Share

CHAPTER 4

"I AM sorry, Sofia, pero hanggang dito na lang tayo. Alam ng pamilya ko ang sinapit mo at ayaw nilang mabahiran ng dungis ang pangalan ng angkan namin kung sakaling pakasalan pa kita. Mahalaga sa 'kin sina mama't papa kaya't patawad kung wala nang kasalang magaganap. Paalam, Sofia..."

Bigla na namang pumatak ang masaganang luha sa mga mata ni Sofia nang maalala ang mga huling katagang binitawan ni Jeremy bago ito tuluyang magpaalam sa buhay niya. Paulit-ulit pa rin niya iyong naririnig kahit pa anim na buwan na ang nakakalipas magmula nang mangyari ang mapait na yugtong iyon sa buhay niya.

Naalala pa niya, biglang sumugod si Jeremy sa mansyon nila nang mabalitaan nitong nakauwi na siya. That was supposedly their wedding day, supposedly the happiest day of her life, pero kabaliktaran ang naramdaman niya nang mga sandaling iyon. Nakita niya ang awa sa mga mata nito habang nakahiga siya sa kama at tulala. Buong akala niya'y yayakapin siya nito, at sasabihing tuloy pa rin ang kasal dahil mahal na mahal siya nito. Ngunit gayon na lamang ang sakit na naramdaman niya nang ibang mga kataga ang namutawi sa mga labi nito. Bigla ay binitawan siya nito. Binitawan nito ang mahigit apat na taon nilang relasyon dahil sa nangyari sa kaniya.

She bitterly smiled. Tears kept falling from her eyes. Minahal nga ba talaga siya ni Jeremy? Kung sabagay, hindi naman niya ito masisisi. Marahil ay ayaw lamang nitong komontra sa mga magulang nito. Nakakahiya naman kasi talaga ang sinapit niya. Kilala ring may kaya sa buhay ang pamilya nito kaya't alam niyang pinuprotektahan lamang ng mga ito ang pangalan ng angkan.

Pinalis niya ang mga luhang malayang naglakbay sa magkabila niyang pisngi. Naalala pa niya, ipinahanap ng kaniyang ama ang may kagagawan niyon sa kaniya. Halos mag-hire pa ito ng detective agent at galugarin ang lugar kung saan siya in-abduct ng mga tauhan ng gumahasa sa kaniya. Ngunit sadya yatang mautak ang walang-hiyang lalaking iyon. Wala ni isang bakas ng pagkakakilanlan. Ultimo CCTV sa lugar na iyon at sa mga kalapit na bayan ng pinangyarihan ng pag-kidnap sa kaniya ay hindi gumagana. Gan'on din ang nangyari n'ong iniuwi siya ng lalaking nanghalay sa kaniya, walang CCTV din na nakuha. Naisip niyang marahil ay talagang mautak at mayaman ang lalaking may kagagawan niyon sa kaniya. Nagawa nitong piringan ang batas. Nagawa nitong gamitin ang salapi makatakas lang.

She closed her fists. Unti-unti na namang nabubuhay ang galit niya para sa lalaki. Mas lalo siyang napoot nang mapabaling ang paningin niya sa kaniyang tiyan.

Ngayon ay kasalukuyan na siyang nagdadalang-tao sa anak ng hayop na lalaking gumahasa sa kaniya. Ilang ulit niyang sinubukang uminom ng pampalaglag, subalit sa tuwing gagawin naman niya iyon ay palaging nakabantay ang yaya Sela niya. Hanggang sa lumaki na lamang ang tiyan niya ay hindi pa rin niya nagawa ang binabalak na pagkitil sa mumunting buhay na pumipintig sa kaniyang sinapupunan.

"Anak, may bisita ka. Nandito ang kababata mo," bungad ng yaya niya na nagpabalik sa kaniya sa kasalukuyan.

Hindi siya kumibo, bagkus ay puno ng pait pa rin siyang lumuluha habang nakaupo sa gilid ng kama.

Narinig niya ang marahang yabag ng mga paa palapit sa kinaroroonan niya.

"Sofia, kumusta ka na?" tanong ng baritonong boses na siyang nagpa-angat ng paningin niya.

Si Brix pala ang bisitang tinutukoy ng kaniyang yaya Sela. Si Brix dela Fuente na kababata niya at noong college ay nanligaw sa kaniya, subalit hindi niya binigyan ng pagkakataon sapagkat si Jeremy ang mahal niya.

"Kadarating ko lang kahapon galing States at nabalitaan ko kaagad ang nangyari sa 'yo kaya bigla akong napasugod dito," anito nang hindi siya tumugon.

Totoo ang sinabi nitong galing itong States. Doon na kasi nito ipinagpatuloy ang pagkokolehiyo magmula nang mabasted sa kaniya. Doon na rin ito nagtayo ng sarili nitong negosyo, at ang balita niya'y napalago nito iyon sa sariling sikap. Malaki na ang kompanyang pag-aari nito. Malawak na rin ang coverage niyon, at ang balita pa niya'y may branches iyon sa iba't ibang panig ng mundo. Ang buong akala niya'y wala na itong balak umuwi ng Pilipinas pero nagkamali siya.

"I might be staying here for good," ani pa nito na tila nabasa ang nasa utak niya, saka napatitig sa maumbok na niyang tiyan.

Napatungo siya sa hiyang naramdaman. Napatungo siya sa awang nasilayan sa mga mata ng binata. Ayaw niyang siya'y kaawaan ng kahit na sinuman!

Mayamaya'y dahan-dahan itong umupo sa tabi niya, saka masuyong hinawakan ang kamay niyang nakapatong sa kandungan niya. Awtomatiko siyang napapitlag at pabiglang napalayo sa binata. Hindi niya mawari kung bakit naroon na sa kaniya ang takot na mahawakan man lang ng isang lalaki. Waring nagkaroon na siya ng phobia sa mga kalahi nito.

"Sophie, I'm sorry kung nagulat kita," hinging-paumanhin nito na siya namang nag-udyok sa kaniya para magsalita.

"N-nothing to say sorry, Brix. Nasa akin ang problema. Siguro may phobia na ako sa mga lalaking katulad mo," sambit niya. Napatulo na naman ang luha niya.

"Sophie..."

"H-hindi ko pa rin makalimutan ang kawalang-hiyaan ng lalaking 'yon! Ni hindi ko man lamang siya nakilala. Sinira niya ang lahat ng mga pangarap ko. Sinira niya ang nakatakda kong kasal. Alam mo bang ikakasal na 'ko n'on sa lalaking mahal ko? Pero ano'ng ginawa niya? Pinagsamantalahan niya 'ko! He raped me! Siya ang may kagagawan sa lahat ng paghihirap ko ngayon!" aniyang lumuluha. Puno ng pait ang boses niya habang sinasabi niya iyon. "Isinusumpa ko siya, Brix! At kahit na kailan ay hinding-hindi ko siya mapapatawad!" madiin at puno ng poot niyang saad, saka napatitig sa binatang hindi makatingin ng deretso sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status