Share

Kabanata 6

Wala sa sariling nginunguya ko ang sabaw na hindi naman dapat. Nakurot ko pa nang kaunti ang aking pisngi dahil napapadalas ang aking pagiging tulala. Inis na ibinaba ko ang kutsara at saka muling tinitigan ang sarili sa kaharap kong baso kung saan kitang-kita ko ang aking repleksyon.

Bakit ko ba kasi naiisip 'yong kanina?! Dapat kasi hindi na ako pumunta roon, e. Hindi pa naman ako mabilis makalimot sa mga nakikita ko sa paligid ko. Pero ewan ko ba, wala naman akong dapat na pakialam sa ginagawa nila ate kanina pero naaapektuhan ako.

May kung ano sa akin na para akong kasama roon.

"Ada, nandito na ako," isang boses na nagmumula sa sala kaya ako napa-angat ng tingin.

Hindi ko alam kung bakit una kong tiningnan ang suot ni Jona, kahit na madalas naman niyang suot iyon. Tumaas ang kilay niya kaya ako napangiti at ininom agad ang sabaw na niluto ko kanina.

"So anong ginagawa mo kanina sa club? Ayan Ada, ah!" Panlalaki nito ng kaniyang mata.

"Dumaan lang ako," sagot ko agad sa kaniya na tumabi naman sa akin.

Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya, sobrang ganda niya talaga, matapang ang mukha niya kung tititigan lalo na kapag nagsasalita na siya. Buti na lang maganda ang katawan niya at sobrang kinis pa, morena lang siya na hindi gaya ko ay may kaputian.

"Nakita kita, e. Lalapitan ka nga sana no'ng lalaking katabi ko, buti umalis ka agad," sabi nitong tinatanggal ang mga make-up sa kaniyang mukha.

Napakunot naman ako at hindi na lang siya pinansin. Kumuha agad ako ng pagkain niya dahil alam kong nagugutom na siya. Medyo napaaga lang siya ng uwi hindi gaya ng nakagawian nila. Madalas kasi ay madaling araw o kaya umaga na.

Napalunok ako saka siya nilingon.

"Alam mo ba? May nakita ako kaninang babae tapos lalaking naghahalikan sa tabi ko kanina," panimula ko habang siya ay tuloy lang sa ginagawang pag-alis ng mga nakasabit sa katawan nito.

"Tapos?"

"Sabi pa nga no'ng babae, twenty-five thousands daw, tapos sabi ng lalaki, gawing six hours daw. Tapos bigla silang umalis," pagkukwento ko at nakatingin na siya sa akin nang maupo ako sa upuan dahil napaghandaan ko na siya ng pagkain.

"Sus! Normal lang 'yon doon, kung gusto mo makakuha ng malaking pera at ikaw ang magdidikta, iyon ang puwede mong pasukin, normally kasi, sumasayaw lang kami roon tapos naghahatid ng mga alak o sigarilyo sa mga lalaki, o kaya extra services na roon lang mangyayari," normal na pagkukwento nito na sinimulan na ang kumain.

Napakunot ako. "Extra services?"

"Oo, 'yong kunwari, sasabihin ng lalaki na maupo ka sa hita niya habang nagsusugal sila, mga gano'n, depende na lang kung mayaman ang maabutan mo kasi malaking tip din ang binibigay nila, pero kung gusto mong kumita base sa gusto mong halaga... alam mo na 'yon, puwede kang magyaya, o ikaw ang yayayain."

Natahimik ako sa sinabi niya, nakuntento na lang ako sa narinig ko at hindi na magtanong pa. Ayokong mas lumalim pa ang mga nalalaman ko dahil hindi naman ako interesado.

Natapos ang gabing iyon na hindi ko na naabutan ang iba. Nagising na lang ako dahil sa sigawang naririnig ko sa ibaba. Balak ko sanang bumaba pero nahagip ng paningin ko si Jona, na mukhang bagong gising din at ilang beses akong inilingan. Ang ulo niya ay naka sandal sa pinto at nakaupo roon.

"A-Anong meron?" inaantok kong sabi na hindi pa rin inaalis ang kumot ko sa aking katawan.

Maliwanag na rin naman at mukhang alas-otso na naman ako nagising, pero nakatingin lang ako sa ekspresyon ng mukha ni Jona, na para bang hirap na hirap na may gustong sabihin.

"Maghilamos ka kaya muna para mahimasmasan ka?" Turo nito sa pinto ng Cr.

Tumungo na lang ako roon at saka naghilamos ng mukha, nagsepilyo na rin at inayos ang sarili. Napatitig pa ako sa mukha ko dahil tinutubuan na naman ako ng tigyawat, baka siguro magkakaroon na naman ako ngayong buwan. Nagkakatigyawat lang ako kapag malapit na akong datnan.

Nang lumabas ako sa banyo ay wala na si Jona, roon. Kaya lumabas na lang din ako, tutal ay wala namang pasok. Magpapahinga na lang muna ako o di kaya'y maglilinis ng bahay kung sakaling hindi sila makapaglinis.

Mas lalo akong nangunot dahil sa mga boses na naririnig ko. Dahan-dahan lang akong lumakad pababa dahil mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila.

"Anong gusto ninyong gawin ko? Ni hindi ko alam kung sino ang ama nito," mahinang sabi ng isang babaeng pamilyar sa akin ang boses.

Nasa kusina sila dahil walang tao rito sa sala. Nanatili lang ako sa kinakatayuan ko habang patuloy na pinapakinggan ang usapan. Alam kong mali pero hindi ko ma-kontrol ang sarili kong makinig. Panay ang iyak ang babae at si Ate Calli naman ay para bang galit ang boses.

"Ano na naman bang kapabayaan ang ginawa mo kasi? Ilang beses na 'yan? Hindi ka pa rin nagtatanda!" bulyaw ni Ate Calli na mas lalo kong ikinatikom.

"Tita," sambit ng babaeng pakiramdam ko ay si Emy, nangangatal ang boses nito.

Napaangat na lang ako ng tingin sa harapan ko nang makita roon si Maylene, na nanlaki pa ang mata. Ngunit ang tenga ko ay nasa kanila.

"Ayokong ipalaglag ang bata, tita. A-Ayoko na," humahagulhol na sabi nito bago ko tuluyang natagpuan ang sarili kong wala na sa bahay.

Lumabas na muna ako. Siguro kasi hindi ko na kinakaya ang mga naririnig ko. Hindi ko maatim.

Suot ang pajama ko at sando, ay nanginginig ang aking kamay na nakahawak sa selpon ko habang lumalayo sa bahay na iyon. Ayokong mangi-alam kahit pa mali ang mga naririnig ko.

Kahit saang tingnan, mali ang pagpapalaglag ng bata. Buhay iyon, walang karapatang kumuha ng buhay ang isang tao sa kapwa tao nito. Kawawa ang bata at nakakahiya ang isang ina kung gagawin iyon.

Pero ano bang magagawa ko? Iba-iba kami ng pananaw pagdating sa ganiyang bagay. Ayokong manghimasok.

Pero agad din akong napahinto nang tumunog ang selpong hawak ko. Napawi ang lahat ng mga iniisip kong kung ano nang malaman kung sino iyon.

"Adrian?" nakangiting sagot ko sa tawag ngunit matagal bago ito sumagot.

[Ate?] mahinang sabi nito kaya ako napakunot.

"Bakit iyon? May problema ba?" tanong ko at narinig ang pagsinghap niya.

[Pasensya na ate, ah. May pera ka pa ba? Hindi pa kasi binibigay ni Aling Tess 'yong kinita ko. Kailangan ng gamot ni mama, ate, tapos 'yong sa bahay pa, ilang buwan na tayong hindi nakakabayad, magbigay naman daw tayo kahit sa dalawang buwan lang kung ayaw kaming palayasin doon,] mahabang sagot ng kapatid ko kaya napawi ang ngiti ko.

Hindi ko alam kung tama bang sinagot ang tawag ng kapatid ko dahil sa dagdag problema na iisipin ko. Matagal naman ng isyu iyon sa amin. Pinilit ko na lang na ngumiti at saka tumango sa kawalan.

"Magpapadala si Ate, sa susunod na linggo. Gagawa ako ng paraan, basta alagaan mo ang mama, ah?" ngiting sabi ko.

[Oo ate, alagaan mo rin sarili mo. Matulog ka raw lagi ng maaga para may lakas ka sa trabaho, sige na ate, papaliguan ko pa sila. Ingat ate.]

Alagaan ko ang sarili ko... na wala ng oras kung tutuusin. Wala akong ibang inisip dito kundi ang magtrabaho at tipirin ang sampung libong nakukuha ko sa buong isang buwan. Pero siguro kaya ko naman. Ginusto ko 'to, e. Para naman sa pamilya ko ang ginagawa ko, kaya baka applicable 'yong sinasabi nilang basta sa pamilya kakayanin.

Naibaba ko na ang telepono at inilagay sa bulsa ko. Napatingin na lang ako sa tahimik kong paligid. Minsan ang hirap tingnan ng reyalidad, ang daming problema. Kadalasan, wala namang sagot sa problema kundi ang huwag na lang pansinin.

Nakakapagod maging mahirap, ang maging salat. Samantalang ang mga mayayaman, humihiga na nga sa mga pera, nagagawa pang mangkamkam.

Bakit naman kasi hinahayaan ng diyos ang mga taong gano'n? Bakit hinahayaan niyang manatili kami sa ganito?

"Magkano ba kailangan mo? Baka puwede kitang matulungan."

Alerto akong napatingin sa gawing likuran ko at bumungad sa akin si Jona, roon. Iyong taong hindi ko puwedeng takasan kasi alam niya kung saan ako mahahanap, alam niya kung kailan ko kailangang ng makakausap.

"N-Napapagod na ako," sabi ko rito nang nakangiti pero naramdaman ko ang init ng likido sa aking pisngi.

"So? Susuko ka na? Subukan mo ulit balikan ang simula, bakit ka nga ba nandito? Anong dahilan mo? Kapag naisip mo na 'yong sagot, saka mo sabihin sa akin kung ayaw mo na."

Mga salitang mas nagpa-iyak sa akin. Lagi na lang ako nasasaktan sa mga sinasabi niyang katotohanan.

Pero kasi baka mali 'yong ginagawa ko. Baka may hindi tama kaya ako ganito. Sobrang hirap na. May mga bagay naman akong puwedeng magawa ngunit natatakot ako na matapakan ang moral ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status