Share

Chapter Ten: Regrets

Iginala ni Elaine ang tingin sa loob ng apat na sulok ng katamtamang laking kuwartong iyon. May double bed na nakadikit sa wooden wall at may nakapatong na lampshade sa sidetable. Kulay-puti ang traditional built-in closet na kahit hindi lapitan, alam niyang kailangan pa ng linis. Walang bintana ang kuwarto pero may nakakabit na split-type aircon. The walls badly needed repainting. Kailangan ding palitan ang carpet at center table.

Pinakawalan niya ang handle ng dalawang maleta na nasa magkabilang gilid. Lumabas siya ng kuwarto para i-check ang kabuuan ng bahay. Maliban siyempre sa kuwarto ni Tan. Pumasok ang lalaki sa kuwarto nito pagkaabot na pagkaabot ng susi sa kanya. At least the living room looked clean and decent. Hindi niya napansin iyon kanina pagpasok dahil tuliro siyang dumeretso sa kuwartong itinuro ni Tan.

May couch at coffee table sa gitna ng sala at may TV na nakapatong sa rack. Sa ilalim niyon ay ilang magkakapatong na magazines at babasahin. Sa kusina, may pang-apatang mesa. May refrigerator pero nang buksan niya, walang laman—kahit mineral water man lang.

Naghanap si Elaine ng water dispenser but there was none. Nauuhaw na siya. At kumakalam ang sikmura.

Lumabas ng kuwarto si Tan. Napalingon siya rito, at ito rin sa kanya. Kagaya ng dati, nakasuksok na naman ang isang kamay nito sa bulsa. Habang ang isang kamay ay may hawak na malamig na bottled mineral water.

Lumunok siya. Nakakadagdag sa uhaw ang kaguwapuhan ng asawa.

Nakapagbihis na si Tan. Naka-long sleeves at slacks pa ito kanina nang abutan niya. Ngayon, nakaputing T-shirt na lang at itim na pajama. His usual sleeping attire. Ten PM pa lang, nasa bahay na ito. Looked like he really got more time now. ‘Sabagay, hindi na lang ito basta-basta surgeon na twenty-four-seven nakahandang sumalang sa operating room.

As they held gazes, nakaramdam ng panghihinayang si Elaine. Why didn’t he become this successful four years ago? Kung sa pagiging board member din naman pala ito papunta, bakit hindi pa inagahan ng Diyos at ng tadhana? Everything they’d been through, the crazy fights and unsolved misunderstandings, baka hindi lahat ng iyon ay naranasan nila sa loob ng kulang isang taon na pagsasama. Perhaps they were able to work things out and save their marriage.

Ipinilig ni Elaine ang ulo. No. Hindi lang ang pagiging doktor ni Tan ang naging hadlang sa kanila noon.

“Komportable ba sa kuwarto mo?” tanong niya para basagin ang katahimikan. Tumikhim siya nang manatili lang ang blangkong tingin ni Tan. “Hindi ako papasok bukas. Iwan mo ang susi ng kuwarto mo, maglilinis ako ng buong bahay para—”

“Akala ko binasa at naitindihan mo ang kontrata,” putol nito sa sinasabi niya.

“I did.” Ano ang kinalaman ng kontrata sa sinabi niya?

Lumakad si Tan papunta sa sofa. Sinundan niya ito ng tingin. Naupo ito doon. Ipinatong ang wala nang lamang bote ng tubig sa center table, saka siya nilingon. “Ang lugar na puwede mo lang puntahan ay ang banyo, sala, at ang kuwarto mo. Wala kang obligasyon sa akin kagaya ng wala rin akong obligasyon sa ‘yo. We are not a married couple unless ang Textile ang pinag-uusapan. Stick to what’s written in the contract. Worry and think only about yourself.” Tinitigan siya nito. Matiim. Bago idinagdag ang… “Just how you perfectly did back then.”

Elaine flinched. The last two sentences sent a pang of pain in her heart. Iyon nga ba ang ginawa niya sa buong durasyon ng pagsasama nila? ‘Yong isipin lang ang sarili niya?

May dinukot si Tan mula sa bulsa nito. Ipinatong iyon sa center table. Kahit hindi lapitan, alam niyang tseke iyon.

“Pagkatapos ng anim na buwan, ibibigay ko ang kabuuan ng kabayaran sa kooperasyon mo. You can choose to stay or leave the country again. It’s up to you kung saan mo uli planong lustayin ang perang pinaghirapan mo.”

Bukod sa hindi niya gustong salubungin ang nang-uusig na titig ni Tan, she wanted to hide her pain kaya this time, nagbaba siya ng tingin.

“No’ng mga panahon ba na ‘yon, sinubukan mong hanapin ako?” she asked quietly.

“Should I? Kung kulang na lang, isampal mo sa akin na huwag,” sagot ni Tan sa flat na tono.

Nag-angat si Elaine ng tingin but she could hardly stand Tan’s cold gaze.

“You got what you wanted. I received what you said I deserve. Huwag mong kalimutan, ikaw mismo ang tumapos sa ugnayan natin.” Tumayo si Tan sa kinauupuan.

Huminga siya nang malalim nang lagpasan nito at tuluyang pumasok sa sariling kuwarto.

You don’t know what I’ve been through, Tan. Her smile was bitter. You have no idea where I’ve been… You would not dare imagine where…

Malungkot na nilingon niya ang nakasarang pinto ng kuwarto ni Tan. Ang daling sabihin at isipin na nagpakasarap at nagwaldas siya ng pera sa ibang bansa. Sana nga ganoon ang ginawa niya, sana nga sa luho napunta ang perang tinanggap niya noon sa asawa. Unfortunately, or perhaps thankfully, naubos niya iyon para protektahan at alagaan ang sarili—so she could come back safe—although broken—for him like this.

Bago pa mag-alas-otso ng umaga, nakaligo at bihis na si Tan. Kinuha niya ang cell phone sa mesita para abisuhan ang sekretarya na male-late siya. Dadaan siya sa Textile bago dumeretso sa ospital. He would meet with the board at eleven. Nai-file na ang marriage contract nila ni Elaine. Ipa-process ang pag-transfer ng management ng Textile sa pangalan niya as soon as maging available ang marriage certificate. That would take at least three months according to Atty. Ramas.

Inayos ni Tan ang suot na tie sa harap ng salamin. Hindi niya gustong maging businessman pero wala siyang ibang choice but to become one for the meantime.

Lumabas siya ng kuwarto bitbit ang itim na leather messenger bag. Palabas na siya ng bahay nang mapatingin sa nakasarang pinto ng kuwarto ni Elaine. Katabi lang ng kuwarto nito ang kuwarto niya.

Magdamag niyang narinig ang walang katapusang pagkilos nito sa loob. He irritably knocked on the wooden wall na nagsisilbing dibisyon sa pagitan ng kanilang mga silid para patahimikin ito.

Ilang minutong tumahimik pero mayamaya, nag-umpisa ito uli. He forced himself to sleep. Why the hell was she cleaning her room in the middle of the night? Wala na bang bukas? Gusto niyang pasukin ito sa kuwarto para deretsang sabihin iyon at kung gaano ito nakakaistorbo pero mas pinili niyang mag-plug ng earphones at magtalukbong ng kumot.

Akmang itutuloy ni Tan ang paglabas ng pinto nang makita ang plastic Tupperware sa mesa. Lumapit siya doon. Dalawang pirasong sandwich ang laman niyon. May nakadikit na sticky note sa cover.

Good morning. I bought breakfast for you. May gatas din akong iniwan sa ref. See you later.

He scoffed. Nilamukos niya ang maliit na papel at iniitsa sa mesa. Tumunog ang cell phone niya. Si Atty. Ramas ang tumatawag.

Inihagis ni Elaine ang tissue paper sa shopping cart bago iyon itinulak papunta sa counter para magbayad. Mag-isa siyang namimili ng mga kailangan sa bahay. Bukod sa pagkain, she bought few bottles of whiskey at ilang canned beer.

Magdamag siyang pinagdamutan ng antok kagabi. Sa unang pagkakataon, hindi nasayaran ng alak ang sikmura niya at nag-pass siya sa sleeping pills. Kung iinom siya ng pampatulog ng past eleven na ng gabi, babangon siyang hilo kinabukasan. Wala siyang matatapos kung sakali.

Bukod sa tulog, nagtiis din siya ng gutom at uhaw kagabi. Hindi na siya nag-abalang lumabas para maghanap ng convenience store sa pag-aalalang may makasalubong na lasing o adik sa kanto. Hindi pa siya pamilyar sa lugar but she once lived in the same kind of community.

Tan might be unaware dahil buong buhay nito, sa maganda at safe na subdivision ito nakatira pero ang bahay na nabili nito para sa kanila, malapit sa disgrasya.

And Elaine wasn’t prepared for that. Hindi na siya kagaya ng dati na buo ang loob at kayang ipagtanggol ang sarili. Sunod-sunod ang experience niya ng panic attacks lately. Natatakot siyang maulit na naman iyon kaya gusto niyang umiwas sa mga lugar na puwedeng mag-trigger sa atake.

Bago mag-alas-siyete ng umaga, lumabas na siya ng kuwarto para maghanap ng pinakamalapit na convenience store para mag-almusal. She found one, three streets away from their house. Nag-take out siya ng ready-to-eat meal at gatas para kay Tan at iniwan iyon sa mesa. Kasama siyempre ng note na ilang beses niyang inulit-ulit isulat kagabi.

Pagkatapos maligo at magbihis, dumeretso siya sa Baclaran para kumustahin si Mang Chito. Ang sabi ni Drew, magdamag na dumaing ng rayuma ang matanda.

Elaine tried convincing him na sumama sa kanya na magpa-checkup pero tumanggi ang matanda. Hindi niya ito gaanong nakulit dahil wala pang tatlong pangungusap, lumarga na naman si Mang Chito para magkulong sa kuwarto nito.

Nalulungkot siya sa cold treatment ng tatay-tatayan pero kagaya ni Tan, hindi niya ito basta-basta mapupuwersang patawarin siya. Three years ago, nag-all out siya sa pagsuway sa mga payo nito.

Pangalawa na si Elaine sa pila nang mapansin ang lalaking nagbabayad sa counter. Likod, buhok, at tayo pa lang, alam na niyang si Marco iyon. Napailing siya nang mapansing kinikilig ang cashier at panay ang sulyap sa lalaki. Kapag talaga ito hindi nag-tally, ewan na lang niya.

Naka-denim jeans at black T-shirt si Marco. Pinatungan nito iyon ng leather brown jacket. Ngumisi siya. Action star na action star ang dating. Feeling Coco Martin. Ang init-init, naka-jacket.

Gusto niyang iwasan ang pulis na ito pero bakit pakiramdam niya, parang naka-schedule, araw-araw silang pinagtatagpo?

Pasimple niyang sinenyasan ang customer sa likuran na mauna na. Ngumiti ito, saka pumalit sa pila niya.

Nakahinga si Elaine nang malalim nang makalabas ng grocery store ang lalaki nang hindi siya napapansin.

Nang mabayaran ang mga pinamili, lumabas na siya ng grocery. It was almost lunch time. Kumakalam na ang sikmura niya.

Dumeretso na siya sa kanyang kotse. Nagulat siya nang makita ang lalaking kampanteng nakasandal sa katawan ng kanyang kotse.

Si Marco, nakangiti sa kanya habang bitbit sa magkabilang kamay ang dalawang plastic bags. Nakita ba siya nito kanina?

In-unlock ni Elaine ang kotse gamit ang remote habang lumalakad palapit. Nag-iisip siya ng effective pero hindi halatang paraan kung paano ito itataboy oras na mangulit ito ng lunch date.

May fiancée na ito at may asawa na siya. Hindi magandang tingnan.

Binuksan niya ang trunk ng kotse. Tinulungan siya ni Marco na maikarga doon ang mga pinamili sa kabila ng pagtanggi niya.

Umikot siya papunta sa driver’s seat, nakasunod pa rin si Marco.

“Pauwi ka na?” tanong nito.

“Busog ako.”

Amused na ngumiti ang loko. “Pasabay naman pauwi. Viejo ka din, ‘di ba?”

Natigil sa akmang pagkabig ng pinto si Elaine. Napatitig siya sa lalaki. Kumunot ang noo niya. “Paano mo—”

“Tito ko ang may-ari ng bahay na inuupahan mo. Six months contract, right? Nakita kitang lumabas doon kaninang umaga.”

Natigilan siya. Inuupahan? Akala niya binili iyon ni Tan. Gusto niyang tumawa sa disappointment. Six months. Saktong-sakto sa end of contract marriage nila ni Tan.

Pero kung tito ni Marco ang may-ari ng bahay, paano nalaman ng lalaking ito na doon din siya nakatira? Nakita raw siya nito. Ibig bang sabihin, malapit lang ang bahay ng tito nito sa bahay nila? Stalker ba niya ito o ano?

“Ako? Of course not,” tanggi nito na parang nababasa ang iniisip niya. 

Duda pa rin siya.

“Pasabayin mo na ‘ko. Wala akong dalang kotse, mahirap maghanap at mag-abang ng taxi.”

“Wala akong tiwala sa ‘yo.”

“Masyado kang judgmental, Elaine. Dapat nga honored ka, eh. Sa dami ng babae diyan na gustong magpapansin sa akin, sa ‘yo na walang shape ang katawan at kaunti lang ang kagandahan ako nakikisabay,” Marco said, smiling mischievously.

She frowned. “Hindi ka dapat nagpulis. Mas bagay kang kriminal. Pervert.”

Binuksan niya ang pinto ng kotse, saka sumakay. Akmang ila-lock na niya iyon pero mabilis nang nakasakay ang lalaki sa backseat.

Nagsalubong ang tingin nila sa rearview mirror.

“I’m okay, drive safely.” Ngumisi ito, cocking his thick eyebrows.

Pinandilatan niya ito ng mga mata. “Huwag ka sabing sumabay, letse ka.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status