noong isa pero may ipinakita si Alona roon na dahilan nang pagtango noong bouncer. Nilingon ako ni Alona at nginusuan bago iginiyang muli papasok.

“Welcome to RMB, Asolana!” sigaw niya para marinig ko dahil noong mga sandaling iyon ay sinalubong na kami nang malakas na tugtog ng musika.

Ang usok ang pangunahing sumalubong sa akin bago pa rumehistro sa pandinig ko ang malakas na tugtog na miski ang kabog ay dama ng dibdib ko.

Sandali lang kaming huminto tapos ay hinatak ako ni Alona sa medyo gilid.

“Dito tayo sa isang table. Iyong taas, VIP iyon. Hindi tayo makakapasok. Wala tayong pass,” pasigaw niyang sambit.

Pinaupo niya ako sa isang round couch na kaharap ng isang round table.

“Pupunta ako roon sa may counter at kukuha ng inumin,” paalam niya.

“Diyan ka lang, ha?”

Hindi na niya hinintay pa ang sagot ko. Iginala ko ang aking mata sa harapan kung saan naroon ang hindi magkamayaw na mga tao. Sumasabay sa maingay na tugtog ang mga katawan. Naglakbay ang tingin ko sa sipistikadong hagdan pataas. Sa railings sa taas ay may mga taong inaaliw ang sarili sa hawak nilang alak at sa panonood sa mga nagsasayaw sa baba.

Nangunot ang noo ko nang hindi sinasadyang madako ang tingin ko sa pinaka-corner noon. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba o pamilyar talaga siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status