Share

CHAPTER 4

"Handa ka na ba, binibini?" Kararating niya lang dito sa cottage at oo, hindi siya late katulad kahapon ng umaga haha.

"Naku, naging makata ka naman yata bigla!" mapang-asar na sambit ko habang sinisigurado ko kung nadala ko ba ang camera ko.

"Kaya kong maging makata kapag kausap ka, binibini." Hindi ko alam kung pinagti-trip-an niya ba ako o kung ano. Kinikilabutan ako sa tuwing binabanggit niya ang salitang binibini, pero okay na rin kasi at least nagpi-Filipino siya. 

"Salamat sa pag-a-adjust para sa akin. Maganda lang talaga ako pero mahina ako sa English," seryosong sambit ko para mapaniwala ko siya kahit papaano.

"Ayos lang basta ang mahalaga ay magka-intindihan tayo."

"Tama."

"Tara na, ayon na si Mang Driel oh." Itinuro niya sa akin ang isang bangkerong lulan ng isang kulay asul na bangka na nag-aantay na sa amin.

"Tara na! Excited na ako waaa!" sambit ko bago tumakbo patungo sa bangka ni Mang Driel. Iniwan ko si Blue roon na tila nagulat sa ikinilos ko. E, excited ako eh.

Maya-maya lang ay sumunod na rin sa akin si Blue. Nakakatuwa lang na nagkaroon ako kaagad ng kaibigan dito sa Coron tapos manunulat pa.

"Okay na po ba kayo, ma'am at sir?" tanong ni Mang Driel.

"Ayos na po ako," sagot ko matapos maka-upo nang maayos sa upuan ng bangka. Nagsuot din kami ng life vests para safe kami kung sakali man na lumubog ang bangka, huwag naman sanang mangyari.

"Ayos na rin po ako, Manong Driel. Tayo na po sa bayan." Magkaharap kami ni Blue ngayon at nakasuot siya ng sunglasses! Bakit parang may kasama akong artista?!

"Sige po." Pinaandar na ni Mang Driel ang makina ng bangka at nagsimula na ang aming maikling paglalayag.

Sa mga alon lang ako nakatitig habang patungo kami sa bayan. Aliw na aliw talaga ako sa bawat pagtalon ng mga malilikot na alon kasabay ng pag-ihip ng sariwang hangin.

Simpleng blue t-shirt at black slacks lang ang suot ni Blue pero ang guwapo niya pa rin tignan. Kahit siguro anong isuot niya ay babagay sa kaniya. Black na sapatos ang suot niyang pangyapak at mukhang chill na chill siya.

Alam niyo ba iyong pakiramdam na may kasama kang tao na ina-admire mo? Iyon iyong pakiramdam ko ngayon, nakaka-proud lang talaga na nakasama ko siya at isinama niya ako sa lakad niya. 

Mamaya talaga magpapa-picture ako sa kaniya kapag nasa bayan na kami!

Naka-earphones siya kaya hindi ko na rin kinausap pa dahil ayaw ko namang magpasaway sa kaniya, para isama niya pa ako sa sunod na pupuntahan niya. Luh, assuming na naman ako!

Siguro ito na iyong hinihiling ko na sana maging masaya ang pagbabakasiyon ko. Masaya na agad ako dahil nakilala ko siya. Hindi ko maikakailang gusto ko pa siyang makilala nang lubusan. Huwag lang sanang mahulog ang loob ko sa kaniya, marupok pa naman ako.

"Nasa bayan na po tayo." Agad namang inalis ni Blue ang earphones sa kaniyang mga tainga at agad na isinukbit ang bag niya.

"Tayo na." Inilahad niya ang kamay niya sa akin para siguro maalalayan ako kapag bababa na kami sa bangka.

"Hindi pa nga tayo," pabiro kong sambit bago inabot ang kamay niya. Holding hands na naman ang walang label haha. "Joke lang," dagdag ko.

"Mais," tipid niyang sambit. "Ingat sa paghakbang."

"Ang sweet niyo naman po sa isa't isa, ma'am at sir." Pangiti-ngiti pa si Mang Driel habang tinutukso kami ni Blue, akala niya siguro magkasintahan kami.

"Naku, hindi po. Magka-ibigan lang po kami." Ako na ang kaagad na nagsalita dahil baka mang-asar pa ulit si Mang Driel.

"Naku, pasensiya po. Akala ko kasi kayo ni sir." Huminto muna kami ni Blue nang malapit na kaming tumawid mula sa bangka patungo sa sementadong tuntungan habang inuugoy ng alon ang bangka.

"Ayos lang po, ayos na po iyon." Hindi pa rin umiimik si Blue. Dapat talaga hindi na ako nag-joke eh.

"Ingat po kayo. Sir Blue, text niyo nalang po ako kapag babalik na kayo sa resort."

"Sige po, Manong Driel. Salamat po!" Sa wakas nagsalita na rin siya. Hindi ko namalayang magka-holding hands pa rin pala kami.

Binitawan muna ni Blue ang kamay ko at nagsalita, "Ako muna ang tatawid tapos aabutin ko nalang ang kamay mo para maalalayan ka. Magalaw ang bangka kaya huwag kang malikot ha?" Para siyang tour guide kung magpaalala patungkol sa mga dapat na gawin para safe ang tourist.

"Sige-sige. Hindi ako maglilikot." Matapos kong sumagot ay dahan-dahan siyang tumawid habang inaalog-alog ng mga alon ang bangka.

"Akin na ang kamay mo," sambit niya matapos makatawid.

"Heto ang kamay ko." Agad niyang inabot ang kanang kamay ko kasabay nang paghakbang ko para makatawid na.

"Huwag kang kabahan, hindi ka mahuhulog." Napansin ko lang na hindi niya na ako ulit tinawag na binibini, ramdam niya siguro na medyo nailang ako kanina nang tinawag niya akong binibini. Mas okay nga na itinigil niya na dahil pakiramdam ko ay hindi ako ang magiging binibini niya.

"Hindi naman ako mahuhulog," seryosong sambit ko kahit ang totoo ay kinakabahan ako dahil baka madulas ako at mahulog sa dagat. Hindi pa naman ako sanay na tumawid-tawid mula sa bangka patungo sa lilipatan.

"Ayan, nakatawid ka na." Nakahinga ako nang maluwang dahil nakatawid na nga ako. Madali lang naman palang tumawid eh.

"Parang kinabahan ka kanina ah." Tila nang-aasar yata siya. Binitawan niya na rin ang kamay ko dahil nakatawid na nga naman kami.

"Ha? Ako, kinabahan? Hindi ah. Strong kaya ako." Nahihiya lang akong umamin sa kaniya na kinabahan ako kanina dahil baka mamaya ay iyon pa ang ipang-asar niya sa akin.

"Sus, huwag mo na itanggi. Medyo namutla ka pa nga kanina." Bahagya pa siyang tumawa matapos niyang magsalita. Ang cute niya kapag tumatawa siya kaso bihira lang siyang tumawa eh.

"Huwag mo akong aasarin ah. Oo, kinabahan ako kanina dahil baka madulas ako o kaya ay mahulog," nahihiyang pag-amin ko sa kaniya. Shooks, napaamin niya ako! Rupok version 2.0 haha.

"Hindi naman kita hahayaang mahulog." Parang napaisip ako bigla sa sinabi niyang iyon. Hindi niya raw ako hahayaang mahulog.

"Ang bait mo talaga!" masiglang sambit ko. Iyon nalang ang sinabi ko kahit na ang totoo ay bigla akong napaisip dahil sa sinabi niya o baka naman kung anu-ano lang ang pumapasok sa isip ko kaya ang gulo ng iniisip ko.

"Saan mo gustong pumunta?" pag-iiba niya ng topic. Kung puwede lang sanang pumunta sa puso niya. Gusto kong malaman kung may itinitibok na ba ang puso niya at kung may pangalan na ba itong isinisigaw. 

"Ikaw ang bahala. Hindi ko pa naman alam masiyado kung ano ang magandang puntahan dito sa bayan." Pasulyap-sulyap lang kami sa isa't-isa habang nag-uusap dahil nakakailang naman kung lagi nalang naming titigan o titignan ang mukha ng bawat isa.

"Alam ko na kung saan tayo pupunta!" sambit niya bago nagpakawala ng isang matamis na ngiti. Nakakatunaw ang kaniyang ngiti. Ito na yata ang sinasabi nilang killer smile!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status