Share

Kabanata 5

Halos kalahating buwan din ang lumipas, normal naman ang mga nangyari. Medyo kilala na rin ako ng mga taong nasa mataas na floor dahil doon ako nagtatrabaho, kaya mas malaki ang tyansa na madalas nila akong utusan na hindi naman masyadong nadadamay ang trabaho ko. Naging mabait naman sa akin ang iba, 'yon nga lang ay grabe naman magsalita ang ibang mga babae roon kapag nagkakamali ako o 'di kaya'y naguguluhan. Buti pa 'yong mga lalaki, mababait sa akin, parang salungat sa mga sinasabi nila Jona.

Napangiti na lang ako nang maibigay ko na ang kape sa mga kaibigan ni Ma'am Alora, ako na rin kasi ang madalas na utusan ni Ma'am Alora, at siya pa ang nagtatanggol sa akin, sobrang bait niya at minsan ay nagkukwento pa siya tungkol sa kaniyang buhay.

"Salamat, Ada, kumain ka na rin," ngiting sabi nito na tinanguan ko.

"Sige po. Una na po ako, sir," pagpapaalam ko saka umalis sa harapan nila.

Marami kasi ang nag-over time dahil may mga meeting pa sila, hindi ko naman na kabisado ang mga ginagawa nila kasi pumupunta lang ako roon kapag tinatawag o 'di kaya'y kapag maglilinis. Nakangiting bumaba na lang ako dahil ngayon ang araw ng una kong suweldo. Paniguradong matutuwa nito si mama kapag nalaman niya na suweldo ko na ngayon at may maipapadala na ako sa kanila.

Naaawa na ako sa kapatid kong si Adrian, dahil ayaw niyang iwanan ang pangangalakal niya at ang pagtitinda ng balut sa gabi, nag-aalala na ako sa mga kapatid kong maliliit. Mas kailangan ko pang pag-igihin dahil mag-aaral na ang isa kong kapatid, kailangan ko ring makumbinsi si Adrian na bumalik ng pag-aaral dahil kolehiyo na sana siya pero mas pinili niyang tumigil.

Bakit naman sobrang malas namin? Wala man lang dumarating swerte sa buhay ko.

Alas-dyes na ng gabi kaya kaunti na lang ang tao rito sa ibaba, dumiretso agad ako sa opisina ng head namin at kasalukuyan kong nakita ang ibang mga kasamahan ko na may hawak ng brown na envelope na kasya roon ang pera.

"Sanchez ka 'di ba? Punta ka na sa loob," sabi ng madalas kong kasama kaya ako sumunod.

Bukas naman ang pinto kaya pumasok agad ako. Napatingin agad sa akin ang isang matandang babae na inurong ang nag-iisang envelope sa mesa niya na agad kong kinuha.

"Salamat po Ma'am," ngiting sabi ko na tinanguan niya lang dahil abala siya sa pagsusulat ng kung ano.

Hindi maaalis ang ngiti ko sa natanggap ko, parang milyon ang hawak ko kahit pa manipis ang aking laman non. Ang iba ay nagsipag-alisan na para umuwi kaya dumiretso ako sa parking lot kung saan ang puwesto namin. Hindi ko na nakita si Ally, dahil paniguradong nasa ospital iyon, sinugod kasi sa ospital ang kapatid niya kaya gano'n.

"Kuya Noel? Mauuna na po ako," pagpapaalam ko kaya ito napalingon sa akin.

"Mag-iingat ija, sa daan. Magpahinga agad," nakangiting sabi nito kaya ako umalis na.

Halos karamihan sa mga kasamahan ko ay pamilyado na, kaya gano'n na lang ang pagpapaalala nila sa amin na laging mag-iingat sa daan lalo na't babae kami. Bago ako tuluyang lumabas sa parking lot na iyon ay muli kong sinilip ang maliit na envelope na iyon. Ngunit unti-unting nawala ang ngiti ko nang makita ko iyon, ibinalik ko rin naman dahil alam kong bawal sumimangot sa nakuhang grasya.

"Limang libo," bulong ko matapos iyon bilangin.

Gustuhin ko mang manlumo ay hindi puwede dahil gano'n lang ang suweldo ng mga gaya ko. Malaking tulong na sa akin iyon pero ayokong lokohin ang sarili ko dahil hindi iyon kasya para sa pamilya ko. Sobrang daming utang ang kailangang bayaran sa tindahan, mga gamot ni mama, pagkain nila, bayad sa pang-upa, at sa iba pang gastusin. Kahit saan ko tingnan, kulang pa rin.

"De bale na, baka sa susunod malaki na 'to," ngiting sabi ko saka nagpatuloy sa paglalakad.

Sa kahabaan ng kalyeng madalas kong daanan ay natatanaw ko na naman ang isang paboritong kainan ng lahat na hindi ko man lang naranasang puntahan. Ang Jollibee na halos puno lagi ang loob nito at kitang-kita kung gaano kasaya ang mga tao roon. Sobrang hirap ko naman para hindi makakain sa lugar na 'yon.

Minsan, naaawa na lang ako sa sarili ko. Sabi rin naman kasi ni mama ay darating 'yong panahong bibigyan ako ng grasya, pero kailan naman 'yon? Bakit bawal ibigay ngayon?

Nang tuluyan na akong makatapat sa Jollibee, ay kinuha ko agad ang selpon ko para tawagan sila mama, hindi naman ako nabigo dahil agad din nilang sinagot iyon.

"Ma?"

[Ate! Buti napatawag ka?] boses ni Adrian kaya napangiti ako nang marinig ang boses ng mga kapatid ko.

"Siyempre naman, suweldo ng ate ninyo ngayon," nakangiting sabi ko at pilit na iniiiwas ang tingin sa mga taong kumakain, baka sabihan akong patay gutom e.

[Talaga ate? Edi uuwi ka na rito?]

"Mag-iipon pa ako, 'no! Ipapadala ko na lang sa inyo bukas ng umaga, maliit lang ito, ah, alam ninyo naman ang trabaho ko—"

[Ayos lang 'yon ate, dapat nga panggastos mo na 'yan diyan, e.]

Napangiti na lang ako dahil sa narinig ko. Mabilis akong umiyak kaya hangga't maaari ay pinipilit kong lawakin ang ngiti ko hanggang sa matawa na lang ako.

"Hay naku! Kaya nga nagtatrabaho ang ate, e. Basta alagaan mo si mama, a, huwag ninyo nang gisingin. Matulog na rin kayo Abi at Allen, bye na, mauubos na load ko, e." Pagngunguso ko saka rin sila nagpaalam.

Gano'n lang. Kumpleto na araw ko kasi nakausap ko na sila.

"May mga kapatid ka pala?"

Literal na nanlaki ang mata ko dahil sa lalaking katabi ko, natawa pa ito sa akin at saka nangunot.

"Sir Valera? Bakit po kayo nandito?" tanong ko dahil alam ko naman na may katabi ako kanina pero hindi ko alam na siya iyon dahil nakatalikod siya sa akin.

Isa siya sa matalik na kaibigan ni Sir Andrada, na hindi ko na madalas makita dahil sobrang dami niya raw project na natatanggap.

"Bawal kumain dito?" natatawang sabi nito na nginitian ko lang.

"Masarap po ba riyan, sir?"

"Oo naman. Hindi ka pa ba nakakakain diyan?" tanong nito na dahan-dahan kong inilingan.

Nawala ang lawak ng ngiti nito na naging kaunti na lang na para bang nagulat pa sa ginawa ko.

"Oh, wait, I'll make an order—"

"Hindi na po sir, wala rin po akong pambayad sa inyo, at saka kailangan ko na rin po kasing umuwi. Una na po ako, ingat po kayo," sabi ko rito saka siya nalagpasan.

"Okay, mag-iingat ka!" sigaw nito dahil mabilis lang akong nakalayo sa kaniya.

Sinadya ko talagang umalis agad dahil pipilitin niya akong tanggapin ang alok niyang iyon. Sobrang bait niya sa akin at ayokong samantalahin iyon, kung minsan ay binibigay niya sa akin 'yong pagkaing tira niya raw pero mukhang bagong bili ang pagkain. At isa pa, makakain ko rin naman 'yon balang araw.

Nahinto ako sa paglalakad nang maisipan kong lumiko ng daan, hindi ito papunta sa bahay dahil papunta ito sa pinagtatrabahuan nila Jona. Wala namang masama kung pumunta ako roon dahil ang sabi ay puwede naman kahit sino, basta nasa legal age na. Pumunta agad ako sa club na sinasabi nila at totoo ngang malaki iyon, katabi lang nito ang motel na sinasabi nilang doon sila kumikita ng sobrang laki.

Alam ko naman ang trabaho nila. Nandiri ako no'ng una pero wala akong karapatan. Iyon ang paraan nila para mabuhay kaya suportado ko sila, ni wala akong narinig na kahit na ano sa kanila no'ng sinabi kong janitres ako, mas lalo pa silang natuwa sa akin.

"ID," malalim na boses na narinig ko sa bungad pa lang kaya pinakita ko agad ang ID ko at ang laman ng bag ko na extrang damit lang naman ang laman.

Agad akong pinapasok at doon bumungad sa akin ang buong lugar. Sobrang ingay at nakakahilong mga ilaw ang tumatama sa aking mata. Maraming mga nagsasayawan at nasasagi pa ako ng mga babaeng lasing na lasing na pero nagawa pang hawakan ang mga bote. Maraming mga nagsasayawang babae sa harapan na halos wala ng suot.

Lumakad lang ako sa gilid kung saan medyo may kadiliman at may mga bakanteng upuan. Mukhang masaya naman sa lugar na ito, gustong-gusto ko ang pagsayaw pero wala na akong panahon sa ganyan.

Nalipat ang atensyon ko sa dalawang taong malapit sa akin. Napatingin pa ako ng saglit sa kanila at doon ko lang napansin ang babaeng nakaupo sa hita ng lalaki habang abala sila sa paghahalikan. Gustuhin ko mang umalis ay hindi ko magawa lalo na nang magsalita ang babae.

"Masyadong mababa ang presyo para sa limang oras," maarteng sabi ng babae na hindi ko pa rin tinitingnan.

"How much do you want?" tanong ng lalaking panay ang hipo sa hita nito kanina.

"Twenty five thousand?" sabi ng babaeng kinunotan ko lang.

"Okay, twenty five, but make it six hours?"

"Sure!"

Basta na lang nila ako nilagpasan habang hila-hila ng babae ang lalaking pagbebentahan niya ng kaniyang sariling dangal, wala sa sariling napaupo ako sa gilid kung saan wala namang tao sa kahabaan ng upuan.

Twenty five thousand? Sa loob lang ng anim na oras may gano'ng pera na siyang makukuha. Samantalang ako, aabutin ng tatlong buwan bago ako makakuha ng gano'ng kalaki.

"Twenty five thousand," bulong ko.

Sila mismo ang nagbibigay ng presyo sa sarili nila. Pero paano? Paano nila nasasabing sa gano'ng halaga lang sila?

Hindi ko tuloy alam kung bakit naalala ko ang mga sinabi ni Jona sa akin noon.

"Hindi mo naman kailangan magbanal-banalan dito, Ada. Kailangan mo ng diskarte kung gusto mong mabuhay."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status