Share

STEEL, MY LOVE...
STEEL, MY LOVE...
Author: TALACHUCHI

Kabanata 01 - Unang Pagtatagpo

           HINDI NA ALAM NI KENNARY KUNG SAAN HAHANAPIN ANG MGA KAIBIGAN. Kanina pa siya paikut-ikot sa paligid ng plaza at kanina pa rin siya pabalik-balik sa rebulto ni Jose Rizal kung saan usapan nilang magkikita pagdating ng ala-tres ng hapon, subalit wala ang mga ito roon. 

           Nasa plaza sila ng bayan upang manood ng basketball game sa paanyaya ng isa sa mga kaibigan niyang si Divina. Kasama nito ang nakatatandang kapatid na si Cherry at ang kasintahan nitong si Paul na pareho rin niyang mga kaibigan. Hindi siya mahilig manood ng mga sports games, pero na-kombinsi siya ng mga ito na pumunta. 

           Actually, si Divina lang ang nagpumilit sa kaniyang sumama dahil ayaw raw nitong maging third-wheel kina Cherry at Paul. At dahil wala naman din siyang gagawin sa bahay nila, plus nangako si Divina na sagot nito ang meryenda niya sa bagong tayong pancake house sa bayan, ay um-oo na rin siya. Aba, hindi pa siya nakatitikim ng ‘matinong’ pancake buong buhay niya, kaya hindi niya palalampasin ang oportunidad na iyon. Ang nakakain lang kasi niya ay yaong bine-benta sa kalye na tig-dalawang piso kada isa, iyong kulay yellow na pinahiran ng margarin at binudburan ng asukal. Iyong pancake na ibinebenta naman sa pancake house ay tulad sa nakikita niya sa mga TV commercials at western films; tatlong magkakapatong, may butter sa ibabaw, at may honey o strawberry syrup.

           Iyon lang talaga ang dahilan kaya siya sumama. Kung hindi siya ili-libre ni Divina at nunca niyang matitikman iyon dahil wala siyang pambili. Aba, siguradong ang presyo ng isang serve no’n ay limang araw na niyang baon sa eskwela!

           Ang kaso… wala nga sina Divina sa napag-usapan nilang meeting spot. At ni-ikot na rin niya ang buong plaza, subalit hindi niya makita kahit isa sa mga ito.

           Kung sana’y may cellphone siyang magamit para ma-contact ang mga kaibigan…

           Napapalatak siya sa huling naisip sabay halukipkip. 

           Asa pa ako. Cellphone. Pfft.

           Ang mga estudyanteng may cellphone sa bayan nila ay yaong mga anak ng mayaman o may kaya sa buhay. At hindi siya kabilang doon. Magkaka-cellphone lang yata siya kapag nakapag-trabaho na siya. Sa hirap ng buhay nila ngayon ay hanggang pangarap na lang muna ang mga 

materyal na bagay tulad ng 3210 Nokia phone. 

            Iyong suot nga niyang damit ngayon ay isa lang sa mga patunay na hindi siya ‘belong’ sa mga uri ng estudyanteng may pribilehiyong buhay. Dahil kung ang iba ay nakasuot ng usong off-shoulder top, o immitation Lacoste poloshirt, at T-shirt na may tatak ng mga Disney o Looney Tunes characters, ang naka-imprenta naman sa suot niyang T-shirt ay mukha ng mayor nila! 

           Hay naku. Kung bakit kasi wala siyang matinong damit…

            Well, at least bago ito, aniya sa isip. Kahapon lang ipinamigay at maganda ang kulay; fuschia pink.

            Muli niyang ni-ikot ang tingin upang subukang hanapin ang mga kaibigan. Sa dami ng tao na naroon sa plaza at sa court katabi niyon ay hindi madaling maghanap. Marami ang naroon dahil malibang weekend ay sem break din. 

            Napatingin siya sa court na karugtong ng plaza kung saan kasalukuyan nang may naglalarong team. Ang sume-separa lang sa plaza at open court ay ang dalawang metrong konkretong pader na may tatlong metrong grills sa ibabaw. Iyon ang pader na pumapaligid sa court—na sa mga sandaling iyon ay puno ng manonood kung ang pagbabasehan ay ang mga nagsisiksikang tao sa harap ng grills. Ang ibabang bahagi na tinatakpan ng konkretong pader ay tatlong baitang na concrete bleachers naman, na sigurado siyang napuno rin ng mga audiences.

            Sa mga sandaling iyon ay nagkakagulo ang lahat sa loob ng court. Maingay dahil may tili, sigaw, tawa, at cheer na nangyayari. Mukhang maganda ang laban. 

            Hindi kaya naroon na sina Divina? Hindi kaya napasugod bigla ang mga ito roon bago pa mawalan ng pwesto dahil sa dami ng tao? Posible.

            Okay, doon ko sila hahanapin. Hindi pwedeng masayang ang pamasahe ko sa pagpunta rito, kailangan ko silang makita.

           

            Sa malalaking mga hakbang ay tinalunton niya ang daan patungo sa entrance ng court. Alam niyang hindi magiging madali ang paghahanap niya, pero hindi siya uuwi nang hindi niya nakikita ang mga kaibigan dahil wala rin siyang pamasahe pauwi!

            Pagdating sa entrance ng covered court ay halos hindi rin siya makadaan tulad ng inasahan niya. Marami ang mga nagsisiksikang mga manonood sa labas pa lang ng daan. Nagpaumanhin siya at ini-siksik rin ang sarili sa mga lalaking naghalo-halo na rin ang mga amoy, at nagkanda-haba-haba ang leeg sa pagtanaw sa court dahil ang mga nasa harapan ng mga ito’y matatangkad.

            Nagpatuloy siya, at habang nakasiksik ay bahagya na niyang naririnig ang masayang usapan ng ilan sa mga tao roon. 

            “Ang galing talaga ni Steel sa three points, ‘no?” anang isang mama, kausap ang kasama nito. “Kung wala siya sa team ng Miamiranda, walang pag-asang mananalo sila.”

            “Tama ka, ‘tol,” sagot naman ng katabi. “MVP na naman sa taong ito ‘yang si Steel. Aba, ang laki ng potensyal na ipinakikita. Point guard ang posisyon niya pero pang-team captain na rin ang performance.”

            “Tsk, kakaiba talaga ‘yang batang ‘yan. Isang malaking karangalan na taga-rito siya sa atin.”

            Hindi niya alam kung sino ang tinutukoy ng mga ito, at hindi niya alam kung bakit bumangon ang kuryusidad sa kaniyang dibdib. Parang tila may bumulong na demonyo sa likod ng kaniyang isip at nagsabing alamin niya kung sino ang taong tinutukoy ng dalawang mama?

           Besides, she was a curious cat… Ang sabi nga ng mga taong nakakakilala sa kaniya'y para siyang reporter sa dami ng gustong malaman; sa dami ng mga tanong.

            So… back to the guy who was called 'The MVP'... Kung taga-rito lang sa bayan nila ang Steel na iyon ay siguradong makikilala niya. Hahanapin niya ito mamaya kapag naka-labas na siya mula sa pakikipagsiksikan.

            At iyon na nga. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyan siyang nakarating sa harapan. Pero bago pa siya muling maka-kilos sa kinatatayuan ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang may lumilipad na bola patungo sa direksyon niya!

           Sa gulat ay hindi na niya nagawang kumilos, tila tumigil sa pag-inog ang mundo at sa pagtakbo ang oras. Ang nanlalaki niyang mga mata ay nakatutok sa bolang papalapit na nang papalapit sa mukha niya. Bahagya na niyang nakita ang player na mabilis na tumatakbo upang sundan ang bola, at bahagya rin niyang napansin na ang nilusutan pala niya ay ilalim ng basketball ring. 

           Para siyang tinakasan ng espirito at natulala na lang sa kinatatayuan.

           Hanggang sa… 

           Inabutan ng player ang bola at bago pa man iyon tumama sa mukha niya’y ni-dakma iyon ng lalaki saka ini-hagis pabalik sa court. 

           Subalit hindi doon natapos ang eksena.

           Dahil ang lalaking dumakma sa bola ay tuluy-tuloy na bumulusok at humampas sa kaniya! Na kung wala marahil ang mga lalaking nasa likuran ay baka bumagsak siya—silang dalawa sa sementong sahig ng court!

           Awtomatiko siyang napahawak sa pawisan nitong braso bago pa man siya mawalan ng balanse at matumba. Naipit siya sa pagitan nito at ng mga lalaking nasa kaniyang likuran. 

            Matangkad ang player na bumangga sa kaniya kaya napatingala siya. Subalit hindi niya nakita ang mukha nito dahil nakalingon ito mga kasamang nagawang ituloy ang laban dahil naisalba nito ang bola. 

           Bahagya na niyang narinig ang sinasabi ng mga mamang nasa kaniyang likuran dahil nanatili siyang nakatulala sa matangkad na player. Hanggang sa napalingon ito—at doon siya napahugot ng paghinga. Napatitig siya nang diretso sa singkit na mga mata ng lalaki bago bumaba ang kaniyang tingin sa matangos nitong ilong, pababa pa hanggang sa bahagyang nakabuka nitong bibig. Sunud-sunod itong humugot ng malalim na paghinga; halata sa anyo ang pagod. 

           Lalo siyang napatda sa kinatatayuan. 

           Hindi niya alam kung ano ang nangyari, pero para siyang hinampas ng malakas na hangin na hindi niya maintindihan.

           Napa-igtad na lang siya bigla nang makitang bumaba ang mga tingin ng lalaki sa kamay niyang nakahawak pa rin sa braso nito. Then, his eyes went back to her's. “I’m okay, you can let go of me now.”

           Napakurap siya. 

           Huh?

           

           “Bingi ka ba? Ang sabi ko’y maayos lang ako kaya bitiwan mo na ako.” Binawi nito ang braso saka kaagad na tumalikod upang bumalik sa loob ng court. Tumakbo ito patungo sa kabilang ring kung saan naroon ang ilan pang mga manlalaro at nagpapasahan pa rin ng bola. 

           Nanatili lang nakasunod ang kaniyang tingin hanggang sa makitang pinasahan ng bola ang lalaking bumangga sa kaniya, at mula sa malayo ay ini-tira nito iyon. 

           Pumasok ang bola sa ring— malakas na in-anunsyo ng announcer na three points iyon. Hiyawan ang lahat. 

           Pero ang kaniyang pansin ay wala sa laro kung hindi sa sinabi ng lalaki kanina.

           Bakit parang may mali? ‘Di ba dapat ay ako ang tanongin niya kung maayos lang ako? Ano’ng pake ko kung maayos lang siya? Ako ang nabangga, ah?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status