Share

Kabanata 4

"Okay! Tapos na ako!" masayang sabi ko nang sa wakas ay malinis na ang buong floor sa pinakataas.

Inayos ko na ang mga gamit para makababa na ngunit hindi ko maiwasang matakot, dahil ngayon ko lang nakita na ako na lang ang tao sa floor na ito. Mas lalo akong napakapit nang magpatay ang ilaw dahilan para wala akong makita. Pinilit kong kapain ang selpon ko na keypad lang at saka nagmadaling binuksan ang flashlight.

"May tao ba riyan? Nandito pa po ako," nangangatal na sabi ko habang dahan-dahang naglalakad sa kahabaan ng hallway.

Sanay ako sa madilim, pero natatakot ako sa mga naiisip ko na baka may makita akong kung ano, o kaya baka sarado na ang kumpanya at hindi ako makalabas. Pinilit kong lakasan ang loob ko para lang makarating sa gitna at gumamit ng elevator. Iyon nga lang ay baka hindi 'yon gumana dahil walang kuryente rito sa itaas.

Ngunit gano'n na lang ang paghinto ko sa paglalakad nang marinig ko ang pagsara ng pinto malapit sa akin at ang paglabas ng isang lalaking may dalang flashlight. Napapikit pa ako nang itutok niya sa akin ang ilaw dahilan para mapa-atras ako.

"M-Miss? S-Sorry. Ayos ka lang? Bakit nandito ka pa?" sunod-sunod na tanong nito na kamuntikan pang bumagsak sa kaniya ang hawak kong walis.

Pamilyar sa akin ang kaniyang boses.

"Paalis naman na po ako kanina. Kaso po biglang nawala 'yong kuryente. Nasaraduhan na po ata tayo eh," mahinang sabi ko saka siya sinabayan sa paglalakad ngunit nasa likuran niya ako, at siya naman ay parang gustong pumantay sa akin.

Naalala ko tuloy ang sinasabi sa akin nila Jona tungkol sa mga lalaking taga-rito na mag-ingat daw ako.

Hindi naman nila sinabi kung bakit kailangan mag-ingat, eh mukhang mabait naman sila.

"Ah, bago ka pa lang dito? Alam kasi ng mga maintenance staff dito na tuwing alas-dyes, pinapatay na ang ilaw dito," paliwanag nito sa akin kaya ako nangunot.

Wala namang nasabi ang nagtuturo sa akin.

Nahinto pa ako nang bumukas ang elevator kung saan may ilaw naman doon, pero kasi kami lang dalawa ang tao. Tapos nasa mataas pa akong floor—

"Let me help you. Don't worry, 'di naman ako masamang tao. Matagal na ako rito at kilala na ako ng mga katulad mo," kalmadong sabi nito saka kinuha sa kamay ko ang mga gamit na ipinasok niya sa loob.

Gusto ko pa sanang magsalita pero pumasok na lang ako dahil nandoon ang mga gamit. Doon ko lang din napagtanto na siya 'yong lalaking nadulas kanina kaya mas lalo pa akong yumuko. Nakakahiya, paniguradong nadumihan ang damit niya kanina dahil ibang polo na ang kaniyang suot. Tapos marami pa ang nakakita at nagalit pa ang isang babae na hindi ko alam kung sino. Amo niya kaya 'yon?

Nakatingin lang ako sa blurred na salamin sa harapan namin nang maramdaman kong mapatingin siya sa akin. Ang amoy nito ang bumabalot sa buong elevator na sobrang bango pa.

"You okay? Masyado kang tahimik. Ada, is your name right?" tanong nito saka ako tumango.

"O-Opo, sir."

"Pasensya na nga pala sa nasabi sa 'yo ni Sunny, gano'n lang talaga siya."

Sunny?

Tumango na lang ako saka bumukas ang elevator at bumungad sa akin si Ally na halatang nakaayos na. Agad itong lumapit sa akin at kumaway sa katabi ko.

"Good evening po, sir," bati nito.

"Good Eve. Mauuna na ako sa inyo. Take care Ada," malalim na boses na sabi nito saka kami nilagpasan.

Doon ko lang napansin na nandito na kami sa ground floor sa may parking lot. Sa gilid kasi nito ay doon daw kami talagang nakapuwesto o kaya magpapahinga. Pinagmasdan ko pa ang engineer na iyon sa pagpasok niya sa kaniyang kotse at sa pag-alis nito.

Maya-maya pa ay natigil ako sa pagtitig nang marinig ang pagtawa ni Ally, kaya ko ito nilingon.

"Gaga ka, pamilyado na 'yon," natatawang usal ni Ally, saka ako inilingan.

Pamilyado na? Hindi dapat siya umuuwi ng gabi dahil naghihintay ang pamilya niya sa kanilang bahay. Noon, si papa laging umuuwi ng maaga para sumabay sa aming kumain at tabing matulog.

Inasikaso ko na lang ang aking sarili at kinukwento ang mga nangyari kanina. Normal na lang pala 'yon. Ang mabuti na lang daw ay si Sir Andrada ang naabutan ko dahil kung 'yong babaeng si Sunny raw ang nadulas. Baka tanggal na agad ako.

Mukha naman mabait si Sir. Nahihiya nga lang ako kausapin siya dahil parang ang pangit naman tingnan ng gano'n. Engineer siya tapos ako janitres lang. Baka sabihin, gumagawa ako ng paraan para may makapitan.

"Mauuna na ako. Si Kuya Noel kasi may inaayos na kuryente. Ingat ka," pagpapaalam niya habang sinusuot ko ang aking tsinelas.

"Ingat ka rin," sabi ko saka umalis na rin.

Madilim na ang paligid. Pero may mga kasabayan naman akong naglalakad at dahil nasa Maynila ako, marami pa ring tao, bukas pa rin ang mga tindahan at sobrang lamig. Alam ko naman na kung paano umuwi pero gusto kong lakarin ito. Ngayon lang ako makakapaglakad nang walang kasama at aasahan ko lang 'yong nga natatandaan kong pangalan ng kalye.

"Natapos na ang lahat, nandito pa rin ako..." pagkanta ko habang nasa daan, at nakikipagsabayan sa ingay ng mga dumaraang sasakyan.

Sana nandito na lang sila mama, sana nakakalakad na lang siya. Paniguradong walang tao sa bahay dahil nasa trabaho sila, si Jona lang naman ang maaabutan ko at baka nagpapahinga na rin siya. Sa kalagitnaan nang paglalakad ko ay napalingon ako sa isang sasakyang itim na sobrang bagal ang pag-andar. Napatulala pa ako nang makita ko kung sino ang nagmamaneho at iyon si Sir Andrada.

Kumaway ito sa akin at saka lumabas ng sasakyan. "Hatid na kita. Sobrang delikado rito," sabi nito sa akin na isinuklay ang daliri sa kaniyang buhok.

"Hindi na po, sir. Okay lang po ako," ngiting sabi ko saka umiwas ng tingin sa kaniya.

Baka mamaya bigla akong makita ng asawa niya tapos sabunutan ako. Inaalagaan ko pa naman ang buhok ko.

"Kilala ko si Jona. Kababata namin siya ni Alora, pero baka hindi na niya ako maalala kasi umalis din ako sa lugar na pinagtirhan namin. C'mon, pauwi na rin naman ako—"

"Baka po magalit 'yong asawa ninyo po, sir," sagot ko agad na kaniyang nginitian.

Tumingin ito sa malayo at saka binuksan ang pinto ng kaniyang sasakyan. "Please? I'm just worried because it's too late now. Buti sana kung may kasabay ka. May mga service kasi ang mga staff namin noon. Kaso tinanggal na rin dahil nangunti. Don't worry, this will be the last," nakangiting sabi nito kaya wala na rin akong nagawa kundi ang pumasok.

Buti na lang at malinis ako sa katawan kaya hindi nakakahiyang maupo sa kotse niya. Nakita kong umikot ito at saka pumasok sa kabila.

"Saan ang street mo?"

"Pilar Street po, kahit sa labasan na lang po," mahinang tugon ko na sinang-ayunan niya.

"Music?" tanong nito sa akin na inilingan ko.

"Mabilis po akong antukin kapag may tugtog, sir," nakangiting sabi ko na tinawanan niya niya pa.

Naging tahimik lang naman ang buong byahe namin. Naging panatag ako at nakalimutan ang mga sinabi ni Jona sa akin na mag-ingat sa mga lalaki. Eh mukhang okay naman si Sir Andrada. Huwag lang talaga akong mahuli ng asawa niya. Basta huli na 'to.

Nang makapasok na kami sa looban ay doon lang biglang natahimik ang paligid, wala naman kasing tao at isa pa ay tahimik talaga sa lugar na ito. Panay siya tingin sa paligid na mukhang sinisipat pa kung anong klaseng bahay ang tinitirhan ko.

Naikagat ko na lang ang aking labi nang makita ko si Jona na tumatanaw mula sa malayo. Agad kong kinalabit si Sir, na napatingin sa akin.

"Dito na lang po sir. Ayun na po 'yong kaibigan ko, e." Turo ko sa babaeng naglalakad pa rin at panay tingin sa selpon.

"Jona? Ah, yeah, hindi ko siya nakilala. Wait." Lumabas ito at sakto na napahinto si Jona sa paglalakad at napakunot pa.

Pinagbuksan ako nito ng pinto saka ako ngumiti rito. "Salamat po—"

"Oy! Oy! Oy! Ano 'yan?!"

"Jona—"

"Bakit mo kasama kaibigan ko?" taas-kilay na sabi nito sa kasama kong hindi pa rin maalis ang ngiti.

"Hinatid ko lang siya, madilim na kasi sa daan. Don't worry, aalis na rin ako. I'll go Ada," sabi nito saka kami tinalikuran.

Pinagmasdan ko lang ang pag-alis ng kotseng iyon na hindi ko naman siya makita sa loob. Doon lang ako napatingin kay Jona na gusto na gusto ang noo at bahagya pa akong siniko.

"Biruan lang naman na magbitbit ka ng engineer dito. Ikaw talaga!" panimula niya.

Nangunot ang aking noo. "Hinatid niya lang talaga ako," natatawang sabi ko dahil sa pagnguso nito.

Sa kaniya kasi ang sisisi kapag may nangyari sa akin dito dahil ibinilin ako ni Ate Calli sa kaniya. Ayoko naman na gawin akong special dito dahil may kaniya-kaniyang buhay rin naman sila.

"Kumusta work mo? Okay naman?"

"Oo. Masaya naman."

Umarko ang kilay niya. "Kasi may engineer?"

"Hindi nga. Pamilyado na raw 'yon," bulong ko saka siya tumawa nang malakas.

Umiling lang ito at saka kami pumasok sa loob ng bahay. Gaya ng dati, wala pa ring tao bukod sa amin. Nakakapagod ang araw na ito, pero mukhang ayos na rin kaysa naman sa tumunganga lang ako.

Mukhang okay naman dito sa Maynila. Kailangan ko lang talagang makibagay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status