Share

ISLAND GIRL
ISLAND GIRL
Author: Tin Gonzales

Chapter 1

Nakamasid si Isabella sa malawak na karagatan habang nasa bintana siya ng maliit na kubo ng Tiya Alice niya. Kagigising lang niya nang oras na iyon at gawain na niya iyon tuwing umaga.

Nakatira siya sa isang isla na kung tawagin ay Isla Vermuda. Ganoon ang itinawag dito dahil sabi nila, kahawig daw ito ng Bermuda Triangle na matatagpuan sa western part ng North Atlantic Ocean. Pero kabaligtaran sa mga nangyayari dito, maganda ang isla nila. Mapayapa at masayang namumuhay ang mga tao roon. Para bang sinadya na magkaroon sila roon ng sariling mundo, dahil wala na halos magnais pa na umalis sa lugar iyon— at isa na siya roon.

Simula nang mamatay ang tatay at nanay niya ang Tiya Alice na niya ang kumupkop sa kaniya. Kapatid ito ng tatay niya. Mabait ito at isang matandang dalaga. Sampung taong gulang lang siya nang bawian ng buhay ang mga magulang niya dahil sa paglubog ng bangka pagtawid sa isla. Nagdala ang mga ito ng mga aning prutas at gulay sa karatig bayan at pagbalik ay isang masamang panahon ang sumalubong sa bangka na sinasakyan ng mga ito. Sa kasamaang palad, kasama ang mga ito sa hindi nakaligtas. Simula noon takot na siyang bumaba sa dalampasigan para sumakay ng bangka.

Ang Isla Vermuda ay isang malayong baryo na matagpuan sa dulong bahagi ng Mindoro at madalang marating ng mga tao. Kaya kahit ang may mga katungkulan ay hindi ito agad mapasyalan dahil halos isa’t kalahating oras ang gugulin bago marating ang isla. Kaya naman halos lahat ng kabataan doon ay hindi man lang nasisilayan ang ganda ng kanilang syudad, at ngangarap umalis ng lugar na iyon para makapag-aral kahit sa hindi sikat na kolehiyo.

Sa baryo nila hanggang high school lang ang mayroon at masaya na ang mga kabataan doon na makatapos sila ng pag-aral. Masaya na sila sa ganoong sitwasyon. Sino ba ang gugustuhing lumipat ng syudad para ipagpatuloy ang pag-aaral sa katulad nilang sa dagat lang kumukuha ng makakain? Ang kinikita nila roon ay sapat lang para makaraos sa araw-araw. Kaya pagkatapos ng high school, karamihan sa mga kabataan ay nag-aasawa na dahil alam nilang hanggang doon na lang sila.

“Isabella, anak!” sigaw ng Tiya Alice niya.

Oo, anak ang tawag nito sa kaniya. Iyon ay simula nang kupkupin siya nito. Ibinigay nito sa kaniya ang pagmamahal na ibinigay ng tatay at nanay niya noon. Halos apat na taon na siya simula nang magtapos ng high school. Sa kasalukuyan, bente anyos na siya at isa sa pangarap niya ay makaalis sa isla nila para makapag-aral sa kolehiyo.

“Isabella!” muling tawag ng Tiya Alice niya.

Napatayo siya sa kinauupuan niya. “And’yan na po, Tiya Alice!” sagot niya.

“Naku na bata ka! Gising ka na pala pero hindi ka pa nakapag-aayos ng hapag kainan. Halika ka na at sumabay ka ng kumain sa akin. Samahan mo rin pala ako mamaya sa may bulungan at mag-aangkat tayo isda,” sabi nito habang nag-aayos ng pagkain sa maliit na mesa.

Ito ang gusto niya sa Tiya Alice niya, maalaga ito at mahal na mahal siya. Pagkatapos kumain, iniligpit niya ang mga pinggan at hinugasan iyon. Naligo na siya at kinuha ang timba na lalagyan nila ng mga isda. Ganito sila araw-araw ng tiya niya. Sabado at Linggo ang tangi nilang pahinga.

Pagdating nila sa bulungan; isang lugar kung saan ibinabagsak ang mga nahuhuling isda, ay marami ng tao at may kaunti ring turista. Hindi na iyon bago. May mga mangilan-ngilan talagang turista na dumarayo sa lugar nila dahil sa lakas ng alon sa ibang parte ng tabing dagat. May mga dalang surfing board ang mga ito na madalas ay dinidiskubre pa ang mga baybayin nila.

Walang mga hotel ang mga beaches doon. Nagpapaluto lang ang mga ito sa bahay-bahay at sa dala-dalang tent kumakain. Sa loob ng ilang taon niya roon, mabibilang lang niya ang mga turistang nagpaluto sa kanila. Nagbibigay naman ang mga ito ng tip lalo na kapag talagang nagustuhan ang luto nila.

Lahat ng mga kinikita nila ay kanilang iniipon para makapag-aral siya sa syudad. Tourism ang kursong gusto niyang kunin dahil gusto niyang ipagmalaki sa ibang lugar ang katangiang ganda ng isla nila. Naniniwala kasi siyang malaki ang posibilidad na maging isa sa tourist spot iyon na puwedeng ikaunlad ng isla nila. Subalit alam niyang matagal-tagal na pag-iipon pa ang gagawin nila bago mangyari ang mga nais niya.

“Ganda, andito na pala kayo ng tiya mo. Ito na ang isda na order niyo. Mabuti na lang at maaga kayo, gusto kasing bilhin ito ng isang turista,” ani Aling Berta. Suki na sila nito kaya alam nito ang ibibigay sa kanila.

“Naku, Berta, muntik na nga kaming tanghaliin dahil napasarap ang tulog namin,” tugon ng tiya niya at inabot ang bayad dito.

“Naku, kahit mahal niyang bibilhin iyan ay talagang sa inyo ko ibibigay ang mga isda, Alice, at baka magalit ang maganda mong anak-anakan.” Ngumiti si Aling Berta sa kaniya. Nahiya naman siya sa sinabi nito.

Maganda naman nga siya. Maputi siya kahit nasa tabi sila ng dagat. Maamo ang mukha niya na may mga matang nagungusap at tenernuhan nang may kahabaang pilik. Manipis ang kaniyang mga labi na binagayan ng maliit at may katangusang ilong. Sa taas niyang limang talampakan at limang pulgada ay masasabi niyang bagay sa kaniya ang kursong gusto niya.

“Aling Berta, nambobola na naman po kayo. Kami po ay aalis na para maibenta na ito.” Gumanto siya ng ngiti rito.

“Naku, Isabella, kung kasing-edad mo lang ang anak kong lalaki, paligawan na kita sa kaniya. Kaso, desisais pa lang iyon.” Seryoso ito at natawa.

“Naku, Berta, ewan ko ba sa batang ito. Ang mga kasabayan niya ay nagsipag-asawahan na— siya ni nobyo wala pa,” pagbibida ng tiya niya.

“Tiya Alice, ’di ba mag-aaral pa ako?” Napakamot siya sa ulo.

“Oo, anak. Kaso, baka matagalan pa ’yun. Pero susuportahan ko ’yang plano mo. Halika na nga at baka wala ng bumili ng isda natin,” yaya nito. Nagpaalam na sila kay Aling Berta.

**

Sabado ng umaga, habang nagsasampay ng mga nilabahan niyang damit, malayo pa lang ay naririnig na niya ang sigaw ni Carl na kapag gabi ay nagiging si Carla. Best friend na nasobrahan sa kaingayan.

“My dear queen! Queen Isabella of Vermuda Island!” malakas na sigaw nito na halos mangkandadapa sa pagtakbo. Isang taon din kasi silang hindi nagpangiti nito dahil nagtrabaho ito sa syudad.

Ibinalik niya ang damit sa batya at sinalubong ito ng yakap. Sobrang na-miss niya ang kaibigan.

“Carl, kailan ka pa dumating?” tuwang-tuwang tanong niya, pero itinulak siya nito. Napaawang ang mga labi niya.

“Eww, my wueen! This is Carla kahit umaga o gabi pa ’yan, noh!” ingos nito sabay halukipkip.

Natawa siya nang malakas. Umirap naman ito sa kniya.

“Hoy, Carla, tumigil-tigil ka nga sa my queen na ’yan! Naaalibadbaran ako,” saway niya rito. “Siya nga pala, parang dati kapag umaga Carl ang gusto mong itawag ko sa ’yo. Bakit ngayon Carla na kahit ang maliwanag pa?” Sinabunutan niya ito.

“Ouch! Tama na my Queen Isabella,” maarteng sagot nito.

“Lalo kang masaktan sa akin kapag hindi ka tumigil sa my queen mo Carl!” banta niya na parang capslock ang pangalan nito at hinila ulit ito sa buhok. Mabilis itong umiwas.

“Oo na, Isabel,” nakatikwas ang ngusong wika nito. Ito ang paboritong tawag nito sa kaniya kapag naiinis. “Na-miss talaga kitang bruha ka!” Niyakap siya nito.

Kinurot niya ito sa tagiliran. “Carl, ah, ’wag mo akong ini-English-English, ah. Lumayo ka lang ang dami ng pagbabago sa ’yo,” aniya.

“Ganun talaga, Isabel my loves. Hayaan mo kapag nakaipon ako, libre ko na pamasahe mo pagluwas,” anito.

“Naku, huwag na. Malapit na rin akong makaipon.”

Napalukso ito sa tuwa.

“Sabay na tayong mag-aral, Isabel. Malapit na rin akong makapag-ipon. Tapos, habang nag-aral tayo, mag-working student tayo, my loves.” Sinabayan nito iyon ng pag-akbay sa kaniya.

“Oo ba! Promise mo yan, ah. Ililibot mo ako sa syudad kapag andun na tayo,” saad niya.

“Oo naman! Akong bahala sa ’yo. At ito pa Isabel, ’di ba tapos na ang termino sa pagka-mayor ni Mayor Sergio Fetalvero? Ang papalit sa kaniya ay ang anak niyang si Skye Fetalvero. Panganay siya sa magkakapatid,” kwento nito.

“Oh, eh, ano namang kinalaman natin ’dun?” salubong ang mga kilay na tanong niya.

“Balita ko bibisita iyon dito at iaayos ang mga school at iba pang mga pwedeng gawin sa lugar natin. Syempre, ako ang inatasan nilang mag-ayos ng stage kaya sasamahan mo ako. Sayang din ang tip na ibibigay ng baranggay. Ikaw ang side kick ko at dagdag ipon iyon, ’di ba?

Napaisip siya. Siguro dahil huling termino na ng mayor ay mabibigay ito ng mga proyekto roon. Ito ay para na rin siguro maalala ito ng mga tao.

“Isabel, ano? Go ka na ba?” Tinapik nito ang balikat niya.

“Aray! Ang sakit, ah,” reklamo niya at sumimangot. Hindi naman nagtagal iyon at ngumiti siya rito. “Oo na. Paalam lang ako kay Tiyang Alice. Kailan ba ’yun?”

“Sa isang linggo pa naman. Huwag kang mag-alala, kasama ang Tiyang Alice ni Nanay, sila ang magluluto ng pagkain ng mga bisita,” sabi pa nito.

Tumango siya.

“Balita ko, sakay sila ng yate at madaming kasama. Isa na roon ang yummy nitong anak na papalit dito,” tili nito.

“Asa ka naman! Baka may asawa o girlfriend na ’yun sa syudad.” Tinawanan niya ito. “At isa pa, ’wag kang maniwala sa tsismis Carla.”

“Echuchera ka talaga, Isabel. Basag trip ka talaga kahit kailan!” asar na sambit nito.

“Sorry na. Pinaaalalahanan ko lang ikaw dahil baka masaktan ka ulit. Natatandaan mo ba noong pumunta ’yung isang congressman dito? Sabi mo yummy din, tapos nang dumating dito, matanda na at mukhang pinagsakluban ng langit at lupa sa kasungitan!” paalala niya.

Humalukipkip ito. “Sabagay. . . Sabi nga nila kung istrikto si Mayor, mas masungit at istrikto raw ang anak. Saka, baka nga may asawa na ’yon. Napaka-seryoso din daw. Narinig ko pa na may ipagagawa raw hotel dito at gagawing isang resort,” anito sa malungkot mukha. Ang kaninang masaya ay parang pinagsakluban ng langit at lupa.

“Oh, ’di ba? Hayaan mo silang gawin ang gusto nila, basta para iyon sa ikauunlad ng isla natin,” saad niya.

“Iyon na nga. Kaso, ang hotel na itatayo ay dito mismo sa lugar natin. Tatanggalin nila ang mga bahay natin dito. Iyon ’ata pag-uusapan sa isang linggo,” malungkot na tugon nito.

Napanganga siya. Paano na kung paalisin sila roon? Saan sila titira ng Tiyang Alice niya at ng mga tao sa baryo nila?

Hindi ako papayag! Sa dulong isla na lang sila magtayo at huwag dito! Sigaw niya sa isip.

Matapos sila magkumustahan at magkwentuhan ni Carl nagpasiya na itong umuwi.

Kinagabihan ay hindi siya nakatulog sa kaiisip sa balita ng kaibigan niya.

Ano kaya ang mangyayari sa kanila?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status